“Sa Iba’t Ibang Dako ay mga Salot”
SA MGA salitang iyon sa itaas, na masusumpungan sa Lucas 21:11, ang pagdami ng mga salot ay ibinigay bilang isa sa mga bahagi ng tanda ng mga huling araw. Sa Apocalipsis 6:8, ang mga salot na iyon ay inilalarawan ng pagtakbo ng isang maputlang kabayo, ang ikaapat na kabayo sa Apocalipsis kabanata 6. Ang kolumnistang si Lawrence Hall ay nagharap ng mga tampok na bahagi buhat sa isang bagong aklat ni Andrew Nikiforuk na pinamagatang The Fourth Horseman: A Short History of Epidemics, Plagues, Famine and Other Scourges. Ang mga ito’y lumitaw sa pitak ni Hall sa Star-Ledger, sa Newark, New Jersey, Pebrero 25, 1994. Ang mga halaw mula sa pitak ay ang sumusunod.
“Ang Ikaapat na mangangabayo ng Apocalipsis ay kumakaripas nang takbo sa desperadong mga panahong ito. Ang sangkatauhan ay nanganganib sa higit na paraan—sa kabila ng lahat ng kahanga-hanga, bagong mga teknolohiya at mga pagsulong sa mga siyensiya ng medisina. Maraming antibiotic, na dati’y pinuri bilang himalang mga gamot, ay walang bisa sa lakas ng makabagong mga sakit. . . .
“‘Bagaman ang . . . mga gamot at mga bakuna ay maaaring lumikha ng isang ilusyon ng kakayahan, ang salot ay patuloy na magpapagunita sa masa na ang pinakabatang siyensiya ng medisina ay nakalampin pa, at malamang na marumi pa’ . . . Hindi ko layon na takutin kayo, subalit ang Ikaapat na Mangangabayo na metapora ay talagang totoo. Ang tuberkulosis ay minsan pang dumarami. Ang virus ng AIDS ay patuloy na pumapatay ng libu-libo taun-taon sa ibayo ng globo . . . Ang iba pang sakit na gaya ng tipus, dipterya, kolera, anthrax at malarya ay mapanganib na nagbabanta—na labis na ipinangangamba ng mga propesyonal sa kalusugan at ng madla sa pangkalahatan. . . .
“Ang bawat makasaysayang yugto ng panahon sa sangkatauhan ay lumikha ng bagong mga sakit. . . . Ang panahon ng Renaissance ay sinalot ng sipilis, ang bulutong ay dinala sa mga lupain sa Amerika sa pagdating ni Columbus, at ang AIDS ngayon ay minsan pang nagbabanta sa atin. . . . Gayunman, may bagong mga salot at mga epidemya na nagsisimula habang ang sangkatauhan ay tila natatalo sa pakikipagbaka nito sa mga mikrobyo. . . . Ang bilang ng mga taong may nasupil na mga sistema ng imyunidad ay dumarami.” Sinabi rin ni Nikiforuk na “‘isa sa pinakamalaking kasinungalingan ng ika-20 siglo [ay] na nailigtas na tayo ng mga antibiotic, bakuna at mga doktor mula sa salot. . . .
“‘Gaano man ang ating pagsisikap, hindi natin madaig ang makabagong malalakas na sakit, suhulan mo ang Mangangabayo o huwag mong pansinin ang hindi mababagong pag-iral ng salot sa kasaysayan.’”