Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Matalino ba para sa isang Kristiyano na namatay ang kabiyak na manatiling walang asawa sa pag-asang muli silang magkakasama sa hinaharap?
Anong inam nga na ang isang Kristiyano ay umiibig sa kaniyang kabiyak kahit na pagkatapos na ang isang iyan ay mamatay! Ang mga iba na nasa ganitong katayuan ay nanatiling walang asawa, hindi dahil sa sila’y kontento sa pananatiling walang asawa, kundi sa pag-asa na maipagpatuloy pa rin nila ang relasyong pangmag-asawa pagkatapos ng pagkabuhay-muli. Bagaman nadarama rin natin ang damdaming makatao na nasa likod ng mga pag-asang iyon, hinihimok namin ang gayong mga tao na isaalang-alang ang mga ilang punto sa Bibliya.
Halimbawa, may kaugnayan sa bagay na iyan ang mga salita ni apostol Pablo: “Nakatali ang babae sa kaniyang asawa habang nabubuhay ito. Ngunit kung mahimbing sa kamatayan ang kaniyang asawa, malaya siyang mag-asawa sa sinumang nais niya, ngunit sa nasa Panginoon lamang. Ngunit magiging lalo siyang maligaya kung manatili siya sa gayong kalagayan.” (1 Corinto 7:39, 40) Ipinakikita nito na ang buklod ng pag-aasawa ay natatapos pagkamatay ng isa sa mag-asawa. Isang kagandahang-loob ng Diyos na ipaalam ito sa mga Kristiyano, sapagkat sa ganoon maaaring timbang-timbangin ng mga biyuda at mga biyudo ang kanilang emosyonal at iba pang mga pangangailangan pagka nagpapasiya kung sila baga’y muling mag-aasawa; sila’y hindi nakatali sa yumao.—1 Corinto 7:8, 9.
Datapuwat, ipinakikita ba ng Bibliya kung ang mga bubuhayin ay makapag-aasawa o maipagpapatuloy ang dating pag-aasawa na tinapos ng kamatayan? Isang salaysay ang waring may kaugnayan sa tanong na ito. Tungkol ito sa mga Saduceo na, bagaman hindi man lamang naniniwala sa pagkabuhay-muli, ay nagsilapit kay Jesus upang siluin siya. Kanilang iniharap ang problemang ito tungkol sa pag-aasawa sa mga bayaw: “May pitong magkakapatid na lalaki; at ang una ay nag-asawa at namatay na walang anak. Kaya’t ang ikalawa, at ang ikatlo ay nag-asawa sa biyudang ito.a Samakatuwid lahat silang pito: wala silang naiwang mga anak, kundi nangamatay silang lahat. Sa katapus-tapusan, ang babae ay namatay rin. Kaya ngayon, sa pagkabuhay-muli, sino sa kanila ang magiging asawa ng babaing ito?”—Lucas 20:27-33; Mateo 22:23-28.
Ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Kautusan, subalit isang nahahawig na suliranin ang maaaring bumangon tungkol sa kanila. Halimbawa: Si Brother at Sister C——ay ikinasal at nagkaanak ng dalawa. Pagkatapos ay namatay ang lalaki. Siya’y mahal ni Sister C——at nangungulilang totoo sa kaniya, ngunit ang babaing ito ay nangangailangan ng isang makakasama, ng susustento sa kaniya, ng makikipagtalik sa kaniya, at tutulong sa pagpapalaki ng kaniyang mga anak. Kaya’t kaniyang pinakasalan si Brother M——, na ang gayon ay naaayon din naman sa Kasulatan gaya ng unang pag-aasawa niya. Nang malaunan ang lalaki ay nagkasakit at namatay. Kung ang dating mga asawa niya ay bubuhaying-muli at puwede naman ang pag-aasawa, sino ba ang kaniyang pakakasalan?
Pag-isipan ang tugon ni Jesus sa mga Saduceo: “Ang mga anak ng sistemang ito ng mga bagay ay nagsisipag-asawa at pinapag-aasawa, ngunit ang mga inaaring karapat-dapat magkamit ng sistemang iyon ng mga bagay at ng pagkabuhay-muli buhat sa mga patay ay hindi nag-aasawa ni pinag-aasawa man. Sa katunayan, hindi na rin sila maaaring mamatay pa, sapagkat kahalintulad na sila ng mga anghel, at sila’y mga anak ng Diyos palibhasa’y mga anak ng pagkabuhay-muli. Datapuwat tungkol sa pagbabangon ng mga patay ito rin ay isiniwalat ni Moises . . . nang kaniyang tawagin si Jehova na ‘ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob.’ Siya nga’y hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy, sapagkat silang lahat ay buháy sa kaniya.”—Lucas 20:34-38; Mateo 22:29-32.
May paniwala ang iba na ang tinutukoy rito ni Jesus ay yaong makalangit na pagkabuhay-muli, subalit may mga dahilan upang maniwala na ang kaniyang tugon ay tungkol sa makalupang pagkabuhay-muli sa darating na “sistema ng mga bagay.” Ano bang mga dahilan ang nasa likod ng ganitong paniwala? Yaong mga nagtatanong sa kaniya ay hindi naniniwala sa kaniya o may kaalaman man sila tungkol sa isang makalangit na pagkabuhay-muli. Sila’y nagtanong tungkol sa isang pamilyang Judio na nasa ilalim ng Kautusan. Bilang tugon ay binanggit ni Jesus si Abraham, si Isaac, at si Jacob, mga taong umaasang mabubuhay-muli sa lupa. (Genesis 42:38; Job 14:13-15; ihambing ang Hebreo 11:19.) Ang mga patriarkang iyon, at angaw-angaw pang mga iba, na ibabangon dito sa lupa at magpapatunay na tapat ay magiging ‘kahalintulad ng mga anghel.’ Bagaman mortal, sila’y hindi mamamatay pagka sila’y inaring matuwid na ng Diyos para sa walang-hanggang buhay.
Dahilan sa mga emosyon ng tao sa ngayon baka ito’y maging isang mahirap na konklusyon na tanggapin. Subalit pansinin na saanman ay hindi sinasabi ng Bibliya na ang pagbuhay-muli ng Diyos sa mga tapat ay nangangahulugan ng pagsasauli nila sa kanilang dating kalagayan bilang may asawa. Samakatuwid, walang sinumang naniniwala na kung si Aquila at si Priscila ay nagtamo ng buhay sa langit, sila’y magpapatuloy roon na mag-asawa. (Gawa 18:2) At si Jose at si Maria ay maliwanag na mamumuhay sa nagkakaibang mga dako—si Jose ay sa lupa at si Maria naman ay sa langit. (Juan 19:26; Gawa 1:13, 14) Yamang wala sa atin ang nakapamuhay na sa langit, hindi natin masabi kung ano ang magiging damdamin doon nina Aquila, Priscila, at Maria, subalit matitiyak natin na sila’y lubusang makukontento sa kanilang makalangit na paglilingkod.
Sa katulad na paraan, tayo ay hindi kailanman nabuhay bilang sakdal na mga tao. Kaya naman hindi natin matitiyak kung ano ang magiging damdamin natin tungkol sa nakalipas na mga relasyon kung sakali at pagka tayo’y nagkamit na ng sakdal na buhay bilang tao sa isang paraiso. Makabubuting tandaan natin na nang gawin ni Jesus ang ganiyang pangungusap siya ay isang sakdal na tao at samakatuwid ay nasa isang lalong mainam na katayuan kaysa atin upang maunawaan ang damdamin ng mga tao na “inaaring karapat-dapat magkamit ng sistemang iyan ng mga bagay.” Makapagtitiwala rin tayo na si Jesus ay ‘nakikiramay sa ating kasalukuyang mga kahinaan.’ (Hebreo 4:15) Kaya kung nahihirapan ang isang Kristiyano na tanggapin ang konklusyon na ang mga bubuhaying-muli ay hindi na mag-aasawa, matitiyak niya na ang Diyos at si Kristo ay maunawain. At siya’y maaaring maghintay na lamang upang makita kung ano ang magaganap.
Walang dahilan ngayon na labis na ipakadiin ang bagay na ito. Ang salmista ay sumulat: “Alamin na si Jehova ay Diyos. Siya ang gumawa sa atin, at hindi tayo sa ating sarili. Tayo ang kaniyang bayan at ang mga tupa ng kaniyang pastulan . . . Magpasalamat sa kaniya, purihin ang kaniyang pangalan. Sapagkat si Jehova ay mabuti.” (Awit 100:3-5) Ang ating butihing Diyos ay tunay na maglalaan nang sagana para sa ating tunay na mga pangangailangan kung tayo’y ‘inaaring karapat-dapat magkamit ng sistemang iyan ng mga bagay.’—Job 34:10-12; Awit 104:28; 107:9.
Ang kabutihan ng Diyos ay nababanaag din sa kaniyang pagpapaalam sa atin na ang pagkamatay ng isang kabiyak ang tumatapos sa pagsasama ng mag-asawa. (Roma 7:2) Kaya dapat malaman ng sinumang naulila sa asawa na siya ay libreng makapag-asawa uli ngayon kung iyan ay waring kinakailangan o siyang pinakamagaling. Ang mga iba ay muling nag-asawa, sa gayo’y natutulungan ito na sapatan ang kanilang kasalukuyang mga pangangailangan at pati niyaong kanilang pamilya. (1 Corinto 7:36-38; Efeso 6:1-4) Kung gayon, ang isang Kristiyano na namatayan ng kabiyak ay hindi dapat makadama na siya’y obligado na manatiling walang asawa ngayon dahil sa umaasa siyang siya at ang kaniyang dating asawa ay muling magsasama pagka binuhay-muli rito sa lupa sa darating na sistema.
[Mga talababa]
a Pagka ang isang Israelita ay namatay bago nagkaanak ng lalaki ang kaniyang asawang babae na tatanggap ng mana, ang kapatid na lalaki ng taong iyon ay kailangang maging asawa ng biyuda upang magkaanak ng lalaki sa babaing ito.—Deuteronomio 25:5-10.