Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Anong saloobin ang dapat ipamalas sa panahon ng Kristiyanong pagbabautismo?
Magandang tanong iyan, sapagkat kahit na marami sa ating mga mambabasa ang bautisado na, sila ay nasasangkot, gaya niyaong nagpapabautismo. Magkomento muna tayo sa mga binabautismuhan, na sumasailalim ng lubusang pagpapalubog. Ano ang nararapat na maging saloobin nila?
Sa Mateo 28:19, 20, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na humayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao, na tinuturuan at binabautismuhan sila. Hindi niya iniharap ang bautismo bilang isang labis na madamdaming karanasan, isang pagkilos na udyok ng panandaliang simbuyo ng damdamin. Ito ay isang maselang na hakbangin, gaya ng makikita natin buhat sa halimbawa ni Jesus. Ganito ang sabi ng Lucas 3:21: “Si Jesus din ay nabautismuhan at, habang siya ay nananalangin, ang langit ay nabuksan.” Oo, isinaalang-alang ng ating Uliran ang bautismo nang may kataimtiman, nang may pananalangin. Hindi natin maiisip na siya, pagkatapos umahon sa tubig, ay gagawa ng senyas ng tagumpay, hihiyaw ng isang sigaw ng kagalakan, o magtataas ng kaniyang mga kamay, bagaman ang ilan kamakailan ay nakagawa ng gayong mga bagay. Hindi, palibhasa’y si Juan Bautista lamang ang naroroon, bumaling si Jesus sa kaniyang Ama sa panalangin.
Gayunman, hindi naman ipinahihiwatig ng Bibliya na ang bautismo ay dapat na maging isang malungkot o mapanglaw na okasyon, na nangangailangan ng natatanging ayos ng katawan o mga rituwal, gaya ng hinihiling ng ilang simbahan sa Sangkakristiyanuhan sa ngayon. Aba, isip-isipin ang araw ng Pentecostes, nang libu-libong Judio at proselita ang sumailalim ng Kristiyanong bautismo. Napag-aralan na nila ang Batas ng Diyos at pumasok sa isang kaugnayan sa kaniya. Kaya kailangan na lamang nilang matutuhan at tanggapin ang Mesiyas, si Jesus. Minsang magawa nila ito, maaari na silang mabautismuhan.
Ganito ang ulat ng Gawa 2:41: “Yaong mga yumakap sa kaniyang salita nang buong-puso ay nabautismuhan.” Ang bersiyon ng Bibliya ni Weymouth ay kababasahan ng ganito: “Samakatuwid, yaong tumanggap ng kaniyang salita nang may kagalakan ay nabautismuhan.” Nakasumpong sila ng kagalakan sa kapana-panabik na balita tungkol sa Mesiyas, at tiyak na ang taos-pusong kagalakang iyan ay umabot sa bautismo mismo, isang bautismo sa harap ng daan-daang maliligayang tagapagmasid. Maging ang mga anghel sa langit ay nagmamasid at nagsasaya. Tandaan ang mga salita ni Jesus: “Sinasabi ko sa inyo, nagkakaroon ng kagalakan sa gitna ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanan na nagsisisi.”—Lucas 15:10.
May sari-saring paraan upang maipakita ng bawat isa sa atin kapuwa ang kaselangan at kagalakan ng bautismo. Sa ilang simbahan ang mga nagpapabautismo ay nagsusuot ng puti o itim na mahahabang kasuutan. Wala namang maka-Kasulatang saligan para sa gayong kahilingan. Gayunpaman, ang mga damit pampaligo na masyadong masikip o naghahantad halos ng buong katawan ay hindi angkop, maging para sa mga lalaki o mga babae. At gaya ng nabanggit, sa pag-ahon mula sa tubig, ang isang bagong Kristiyano ay hindi dapat gumawa ng natatanging kumpas o kumilos na para bang nagwagi siya ng isang malaking tagumpay. Ang iba pa sa Kristiyanong kapatiran ay naliligayahan na ang baguhan ay nagpabautismo. Dapat niyang madama na ang kapahayagang ito ng pananampalataya ay isang panimulang hakbang lamang sa mahabang landasin ng katapatan upang kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos.—Mateo 16:24.
Tayo, bilang mga tagapagmasid sa isang pangmadlang bautismo, ay nakikigalak sa okasyon, lalo na kung ang binabautismuhan ay isang kamag-anak o isa na inaralan natin ng Bibliya. Gayunman, upang makibahagi nang lubusan, kailangang makinig tayo sa buong pahayag kasama ng mga kandidato, pakinggan ang pangmadlang pagsagot nila sa mga tanong na iniharap sa kanila, at makisama sa panalangin. Ang paggawa nito ay makatutulong sa atin na magkaroon ng tamang pangmalas sa bautismo; tataglayin natin ang pangmalas dito ng Diyos. Pagkatapos ng bautismo, ang ating kagalakan ay hindi nangangailangan ng parada ng tagumpay, isang pumpon ng mga bulaklak, o ng isang salu-salo na nagpaparangal sa nabautismuhan. Subalit maaari nating lapitan ang ating bagong kapatid upang ipahayag ang ating kasiyahan sa mahalagang hakbang na ginawa at upang ipaabot ang isang mainit na pagtanggap sa ating Kristiyanong kapatiran.
Kung gayon, sa kabuuan, lahat tayo, kasali na yaong sumailalim sa bautismo sa tubig, ay nararapat isaalang-alang ang bautismo taglay ang angkop na kataimtiman. Iyon ay hindi isang panahon para sa maingay na paghahayag ng damdamin, pagsasalu-salo, o pagkakatuwaan. Subalit hindi rin naman iyon isang malungkot o mapanglaw na okasyon. Wasto lamang na ikatuwa natin na ang mga baguhan ay nakisama sa atin sa daan patungo sa buhay na walang-hanggan. At maaari nating tanggapin nang may kagalakan ang ating bagong mga kapatid.
[Buong-pahinang larawan sa pahina 31]