Masada—Patotoo ba na Naparito Na ang Mesiyas?
ANG pagdanak ng dugo sa ngalan ng relihiyon ay naging isang paulit-ulit na salot sa kasaysayan. Kasali na rito ang Masada, sapagkat ang mga tagapagtanggol nito ay may motibo na udyok ng kapusukan sa kanilang relihiyon. Kung dadalawin mo ang mga dakong hinukay sa Masada, makikita mo ang kaguhuan ng isang sinagoga na kung saan ang mga lalaking de-punyal ay nagtitipon para sa pagsamba at sa rituwal na paliligo para sa kalinisan sa kanilang relihiyon.
Nakatagpo rin sa Masada ng pira-pirasong bahagi ng Bibliya. Marahil ay itatanong mo kung papaano kayang ang kaalaman sa Bibliya na nakuha ng mga lalaking de-punyal ay maihahambing sa ating nababasa sa Bibliya ngayon? Si Dr. Yigael Yadin, sa kaniyang aklat na Masada, ay sumulat tungkol sa unang natuklasan doon:
“Sa isang dagling pagsusuri sa lugar ay kaagad naming nasabi na iyon ay isang piraso buhat sa Aklat ng mga Awit, at nakilala pa man din namin ang mga kabanata: ang seksiyon ay sumasakop ng Awit 81 hanggang Awit 85. . . . Posible na makilala ang petsa niyaon nang wala mang bahagyang duda. Posible na ang petsa niyaon ay hndi na lalampas pa sa taóng 73 A.D., ang taon ng pagbagsak ng Masada. . . . Ang seksiyong ito buhat sa Aklat ng mga Awit, tulad ng iba pang mga biblikal na balumbon na aming natagpuan nang malaunan, ay halos kaparehong-kapareho . . . ng teksto ng mga aklat ng Bibliya na ating ginagamit sa ngayon.”
Maliwanag, ang mga lalaking de-punyal ay may paniwala na ang kanilang pag-aalsa laban sa Roma ay pagpapalain ng Banal na Autor ng Kasulatang Hebreo. Gaya ng paliwanag ng The Universal Jewish Encylopedia: “Ang panatikong sigasig ng mga Judio sa Dakilang Digmaan laban sa Roma (66-73 C.E.) ay pinatibay ng kanilang paniwala na ang panahong Mesiyaniko ay malapit nang dumating. Ang pagkawasak ng Templo ay nagpatindi lamang ng mga haka-haka tungkol sa pagparito ng Mesiyas.”
Ang Pagparito ng Mesiyas
“Ang mga Judiong masigasig sa mga ideyang mesiyaniko,” ang sabi ng The Encyclopedia of Religion, “ay kadalasan nagbabase ng kanilang mga kalkulasyon sa Aklat ni Daniel.” Totoo naman, ang propetang Hebreo na si Daniel ay humula sa pagparito ng “Mesiyas na Lider.” (Daniel 9:25) Sa dalawa pang pag-uulat, sinabi ni Daniel na ang Mesiyas ay magiging Pinunò ng sanlibutan at lahat ng sumasalansang na mga pamahalaan ng tao ay lilipulin ng Kaniyang Kaharian.—Daniel 2:44; 7:13, 14.
Ang unang-siglong mga rebolusyonaryong Judio ay may paniwala na sumapit na ang panahon para sa katuparan ng makahulang pangitaing ito. “Ang higit sa lahat na pumukaw sa kanila na lumaban sa digmaan,” ang sabi ni Josephus, “ay [ang paniwala] na sa panahong iyon isang kababayan nila ang magiging pinunò ng sanlibutan.” Ngunit inihula ni Daniel na ang Mesiyanikong Lider ay kinakailangan munang “putulin” at pagkatapos ng kaniyang kamatayan ang Jerusalem at ang templo nito ay wawasakin ng ‘mga tauhan ng ibang lider na darating.’—Daniel 9:25, 26.
Ang Paniwala ng mga Judio Tungkol sa Pamamahala ng mga Gentil
Ang unang-siglong Judea ay nababahagi sa pagitan ng ilang mayayaman at maraming mga dukha. May mayayamang mga Judio, lalo na sa mga Saduceo at mga Fariseo, na nagpapahalaga sa kapangyarihan na ipinahintulot ng Roma na taglayin nila sa lupain, at kanilang hinahamak ang karaniwang mga mamamayan. Kaya naman, sila’y salungat sa anumang pag-iisip na mag-alsa, at sa halip ay ang mapayapang pakikipag-ugnayan sa Roma ang kanilang itinataguyod.—Lucas 16:14; 19:45, 46; Juan 2:14; 7:47-49; 11:47, 48.
Sa kabilang dako, ang karaniwang mga taga-Judea ay dumanas ng kahirapan sa ipinapapasang mga buwis ng mga Romano at ng kanilang sariling mapaniil na mga kababayan. Hindi nila ikinatutuwa na sila’y nasa ilalim ng di-umano’y Pax Romana (Kapayapaang Romano) kundi ibig nila ng pagbabago. Ang nagkakasalungatang mga intereses na ito ay nagbunga ng kakila-kilabot na paglalaban-laban ng mga mamamayan. “Ang isang grupo ay desidido na manakop,” ang isinulat ni Josephus, “ang isa naman ay desididong gumawa ng karahasan at nakawan ang mayayaman.”
Halimbawa, ninanakawan at pinapatay ng mga lalaking de-punyal ang kanilang mga kapuwa Judio at ipinagmamatuwid ang mga karahasang ito bilang parusa sa mga Judio na ipinagpapalagay na nakikipagtulungan sa Roma. Isang rabbi noong ikalawang siglo, si Johanan ben Torta, ay nagbigay ng ganitong dahilan ng kalamidad na sumapit sa mga Judio noong unang siglo: “Sila’y gahaman sa salapi at napopoot sa isa’t isa.”
Hindi nga katakataka na ang mga Judiong tunay na natatakot sa Diyos ay nasasabik sa pagdating ng Mesiyas, na kanilang inaasahang magbabagsak sa pamamahalang Romano at magtatatag ng isang matuwid na Kaharian ng Diyos. Ngunit mga taong magdaraya ang nagsamantala sa mga pag-asang ito.
Mga Bulaang Mesiyas
Mga taóng 33 C.E. noon, isang Judiong lider na nagngangalang Gamaliel ang nagpaalaala sa kaniyang mga kapuwa pinunò ng Jerusalem: “Bago pa ang mga araw na ito . . . ay lumitaw naman si Judas ng Galilea noong mga araw ng [ang] pagpapatala, at nakahila siya ng maraming tagasunod. Subalit ang taong iyan ay nalipol din, at ang lahat ng sa kaniya’y nagsisunod ay pawang nagsipangalat.”—Gawa 5:36, 37.
“Ang pagpapatala” na resulta ng pag-aalsa ni Judas ay inorganisa noong 6 C.E. para lumikom ng mga buwis para sa Roma. Sang-ayon kay Josephus ipinahayag ni Judas na ang mga Judio “ay mga duwag kung sila’y magbabayad ng buwis sa mga Romano.” Ang pangalang Judas ay galing sa pangalang Juda, na nagpapahiwatig na siya’y buhat sa angkan na doon inaasahang manggagaling ang Mesiyas. (Genesis 49:10) “Dahil sa kaniyang kahusayang magtalumpati at sa katanyagan ng kaniyang mga iniaaral, marami ang naakit na sumama sa kaniya, na karamihan sa kanila’y Mesiyas ang turing sa kaniya,” ang sabi ng McClintock and Strong’s Cyclopædia.
Pansinin na sinasabi ng Gawa 5:37 na ang mga tagasunod ng Judas na ito ay hindi naman nalipol na kasama niya. Ang kaniyang kilusan, sang-ayon sa Judiong iskolar na si Gaalya Cornfeld, “ay nakapagbaon ng malalalim na ugat at mesiyanikong pag-asa.” Sa katunayan, dalawang lider ng mga lalaking de-punyal, sina Menahem at Eleazar, ay buhat sa angkan ng Judas na iyan ng Galilea. Sa pasimula ng paghihimagsik ng mga Judio noong 66 C.E., ang kaniyang mga tagasunod ay binigyan ni Menahem ng mga armas na dating nakaimbak sa Masada. Pagkatapos, “siya’y nagbalik na mistulang hari sa Jerusalem” at “naging lider ng rebolusyon.” “Halos tiyak,” ang susog ng Encyclopaedia Judaica, “na si Menahem [anak ni] Juda ay itinuring na isang Mesiyas.”
Subalit, nang mismong taóng iyan, si Menahem ay pinaslang ng mga miyembro ng isang karibal na kilusang rebolusyonaryo ng mga Judio. Ang kaniyang mga tagasunod ay nagsitakas at nagsibalik sa Masada, na kung saan si Eleazar ang nanguna sa mga lalaking de-punyal hanggang 73 C.E. Ang talumpati ni Eleazar na nanghihimok magpatiwakal ay kababanaagan ng maling mga turo ng kaniyang ninunong si Judas: “Malaon na, matatapang na mga kasama ko, tayo’y desididong maglingkod hindi sa mga Romano ni sa kanino pa mang iba kundi sa Diyos lamang.”
Walang Kinikilingan ang mga Kristiyanong taga-Judea
Bago naganap ang pag-aalsa ng mga Judio noong 66 C.E., nakapagtatag na sa Judea ng mga kongregasyong Kristiyano, at mangyari pa, kasali ang kongregasyon ng Jerusalem. (Gawa 9:31) Ang mga ito ay binubuo ng mga Judiong naniniwala na si Jesus ng Nasaret ang Mesiyas na ang kamatayan at ang pagkabuhay-muli ay naihula. (Gawa 2:22-36) Ang mga Kristiyanong Judio ay masigasig na nagpalaganap ng kanilang mga paniwala, samantalang mapayapang naghihintay sa ikalawang pagparito ng Mesiyas, bilang pinunò ng daigdig. Ipinaalam ni Jesus na siya’y magbabalik “pagkatapos ng mahabang panahon.”—Mateo 25:19, 31; 28:19, 20; Gawa 1:8-11.
Ngunit minsang sumiklab na ang paghihimagsik ng mga Judio noong 66 C.E., ano ba ang nagsilbing proteksiyon sa mga Kristiyanong iyon sa Judea upang huwag padala sa mga unang tagumpay niyaon? Walang alinlangan na kanilang naalaala ang babala ng kanilang Panginoon: “Lahat ng humahawak ng tabak ay sa tabak mamamatay.” (Mateo 26:52) Sila’y binigyan din ni Jesus ng isang timbang na pangmalas sa pamamahalang Gentil. “Ibigay ninyo kay Caesar ang mga bagay na kay Caesar,” aniya, “ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Marcos 12:17) Isa pa, inihula ni Jesus na may darating na mga bulaang mesiyas, na magsasabi, “ ‘Ako iyon,’ at, ‘Malapit na ang takdang panahon,’ ” ngunit siya’y nagbabala: “Huwag kayong magsisunod sa kanila.”—Lucas 21:8.
Hinulaan pa man din ni Jesus ang kalalabasan ng paghihimagsik ng mga Judio, na ang sabi: “Kapag nakita ninyong nakukubkob ng nagkampong mga hukbo ang Jerusalem, kung magkagayo’y talastasin ninyo na malapit na ang kaniyang pagkagiba. Kung gayo’y ang mga nasa Judea ay magsimulang tumakas tungo sa mga bundok, at ang mga nasa loob niya ay lumabas, at ang mga nasa parang ay huwag pumasok sa kaniya; . . . sapagkat magkakaroon ng malaking kahapisan sa ibabaw ng lupa at ng pagkapoot sa bayang ito; at sila’y mabubuwal sa talim ng tabak at dadalhing bihag sa lahat ng bansa.”—Lucas 21:20-24.
Ang kakila-kilabot na pagdagsa ng kapuksaan na resulta ng paghihimagsik ng mga Judio ay isang dramatikong katuparan ng hula ni Jesus! Gayunman, ang mga Kristiyano sa Judea ay nakaligtas dahil sa pagsunod sa utos na “tumakas tungo sa mga bundok.” “Bago kinubkob ni Tito [noong 70 C.E.] ang Jerusalem,” ang sabi ng Encyclopaedia Judaica, “ang naroroong sambayanang Kristiyano ay lumipat sa Pella.” Kapansin-pansin, ang Pella ay nasa gawing hilaga, sa paanang-bundok ng mga kabundukan sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan at sa gayo’y lubusang inihiwalay sa Judea ng Libis ng Jordan. “Mahirap na iulat ang pagtakas na ito kung ang hula [ni Jesus] ay isinulat pagkatapos ng pangyayari,” ang sabi ni G. A. Williamson sa kaniyang pambungad sa Josephus—The Jewish War.
Tunay nga, ang matagumpay na pagtakas ng mga Kristiyanong taga-Judea ay matibay na patotoo na sila’y mga tagasunod ng tunay na Mesiyas. Ito’y nagbabangon ng mahahalagang tanong. Ano ba ang layunin ng unang pagparito ng Mesiyas? At anong babala ang ibinibigay para sa atin ng kapaha-pahamak na paghihimagsik ng mga Judio, lalo na sa bahagi ng sangkatauhan na tinatawag na “Kristiyano”? Ang mga tanong na ito ay tatalakayin pa sa magasing ito.