Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 11/15 p. 28-31
  • Kikilalanin mo Kaya ang Mesiyas?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kikilalanin mo Kaya ang Mesiyas?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Ibig Naming Makakita ng Isang Tanda”
  • “Mga Mangingibig ng Salapi”
  • “Takot sa mga Judio”
  • Talaga Bang Kinikilala Mo ang Mesiyas?
  • Ang Mesiyas! Tagapagligtas Mula sa Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Bakit Nila Itinakwil ang Mesiyas?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • “Nasumpungan Namin ang Mesiyas”!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Si Jesu-Kristo—Ang Susi sa Kaalaman ng Diyos
    Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 11/15 p. 28-31

Kikilalanin mo Kaya ang Mesiyas?

GUMUGOL si Jesu-Kristo ng tatlo at kalahating taon sa pangangaral ng Salita ng Diyos sa mga Israelita. Ngunit nang matatapos na ang kaniyang ministeryo sa lupa, karamihan sa mga kapanahon niya ay tumanggi sa kaniya bilang ang Mesiyas, o ang ipinangakong “Pinahiran” ng Diyos. Bakit?

Tumutulong sa atin ang Bibliya upang malaman ang ilang bagay kung bakit hindi kinilala ng unang-siglong mga Judio si Jesus bilang ang Mesiyas. Tatlo sa mga dahilang ito ang nakahadlang sa marami na kilalanin ang kasalukuyang katayuan ni Jesus bilang ang namamahalang Mesiyanikong Hari.

“Ibig Naming Makakita ng Isang Tanda”

Ang isang dahilan ng di-pagkilala ng unang-siglong mga Judio sa Mesiyas ay ang kanilang pagtangging kilalanin ang maka-Kasulatang mga tanda na nagtuturo sa kaniyang pagka-Mesiyas. Sa pana-panahon, ipinipilit ng mga taong nakikinig kay Jesus na siya’y gumawa ng isang tanda upang patunayan na siya’y mula sa Diyos. Halimbawa, iniulat ng Mateo 12:38 na ang ilan sa mga eskriba at mga Fariseo ay nagsabi: “Guro, ibig naming makakita ng isang tanda mula sa iyo.” Hindi pa ba nagpakita si Jesus ng mga tanda sa kanila? Siyempre nagpakita na siya.

Noon ay marami nang ginawang himala si Jesus. Ginawa niyang alak ang tubig, pinagaling ang isang naghihingalong batang lalaki, pinagaling ang may-sakit na biyenang babae ni Pedro, nilinis ang isang lalaking ketongin, pinalakad ang isang lalaking paralisado, pinagaling ang isang lalaking may sakit sa loob ng 38 taon, ibinalik sa normal ang natuyong kamay ng isang tao, pinagaling ang maraming tao buhat sa kanilang kalunus-lunos na mga sakit, ginamot ang alipin ng isang opisyal ng hukbo, binuhay-muli ang anak na lalaki ng isang biyuda, at pinagaling ang isang lalaking bulag at pipi. Naganap ang mga himalang ito sa Cana, Capernaum, Jerusalem, at sa Nain. Isa pa, lumaganap ang balita tungkol sa gayong mga himala sa buong Judea at nakapalibot na mga lalawigan.​—Juan 2:1-​12; 4:46-​54; Mateo 8:14-​17; 8:1-4; 9:1-8; Juan 5:1-9; Mateo 12:9-​14; Marcos 3:7-​12; Lucas 7:1-​10; 7:11-​17; Mateo 12:22.

Maliwanag, sagana ang mga tandang nagpapatunay na si Jesus ang Mesiyas. Bagaman napakaraming tanda ang ginawa niya sa harap ng mga tao, hindi sila nanampalataya sa kaniya. Bulag sa espirituwal yaong mga nakakita ng patotoo na si Jesus ay sinugo ng Diyos ngunit hindi kumilala sa kaniya bilang ang Mesiyas. Hindi tumagos sa kanilang manhid na puso ang katotohanan.​—Juan 12:37-41.

Kumusta naman sa ating panahon? Sinasabi ng ilang tao, “Naniniwala lamang ako sa nakikita ng aking mga mata.” Subalit iyan ba ay talagang isang matalinong landasin? Ipinakikita ng hula sa Bibliya na si Jesus ay nakaluklok na bilang makalangit na Hari sa Mesiyanikong Kaharian. Yamang siya’y di-nakikita, kailangan natin ang isang tanda upang mapag-unawa ang kaniyang pamamahala, na siyang palatandaan ng pasimula ng mga huling araw ng balakyot na sistemang ito ng mga bagay. Nakikilala mo ba ang tanda?​—Mateo 24:3.

Ayon sa Bibliya, ang pasimula ng paghahari ni Kristo bilang ang Mesiyanikong Hari ay kakikitaan ng pagdidigmaan, mga lindol, kakapusan sa pagkain, at mga salot sa lawak na wala pang katulad. Sa “mga huling araw,” ang mga ugnayan ng tao ay kakikitaan ng kaimbutan, kasakiman, at kawalang-pagpipigil. (2 Timoteo 3:1-5; Mateo 24:6, 7; Lucas 21:10, 11) Bukod pa sa patotoo ayon sa kronolohiya, mahigit sa 20 iba’t ibang pagkakakilanlan ng mga huling araw ang nagtuturo sa pasimula ng paghahari ng Mesiyas noong 1914.​—Tingnan Ang Bantayan ng Marso 1, 1993, pahina 5.

“Mga Mangingibig ng Salapi”

Ang materyalismo ay isa pang dahilan sa pagtanggi ng mga Judio kay Jesus bilang ang Mesiyas. Ang labis na pagpapahalaga sa kayamanan ang nakahadlang sa marami sa pagsunod kay Jesus. Halimbawa, kilala ang mga Fariseo sa pagiging “mga mangingibig ng salapi.” (Lucas 16:14) Tingnan ang kalagayan ng isang mayamang tagapamahala na lumapit kay Jesus at nagtanong kung paano magkakamit ng buhay na walang-hanggan. “Tuparin mo ang mga kautusan nang patuluyan,” ang sagot ni Jesus. “Iningatan ko ang lahat ng mga ito; ano pa ang kulang sa akin?” ang tanong ng kabataang lalaki, anupat nagpapakitang nadarama niya na higit pa ang kailangan bukod sa pagtupad sa ilang batas. “Ipagbili ang iyong mga pag-aari at ibigay mo sa mga dukha at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit, at halika maging tagasunod kita,” ang sabi sa kaniya ni Jesus. Anong laking pagkakataon​—ang maging alagad ng Mesiyas! Subalit umalis ang tagapamahala, anupat napipighati. Bakit? Sapagkat mas mahalaga sa kaniya ang kayamanan sa lupa kaysa sa kayamanan sa langit.​—Mateo 19:16-22.

Hindi nagbabago ang situwasyon. Ang pagiging tunay na tagasunod ng Mesiyanikong Hari ay nangangahulugan ng pag-una sa espirituwal na mga kapakanan bago ang lahat ng iba pang bagay, kasali ang mga pag-aari sa lupa. Para sa sinuman na may materyalistikong pangmalas, ito ay isang hamon. Halimbawa, nakausap ng isang mag-asawang misyonero sa isang Silanganing lupain ang isang babae tungkol sa Bibliya. Sa paniniwalang ibig niyang matuto pa ng higit tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, ang mag-asawa ay nag-alok sa kaniya ng Ang Bantayan at Gumising! Paano siya tumugon? “Matutulungan ba ako ng mga magasing ito upang magkaroon ng higit pang salapi?” ang tanong niya. Higit na interesado ang babae sa materyal kaysa sa espirituwal na mga bagay.

Ang mag-asawa ring iyon ay nakipag-aral ng Bibliya sa isang kabataang lalaki na nagsimulang dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall. “Sinasayang mo lang ang panahon mo,” ang sabi sa kaniya ng kaniyang mga magulang. “Ang dapat ay kumuha ka ng pangalawang trabaho sa gabi at kumita ng higit pang salapi.” Ano ngang lungkot kapag hinihimok ng mga magulang ang kanilang mga anak na unahin ang materyal na mga bagay kaysa sa matuto tungkol sa Mesiyanikong Hari! “Bagaman malaki ang kaniyang kayamanan ang tagapamahala ay hindi makabibili ng sampung libong taon ng buhay,” sabi ng isang kawikaan ng mga Tsino.

Natanto ng marami na ang pag-ibig sa salapi ay walang dako sa pag-aaral at pagsunod sa Mesiyanikong Hari. Ganito ang sabi ng isang Saksi ni Jehova na dating may sariling negosyo na kumikita ng malaki: “Ang pagkakaroon ng maraming salapi ay nakalulugod ngunit hindi mahalaga. Ang salapi ay hindi siyang nagpapaligaya sa isang tao.” Siya ngayon ay isang miyembro ng pamilyang Bethel sa isang sangay ng Samahang Watch Tower sa Europa.

“Takot sa mga Judio”

Ang takot sa tao ay isa pang dahilan kung kaya hindi tinanggap ng mga Judio si Jesus bilang ang Mesiyas. Ang hayagang pagkilala sa kaniyang pagka-Mesiyas ay nangangahulugan ng pagsasapanganib ng kanilang reputasyon. Para sa ilan ay napakalaking halaga iyan. Tingnan si Nicodemo, isang miyembro ng mataas na hukumang Judio na tinatawag na Sanedrin. Palibhasa’y humanga sa mga tanda at turo ni Jesus, inamin niya: “Rabbi, aming nalalaman na ikaw bilang isang guro ay dumating mula sa Diyos; sapagkat walang sinuman ang makapagsasagawa ng mga tandang ito na iyong isinasagawa malibang ang Diyos ay kasama niya.” Subalit gabi noon nang pumunta si Nicodemo kay Jesus, marahil upang maiwasang makilala ng ibang Judio.​—Juan 3:1, 2.

Para sa marami na nakarinig kay Jesus, mas mahalaga ang pagsang-ayon ng mga tao kaya sa pagsang-ayon ng Diyos. (Juan 5:44) Nang si Jesus ay nasa Jerusalem para sa Kapistahan ng mga Kubol noong 32 C.E., “nagkaroon ng maraming usap-usapan tungkol sa kaniya sa gitna ng mga pulutong.” Walang sinuman ang nagsasalita nang hayagan tungkol kay Jesus “dahil sa takot sa mga Judio.” (Juan 7:10-13) Hindi magawang kilalanin maging niyaong mga magulang ng taong bulag na pinagaling ni Jesus na ang himala ay buhat sa kinatawan ng Diyos. Sila man ay “natatakot sa mga Judio.”​—Juan 9:13-23.

Sa kasalukuyan, natatalos ng ilan na si Jesus ay nakaluklok na ngayon bilang Mesiyanikong Hari sa langit, ngunit natatakot silang aminin ito nang hayagan. Para sa kanila ay napakalaki ang kapalit sa pagkawala ng kanilang katayuan sa harap ng iba. Halimbawa, isang Saksi ni Jehova sa Alemanya ang nakipag-usap tungkol sa Bibliya sa isang lalaki na umamin ng ganito: “Totoo ang ipinangangaral ninyong mga Saksi tungkol sa Bibliya. Pero kung magiging Saksi ako ngayon, bukas ay malalaman iyon ng lahat. Ano na lamang ang iisipin ng aking mga katrabaho, mga kapitbahay, at ng mga tao sa klub na kinabibilangan ko at ng aking pamilya? Hindi ko kayang harapin iyan.”

Ano ang mga sanhi ng pagkatakot sa tao? Ang pagmamapuri, hilig na maging popular sa pamilya at mga kaibigan, ang pangambang tuyain at hiyain, pagkabahala na mapaiba buhat sa karamihan. Ang gayong mga damdamin ay napatunayang isang pagsubok lalo na sa mga nagsisimulang makipag-aral sa mga Saksi ni Jehova. Halimbawa, isang kabataang babae ang tuwang-tuwang matuto tungkol sa Paraiso na paiiralin ng Mesiyanikong Kaharian sa lupa sa ilalim ng pamamahala ni Jesu-Kristo. Subalit napakahilig niya sa disco, at ang pagkatakot sa tao ang nakahadlang sa kaniya sa pagsasabi sa iba tungkol sa pag-asang ito. Sa wakas, nakapag-ipon siya ng lakas ng loob na magsalita nang hayagan tungkol sa Bibliya. Nilayuan siya ng kaniyang mga kaibigan sa disco, ngunit nagpakita ng interes ang kaniyang asawa at mga magulang. Ang babae at ang kaniyang ina ay nabautismuhan nang dakong huli, at ang kaniyang asawa at ama ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya. Anong laking gantimpala ng pagdaig sa takot sa tao!

Talaga Bang Kinikilala Mo ang Mesiyas?

Nang si Jesus ay naghihingalo na sa pahirapang tulos, naroon ang ilan sa kaniyang mga alagad. Nakilala nila siya bilang ang inihulang Mesiyas. Naroon din ang mga Judiong tagapamahala, na, wika nga, humihingi pa rin ng tanda. “Iligtas niya ang kaniyang sarili, kung ito ang Kristo [o ang Mesiyas] ng Diyos, ang Isa na Pinili.” (Lucas 23:35) Hindi na ba sila kailanman hihinto sa paghingi ng tanda? Napakarami nang himala ang ginawa ni Jesus. Karagdagan, ang kaniyang kapanganakan, ministeryo, paglilitis, pagkamatay, at pagkabuhay-muli ay tumupad sa maraming hula sa Hebreong Kasulatan.​—Tingnan “Ang Lahat ng Kasulatan Ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang,” inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 343-4.

Dinusta si Jesus ng mga nagdaraan, palibhasa’y tinanggihan ang ebidensiya ng kaniyang pagka-Mesiyas. (Mateo 27:39, 40) May pagkamateryalistikong pinagparti-parte ng mga sundalo ang kasuutan ni Jesus, anupat nagpalabunutan para sa kaniyang panloob na kasuutan. (Juan 19:23, 24) Sa ilang kalagayan ay may ginampanang papel ang pagkatakot sa tao. Halimbawa, tingnan si Jose ng Arimatea, isang miyembro ng Sanedrin. Siya ay “isang alagad ni Jesus ngunit isa na palihim dahil sa takot niya sa mga Judio.” Pagkamatay ng Mesiyas, inasikaso nina Jose at Nicodemo ang katawan ni Jesus. Sa gayo’y napagtagumpayan ni Jose ang kaniyang takot sa tao.​—Juan 19:38-40.

Kung nabubuhay ka noong unang siglo, kikilalanin mo kaya si Jesus bilang ang Mesiyas? Sa paggawa nito ay kailangang tanggapin mo ang maka-Kasulatang ebidensiya, tanggihan ang materyalistikong kaisipan, at huwag padaig sa takot sa tao. Sa mga huling araw na ito, dapat itanong ng bawat isa sa atin sa kaniyang sarili, ‘Kinikilala ko ba si Jesus ngayon bilang ang Mesiyanikong Hari sa langit?’ Malapit na niyang pamahalaan ang mga bagay sa lupa. Kapag nangyari iyan, makakabilang ka kaya sa mga talagang kumikilala kay Jesu-Kristo bilang ang ipinangakong Mesiyas?

[Mga larawan sa pahina 28]

Huwag mong ipagwalang-bahala ang ebidensiya na si Jesus ang Mesiyanikong Hari

[Larawan sa pahina 31]

Ang pagkatuto tungkol sa Mesiyas ay madalas na nangangahulugang pagdaig sa takot tungkol sa maaaring sabihin ng iba

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share