Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g97 4/8 p. 8-10
  • Ang Daan Pauwi sa Paraiso

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Daan Pauwi sa Paraiso
  • Gumising!—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Paraiso​—Sa Langit o sa Lupa?
  • Isinauling Paraiso
  • Kung Bakit ang Ilan ay Pupunta sa Langit
  • Inihahanda ng Espirituwal na Paraiso ang Daan
  • Nasaan ba ang Paraisong Binabanggit sa Bibliya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Maaari Kang Magkaroon ng Maligayang Kinabukasan!
    Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
  • Ano ang Layunin ng Diyos Para sa Lupa?
    Ano ang Hinihiling ng Diyos sa Atin?
  • “Magkita-kita Tayo sa Paraiso!”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2018
Iba Pa
Gumising!—1997
g97 4/8 p. 8-10

Ang Daan Pauwi sa Paraiso

DAHIL sa kasabikan ng tao sa Paraiso at sa pagtatangkang ibalik iyon kapuwa sa malakihan at maliitang antas, iisipin ng isa na sa ngayon ay dapat na isa nang tunay na paraiso ang lupa. Pero hindi gayon.

Sa halip, inuna ng tao ang kasakiman, na malimit na siyang nangingibabaw anupat ikinapipinsala ng kapaligiran at ng pagkakasari-sari ng mga nabubuhay na bagay rito. Palibhasa’y naniniwala na mananaig ang materyal na kayamanan, maraming tao ang nawalan na nang pag-asa na ang lupang ito’y mababago pa upang maging isang Edenikong paraiso. Sa halip, umasa na lamang sila sa kabilang buhay sa langit bilang kanilang tanging pag-asa para sa Paraiso. Ipinahihiwatig ng pangmalas na ito na, una, mabibigo magpakailanman ang pananabik ng tao sa Eden at na, pangalawa, pinabayaan na ng Diyos ang planetang ito sa kasamaan at kasakiman ng tao. Gayon nga ba? Ano nga bang talaga ang maaasahan sa kinabukasan? At saan naman kaya magaganap ang kinabukasang iyan?

Paraiso​—Sa Langit o sa Lupa?

Halos 2,000 taon na ang nakalilipas, nang kinakausap ang isang nagsisising magnanakaw na nakabayubay sa tabi niya, sinabi ni Jesu-Kristo: “Makakasama kita sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Ang ibig bang sabihin ni Jesus ay na kasama niyang pupunta sa langit ang magnanakaw? Hindi.

Ni hindi man lamang sumagi sa isipan ng manggagawa ng kasamaan ang ideyang iyan. Bakit hindi? Sapagkat malamang na pamilyar siya sa mga talata sa Hebreong Kasulatan, na umiiral na noong panahon niya, tulad sa unang bahagi ng Awit 37:29: “Ang matuwid ay magmamana ng lupa.” Itinuro ni Jesus ang katotohanan ding ito, anupat sinabi: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang kanilang mamanahin ang lupa.” (Mateo 5:5) Kasuwato ng kasulatang ito ang karaniwan nang tinatawag na Panalangin ng Panginoon, na nagsasabi: “Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”​—Mateo 6:9, 10.

Itinuturo ng Bibliya na nilalang ng Diyos ang lupa, hindi ang langit, bilang siyang tahanan para sa pamilya ng tao. Sinasabi ng kaniyang Salita na “hindi niya nilikha [ang lupa] para sa walang kabuluhan” kundi “ginawa ito upang tahanan.” (Isaias 45:18) Hanggang kailan? “Kaniyang inilagay ang mga patibayan ng lupa; ito’y hindi makikilos hanggang sa panahong walang takda, o magpakailanman.” (Awit 104:5) Oo, “ang lupa ay nananatili hanggang sa panahong walang takda.”​—Eclesiastes 1:4.

Layunin ng Diyos para sa malaking bilang niyaong naglilingkod sa kaniya na gawing kanilang tahanan magpakailanman ang lupang ito. Pansinin kung paano nagkomento ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, tungkol dito. Inihula sa Awit 37:11: “Ang maaamo mismo ang magmamay-ari sa lupa, at sila’y tunay na makasusumpong ng matinding kasiyahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” Hanggang kailan? Ganito ang sabi ng Awit 37:29: “Ang matuwid ay magmamana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” Sa panahong iyon ay matutupad ang kasulatan na nagpapahayag: “Binubuksan mo [Diyos] ang iyong kamay at binibigyang-kasiyahan ang pagnanasa ng lahat ng bagay na buhay,” alalaong baga, ang pagnanasa na kasuwato ng kalooban ng Diyos.​—Awit 145:16.

Kumusta naman yaong walang pagnanais na gawin ang kalooban ng Diyos? Ipinahahayag ng Kawikaan 2:21, 22: “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang matitira rito. Kung tungkol sa mga balakyot, sila’y lilipulin sa mismong lupa; at ang mga mandaraya, sila’y bubunutin dito.”

Isinauling Paraiso

Di na magtatagal mula ngayon, ilalapat ng Diyos ang mga kahatulan laban sa balakyot na sanlibutang ito. (Mateo 24:3-​14; 2 Timoteo 3:1-5, 13) Subalit ililigtas ng Diyos ang “isang malaking pulutong” ng mga tao sa dumarating na kapuksaang iyon tungo sa isang bagong sanlibutan na kaniyang gagawin.​—Apocalipsis 7:9-​17.

Kung magkagayon, papatnubayan ng Diyos ang maligayang atas na tataglayin ng mga taong kaniyang sakop na baguhin ang buong lupa upang maging isang paraisong tahanan para sa sangkatauhan. Nangako ang Bibliya: “Ang ilang at ang walang-tubig na pook ay magbubunyi, at ang disyertong kapatagan ay magagalak at mamumulaklak na gaya ng safron. . . . Sapagkat sa ilang ang katubigan ay bubulwak na, at ang mga hugusan sa disyertong kapatagan.”​—Isaias 35:1, 6.

Sa lumalawak na Paraisong iyon, wala nang gutom, kahirapan, mga pook ng mahihirap, mga taong walang tahanan, o mga lugar na laganap ang krimen. “Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa.” (Awit 72:16) “Ang punungkahoy sa parang ay magbubunga, at ang lupa’y magsisibol ng halaman niya.” (Ezekiel 34:27) “Sila nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan; at sila nga’y magtatanim ng ubasan at kakainin ang bunga niyaon. Sila’y hindi magtatayo at iba ang tatahan; sila’y hindi magtatanim at iba ang kakain.” (Isaias 65:21, 22) “Sila’y aktuwal na uupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punung-ubas at sa ilalim ng kaniyang punung-igos, at walang tatakot sa kanila.”​—Mikas 4:4.

Kung Bakit ang Ilan ay Pupunta sa Langit

Malamang na aaminin ng maraming tao na nasasabik sila sa isang makalupang paraiso. Likas lamang iyan, sapagkat hindi kailanman ikinintal ng Diyos sa kanila ang kasabikan para sa langit; ni hindi nila maguniguni kung ano ang kalagayan ng buhay sa langit. Halimbawa, sa pakikipag-usap sa kanilang ministro ng Church of England, totoong naging prangka si Pat, bagaman isang debotong miyembro ng simbahan, ay nagsabi: “Walang-wala sa isip ko ang tungkol sa pagpunta sa langit. Hindi ko gustong pumunta, at ano naman ang gagawin ko roon?”​—Ihambing ang Awit 115:16.

Totoo, itinuturo ng Bibliya na isang limitadong bilang ng mga tao, 144,000, ang talagang pupunta sa langit. (Apocalipsis 14:1, 4) Ipinaliwanag din nito kung bakit: “Ginawa mo silang isang kaharian at mga saserdote sa ating Diyos, at sila ay mamamahala bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.” (Apocalipsis 5:9, 10) Kasama ng kanilang Hari, si Jesu-Kristo, ang mga ito ang bumubuo sa “kaharian,” ang bagong makalangit na pamahalaan sa lupa, na siyang ipinananalangin ng mga Kristiyano. Pangangasiwaan ng pamahalaang ito ang lubusang rehabilitasyon ng lupa at ng sangkatauhan.​—Daniel 2:44; 2 Pedro 3:13.

Gayunpaman, yamang ang pagnanais na mabuhay sa langit ay hindi likas na taglay ng mga tao, isang pambihirang pagkilos ng espiritu ng Diyos ang “nagpapatotoo” sa 144,000 upang kanilang madama ang pantanging “paitaas na pagtawag” na ito. (Roma 8:16, 17; Filipos 3:14) Gayunman, maliwanag na hindi kailangan ang gayong pagkilos ng banal na espiritu para sa sangkatauhan sa pangkalahatan dahil sa ang kanilang walang-hanggang pag-asa ay sa paraisong lupa.

Inihahanda ng Espirituwal na Paraiso ang Daan

Paano nagiging kuwalipikado ang isa para sa walang-hanggang buhay sa Paraiso rito sa lupa? “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan,” sabi ni Jesus, “ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Bilang pag-uugnay ng mapayapang ugnayan ng mga tao sa kaalaman tungkol sa Diyos, ganito ang sabi ng Isaias 11:9: “Hindi sila gagawa ng anumang pinsala o magpapangyari ng anumang pagkasira sa aking buong bundok na banal; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman ni Jehova kung paanong ang mga katubigan ay tumatakip sa mismong dagat.”​—Ihambing ang Isaias 48:18.

Ang kaalamang ito, sabihin pa, ay hindi lamang pagkatuto ng maraming bagay. Ito ay may impluwensiya sa personalidad ng isa at naglilinang ng maka-Diyos na mga katangian, gaya ng “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, mahabang-pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili.” (Galacia 5:22, 23) Sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na linangin ang mga katangiang ito, at dahil dito, ngayon pa lamang ay pinagpapala na sila ng isang kapaki-pakinabang na espirituwal na paraiso.​—Isaias 65:13, 14.

Anong laking kaibahan ng kanilang espirituwal na kalagayan sa kalagayan ng sanlibutan, na higit at higit na napapabaon sa kabalakyutan at kabulukan! Subalit malapit nang puksain ng Diyos ang balakyot na sanlibutang ito. Samantala, inaanyayahan ka ng mga Saksi ni Jehova na dalawin​—oo, suriin​—ang tinatamasa nilang espirituwal na paraiso. Tingnan mo mismo na ngayon pa lamang ay tahimik nang inaakay ni Jesus, ang di-nakikitang makalangit na Hari, ang magiging mga mamamayan ng bagong sanlibutang iyon sa makipot na daan patungo sa makalupang Paraiso at sa walang-hanggang buhay!​—Mateo 7:13, 14; Apocalipsis 7:17; 21:3, 4.

[Larawan sa pahina 8, 9]

Masisiyahan ang mga makaliligtas sa katapusan ng sanlibutang ito na makibahagi sa pagbabago ng lupa tungo sa isang paraiso

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share