Milyun-milyong mga Patay Ngayon ang Mabubuhay Uli
MILYUN-milyong mga patay ngayon ang mabubuhay uli—anong nakapupukaw na pag-asa! Ngunit ito kaya ay makatotohanan? Ano ang kakailanganin upang makumbinsi ka? Upang makapaniwala sa isang pangako, kailangang tiyakin mo na ang isang nangangako ay kapuwa kusang tutupad at makatutupad naman nito. Sino, kung gayon, ang nangangako na milyun-milyong mga patay ngayon ang mabubuhay uli?
Noong tagsibol ng 31 C.E., si Jesu-Kristo ay buong-lakas ng loob na nagsabi na siya’y binigyang-kapangyarihan ng Diyos na Jehova na buhayin ang mga patay. Ipinangako ni Jesus: “Kung papaanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at sila’y binubuhay, gayundin naman binubuhay ng Anak ang kaniyang mga ibigin. Huwag ninyong ipanggilalas ito, sapagkat dumarating ang oras na lahat ng mga nasa alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang [kay Jesus na] tinig at magsisilabas.” (Juan 5:21, 28, 29) Oo, si Jesu-Kristo ay nangako na milyun-milyong mga patay ngayon ang mabubuhay uli sa lupang ito at may pag-asang manatili rito magpakailanman. (Juan 3:16; 17:3; ihambing ang Awit 37:29 at Mateo 5:5.)a Yamang si Jesus ang nangako, makatuwirang isipin na siya’y handang tuparin iyan. Ngunit magagawa kaya niya iyan?
Ayon sa ulat ng Bibliya, hanggang sa panahon na ginawa ni Jesus ang pangakong iyan, siya’y hindi pa nakagagawa ng pagbuhay kaninuman. Ngunit wala pang dalawang taon ang nakalipas, kaniyang ipinakita sa makapangyarihang paraan na siya’y kapuwa handang gawin ang pagbuhay at magagawa niya ito.
“Lasaro, Lumabas Ka!”
Iyon ay isang tanawing nakababagbag ng damdamin. Malubhang-malubha ang sakit ni Lasaro. Ang kaniyang dalawang kapatid na babae, si Maria at si Marta, ay nagpasabi kay Jesus, na nasa kabilang ibayo ng Ilog Jordan: “Panginoon, narito! siya na iyong iniibig ay may-sakit.” (Juan 11:3) Oo, totoong iniibig ni Jesus ang pamilyang ito. Siya’y nagiging panauhin sa kanilang tahanan sa Betania, marahil madalas. (Lucas 10:38-42; ihambing ang Lucas 9:58.) Ngunit ngayon ang mahal na kaibigan ni Jesus ay napakalubha ang sakit.
Ano nga ba ang inaasahan ni Maria at ni Marta na gagawin ni Jesus? Hindi nila hiniling sa kaniya na siya’y pumaroon sa Betania. Ngunit batid nila na mahal ni Jesus si Lasaro. Hindi kaya ibig ni Jesus na makita ang kaniyang kaibigang may-sakit? Walang pagsalang sila’y umaasa na makahimalang siya’y pagagalingin ni Jesus. Siyanga pala, nang panahong ito sa kaniyang ministeryo, si Jesus ay nakagawa na ng maraming himala ng pagpapagaling, at kahit na malayo ay hindi nakahahadlang iyon sa kaniya. (Ihambing ang Mateo 8:5-13.) Hindi kaya niya gawin iyon para sa isang mahal na kaibigan? Nakapagtataka nga, sa halip na pumunta sa Betania karakaraka, si Jesus ay nanatili pa nang may dalawang araw sa lugar na kinaroroonan niya noon.—Juan 11:5, 6.
Si Lasaro ay namatay makalipas ang kaunting panahon matapos maipadala ang pasabi tungkol doon, marahil sa panahon na tanggapin na ni Jesus ang balita. (Ihambing ang Juan 11:3, 6, 17.) Subalit hindi na kailangan na pasundan pa ang pasabing iyon. Alam ni Jesus kung kailan namatay si Lasaro, at layunin niya na kumilos tungkol doon. Sa pagsasalita tungkol sa pagkamatay ni Lasaro, sinabi niya sa kaniyang mga alagad: “Si Lasaro na ating kaibigan ay namamahinga, ngunit ako’y paroroon upang gisingin ko siya sa pagkakatulog.” (Juan 11:11) Una pa rito’y dalawa katao na ang binuhay ni Jesus sa mga patay, sa dalawang kasong iyan ay ginawa niya iyon hindi pa natatagalan pagkatapos mamatay ang tao.b Subalit, sa sandaling ito ay may pagkakaiba. Nang sa wakas ay sumapit na si Jesus sa Betania, ang kaniyang mahal na kaibigan ay apat na araw nang patay. (Juan 11:17, 39) Magagawa kaya ni Jesus na buhayin ang sinuman na patay na nang ganiyang katagal at ang bangkay ay nagsisimula nang maagnas?
Nang mabalitaan na darating si Jesus, si Marta, isang babaing alisto sa pagkilos, ay nagtatakbo palabas upang salubungin siya. (Ihambing ang Lucas 10:38-42.) Nang mga sandaling masalubong na niya si Jesus, inudyukan siya ng kaniyang puso na sabihin: “Panginoon, kung ikaw sana’y narito disin sana’y hindi namatay ang aking kapatid.” Gayunman, kaniyang ipinahayag ang kaniyang pananampalataya: “At ngayon nama’y nalalaman ko na anumang hingin mo sa Diyos, ay ipagkakaloob sa iyo ng Diyos.” Palibhasa’y nahabag sa kaniyang pagdadalamhati, tiniyak sa kaniya ni Jesus: “Babangon ang iyong kapatid.” Nang kaniyang ipakilala ang kaniyang pananampalataya sa isang panghinaharap na pagkabuhay-muli, malinaw na sinabi sa kaniya ni Jesus: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Ang nagsasagawa ng pananampalataya sa akin, bagaman siya’y mamatay, ay mabubuhay.”—Juan 11:20-25.
Nang makarating sa pinaglibingan, iniutos ni Jesus na ang batong nakatakip sa pintuan niyaon ay alisin. Sa simula ay tumutol si Marta: “Panginoon, sa ngayon ay nabubulok na ang bangkay, sapagkat may apat na araw na.” Ngunit sa kaniya’y tiniyak ni Jesus: “Di baga sinasabi ko sa iyo na kung ikaw ay sasampalataya iyong makikita ang kaluwalhatian ng Diyos?” Nang magkagayon, pagkatapos manalangin nang malakas, kaniyang iniutos, “Lasaro, lumabas ka!” Sa utos na iyan ni Jesus si Lasaro ay lumabas, bagaman siya’y may apat na araw nang patay!—Juan 11:38-44.
Talaga Bang Nangyari Ito?
Ang ulat ng pagbuhay kay Lasaro ay inilalahad sa Ebanghelyo ni Juan bilang isang tunay na pangyayari sa kasaysayan. Ang mga detalye ay totoong napakalinaw upang ito ay maging isang talinghaga lamang. Ang pag-aalinlangan sa bagay na ito bilang tunay na pangyayari sa kasaysayan ay pag-aalinlangan sa lahat ng mga himala sa Bibliya, kasali na ang pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo mismo.c At ang pagtatatuwa sa pagkabuhay-muli ni Jesus ay pagtatatuwa sa buong pananampalatayang Kristiyano.—1 Corinto 15:13-15.
Sa katunayan, kung tatanggapin mo na umiiral ang Diyos, hindi ka magkakaroon ng suliranin sa pagsasagawa ng pananampalataya sa pagkabuhay-muli. Bilang halimbawa: Maaaring magawa ng isang tao na irekord sa videotape ang kaniyang huling habilin at testamento, at pagkamatay niya siya ay maaaring mapanood at marinig ng kaniyang mga kamag-anak at mga kaibigan, sa talaga, samantalang kaniyang ipinaliliwanag kung ano ang dapat na gawin sa kaniyang naiwang ari-arian. Noong isandaang taon ang lumipas, ang ganiyang bagay ay di-maubos-maisip. At sa ilang mga tao ngayon na namumuhay sa mga liblib na bahagi ng daigdig, ang “himala” ng pagrerekord sa video ay hindi maubos-maisip. Kung ang siyentipikong mga simulain na itinatag ng Maylikha ay magagamit ng mga tao upang muling itindig ang gayong nakikita at naririnig na tanawin, hindi baga makapupong higit ang magagawa ng Maylikha? Kung gayon, hindi baga makatuwiran na isiping ang Isang lumikha sa buhay ay makabubuhay ng isang tao sa pamamagitan ng paglikhang-muli sa kaniyang personalidad at paglalagay niyaon sa isang bagong kalilikhang katawan?
Ang himala ng pagbuhay kay Lasaro ay nagsisilbing pagpapalaki ng pananampalataya kay Jesus at sa pagkabuhay-muli. (Juan 11:41, 42; 12:9-11, 17-19) Sa isang nakaaantig na paraan, ito’y nagsisiwalat din ng kusang pagnanais at hangarin ng Diyos na Jehova at ng kaniyang Anak na ganapin ang pagbuhay-muli.
‘Ang Diyos ay Magnanasa’
Ang pagtugon ni Jesus sa pagkamatay ni Lasaro ay nagsisiwalat ng isang napakalumanay na katangian ng Anak ng Diyos. Ang kaniyang matinding damdamin sa okasyong ito ay malinaw na nagpapakita ng kaniyang matinding hangarin na buhayin ang mga patay. Ating mababasa: “Si Maria nga, pagdating niya sa kinaroroonan ni Jesus at pagkakita sa kaniya, ay nagpatirapa sa kaniyang paanan, na sinasabi sa kaniya: ‘Panginoon, kung ikaw sana’y narito, disin sana’y hindi namatay ang aking kapatid.’ Nang makita nga ni Jesus na siya’y tumatangis at gayundin ang mga Judiong nagsisitangis na kasama niyang dumating, naghinagpis siya sa espiritu at nagulumihanan; at kaniyang sinabi: ‘Saan ninyo siya inilagay?’ Sinabi nila sa kaniya: ‘Panginoon, halika at tingnan mo.’ Tumangis si Jesus. Sinabi nga ng mga Judio: ‘Tingnan ninyo, anong laki ng pagmamahal niya sa kaniya!’ ”—Juan 11:32-36.
Ang taus-pusong pagkahabag ni Jesus ay ipinakikita rito ng tatlong pananalita: “naghinagpis,” “nagulumihanan,” at “tumangis.” Ang orihinal-wikang mga salitang ginamit ni apostol Juan sa pagsulat sa nakababagbag na tanawing ito ay nagpapakita ng antas ng lalim ng damdamin ni Jesus.
Ang salitang Griego na isinaling “naghinagpis” ay galing sa isang pandiwa (em·bri·maʹo·mai) na ang ibig sabihin ay masaklap, o labis na naantig. Ganito ang sabi ng komentarista ng Bibliya na si William Barclay: “Sa karaniwang klasikong Griego ang kadalasang gamit ng [em·bri·maʹo·mai] ay tungkol sa isang kabayong humahalinghing. Dito’y walang ibang kahulugan ito kundi na ang gayong katinding damdamin ang nangibabaw kay Jesus na anupa’t isang di-kinukusang paghihinagpis ang nanggaling sa Kaniyang puso.”
Ang pananalitang isinaling “nagulumihanan” ay galing sa isang salitang Griego (ta·rasʹso) na nagpapakita ng kaligaligan. Sang-ayon sa The New Thayer’s Greek-English Lexicon of the New Testament, ito’y nangangahulugan na “pangyarihin na ang isa’y magkaroon ng panloob na pagkaligalig, . . . pangyarihin na magkaroon ng malaking kalungkutan o kapighatian.” Ang pananalitang “tumangis” ay galing sa isang pandiwang Griego (da·kryʹo) na ang ibig sabihin ay “lumuha, tumangis nang tahimik.” Ito ay kabaligtaran ng ‘pagtangis’ ni Maria at ng mga Judiong kasama niya, na binanggit sa Juan 11:33. Doon ang salitang Griego (galing sa klaiʹo) na ginamit ay nangangahulugan na tumangis nang naririnig o nang malakas.d
Kung gayon, si Jesus ay lubhang naantig ang damdamin sa pagkamatay ng kaniyang mahal na kaibigan na si Lasaro at sa pagkakita sa pagtangis ng kapatid ni Lasaro. Ganiyan na lang ang sama ng loob ni Jesus anupa’t ang kaniyang mga mata ay nalaglagan ng mga luha. Ang lubhang kapansin-pansin ay na noong nakaraan dalawa ang binuhay ni Jesus. At sa pagkakataong ito ang talagang layunin niya ay buhayin din si Lasaro. (Juan 11:11, 23, 25) Gayunman, siya’y “tumangis.” Ang pagbuhay sa mga tao, kung gayon, ay hindi lamang isang patakaran para kay Jesus. Ang kaniyang malumanay at matinding damdamin na ipinakita sa pagkakataong ito ay malinaw na nagpapakilala ng kaniyang matinding hangaring pawiin ang pinsalang nagawa ng kamatayan.
Yamang si Jesus ‘ang tunay na larawan ng Diyos na Jehova,’ matuwid na asahan natin na ganiyang-ganiyan din ang ating makalangit na Ama. (Hebreo 1:3) Tungkol sa sariling pagkukusa ni Jehova na ganapin ang pagkabuhay-muli, ang tapat na taong si Job ay nagsabi: “Kung ang isang malakas na tao ay mamatay mabubuhay pa kaya siya? . . . Ikaw ay tatawag, at ako mismo ay sasagot sa iyo. Ikaw ay magnanasa sa gawa ng iyong mga kamay.” (Job 14:14, 15) Ang orihinal-wikang salita na isinaling “ikaw ay magnanasa” ay tumutukoy sa taimtim na pagnanasa at hangarin. (Genesis 31:30; Awit 84:2) Maliwanag, sadyang inaasam-asam ni Jehova ang pagkabuhay-muli.
Talaga bang tayo’y makapaniniwala sa ipinangakong pagkabuhay-muli? Bueno, walang pagsalang si Jehova at ang kaniyang Anak ay kapuwa handa at magagawa nila na tuparin ito. Ano ba ang kahulugan nito para sa iyo? Ikaw ay may pag-asa na muling makakasama mo ang iyong nangamatay na mga mahal sa buhay dito mismo sa lupa sa ilalim ng mapayapang mga kalagayan!
Iyan ngayon ang pag-asa ni Roberta (gaya ng binanggit sa naunang artikulo). Mga ilang taon pagkatapos na mamatay ang kaniyang ina, siya’y tinulungan ng mga Saksi ni Jehova na gumawa ng maingat na pag-aaral sa Bibliya. Naaalaala pa niya: “Pagkatapos na maalaman ko ang tungkol sa pag-asa sa pagkabuhay-muli, ako’y napaiyak. Kagila-gilalas malaman na makikita ko uli ang aking ina.” Kung ang iyong puso ay ganiyan din ang hangarin na makita uli ang isang mahal sa buhay, tiyak na nanaisin mong matuto pa nang higit tungkol sa kahanga-hangang pag-asang ito. Ang katiyakan ng pag-asang ito ay tinatalakay ng higit pa sa mga pahina 18-28 ng magasing ito.
[Mga talababa]
a Tingnan ang artikulong “Magsagawa ng Pananampalataya Ukol sa Buhay na Walang-Hanggan,” sa mga pahina 23-8.
b Kaunting panahon ang lumipas pagkatapos na salitain ni Jesus ang pangakong nasusulat sa Juan 5:28, 29 at maganap ang pagkamatay ni Lasaro, ang ibinangon ni Jesus ay ang anak na binata ng biyuda ng Nain at ang anak na babae ni Jairo.—Lucas 7:11-17; 8:40-56.
c Tingnan ang kabanata 6, “Ang mga Himala—Talaga bang Nangyari ang mga Ito?” sa aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? lathala ng Watch Tower Bible and Tract Society of New York, Inc.
d Kapuna-puna, ang salitang Griego ukol sa pagtangis nang naririnig (klaiʹo) ay ginamit ni Jesus nang kaniyang ihula ang napipintong pagkapuksa ng Jerusalem. Ang ulat ni Lucas ay nagsasabi: “Nang malapit na siya, nakita niya ang lunsod [ng Jerusalem] at ito’y kaniyang tinangisan.”—Lucas 19:41.
[Larawan sa pahina 5]
Ang pagbuhay ni Jesus sa anak na babae ni Jairo ay nagbibigay ng batayan ng pananampalataya sa isang hinaharap na pagkabuhay-muli ng mga patay
[Larawan sa pahina 6]
Si Jesus ay lubhang naantig ang damdamin sa pagkamatay ni Lasaro
[Larawan sa pahina 7]
Ang kagalakan niyaong mga nakasaksi sa pagkabuhay-muli ay magiging katulad ng kagalakan ng biyuda ng Nain na ang anak na lalaki ay binuhay-muli ni Jesus