Mga Huling Araw—Isang Pambihirang Tanda
“Tama si Oppenheimer [na tumulong sa pagdisenyo ng bomba atomika] sa kaniyang pinagbabatayang pagkaunawa na binago ng kasaysayan ang landas nito noong 1945. Hindi na maaaring ipaglabang muli ang isang malaking digmaan sa istilo ng Digmaang Pandaigdig II.”—Weapons and Hope, ni Freeman Dyson.
ANG paggamit sa bomba atomika noong 1945 ay nagbago sa daigdig. Tinandaan nito ang isa pang malaking pagbabago sa kasaysayan ng digmaan. Ganiyan ang pangmalas ng isa sa mga imbentor ng bomba, si Robert Oppenheimer, sa kalagayan. Nang mangyari ang pagsubok na pagsabog sa New Mexico, sinipi ni Oppenheimer ang Hindung Bhagavad Gita, na nagsasabi, “Ako’y naging kamatayan, ang tagapagwasak ng daigdig.” Sinabi rin ni Oppenheimer, “Ang mga tao ng daigdig na ito ay dapat na magkaisa, kung hindi sila’y malilipol.”
Noong 1949 isang lupong tagapayo ng mga siyentipiko sa U.S. Atomic Energy Commission, na kinabibilangan ni Oppenheimer, ay nagbabala laban sa paggawa ng higit pang nakamamatay na bomba hidroheno. Ang kanilang report ay nagsabi: “Ito ay isang napakalakas na sandata; ito ay ganap na kakaibang klase kaysa isang bomba atomika.” Ito’y dahilan sa ang mapangwasak na lakas ng bomba hidroheno ay maaaring paramihin sa pamamagitan ng pagdaragdag ng napakamurang gatong na deuterium. Sa loob lamang ng apat na taon, ang bomba atomika ay naging hamak na laruan.
Sina Enrico Fermi at Isidor Rabi, mga membro rin ng lupong tagapayo, ay nagbigay ng mas matinding babala. “Ang bagay na walang takda ang pagkamapangwasak ng sandatang ito ay gumagawa sa pag-iral nito mismo at ang kaalaman sa paggawa nito na isang panganib sa sangkatauhan sa kabuuan. Ito nga ay isang masamang bagay kung isasaalang-alang sa anumang liwanag.” (Amin ang italiko.) Batid nila na maaari ngayong lipulin ng tao ang kaniyang sarili. Ang kanilang payo laban sa paggawa ng bomba hidroheno ay winalang-bahala.
‘Mga Hula Tungkol sa Wakas na May Siyentipikong Batayan’
Ang di-kapani-paniwalang lakas na pumuksa na taglay ngayon ng tao ay ipinaghahalimbawa ng isang katotohanan na sinipi ni Dr. Lown, kasamang presidente ng International Physicians for the Prevention of Nuclear War: “Ang isang modernong submarino ay mayroong humigit-kumulang walong beses na kabuuan ng firepower ng Digmaang Pandaigdig II—sapat upang wasakin ang bawat pangunahing lunsod sa Hilagang Hating-globo.” Pakisuyong pansinin—iyan ang potensiyal na mapangwasak na lakas ng isang submarino lamang! Ang dakilang mga kapangyarihan ay mayroong dose-dosenang mga submarino at mga bapor na nagdadala ng mga sandatang nuklear. Idagdag mo pa rito ang mga sandata sa lupa at sa himpapawid, ito ay may kabuuang mahigit na 50,000 nuclear warheads!
Kailan ba sa kasaysayan nagkaroon ang tao ng gayong kasindak-sindak at kakila-kilabot na lakas sa kaniyang mga kamay? Inaamin ni Dr. Lown na ang bawat makasaysayang yugto ay nagkaroon ng kaniyang di-pinakinggang mga propeta. Ano ang pagkakaiba ngayon? Sabi niya: “Ang ating panahon ang kauna-unahan kung saan ang mga hula ng wakas ay nagmumula sa makaturiwang siyentipikong pagsusuri.” Kung magkakaroon man ng isang nuklear na pagkasunog, sabi niya, “isang ganap na labis na pagmamataas [kapalaluan] na magpanggap na may makaliligtas na tao pagkatapos ng gayong gawang-taong kapahamakan.”
Higit na “Panggigipuspos ng mga Bansa”
Noong 1945 pinalabas ng tao ang masamang genie ng digmaang nuklear mula sa kaniyang mahikong lampara ng siyentipikong kaalaman at hindi niya alam kung paano ito pababalikin doon. Maaari niyang wasakin ang kaniyang mga sandatang nuklear, subalit paano niya pawawalang-bisa ang kaalaman na sa tuwina’y maaaring bumalik dito? Samakatuwid, ang aktuwal na mga pangyayari sa Hiroshima at Nagasaki pati na ang paggawa ng pagkalalakas na mga sandatang nuklear ay nagparami pa sa potensiyal na “nakatatakot na mga tanawin” at “mga tanda” sa langit, sapagkat “manggigipuspos ang mga bansa . . . na hindi alam kung paano lulusutan iyon” sapol noong 1945.—Lucas 21:11, 25.
Ang panggigipuspos ng mga bansa ay pinarami pa ng ating kakayahan na makagawa ng kagyat na komunikasyon. Sa ika-20 siglo lamang na ito ipinahintulot ng modernong mga sistema ng komunikasyon (radyo, TV, mga computer, mga satelayt) na malaman kaagad ng lahat ng tao ang tungkol sa mga digmaan at malaking mga kapahamakan, sa gayo’y ikinakalat ang takot at panggigipuspos ng mga bansa sa isang paraan na hindi posible noon. Hindi lamang nalalaman ng publiko sa daigdig ang tungkol dito kundi sa pamamagitan ng TV napapanood din nila ang mga digmaan at pagbububo ng dugo habang nagaganap ang mga ito!
Ang mga Batik ng Digmaan
Sa taóng ito ng 1988, naranasan na ng angaw-angaw na mga pamilya sa buong daigdig ang bahagi ng katibayan na tayo ay nasa mga huling araw na. Bakit gayon? Namatayan sila ng isa o higit pang mga mahal sa buhay sa dalawang digmaang pandaigdig o sa isa sa iba pang malaking labanan (sa Korea, Vietman, Iraq-Iran, Lebanon, at iba pa) na pumuksa sa malaking bahagi ng sangkatauhan. Marahil ang iyong pamilya ay isa roon sa makaaalaala sa isang namatay na ama, lolo, tiyo, o kapatid na lalaki. At, angaw-angaw na mga ina, mga lola, mga kapatid na babae, at mga tiya ang namatay sa mga digmaan sa Europeong Holocaust.
Karagdagan pa, sa ating salinlahi, ang mga hukbo ay nagparoo’t parito sa ibayo ng Europa at sa Dulong Silangan, pinagsasamantalahan at dinarambong ang mga sibilyan. Kaya, dala-dala ng mga nakaligtas, lalo na ang mga babae, ang mga batik ng kanilang masamang pagtrato hanggang sa ngayon. Ang tao ba ay kailanman lumubog nang napakababa sa gayong kaimbihan at kahangalan?
Ang kulay-pulang kabayo ng digmaan at pagpapatayan ng Apocalipsis, at ang kabayong maputla ng Kamatayan ay tiyak na yumurak sa lupa sa walang katulad na paraan sapol noong 1914.—Apocalipsis 6:4.
Subalit kumusta naman ang “kabayong maitim” ng taggutom? (Apocalipsis 6:5) Hinampas ba nito ang ating salinlahi?
[Blurb sa pahina 8]
Ayon sa mga kalagayan ngayon ng mga bagay, ang digmaang pandaigdig ay maaaring mangyari minsan pa—bilang isang digmaang nuklear. Sa panahong iyon mawawala na ang mga bansa o mga kaharian. Ang isang salik lamang na ito ay gumagawa sa ating panahon na pambihira at nakadaragdag pa sa paglalarawang “mga huling araw.”—1 Timoteo 3:1
[Blurb sa pahina 8]
“Ang isang modernong submarino ay mayroong humigit-kumulang walong beses na kabuuang firepower ng Digmaang Pandaigdig II—sapat upang wasakin ang bawat pangunahing lunsod sa Hilagang Hating-globo”