Ang Kawili-wiling mga Cronica ni Josephus
MATAGAL nang binubulay-bulay ng mga estudyante ng kasaysayan ang kawili-wiling mga akda ni Josephus. Palibhasa’y ipinanganak apat na taon lamang pagkamatay ni Kristo, siya’y naging saksi sa nakapangingilabot na katuparan ng hula ni Jesus tungkol sa bansang Judio noong unang siglo. Si Josephus ay isang kumander sa militar, isang diplomatiko, isang Fariseo, at isang iskolar.
Ang mga akda ni Josephus ay punung-punô ng nakagagayumang mga detalye. Nililiwanag nito ang canon ng Bibliya habang naglalaan ng mga giya sa panitikan para sa topograpiya at heograpiya ng Palestina. Hindi nga kataka-taka na itinuturing ng marami na isang mahalagang karagdagan sa kanilang aklatan ang kaniyang mga akda!
Ang Kaniyang Buhay Nang Bata Pa
Si Joseph ben Matthias, o Josephus, ay ipinanganak noong 37 C.E., ang unang taon ng paghahari ng Romanong emperador na si Caligula. Ang ama ni Josephus ay kabilang sa pamilya ng mga saserdote. Ang kaniyang ina, ayon sa kaniyang pag-aangkin, ay mula sa angkan ng mataas na saserdoteng Hasmonaean na si Jonathan.
Samantalang nasa kaniyang kabataang gulang, si Josephus ay isang masugid na estudyante ng Batas Mosaico. Maingat na sinuri niya ang tatlong sekta ng Judaismo—ang mga Fariseo, ang mga Saduceo, at ang mga Essene. Palibhasa’y panig siya sa huli, nagpasiya siyang manirahan nang tatlong taon sa ilang kasama ng isang ermitanyo na ang pangala’y Bannus, na malamang na isang Essene. Nang lisanin ito sa edad na 19, si Josephus ay nagbalik sa Jerusalem at nakisama sa mga Fariseo.
Patungo sa Roma at Bumalik
Si Josephus ay naglakbay patungo sa Roma noong 64 C.E. upang mamagitan alang-alang sa mga saserdoteng Judio na ipinadala ng procurador na Judiong si Felix kay Emperador Nero para litisin. Sa naranasang pagkawasak ng bapor sa paglalakbay, namingit sa kamatayan ang buhay ni Josephus. Ang nailigtas ay 80 lamang sa 600 pasahero sa bapor.
Nang dumalaw si Josephus sa Roma, ipinakilala siya ng isang aktor na Judio sa asawa ni Nero, ang emperatris na si Poppaea. Gumanap siya ng isang mahalagang papel sa ikapagtatagumpay ng kaniyang misyon. Ang karilagan ng lunsod ay nag-iwan ng walang-pagkupas na impresyon kay Josephus.
Nang bumalik si Josephus sa Judea, nakatanim na nang malalim sa isipan ng mga Judio ang paghihimagsik laban sa Roma. Tinangka niyang ikintal sa kaniyang mga kababayan ang kawalang-saysay ng pakikidigma laban sa Roma. Nang hindi sila mapigil at malamang na sa takot na siya’y pagbintangang isang traidor, tinanggap niya ang atas bilang kumander ng mga kawal na Judio sa Galilea. Tinipon at sinanay ni Josephus ang kaniyang mga sundalo at nanguha ng mga kinakailangang suplay bilang paghahanda sa digmaan laban sa puwersang Romano—subalit nawalan ng kabuluhan. Bumagsak ang Galilea sa hukbo ni Vespasian. Pagkaraan ng 47-araw na pagkubkob, ang kuta ni Josephus sa Jotapata ay nasakop.
Nang siya’y sumuko, may-katalinuhang inihula niya na di na magtatagal at magiging emperador si Vespasian. Bagaman nakabilanggo ngunit hindi naman pinarusahan dahil sa hulang ito, pinalaya si Josephus nang ito’y magkatotoo. Noon nagkaroon ng malaking pagbabago sa kaniyang buhay. Sa pagpapatuloy pa ng digmaan, naglingkod siya sa mga Romano bilang tagapagsalin at tagapamagitan. Upang ipahayag ang pagtangkilik ni Vespasian at ng kaniyang mga anak na lalaking sina Tito at Domitian, idinagdag ni Josephus ang apelyidong Flavius sa kaniyang pangalan.
Ang mga Akda ni Flavius Josephus
Ang pinakamatandang isinulat ni Josephus ay pinamagatang The Jewish War. Pinaniniwalaan na inihanda niya ang pitong-tomong ulat na ito upang iharap sa mga Judio ang isang maliwanag na paglalarawan ng nakalalamang na lakas ng Roma at upang mahadlangan ang mga paghihimagsik sa hinaharap. Sinusuring mabuti ng mga akdang ito ang kasaysayan ng mga Judio mula sa pagkabihag sa Jerusalem ni Antiochus Epiphanes (noong ikalawang siglo B.C.E.) hanggang sa magulong tunggalian noong 67 C.E. Bilang saksi, tinalakay ni Josephus ang digmaan na sumasaklaw sa sumunod na dekada at nagtatapos noong 73 C.E.
Ang isa pang akda ni Josephus ay ang The Jewish Antiquities, isang 20-tomong kasaysayan ng mga Judio. Nagsisimula sa Genesis at paglalang, ito’y nagpatuloy hanggang sa pagsiklab ng digmaan laban sa Roma. Sinunod na mabuti ni Josephus ang pagkakasunud-sunod ng pagsasalaysay sa Bibliya, na dinaragdagan ng tradisyunal na pagsasalin at mga pagpuna sa panlabas.
Sumulat si Josephus ng isang personal na pagsasalaysay na pinamagatan lamang na Life. Dito ay sinikap niyang bigyang-katuwiran ang kaniyang paninindigan sa panahon ng digmaan at nagtangkang pagaanin ang mga bintang laban sa kaniya ni Justus ng Tiberias. Ang ikaapat na akda—dalawang-tomong pagbibigay-katuwiran na pinamagatang Against Apion—ay nagtatanggol sa mga Judio laban sa maling paglalarawan.
Matalinong Unawa sa Salita ng Diyos
Walang alinlangan na marami sa kasaysayang isinulat ni Josephus ay may kawastuan. Sa kaniyang akdang pinamagatang Against Apion, ipinakita niya na hindi kailanman isinama ng mga Judio ang mga aklat ng Apocripa bilang bahagi ng kinasihang Kasulatan. Nagbigay siya ng patotoo sa kawastuan at panloob na pagkakasuwato ng maka-Diyos na mga akda. Sinabi ni Josephus: “Hindi kami nagtataglay ng katakut-takot na mga aklat, na nagtatalo at nagkakasalungatan sa isa’t isa, . . . kundi dalawampu’t dalawang aklat lamang [ang katumbas ng ating modernong paghahati ng Kasulatan sa 39 na aklat], na naglalaman ng mga rekord ng lahat ng nakaraang panahon; na makatuwirang paniwalaang galing sa Diyos.”
Sa The Jewish Antiquities, nagdaragdag si Josephus ng nakaaakit na mga detalye sa ulat ng Bibliya. Sinabi niya na “si Isaac ay dalawampu’t limang taóng gulang” nang talian siya ni Abraham sa kamay at paa para ihain. Ayon kay Josephus, pagkatapos tumulong sa paggawa ng altar, sinabi ni Isaac na “ ‘hindi siya karapat-dapat na isilang nang una, kung tatanggihan niya ang kalooban ng Diyos at ng kaniyang ama’ . . . Kaya siya’y pumunta sa altar karaka-raka upang ihain.”
Sa maka-Kasulatang ulat ng paglisan ng Israel mula sa sinaunang Ehipto, idinaragdag ni Josephus ang mga detalyeng ito: “Ang bilang ng tumugis sa kanila ay anim na raang karwahe, kasama ang limampung libong mangangabayo, at dalawang daang libong impanteriya, lahat ay nasasandatahan.” Sinabi rin ni Josephus na “nang si Samuel ay labindalawang taóng gulang, siya’y nagsimulang humula: at minsan nang siya’y natutulog, tinawag siya ng Diyos sa kaniyang pangalan.”—Ihambing ang 1 Samuel 3:2-21.
Ang iba pang mga akda ni Josephus ay naglaan ng matalinong unawa sa pagbubuwis, mga batas, at mga pangyayari. Pinanganlan niya si Salome bilang ang babaing nagsayaw sa salu-salo ni Herodes at siyang humiling ng ulo ni Juan na Tagapagbautismo. (Marcos 6:17-26) Karamihan sa ating napag-alaman tungkol sa mga Herodes ay iniulat ni Josephus. Sinabi pa man din niya na “upang itago ang kaniyang katandaan, kinulayan [ni Herodes] ng itim ang kaniyang buhok.”
Ang Dakilang Paghihimagsik Laban sa Roma
Pagkalipas lamang ng 33 taon pagkatapos na ibigay ni Jesus ang kaniyang hula hinggil sa Jerusalem at sa templo nito, ang katuparan nito ay nagsimulang makita. Ang radikál na mga pangkat ng mga Judio sa Jerusalem ay desididong iwaksi ang pamatok ng Roma. Noong 66 C.E., ang mga balita tungkol dito ay nag-udyok upang ihanda at ipadala ang hukbong Romano sa ilalim ng Siryanong gobernador na si Cestius Gallus. Ang kanilang misyon ay sugpuin ang paghihimagsik at parusahan ang mga nagkasala. Pagkatapos pinsalain ang labas ng Jerusalem, ang mga kawal ni Cestius ay nagkampo sa palibot ng napapaderang lunsod. Sa paggamit ng isang pamamaraan na tinatawag na testudo, matagumpay na napagsanib-sanib ng mga Romano ang kani-kanilang kalasag na gaya ng bahay ng pagong bilang proteksiyon laban sa mga kaaway. Bilang patunay sa tagumpay ng pamamaraang ito, sinabi ni Josephus: “Ang mga ipinanà ay nangahulog, at dumausdos anupat hindi sila napinsala; kaya nga ang mga sundalo’y nakahukay sa ilalim ng pader, nang hindi nasasaktan, at naihanda ang lahat para sunugin ang pintuan ng templo.”
“Nangyari nga,” sabi ni Josephus, “na tinawag ni Cestius . . . ang kaniyang mga sundalo mula sa dakong iyon . . . Umurong siya mula sa lunsod, nang walang kadahi-dahilan.” Bagaman maliwanag na walang intensiyon si Josephus na dakilain ang Anak ng Diyos, iniulat ni Josephus ang mismong aksiyon na pinakahihintay ng mga Kristiyano sa Jerusalem. Iyon na nga ang katuparan ng hula ni Jesu-Kristo! Ilang taon na ang nakaraan nang magbabala ang Anak ng Diyos: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napapaligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na. Kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok, at yaong mga nasa gitna niya ay umalis, at yaong nasa mga lalawiganing dako ay huwag nang pumasok sa kaniya; sapagkat ang mga araw na ito ay para sa paglalapat ng katarungan, upang ang lahat ng mga bagay na nasusulat ay matupad.” (Lucas 21:20-22) Gaya ng tagubilin ni Jesus, mabilis na tumakas mula sa lunsod ang tapat na mga tagasunod niya, nanatiling malayo, at nakaligtas sa katakut-takot na hirap na nangyari roon pagkatapos.
Nang bumalik ang mga sundalong Romano noong 70 C.E., iniulat ni Josephus sa maliwanag na detalye ang kinahinatnan. Ang pinakamatandang anak ni Vespasian, si Heneral Tito, ay dumating upang sakupin ang Jerusalem, pati na rin ang kahanga-hangang templo nito. Sa loob ng lunsod, ang naglalabang mga pangkat ay nagsikap na mangibabaw. Sila’y napilitang magsagawa ng sukdulang pamamaraan, at dumanak ang napakaraming dugo. Ang ilan “ay gayon na lamang ang pagdurusa sanhi ng kanilang panloob na kalamidad, anupat minabuti pa nilang lumusob na ang mga Romano,” sa pag-asang sila’y “maililigtas mula sa kanilang lokal na kahirapan,” sabi ni Josephus. Tinawag niya ang mga insurekto na “mga magnanakaw” na sumisira sa mga ari-arian ng mayayaman at pumapaslang sa importanteng mga lalaki—yaong pinaghihinalaang handang makipagkompromiso sa mga Romano.
Sa gitna ng digmaang sibil, ang kalagayan ng buhay sa Jerusalem ay bumulusok sa di-maguguniguning kalaliman, at ang mga patay ay hindi na mailibing. Ang mga mapaghimagsik mismo “ay naglabanan sa isa’t isa, samantalang nayayapakan ang patung-patong na mga bangkay.” Nilooban nila ang mga tao, anupat pumapatay dahil sa pagkain at kayamanan. Patuloy ang pananangis ng mga nagdadalamhati.
Masidhing pinayuhan ni Tito ang mga Judio na isuko ang lunsod at sa gayo’y mailigtas ang kanilang sarili. “Isinugo [niya] si Josephus upang makipag-usap sa kanila sa sarili nilang wika; dahil inisip niya na sila’y madadala sa panghihimok ng sariling kababayan.” Ngunit sinisi pa nila si Josephus. Sumunod ay nagtayo si Tito ng isang pader ng matutulis na tulos sa palibot ng lunsod. (Lucas 19:43) Taglay ang kawalan ng pag-asa na makatakas at paghihigpit sa kanilang mga kilos, ang pagkakagutom “ay sumakmal sa mga tao nang lahatan sa mga tahanan at mga pamilya.” Ang patuloy na digmaan ay nakaragdag pa sa bilang ng mga namatay. Bagaman hindi namamalayan na tinutupad ang hula sa Bibliya, sinakop ni Tito ang Jerusalem. Sa dakong huli, habang pinagmamasdan ang napakalaking mga pader at nakukutaang mga tore, napabulalas siya: “Walang iba kundi ang Diyos ang siyang nagpalayas sa mga Judio mula sa mga kutang ito.” Mahigit na isang milyong Judio ang nasawi.—Lucas 21:5, 6, 23, 24.
Pagkatapos ng Digmaan
Pagkatapos ng digmaan ay nagtungo si Josephus sa Roma. Palibhasa’y tinatangkilik ng angkan ng mga Flaviano, siya’y tumira sa dating palasyo ni Vespasian bilang isang mamamayang Romano at tumanggap ng imperyal na pensiyon kasama ng mga kaloob mula kay Tito. Pagkatapos ay ipinagpatuloy ni Josephus ang isang pampanitikang karera.
Kapansin-pansin din na maliwanag na nilikha ni Josephus ang terminong “Teokrasya.” Tungkol sa bansang Judio, sumulat siya: “Ang ating pamahalaan . . . ay maaaring tawaging isang Teokrasya, sa pamamagitan ng pagpapalagay na ang awtoridad at ang kapangyarihan ay mula sa Diyos.”
Hindi kailanman inangkin ni Josephus na siya’y isang Kristiyano. Hindi siya sumulat sa ilalim ng pagkasi ng Diyos. Gayunman, may nagliliwanag na makasaysayang halaga sa kawili-wiling mga cronica ni Josephus.
[Larawan sa pahina 31]
Si Josephus sa tabi ng mga pader ng Jerusalem