Siya’y Hindi Napakatanda Upang Maglingkod kay Jehova
MARAMING may edad ang nakadarama na sa kanilang natitira pang mga taon ay walang gaanong pag-asa na makalasap ng kaligayahan. Isang kilalang artistang babae na nagkakaedad na ang nagsabi pa: “Sinira ko ang aking buhay, at totoong huli na para baguhin ito . . . Pagka ako’y naglalakad na mag-isa, pinag-iisipan ko ang aking nakaraan, at hindi ako natutuwa sa paraan ng aking pamumuhay . . . Ako’y di-mapalagay saanman at hindi matahimik.”
Isang babaing may edad na nabuhay halos 2,000 taon na ngayon ang nakalipas ay hindi nagkaroon ng ganiyang problema. Siya ay isang 84-taóng-gulang na biyuda, ngunit siya’y masigla, maligaya, at kahanga-hangang pinagpakitaan ni Jehova ng pabor. Ang pangalan niya ay Ana, at siya’y may natatanging dahilan upang magalak. Ano ba iyon?
“Hindi Kailanman Lumiliban sa Templo”
Si Ana ay ipinakikilala sa atin ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas. “Ngayon nga,” aniya, “ay naroon si Ana na propetisa, anak na babae ni Fanuel, ng tribo ni Aser” sa Israel. Bilang isang propetisa, siya ay may kaloob ng Diyos na banal na espiritu, o aktibong puwersa, sa isang natatanging paraan. At si Ana ay nagkaroon ng malaking pagkakataon na humula sa isang mahalagang okasyon.
Inilahad ni Lucas: “Ang babaing ito ay matanda na sa mga taon, at namuhay na kasama ng kaniyang asawa sa loob ng pitong taon mula sa kaniyang pagkabirhen, at siya ay isang babaing balo na ngayon ay walumpu’t apat na taóng gulang na.” (Lucas 2:36, 37) Malamang, si Ana ay nabiyuda nang siya’y bata pa. Nababatid ng nabibiyudang mga babaing Kristiyano anuman ang edad nila kung gaano kasakit ang mamatayan ng isang minamahal na asawa. Subalit, tulad ng maraming maka-Diyos na mga babae sa ating kaarawan, hindi pinayagan ni Ana na mahinto ang kaniyang paglilingkod sa Diyos dahil sa malungkot na karanasang ito.
Sinasabi sa atin ni Lucas na si Ana ay “hindi kailanman lumiliban sa templo” sa Jerusalem. (Lucas 2:37) Lubhang pinahalagahan niya ang pagpapala na resulta ng paglilingkod sa bahay ng Diyos. Ang kaniyang mga ikinilos ay nagsiwalat na siya, tulad ng salmistang-hari ng Israel na si David, ay may iisang bagay lamang na hinihingi kay Jehova. At ano ba iyon? Si David ay umawit: “Isang bagay ang hiningi ko kay Jehova—na aking hahanapin, na ako’y makatahan sa bahay ni Jehova sa lahat ng mga kaarawan ng aking buhay, upang malasin ang kagandahan ni Jehova at masdan nang may pagpapahalaga ang kaniyang templo.” (Awit 27:4) Sa bagay na ito, si Ana ay nakakatulad din ng mga babaing Kristiyano sa ngayon na nalulugod sa palagiang pagkanaroroon sa dako ng pagsamba kay Jehova.
Si Ana ay nag-ukol ng banal na paglilingkod kay Jehova gabi at araw. Ginawa niya ito nang “may mga pag-aayuno at mga pagsusumamo,” nagpapakita ng pagdadalamhati at taimtim na pagnanasa. (Lucas 2:37) Ang daan-daang taóng pagpapasakop ng mga Judio sa mga kapangyarihang Gentil, kasama na ang sumasamang mga kalagayan sa relihiyon na umabot na maging sa templo at sa mga saserdote nito, ang maaaring dahilan ng mga pag-aayuno at mga pagsusumamo ni Ana sa Diyos na Jehova. Subalit siya ay may dahilan din upang maging maligaya, lalo na dahil sa isang pambihirang pangyayari na naganap sa isang tunay na makasaysayang araw noong taóng 2 B.C.E.
Isang Di-inaasahang Pagpapala
Sa lubhang makahulugang araw na ito, ang sanggol na si Jesus ay dinala ng kaniyang ina, si Maria, at ng kaniyang amaing si Jose sa templo sa Jerusalem. Ang sanggol ay nakita ng matanda nang si Simeon na bumigkas ng makahulang mga salita nang pagkakataong iyon. (Lucas 2:25-35) Si Ana ay naroroon sa templo gaya ng dati. “Nang mismong oras na iyon,” ayon sa pag-uulat ni Lucas, “lumapit siya.” (Lucas 2:38) Anong laking kagalakan ang nadama ni Ana habang minamasdan ng kaniyang nanlalabo nang mga mata ang hinaharap na Mesiyas!
Apatnapung araw pa bago noon, ginulat ng anghel ng Diyos ang mga pastol na malapit sa Bethlehem sa pagsasabing: “Narito! ipinahahayag ko sa inyo ang mabuting balita ng malaking kagalakan na tataglayin ng lahat ng mga tao, sapagkat isinilang sa inyo ngayon ang isang Tagapagligtas, na siyang Kristo na Panginoon, sa lunsod ni David.” Isang karamihan ng makalangit na hukbo ang pumuri kay Jehova at isinusog: “Kaluwalhatian sa kaitaasan sa Diyos, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob.” (Lucas 2:8-14) Gayundin naman, si Ana ay napakilos ngayon upang magpatotoo tungkol sa Isa na magiging Mesiyas!
Nang sandaling makita ang sanggol na si Jesus, si Ana ay “nagpasimulang mag-ukol ng pasasalamat sa Diyos at magsalita tungkol sa bata sa lahat niyaong naghihintay sa katubusan ng Jerusalem.” (Lucas 2:38) Tulad ng matanda nang si Simeon, na nagkaroon din ng pribilehiyong makita ang sanggol na si Jesus sa templo, tiyak na siya’y nananabik, nananalangin, at naghihintay sa ipinangakong Tagapagligtas. Ang mabuting balita na si Jesus ang Isang iyon ay pagkabuti-buti anupat hindi niya mapigil ang kaniyang sarili na ibalita iyon sa iba.
Bagaman marahil ay hindi inaasahan ni Ana na siya’y buháy pa paglaki ni Jesus, ano ang ginawa niya? May kagalakang nagpatotoo siya sa iba tungkol sa magaganap na paglaya sa pamamagitan ng darating na Mesiyas na ito.
Ang Mainam na Halimbawa ni Ana
Ilang taong relihiyoso sa daigdig ang magbibigay ng gayong patotoo o magsasagawa pa ng pagsamba gabi at araw sa edad na 84? Malamang, sila’y hihingi ng pensiyon mga taon pa bago niyaon. Sina Ana at Simeon ay naiiba. Nagpakita sila ng maiinam na halimbawa para sa lahat ng matatanda nang mga lingkod ni Jehova. Oo, inibig nila ang bahay ng pagsamba kay Jehova at pinuri siya nang kanilang buong puso.
Kay Ana ay may mainam na halimbawa tayo ng isang biyudang maka-Diyos. Sa katunayan, ang paglalarawan ni Lucas tungkol sa mapagpakumbabang may edad nang babaing ito ay katulad na katulad ng mga kuwalipikasyon ng isang karapat-dapat na biyudang binalangkas sa 1 Timoteo 5:3-16. Doon ay sinasabi ni apostol Pablo na ang gayong biyuda ay “nagpapatuloy sa mga pagsusumamo at mga panalangin gabi at araw,” “asawa ng isang asawang lalaki,” at ‘sumusunod nang masikap sa bawat mabuting gawa.’ Ganiyang uri ng babae si Ana.
Sa ngayon, may makikita tayong tapat na mga biyudang may mga edad na nagsasagawa ng banal na paglilingkod sa Diyos gabi at araw sa libu-libong kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong lupa. Anong laki ng ating pagpapahalaga sa kasama nating “mga Ana” sa modernong panahong ito!
Kahit matanda na, ang mga lalaki at mga babae ay maaaring mag-alay sa Diyos at sagisagan ito ng bautismo sa tubig. Ang mga may edad na ay hindi kailanman napakatanda upang maglingkod kay Jehova at magpatotoo tungkol sa Mesiyanikong Kaharian na ngayo’y naitatag na sa langit at malapit nang magdulot ng mayamang mga pagpapala sa masunuring sangkatauhan. Ang mga taong may edad na ngayo’y gumaganap ng banal na paglilingkuran sa Diyos ay makapagpapatotoo sa pagpapala ni Jehova sa kanila, gaya rin ni Ana na pantanging pinagpala noong lumipas na mga siglo. Siya’y hindi napakatanda upang maglingkod kay Jehova at pumuri sa kaniyang banal na pangalan—at sila man ay hindi gayon.