Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 4/1 p. 16-19
  • Ikaw ba ay may Pananampalatayang Tulad ng kay Elias?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ikaw ba ay may Pananampalatayang Tulad ng kay Elias?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Nagpakasamang Sampung-Tribong Kaharian
  • Si Elias ay Nagpahayag na Magkakaroon ng Tagtuyot
  • Ipinakita ang Pananampalataya sa Pagsunod sa Tagubilin
  • Si Jehova ay Naglalaan ng Pagkain at Buhay
  • “Ang Diyos Ko ay si Jehova”
  • Naghintay Siya at Naging Mapagbantay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2008
  • Elias
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Tumanggap Siya ng Kaaliwan Mula sa Kaniyang Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Naghintay Siya at Naging Mapagbantay
    Tularan ang Kanilang Pananampalataya
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 4/1 p. 16-19

Ikaw ba ay may Pananampalatayang Tulad ng kay Elias?

ANG lipunan ng tao sa ngayon ay sumisira ng pananampalataya. Kinukutya ng mga taong matatalino ang pag-iral ng Diyos. Ang Diyos ay ginagawang katatawanan lamang ng relihiyosong mga mapagpaimbabaw. At ang sekular na daigdig naman ay patuloy na kumikilos na para bang bale-wala na ang Diyos. Sakaling ang mga saloobing ito ay isang pananakot sa isang tao, o nagpapahina ng kaniyang kalooban, o umaakay sa kaniya na magwalang-bahala, ang resulta ng alin man diyan ay pareho: Ang kaniyang pananampalataya ay humihina. Hindi nga kataka-takang sabihin ni apostol Pablo na ang kawalan ng pananampalataya “ang kasalanan na dagling pumipigil sa atin”!​—Hebreo 12:1.

Marahil iyan ang dahilan kung bakit si Pablo ay gumawa ng pantanging pagsisikap na itawag-pansin sa atin ang buhay ng mga lalaki at mga babae na may matibay na pananampalataya. (Hebreo, kabanata 11) Ang ganiyang mga halimbawa ay makapagpapasigla sa atin at makapagpapatibay ng ating pananampalataya. Halimbawa, ating isaalang-alang ang propetang si Elias, na pinagtututukan ng pansin kahit na lamang ang unang bahagi ng kaniyang mahaba at ganap na karera bilang isang propeta. Siya’y nabuhay sa panahon ng paghahari ni Haring Ahab at ng kaniyang asawang babaing pagano, si Reyna Jezebel, sa isang panahon na, katulad ngayon, ang pananampalataya sa tunay na Diyos ay palipas na.

Ang Nagpakasamang Sampung-Tribong Kaharian

Anong pambihirang mag-asawa! Si Ahab ang ikapitong hari ng sampung-tribong Kaharian ng Israel. Bagaman ang anim na mga haring nauna sa kaniya ay napakabalakyot, nahigitan pa sila ni Ahab. Hindi lamang niya ipinagpatuloy ang tiwaling pagsamba sa baka kundi kaniyang naging asawa pa ang banyagang prinsesang si Jezebel, at sa ganoo’y nagpasok siya ng isang lalong matinding anyo ng pagsamba sa diyus-diyusang si Baal higit kaysa nakilala ng lupain.​—1 Hari 16:30-33.

Si Jezebel ay lulóng na sa Baalismo mula pa sa pagkasanggol. Ang kaniyang ama na si Ethbaal, isang saserdote ni Ashtoreth (asawa ni Baal), ay namaslang upang maging hari ng Sidon, ang kaharian na karatig ng Israel sa gawing norte. Hinikayat ni Jezebel ang madaling napadalang asawa niya upang magtatag ng Baalismo sa Israel. Hindi nagtagal, nagkaroon doon ng 450 mga propeta ng diyus-diyusang iyan at 400 mga propeta ng diyosang si Asherah sa lupain, na pawang kumakain sa hapag ng hari. Tunay na kasuklam-suklam nga ang kanilang anyo ng pagsamba sa paningin ng tunay na Diyos, si Jehova! Mga simbolo ng ari ng lalaki, mga ritwal sa pag-aanak, mga patutot sa templo (kapuwa lalaki at babae), maging ang paghahain ng mga anak​—ganiyan ang mga itinatampok ng malaswang relihiyong ito. Sa basbas ni Ahab, ito’y lumaganap nang walang-hadlang sa buong kaharian.

Angaw-angaw na mga Israelita ang nakalimot kay Jehova, ang Maylikha ng lupa at ng siklo nito ng tubig. Para sa kanila ay si Baal ang nagpala sa lupain sa pamamagitan ng mga pag-ulan sa katapusan ng tag-araw. Sa taun-taon ay may pag-asang tumitingala sila rito sa ‘Nakasakay sa Ulap,’ itong tinatawag na diyos ng pag-aanak at ng tag-ulan, upang tapusin na ang tagtuyot na tag-araw. Sa taun-taon, dumarating ang pag-ulan. Sa taun-taon, kay Baal ibinibigay ang kapurihan.

Si Elias ay Nagpahayag na Magkakaroon ng Tagtuyot

Marahil sa katapusan ng isang mahabang tag-araw, na walang kaulan-ulan​—na ang mga tao ay nagsisimulang umasang pangyayarihin ni Baal ang nagbibigay-buhay na pag-ulan​—​lumitaw sa eksena si Elias.a Siya’y iniuulat ng Bibliya na biglang-biglang lumitaw na gaya ng isang kidlat. Walang gaanong sinasabi sa atin tungkol sa kaniyang nakalipas, walang binabanggit na mga magulang. Subalit di-tulad ng kulog, si Elias ay walang dalang bagyo. Sinabi niya kay Ahab: “Buháy si Jehova na Diyos ng Israel na sa harap niya ako nakatayo, hindi magkakaroon ng hamog o ulan man sa mga taóng ito, kundi ayon sa aking salita!”​—1 Hari 17:1.

Gunigunihin ang taong ito, nakadamit-balahibo na pambukid. Siya ay tubo sa baku-bakong kaburulan ng Gilead, malamang na lumaki siya sa gitna ng mga abang nagpapastol sa kawan. Siya’y nakatayo sa harap ng makapangyarihang haring si Ahab, marahil doon mismo sa kaniyang malawak na palasyo, taglay ang tanyag na bahay-garing niyaon, ang mayaman at totoong pambihirang mga palamuti at pagkalalaking mga idolo. Doon, sa pagmamadalian sa nakukutaang siyudad ng Samaria, na kung saan ang pagsamba kay Jehova ay halos makalimutan na, kaniyang sinasabi kay Ahab na ang kaniyang diyos na ito, ang Baal na ito, ay inutil, hindi umiiral. Para sa taóng ito at sa mga taóng darating, sabi ni Elias, hindi magkakaroon ng anumang ulan ni hamog man!

Saan siya kumuha ng gayong pananampalataya? Hindi ba nadama siya nahihintakutan, na nakatayo roon sa harap ng aroganteng, apostata na haring ito? Marahil. Mahigit na isang libong taon ang nakalipas, ang kapatid ni Jesus sa ina na si Santiago ay nagbigay sa atin ng katiyakan na si Elias ay “isang taong may damdamin na katulad ng sa atin.” (Santiago 5:17) Subalit pansinin ang mga salita ni Elias: “Buháy si Jehova na Diyos ng Israel na sa harap niya ako nakatayo.” Isinaisip ni Elias na bilang lingkod ni Jehova, siya’y nakatayo sa harap ng isang lalong mataas na trono kaysa kay Ahab​—ang trono ng Soberanong Panginoon ng sansinukob! Siya’y isang kinatawan, isang sugo, ng tronong iyon. Taglay ang ganitong pagkamalas, ano ang ikatatakot niya kay Ahab, isang walang halagang haring tao na nawalan ng pagpapala ni Jehova?

Hindi nagkataon lamang na si Jehova ay tunay na tunay kay Elias. Ang propeta ay tiyak na nag-aral ng kasulatan ng pakikitungo ng Diyos sa kaniyang bayan. Nagbabala si Jehova sa mga Judio na kaniyang parurusahan sila sa pamamagitan ng tagtuyot at ng taggutom kung sila ay mahuhulog sa mga pagsamba sa mga diyus-diyusan. (Deuteronomio 11:16, 17) Nagtitiwala na laging tinutupad ni Jehova ang kaniyang salita, si Elias ay “nanalangin na huwag umulan.”​—Santiago 5:17.

Ipinakita ang Pananampalataya sa Pagsunod sa Tagubilin

Datapuwat, sa sandaling iyon ay napalagay si Elias sa malaking panganib dahilan sa kaniyang ipinahayag. Panahon na iyon na ipakita ang isa pang katangian ng kaniyang pananampalataya. Upang manatiling buháy, siya’y kailangang maging tapat sa pagsunod sa mga tagubilin ni Jehova: “Umalis ka rito, at lumiko ka sa dakong silanganan at magkubli ka sa tabi ng batis ng Cherith na nasa silangan ng Jordan. At mangyayari na ikaw ay iinom sa batis, at aking iuutos sa mga uwak na bigyan ka roon ng pagkain.​—1 Hari 17:3, 4.

Si Elias ay sumunod karaka-raka. Kung nais niyang makaligtas sa tagtuyot at sa taggutom na dumating sa kaniyang bayan, kailangang siya’y umaasa sa anumang mga paglalaan sa kaniya ni Jehova. Ito ay hindi isang bagay na madali. Kailangang magkubli siya, mamuhay na lubusang nakabukod sa loob ng mga buwan nang tuluy-tuloy. Siya’y kailangang kumain ng karne at tinapay na dala sa kaniya ng mga uwak​—mga ibong nangangain ng mga bangkay na itinuturing na karumal-dumal sa Kautusang Mosaico​—​at nagtitiwala kay Jehova na ang gayong karne ay hindi nanggaling sa mga bangkay kundi karne na ang dugo’y pinatulo ayon sa kautusan. Ang karagdagang himalang ito ay inaakala ng mga ilang komentarista ng Bibliya na totoong malayong mangyari kung kaya’t kanilang iminungkahi na ang orihinal na salita rito ay tiyak na nangangahulugang “mga Arabo” at hindi “mga uwak” sa anumang paraan. Subalit ang mga uwak ang pinakamagaling na kasagutan. Walang sinuman ang maghihinala na ang hamak, marurungis na mga ibong ito na lumilipad sa ilang dala ang kanilang sinimot na mga pagkain ay aktuwal na nagpapakain kay Elias, na pinaghahanap ni Ahab at ni Jezebel sa lahat ng mga kaharian sa buong palibot!​—1 Hari 18:3, 4, 10.

Sa pagpapatuloy ng tagtuyot, marahil ikinabahala ni Elias ang kaniyang suplay ng tubig sa batis ng Cherith. Karamihan ng mga batis ng Israel ay natutuyuan kung mga panahon ng tagtuyot, at “sa katapusan ng mga ilang araw,” ganoon nga ang nangyari sa isang ito. Maguguniguni mo ba ang nadama ni Elias habang unti-unting nauubos ang tubig hanggang sa maging patak-patak na lamang at ang mga balon ay patuloy na umurong ang tubig araw-araw? Tiyak na siya’y nabahala sa maaaring mangyari kung sakaling maubos na ang tubig. Gayumpaman, si Elias ay hindi umalis. Nang matuyo na ang batis saka siya binigyan ni Jehova ng sumunod na mga tagubilin. Pumaroon ka sa Zarephath, ang sabi sa propeta. Doon ay makasusumpong ka ng pagkain sa tahanan ng isang babaing balo.​—1 Hari 17: 7-9.

Zarephath! Ang bayang iyan ay sakop ng siyudad ng Sidon, tagaroon si Jezebel at doon naghari ang kaniyang ama! Magiging ligtas kaya roon? Ganiyan marahil ang nasa isip ni Elias. Ngunit “siya’y bumangon at naparoon.”​—1 Hari 17:10.

Si Jehova ay Naglalaan ng Pagkain at Buhay

Hindi nagtagal at ginantimpalaan ang kaniyang pagkamasunurin. Kaniyang nakilala ang babaing balo ayon sa sinabi sa kaniya, at kaniyang nasumpungan dito ang uri ng pananampalataya na hindi makikita bahagya man sa kaniyang mga kababayan. Ang dukhang balong ito ay may sapat lamang na harina at langis upang mailuto para sa kaniya at sa kaniyang batang anak. Gayunman, kahit sa kaniyang karalitaan, siya’y handang magluto ng tinapay para kay Elias muna, nagtitiwala sa ipinangako nito na ang kaniyang banga ng langis at ang kaniyang gusi ng harina ay hindi hahayaan ni Jehovang mauubusan habang may pangangailangan. Hindi nga kataka-takang nagunita ni Jesu-Kristo ang tapat na halimbawa ng balong ito nang kaniyang pinagwiwikaan ang mga walang pananampalatayang Israelita noong kaniyang sariling kaarawan!​—1 Hari 17:13-16; Lucas 4:25, 26.

Gayunman, sa kabila ng himalang ito kapuwa ang pananampalataya ng balo at ni Elias ay malapit na noon na mapaharap sa isang mahigpit na pagsubok. Biglang namatay ang kaniyang anak. Sa kaniyang pamimighati, walang sumaisip sa balo kundi marahil ang malungkot na dagok na ito ay may kinalaman kay Elias, ang “lalaki ng tunay na Diyos.” Kaniyang naisip kung siya baga ay pinarurusahan dahilan sa isang nakalipas na pagkakasala. Ngunit ang bangkay ng kaniyang anak ay kinuha ni Elias sa kaniyang mga bisig at dinala sa isang silid sa itaas. Batid ni Elias na hindi lamang pagkain ang ibibigay ni Jehova. Si Jehova ang bukal ng buhay mismo! Kaya si Elias ay nanalangin nang buong taimtim at paulit-ulit para bumalik ang buhay sa bata.

Si Elias ay hindi siyang una na nagkaroon ng gayong pananampalataya sa pagkabuhay-muli, kundi sa ulat ng Bibliya, siya ang kauna-unahang ginamit upang magsagawa ng pagkabuhay-muli. Ang bata ay “nabuhay”! Ang kagalakan ng kaniyang ina ay tiyak na isang tanawing kawili-wiling pagmasdan samantalang ang kaniyang anak ay dinadala ni Elias kasabay ng simpleng mga pananalita na: “Narito! Ang iyong anak ay buháy.” Tiyak na siya’y lumuluha pa, nang kaniyang sabihin: “Ngayon, tunay, batid ko na ikaw ay isang tao ng Diyos at ang salita ni Jehova sa iyong bibig ay totoo.”​—1 Hari 17:17-24.

“Ang Diyos Ko ay si Jehova”

Totoong nakababagbag-damdamin, at angkop na angkop, na ang kahulugan ng pangalan ni Elias ay “Ang Diyos Ko Ay Si Jehova”! Sa panahon ng tagtuyot at taggutom, siya’y binigyan ni Jehova ng pagkain at inumin; sa isang panahon na nasa masalimuot na kaguluhan ang moral, siya’y binigyan ni Jehova ng mahusay na patnubay; sa isang panahon ng kamatayan, siya’y ginamit ni Jehova na isauli ang buhay. At waring sa tuwing tatawagan si Elias na isagawa ang pananampalataya niya sa kaniyang Diyos​—sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Kaniya na maglaan, ng pagsunod sa Kaniyang mga tagubilin, ng pag-asa sa Kaniya na banalin ang Kaniyang pangalan​—​siya’y ginantimpalaan ng higit pang mga dahilan na sumampalataya kay Jehova. Ang ganitong kaayusan ay kapit din samantalang siya’y patuloy na tumatanggap ng mahirap at nakapangingilabot na mga atas buhat sa kaniyang Diyos, si Jehova; sa katunayan, ang iba sa kaniyang pambihirang mga himala ay darating pa lamang sa kaniya.​—Tingnan ang 1 Hari, kabanata 18.

Ganiyang ganiyan din para sa mga lingkod ni Jehova sa ngayon. Marahil ay hindi naman tayo pinakakain sa makahimalang paraan o ginagamit na magsagawa ng isang pagbuhay-muli; ito ay hindi panahon para sa gayong mga himala. Gayunman, si Jehova ay hindi nagbabago kahit isang kudlit sapol noong kaarawan ni Elias.​—1 Corinto 13:8; Santiago 1:17.

Tayo man ay marahil makatatanggap ng mga atas na nangangailangan ng lakas ng loob, ng ilang mahihirap na gawin at nakatatakot na mga teritoryo na dalhan ng ating bigay-Diyos na pabalita. Maaaring tayo’y mapaharap sa pag-uusig. Maaari pa ngang tayo’y magutom. Subalit sa tapat na mga tao at sa kaniyang organisasyon bilang isang kabuuan, paulit-ulit na pinatunayan ni Jehova na siya pa rin ang umaakay at nagsasanggalang sa kaniyang mga lingkod. Kaniya pa ring binibigyan sila ng lakas na ganapin ang anumang mga gawaing kaniyang iniatas sa kanila. At kaniya pa ring tinutulungan sila na magtiis anumang mga pagsubok ang dumating sa kanila sa maligalig na sanlibutang ito.​—Awit 55:22.

[Talababa]

a Kapuwa si Jesus at si Santiago ay nagsasabi na hindi umulan sa lupain nang “may tatlong taon at anim na buwan.” Gayunman, sinasabing si Elias ay haharap kay Ahab upang tapusin ang tagtuyot “sa ikatlong taon”​—walang alinlangan sa pagbilang ng araw buhat nang kaniyang ibalita ang tagtuyot. Samakatuwid, tiyak na pagkatapos ng isang mahaba, walang ulan na tagtuyot nang unang humarap siya kay Ahab.​—Lucas 4:25; Santiago 5:17; 1 Hari 18:1.

[Larawan sa pahina 18]

Ikaw ba, tulad ni Elias, ay may pananampalataya na pangangalagaan ni Jehova ang tungkol sa mga pangangailangan ng kaniyang mga lingkod?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share