Ang Tanda—Patotoo ba na ang Bagong Sanlibutan ay Malapit Na?
“Ang bansa ay titindig laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian: at magkakaroon ng taggutom, at mga salot, at mga lindol, sa [iba’t ibang] dako.”—Mateo 24:7, King James Version.
SAMANTALANG naglalagablab ang Digmaang Pandaigdig I, ang mga salitang ito ay sinipi ng The Watch Tower, Abril 15, 1917, at ganito ang sabi: “Nakikita natin ngayon ang isang bahagi ng katuparan ng makahulang pangungusap na ito, sa bagay na halos lahat ng bansa sa lupa ay kasangkot sa nakamamatay na pagbabaka-bakang ito. Ang maaaring makuhang pagkain ay sa lahat ng dako paunti nang paunti at patuloy na lumalaki naman ang gastos sa pamumuhay.”
Ngayon, 71 taon ang nakalipas, sa mga mambabasa ay itinatawag-pansin pa rin ng magasing ito ang hulang ito. Tatlong sinaunang historyador ang sumulat ng hulang ito bilang bahagi ng “tanda” na ibinigay ni Jesu-Kristo.—Mateo 24:3, 7; Marcos 13:4, 8; Lucas 21:7, 10, 11.
Mula noong 1914, daan-daang milyong buhay ang nautas ng mga digmaan, taggutom, salot, at iba pang mga kapahamakan. Sa The New Encyclopædia Britannica (1987) ay nakatala ang 63 “Pangunahing makasaysayang mga lindol” na naganap noong nakalipas na 1,700 taon. Sa kabuuang ito, 27, o 43 porsiyento, ang naganap mula noong 1914. Ang aklat na Terra Non Firma, na sina Propesor Gere at Shah ang autor, ay may listahan na sumasaklaw ng isang lalong mahabang yugto ng panahon. Sa kabuuang “makahulugang” mga lindol sa listahang iyon, 54 porsiyento ang naganap na sapol noong 1914.a Kahit na ipagpalagay natin na di-kompleto ang mga rekord noong nakalipas na mga siglo, hindi natin maiiwasan ang konklusyon na sa panahon natin ang sangkatauhan ay lubhang naapektuhan ng mga lindol.
Isang bagay na lalong nakasisindak ang nakagimbal sa puso ng mga tao nang pasabugin ang mga bomba atomika sa Hapon sa mga lunsod ng Hiroshima at Nagasaki. Ang mga bansang nuklear ngayon ay mayroong napakaraming armas para sa lansakang paglipol na anupa’t ang sangkatauhan ay pinagbabantaan ng pagkalipol. Gaya ng isinulat ng historyador na si Lucas tungkol sa hula ni Jesus: “Magkakaroon ng mga bagay na kakila-kilabot at ng mga dakilang tanda na nasa langit. . . at sa lupa ay manggigipuspos ang mga bansa, na hindi alam kung paano lulusutan iyon. . . samantalang nanlulupaypay ang mga tao dahil sa takot at sa paghihintay sa mga bagay na darating sa tinatahanang lupa.”—Lucas 21:11, 25, 26.
Bagaman magkasundo ang mga superpower na bawasan ang mga bilang ng mga ilang armas sa kanilang mga arsenal, hindi mababawasan ng gayong mga kasunduan ang takot ng tao sa mararahas na krimen, pagguho ng ekonomiya, at terorismo. “Ang pinakamalaking nakababahala sa mga tao sa ngayon,” ang sabi ng isang pahayagan sa Aprika, “ay ang kanilang sariling personal na kaligtasan. . . . Ang krimen ay naging baliw na. . . ; laganap ang takot.” Oo, inihula ni Jesus na “ang paglago ng katampalasanan” ay isa pang tumpak na detalye ng tanda.—Mateo 24:12.
“Mabuting Balita”
Datapuwat, magiginhawahan ka kung maririnig mo na ang nakalulunos na mga pangyayaring kababanggit lamang ay inihula na may kasabay na “mabuting balita [na] ipangangaral sa buong tinatahanang lupa.” (Mateo 24:14) Ang “mabuting balita” ay tungkol sa Kaharian ng Diyos. Ngayon pa lamang, ang nakatataas-sa-taong pandaigdig na pamahalaan ay nakatipon na ng angaw-angaw na mga tapat na sakop. Sa hindi na magtatagal ay mamamagitan ito sa mga pamamalakad ng tao at sasapatan ang pangangailangan ng tao ng isang matuwid na bagong sanlibutan.—Lucas 21:28-32; 2 Pedro 3:13.
Marami ang basta tatanggi sa “mabuting balita” dahilan sa kawalang-paniniwala nila. Sinasabi naman ng iba na sila’y naniniwala rito, subalit bahagya lamang silang kumikilos kung tungkol dito. Ang iba’y kumikilos ng kaunting panahon, pagkatapos ay nagsisimula silang mag-alinlangan. Ang ganiyan bang negatibong mga pagkilos ay inihula rin bilang bahagi ng tanda? Lalong mahalaga, paano ka personal na makikinabang buhat sa ganitong tanda?
[Talababa]
a Sa The World Book Encyclopedia (1987) ay nakatala ang 37 “mga pangunahing lindol,” mula noong 526 C.E. patuloy. Sa listahang ito, 65 porsiyento ang naganap na sapol noong 1914.