-
‘Pangyayarihin ni Jehova na Maibigay ang Katarungan’Ang Bantayan—2006 | Disyembre 15
-
-
8 Pagkatapos ilahad ang salaysay na ito, sinabi ni Jesus ang pagkakapit: “Pakinggan ninyo kung ano ang sinabi ng hukom, bagaman di-matuwid! Kung gayon nga, hindi ba tiyak na pangyayarihin ng Diyos na mabigyan ng katarungan ang kaniyang mga pinili na sumisigaw sa kaniya araw at gabi, bagaman mayroon siyang mahabang-pagtitiis sa kanila? Sinasabi ko sa inyo, Pangyayarihin niya na mabilis silang mabigyan ng katarungan. Gayunpaman, kapag dumating ang Anak ng tao, talaga kayang masusumpungan niya sa lupa ang pananampalataya?”—Lucas 18:1-8.
“Tiyakin Mong Magkakamit Ako ng Katarungan”
9. Anong tema ang idiniriin sa ilustrasyon tungkol sa babaing balo at sa hukom?
9 Napakaliwanag ng pangunahing tema ng mabisang ilustrasyong ito. Binanggit iyon ng dalawang tauhan sa ilustrasyon at ni Jesus mismo. Nakiusap ang balo: “Tiyakin mong magkakamit ako ng katarungan.” Sinabi naman ng hukom: “Titiyakin kong magkamit siya ng katarungan.” Nagtanong si Jesus: ‘Hindi ba tiyak na pangyayarihin ng Diyos na maibigay ang katarungan?’ At tungkol kay Jehova, ganito ang sabi ni Jesus: “Pangyayarihin niya na mabilis silang mabigyan ng katarungan.” (Lucas 18:3, 5, 7, 8) Kailan partikular na ‘pangyayarihin ng Diyos na maibigay ang katarungan’?
10. (a) Kailan inilapat ang katarungan noong unang siglo? (b) Kailan at paano ibibigay ang katarungan sa mga lingkod ng Diyos ngayon?
10 Noong unang siglo, dumating ang “mga araw para sa paglalapat ng katarungan” (o, “mga araw ng paghihiganti,” Kingdom Interlinear) noong 70 C.E. nang wasakin ang Jerusalem at ang templo nito. (Lucas 21:22) Para sa bayan ng Diyos ngayon, ibibigay ang katarungan sa “dakilang araw ni Jehova.” (Zefanias 1:14; Mateo 24:21) Sa panahong iyon, ‘gagantihan ni Jehova ng kapighatian yaong mga pumipighati’ sa kaniyang bayan kapag ‘nagpasapit si Jesu-Kristo ng paghihiganti doon sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at doon sa mga hindi sumusunod sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.’—2 Tesalonica 1:6-8; Roma 12:19.
11. Paano “mabilis” na ibibigay ang katarungan?
11 Ngunit paano natin uunawain ang katiyakang ibinigay ni Jesus na pangyayarihin ni Jehova na “mabilis” na maibigay ang katarungan? Ipinakikita ng Salita ng Diyos na “bagaman mayroon siyang mahabang-pagtitiis,” mabilis na ilalapat ni Jehova ang katarungan kapag sumapit na ang takdang panahon. (Lucas 18:7, 8; 2 Pedro 3:9, 10) Nang sumapit ang Baha noong panahon ni Noe, nalipol agad ang mga balakyot. Gayundin noong panahon ni Lot, napuksa ang mga balakyot nang umulan ng apoy mula sa langit. Sinabi ni Jesus: “Magiging gayundin sa araw na iyon kapag ang Anak ng tao ay isiniwalat.” (Lucas 17:27-30) Muli, daranas ng “biglang pagkapuksa” ang mga balakyot. (1 Tesalonica 5:2, 3) Oo, lubusan tayong makapagtitiwala na dahil makatarungan si Jehova, hindi niya papayagang lumabis pa nang isang araw sa itinakdang panahon ang sanlibutan ni Satanas.
-
-
‘Pangyayarihin ni Jehova na Maibigay ang Katarungan’Ang Bantayan—2006 | Disyembre 15
-
-
14. Bakit hindi tayo dapat mawalan ng pananampalataya sa pagdating ng araw ng paghatol ng Diyos?
14 Kaya naman malaking pagkakamali ang nagagawa ng mga taong nawalan ng pananampalataya sa pagdating ng araw ng paghatol ng Diyos. Bakit? Sa pagkawala ng kanilang matibay na paniniwalang malapit na “ang dakilang araw ni Jehova,” ipinakikita nila sa kanilang pagkilos na nag-aalinlangan sila sa katapatan ni Jehova may kinalaman sa pagtupad sa kaniyang mga pangako. Pero walang karapatan ang sinuman na kuwestiyunin ang katapatan ng Diyos. (Job 9:12) Kaya naman makatuwirang itanong, Mananatili ba tayong tapat? At iyan mismo ang paksang ibinangon ni Jesus sa pagtatapos ng ilustrasyon tungkol sa balo at sa hukom.
“Talaga Kayang Masusumpungan Niya sa Lupa ang Ganitong Pananampalataya?”
15. (a) Anong tanong ang ibinangon ni Jesus, at bakit? (b) Ano ang dapat nating itanong sa ating sarili?
15 Nagbangon si Jesus ng nakaaantig na tanong: “Kapag dumating ang Anak ng tao, talaga kayang masusumpungan niya sa lupa ang ganitong pananampalataya?” (Lucas 18:8, talababa sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References) Ipinahihiwatig ng pananalitang “ganitong pananampalataya” na ang tinutukoy ni Jesus ay hindi ang pananampalataya sa karaniwang diwa nito, kundi ang isang uri ng pananampalataya—ang pananampalatayang tulad ng sa babaing balo. Hindi sinagot ni Jesus ang kaniyang tanong. Ibinangon niya ito upang pag-isipan ng kaniyang mga alagad ang uri ng kanila mismong pananampalataya. Unti-unti ba itong humihina anupat nanganganib silang bumalik sa mga bagay na tinalikuran na nila? O taglay nila ang uri ng pananampalatayang tulad ng sa babaing balo? Dapat din nating tanungin ang ating sarili ngayon, ‘Anong uri ng pananampalataya ang masusumpungan sa akin ng “Anak ng tao”?’
16. Anong uri ng pananampalataya ang tinaglay ng babaing balo?
16 Upang mapabilang tayo sa mga tatanggap ng katarungan mula kay Jehova, kailangan nating tularan ang babaing balo. Anong uri ng pananampalataya ang tinaglay niya? Ipinakita niya ang kaniyang pananampalataya sa pamamagitan ng matiyagang ‘pagparoon sa hukom, na sinasabi, “Tiyakin mong magkakamit ako ng katarungan.”’ Nagpumilit ang balong iyon upang magkamit ng katarungan mula sa isang taong di-matuwid. Sa katulad na paraan, makapagtitiwala ang mga lingkod ng Diyos ngayon na tatanggap sila ng katarungan mula kay Jehova—kahit maghintay sila ng mas mahabang panahon kaysa sa inaasahan nila. Gayundin, ipinakikita nila ang kanilang tiwala sa mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ng matiyagang pananalangin—oo, sa pamamagitan ng ‘pagsigaw kay Jehova araw at gabi.’ (Lucas 18:7) Sa katunayan, kung titigil ang isang Kristiyano sa pananalangin para maibigay ang katarungan, ipinakikita niyang nawalan na siya ng tiwalang kikilos si Jehova alang-alang sa kaniyang mga lingkod.
17. Anu-anong dahilan mayroon tayo para magmatiyaga sa pananalangin at panatilihin ang ating pananampalataya sa tiyak na pagdating ng araw ng paghatol ni Jehova?
17 Ipinakikita sa atin ng partikular na kalagayan ng balong iyon na mayroon tayong karagdagang mga dahilan para magmatiyaga sa pananalangin. Tingnan ang ilang pagkakaiba ng kaniyang situwasyon at ng situwasyon natin. Patuloy na lumalapit ang balo sa hukom kahit walang sinuman na nagpapasigla sa kaniya na gawin iyon, pero lubha tayong pinasisigla ng Salita ng Diyos na ‘magmatiyaga sa pananalangin.’ (Roma 12:12) Walang katiyakan ang balo na pagbibigyan ang mga kahilingan niya, pero tinitiyak sa atin ni Jehova na ibibigay niya ang katarungan. Sa pamamagitan ng kaniyang propeta, ganito ang sabi ni Jehova: “Kung iyon man ay magluwat, patuloy mong hintayin iyon; sapagkat iyon ay walang pagsalang magkakatotoo. Hindi iyon maaantala.” (Habakuk 2:3; Awit 97:10) Walang katulong ang babaing balo na makiusap para sa kaniya upang maging mas mapuwersa ang kaniyang kahilingan. Pero mayroon tayong makapangyarihang katulong, si Jesus, “na nasa kanan ng Diyos, na nakikiusap din para sa atin.” (Roma 8:34; Hebreo 7:25) Kaya naman, kung sa kabila ng kaniyang mahirap na situwasyon ay patuloy na nakiusap ang babaing balo sa hukom sa pag-asang mabibigyan siya ng katarungan, dapat na lalo nating panatilihin ang ating pananampalataya sa tiyak na pagdating ng araw ng paghatol ni Jehova!
18. Paano mapatitibay ng panalangin ang ating pananampalataya at matutulungan tayong makamit ang katarungan?
18 Itinuturo sa atin ng ilustrasyon tungkol sa babaing balo na may malapit na kaugnayan ang panalangin at pananampalataya at na mapaglalabanan natin ang mga impluwensiyang makapagpapahina sa ating pananampalataya sa tulong ng ating matiyagang pananalangin. Sabihin pa, hindi ito nangangahulugang solusyon na sa kawalan ng pananampalataya ang pakitang-taong pananalangin. (Mateo 6:7, 8) Inilalapit tayo sa Diyos ng panalangin at pinatitibay nito ang ating pananampalataya kapag nananalangin tayo dahil batid natin na lubusan tayong nakadepende sa Diyos. At yamang kailangan ang pananampalataya para tayo maligtas, hindi nakapagtatakang nadama ni Jesus na kailangang pasiglahin ang kaniyang mga alagad na “lagi silang manalangin at huwag manghimagod”! (Lucas 18:1; 2 Tesalonica 3:13) Totoo na hindi nakadepende sa ating mga panalangin ang pagdating ng “dakilang araw ni Jehova”—darating iyon ipanalangin man natin o hindi. Pero nakasalalay ang pagkakamit natin ng katarungan at kaligtasan sa digmaan ng Diyos sa uri ng pananampalatayang taglay natin at sa landasing itinataguyod natin kaakibat ng ating mga panalangin.
19. Paano natin pinatutunayan na matibay ang ating paniniwalang ‘pangyayarihin ng Diyos na maibigay ang katarungan’?
19 Gaya ng natatandaan natin, nagtanong si Jesus: “Kapag dumating ang Anak ng tao, talaga kayang masusumpungan niya sa lupa ang ganitong pananampalataya?” Ano ba ang sagot sa kaniyang nakaaantig na tanong? Napakaligaya natin na milyun-milyong tapat na mga lingkod ni Jehova sa buong daigdig ngayon ang nagpapatunay sa pamamagitan ng kanilang mga panalangin, pagtitiis, at pagtitiyaga na talagang taglay nila ang ganitong pananampalataya! Kaya naman, ang tanong ni Jesus ay masasagot ng oo. Oo, sa kabila ng kawalang-katarungang nararanasan natin sa sanlibutan ni Satanas, matibay ang paniniwala natin na “pangyayarihin ng Diyos na mabigyan ng katarungan ang kaniyang mga pinili.”
-