Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w87 1/15 p. 21-22
  • Mga Lindol—Sunud-sunod na Paghihirap

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Lindol—Sunud-sunod na Paghihirap
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang mga Lindol na Inihula ng Bibliya
  • Kung Bakit Dumami ang Pagdurusa na Likha ng Lindol
  • Kaginhawahan Buhat sa Lahat ng Pagdurusa
  • Mga Lindol, Hula ng Bibliya, at Ikaw
    Gumising!—2002
  • Malalakas na Lindol—Ano ang Inihula ng Bibliya Tungkol Dito?
    Iba Pang Paksa
  • Hula 1. Lindol
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Pagsusuri sa Isang Lindol
    Gumising!—2002
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
w87 1/15 p. 21-22

Mga Lindol​—Sunud-sunod na Paghihirap

“KAKILA-KILABOT. Kami ay napahamak na. Yao’y mistulang isang karagatan, isang malawak na dagat, lahat ay gumagalaw.”

Ganiyan ang sabi ng isa sa mga nakaligtas sa pinakanakalalagim na lindol na napaulat kailanman. Ang mamiminsalang lindol na iyan ay sumapit noong 1976 sa Tsina, anupa’t pinatag ang siyudad ng Tangshan at pumuti ng mga 800,000 buhay. Kataka-taka man, ang nakaligtas na taong iyon ay nakipagpunyagi upang makaahon sa dumagan na nagibang otel at sumambulat sa layong may 20 milya kuwadrado (52 sq km) ng napinsalang bahagi ng lunsod.

Ang ganiyang mga pangyayari ay nakaapekto sa higit na maraming tao sa panahon natin kaysa noong mga lumipas na siglo, anupa’t sa buong daigdig ay tumatawag ng pansin ang mga lindol. Angaw-angaw ang napinsala at nawalan ng ari-arian, at angaw-angaw pa rin ang nangasawi. Ang malalakas na lindol ay naging paulong-balita sa buong globo. Ang lindol noong 1985 na pumatay ng mahigit na 9,000 katao sa Siyudad ng Mexico ay nakaantig ng damdamin sa buong daigdig, at nagpakilos sa mga bansa na dagliang magbigay ng tulong sa siyudad na iyan.

Ang pag-aaral ng mga siyentipiko ng mga lindol ay lalong tumindi, at modernong teknolohiya ang ginagamit ngayon. Ang lakas ng mga lindol ay karaniwan nang sinusukat ng Richter scale at ang matataas na numero ay nagpapakilala na aryahan ang lalong maraming enerhiya. Subalit, kung ikaw ay inabot ng isang lindol, makukuha mo pa kayang isipin ang tungkol sa Richter rating? Malamang na hindi na. Ang pag-iisipan mo ay kung papaano ka makaliligtas. Hindi komo alam mo ang lakas ng lindol ayon sa Richter scale ay mababago na ang iyong sariling karanasan.

Ang mga Lindol na Inihula ng Bibliya

Sa isang hula na may maraming bahagi, doo’y kasaling binanggit ni Jesu-Kristo ang mga lindol na nagsasabi: “Magkakaroon ng . . . mga lindol sa iba’t ibang dako.” Siya’y humula rin: “Magkakaroon ng malalakas na lindol.” Ang kabuluhan ng mga ito ay nasa kaugnayan sa mga iba pang bahagi ng kaniyang hula na tungkol sa isang salinlahi na makakasaksi ng pambihirang kombinasyon ng digmaan, taggutom, salot, karahasan, takot, at kahirapan sa buong globo. Ang katuparan ang bubuo ng “tanda” ng pagluklok ni Jesus bilang Hari ng Kaharian ng Diyos at palatandaan na pumasok na sa kaniyang mga huling araw ang sistema ng sanlibutan. “Ang tanda,” kasali na ang bahaging may kinalaman sa lindol, ay nasasaksihan sapol noong 1914.​—Mateo 24:3, 7-12; Lucas 21:11, 25, 26, 31, 32.

Maraming seismologists ang naniniwala na ang mga lindol ay hindi gaanong marami o lalong madalas ngayon kaysa noong nakaraan. Sa kabaligtaran naman, ang iba ay nagsasabi na ang ating salinlahi ay dumaranas ng lalong madalas na mga lindol kaysa noong mga nakaraang salinlahi. Batay sa taglay nating mga ulat ngayon, ang ika-20 siglo ang nakaranas ng lalong maraming lindol kaysa noong nakalipas. Ang mga lathalain ng Watch Tower Society ay paulit-ulit na tumawag pansin sa bagay na ito, at itinampok ang pangangahulugan ng Bibliya sa mga lindol na nagaganap sapol noong 1914.a

Gayunman, ang mga rekord ng lindol bago sumapit ang 1914 ay hindi kompleto. Ang mga naunang salinlahi ay wala rin namang siyentipikong mga paraan ng pagsukat na magagamit natin upang mapaghambing natin ang lakas ng mga lindol noong nakaraan at sa kasalukuyan. Ang ibig bang sabihin nito ay na hindi natin makikilala ang katuparan ng hula ni Jesus?

Hindi, hindi nga. Maliwanag na nakini-kinita ni Jesus na hindi mapapaulat sa kasaysayan ang lahat ng mga lindol na dumating bago ng taóng 1914 at na ang mga sinaunang salinlahi ay hindi magkakaroon ng tumpak na mga instrumento sa pagsukat sa lindol, gaya ng kung paano nakini-kinita niya ang mga ibang kalagayan ng panahon natin. Kaya naman, hindi niya sinalita ang hula sa paraan na upang makilala ang katuparan ay kakailanganin pa ang mga rekord ng lindol buhat sa mga naunang siglo o nang naunang pagsukat ng mga instrumento. Hindi sinabi ni Jesus na ang bilang ng mga lindol sa “mga huling araw” ay magiging X beses ang dami kaysa bilang ito sa anumang naunang yugto ng panahon, at hindi rin naman niya sinabi na nakikita natin ang pinakamalalakas na lindol kailanman. (2 Timoteo 3:1) Hindi siya nangusap na gaya ng isang seismologist.

Ang pansin ni Jesus ay itinuon niya sa karanasan ng tao. Ang mga lindol ay magiging bahagi ng “pasimula ng mga hapdi ng pagdurusa.” (Mateo 24:8) Ang pagdurusa ay hindi sinusukat ng mga instrumento. Ang paghihirap ng mga tao ang siyang panukat ng isang kalamidad kasali na ang lindol. Upang matupad ang hula ni Jesus, ang pagdurusa na likha ng mga lindol ay kailangang makita ng malawakan. Ang pagkilala sa lindol bilang bahagi ng hula ay hindi samakatuwid depende sa mga kapritso ng mga tao sa pag-iingat ng mga rekord o sa siyentipikong pagsukat ng lakas na resulta ng lindol. Ang kasalukuyang mga ulat ng mga lindol ay mariing nagpapatunay sa lawak ng pagdurusa ng tao dahil sa mga lindol.

Kung Bakit Dumami ang Pagdurusa na Likha ng Lindol

Maliwanag na nalalaman ni Jesus na “magpuputok” ang dami ng tao sa daigdig at na ang mga gawain ng tao ay hahantong sa ‘pagpapahamak sa lupa.’ (Apocalipsis 11:18) Sa katunayan, ang dami ng tao sa daigdig ay halos tatlong suson sapol noong 1914. Sa naunang mga siglo, ang isang lindol na may sapat na lakas ay karaniwan nang mas kakaunting mga tao ang naaapektuhan kaysa naaapektuhan nito ngayon.

Halimbawa na lang ang Tangshan. Ito’y isa lamang munting bayan-bayanan hanggang noong 1870’s. Kung ang lindol noong 1976 ay noon sumapit, ang bilang ng mga nasawi ay hindi hihigit pa sa munting bilang ng mga tao roon. Noong 1879 ay nagsimula ang pag-unlad ng mga industriya. Nang sumapit ang 1970’s ang populasyon ay umabot sa mahigit na isang milyon, at nahahanda na ang lugar na iyon para sa grabeng kasakunaan noong 1976.

Isa pa, ang mga paghahambing-hambing na walang batayan kundi ang Richter scale ay maaaring nakapagliligaw. Halimbawa, ang lindol sa Alaska noong 1964 ay pumatay ng 115 katao at 8.5 sa Richter scale. Ang lindol sa Tangshan ay 8.2 na mas mababa. Alin ba ang talagang mas malakas na lindol? Kung susukatin sa dami ng mga taong nasawi sa halip na sa Richter scale, maliwanag na mas grabe ang lindol sa Tangshan, at ito ang pinakamalubha sa ika-20 siglo. Ang mga instrumento ay hindi makasusukat ng lawak ng pagdurusa ng mga tao.

Kaginhawahan Buhat sa Lahat ng Pagdurusa

Gaya ng inihula ni Jesus, ang karanasan ng sangkatauhan sapol noong 1914 ay wala kundi “mga hapdi ng pagdurusa,” at isa na sa may gawa nito ay ang mga lindol. Kaniyang ipinakita ang kahulugan nito, nang sabihin: “Pagka nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na malapit na ang kaharian ng Diyos. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi lilipas sa anumang paraan ang lahing ito hanggang sa maganap ang lahat ng bagay.” Ano ba ang magiging kahulugan niyan para sa mga alagad ni Jesus? “Pagsisimula ng mga bagay na ito,” aniya, “tumayo na kayo nang tuwid at itaas ang inyong mga ulo, sapagkat nalalapit na ang inyong kaligtasan.”​—Lucas 21:28, 31, 32.

Hindi na magtatagal ngayon, ang pagdurusa, kasali na yaong likha ng mga lindol, ay hindi na mararanasan ng sangkatauhan. Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, bawat luha ng pamimighati ay papahirin magpakailanman. Iyan ang pag-asang nakalaan para sa mga tao ng lahing ito. At iyan ay maaaring maging pag-asa mo kung ikaw ay tutugon sa katuparan ng isa pang bahagi ng hula ni Jesus, ang mensahe na ngayo’y ibinabalita sa buong daigdig ng mga Saksi ni Jehova: “Ang mabuting balita ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.”​—Mateo 24:14; Apocalipsis 21:3, 4.

[Talababa]

a Tingnan ang “Mga Lindol​—Isang Tanda ba ng Wakas?” sa Ang Bantayan ng Nobyembre 15, 1983.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share