EMAUS
Ang nayon na paroroonan ni Cleopas at ng isang kapuwa alagad nang sabayan sila ng nagkatawang-tao na si Jesu-Kristo noong araw ng kaniyang pagkabuhay-muli. Gayunman, nakilala lamang nila si Jesus noong makarating na sila sa Emaus at si Jesus ay ‘nakahilig na kasama nila sa kainan.’ Nang maglaho na si Jesus, bumalik sa Jerusalem ang dalawang alagad noong gabi ring iyon. (Luc 24:13-33) Sinasabi ni Lucas na ang nayon ay ‘animnapung estadyo’ (7.5 milyang Romano [11 km; 7 mi]) mula sa Jerusalem.
Gayunman, hindi matiyak ang lokasyon ng Emaus, anupat mga anim na lugar ang iminumungkahi para rito. Ang pinakaprominente sa mga ito ay ang ʽImwas na nasa daan patungo sa Tel Aviv-Yafo. Ngunit ang ʽImwas ay mga 175 estadyo (32 km; 20 mi) sa KHK ng lunsod na iyon, anupat halos tatlong beses ang layo sa binanggit ni Lucas. Ang isa pang lugar na madalas imungkahi, ang Qalunyah (Mevasseret Ziyyon), na nasa pangunahing daan patungong Tel Aviv-Yafo at tinatanggap ng ilan bilang ang Ammaous na tinukoy ni Josephus, ay mga 35 estadyo (6.5 km; 4 na mi) mula sa Jerusalem at sa gayon ay napakalapit upang tumugma sa rekord ni Lucas. Dahil dito, mas pinipili ng ilan na iugnay ang Emaus sa El-Qubeiba, na nasa isang mas hilagang daang Romano kaysa sa ibang mga lugar na iminumungkahi. Dito ay may natagpuang mga labí na pinaniniwalaang mula pa noong kapanahunan ng Griegong Kasulatan. Ang lugar na ito, na mga 60 estadyo (11 km; 7 mi) sa HK ng Jerusalem, ay katugma ng lokasyon ng nayon na binabanggit sa Bibliya. Magkagayunman, imposibleng matiyak sa ngayon ang lokasyon ng Emaus.