Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Capernaum”
  • Capernaum

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Capernaum
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Tinupad ng Mesiyas ang Hula
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2016
  • Hilagang Baybayin ng Lawa ng Galilea Kapag Nakatingin sa Hilagang-Kanluran
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
  • Ebanghelyo ni Mateo—Ilang Mahahalagang Pangyayari
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
  • Kung Bakit Naparito si Jesus sa Lupa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Capernaum”

CAPERNAUM

[mula sa Heb., nangangahulugang “Nayon ni Nahum”; o, “Nayon ng Pag-aliw”].

Isang lunsod na nagkaroon ng mahalagang papel sa ministeryo ni Jesus sa lupa. Ito ay nasa HK baybayin ng Dagat ng Galilea. Mayroon itong tanggapan ng buwis, at dito tinawag ni Jesus si Mateo upang maging kaniyang alagad (Mat 9:9). Marahil ay mayroon din itong himpilan ng militar, sapagkat may senturyong naninirahan doon. (Mat 8:5) Nakatira rin doon ang isang tagapaglingkod ng hari, na malamang ay mayaman dahil mayroon itong mga alipin. (Ju 4:46-53) Ipinahihiwatig ng mga bagay na ito na malamang na ang Capernaum ay may kalakihan at importante anupat karapat-dapat tawaging “isang lunsod ng Galilea.”​—Luc 4:31.

Dalawang pangunahing lugar ang iminumungkahi bilang orihinal na lokasyon ng Capernaum. Ipinapalagay ng marami na ang mga guho ng Khan Minyeh (Horvat Minnim), na nasa Dagat ng Galilea sa HS sulok ng Kapatagan ng Genesaret, ang malamang na lokasyon ng Capernaum, ngunit ipinahihiwatig ng mga paghuhukay roon na ang mga guho niyaon ay sa mga Arabe. Kaya ang natitira na lamang ay ang Tell Hum (Kefar Nahum), isang malawak na kaguhuan na mga 4 na km (2.5 mi) pa mula sa Khan Minyeh at nasa kahabaan ng baybayin sa dakong HS, anupat halos gayundin ang distansiya nito sa TK ng dako kung saan pumapasok ang Ilog Jordan sa Dagat ng Galilea. Dito ay makitid ang kapatagan ng baybayin, ngunit noong sinaunang mga panahon, may lansangang nagmumula sa Jordan pababa sa Capernaum at bumabagtas sa Kapatagan ng Genesaret anupat karugtong ng bantog na ruta ng kalakalan na nagsisimula sa Mesopotamia at Damasco patungong Palestina hanggang Ehipto. Maraming sapa na umaagos sa Kapatagan ng Genesaret patungo sa Dagat ng Galilea, at dahil sa dami ng mga halamang natatangay ng mga sapang ito, maraming isda ang dumaragsa sa Dagat ng Galilea, kung kaya magandang lokasyon ito para sa mga mangingisda.​—LARAWAN, Tomo 2, p. 739.

Noong pasimula ng kaniyang ministeryo, pagkatapos ng kasalan sa Cana kung saan ginawa niya ang kaniyang unang himala, si Jesus, kasama ang kaniyang ina, mga kapatid na lalaki, at mga alagad, ay naglakbay mula sa Cana pababa sa Capernaum, at nanatili sila roon nang ilang araw bago umahon sa Jerusalem para sa Paskuwa ng taóng 30 C.E.​—Ju 2:12, 13.

Nang maglaon, matapos niyang simulan ang kaniyang dakilang ministeryo sa Galilea at noong nasa Cana na naman siya, makahimalang pinagaling ni Jesus ang anak na lalaki ng isang miyembro ng maharlikang korte ni Herodes Antipas, bagaman ang batang may sakit ay nasa Capernaum na mga 26 na km (16 na mi) ang layo mula sa Cana. (Ju 4:46-54) Maliwanag na mabilis na napabalita sa karatig na mga bayan ang himalang ito anupat nang makaalis si Jesus sa Cana at dumating sa kaniyang sariling bayan ng Nazaret, nasabi niya sa kaniyang mga tagapakinig sa lunsod na iyon na malamang na hihilingin nila na gawin niya sa Nazaret “ang mga bagay na narinig naming nangyari sa Capernaum.” (Luc 4:16, 23) Pagkalisan sa Nazaret, kung saan pinagtangkaan siyang patayin ng taong-bayan, si Jesus ay “nanahanan sa Capernaum sa tabi ng dagat sa mga distrito ng Zebulon at Neptali” (Mat 4:13-16; Luc 4:28-31), sa gayo’y tinupad niya ang hula ni Isaias (9:1, 2) na isang malaking liwanag ang makikita niyaong mga lumalakad sa kadiliman sa pook na iyon.

Posibleng sa kahabaan ng Kapatagan ng Genesaret, na nasa TK ng Capernaum, muling nakita ni Jesus sina Pedro at Andres (na noo’y mga alagad na niya; Ju 1:35-42) at doon niya sila tuwirang inanyayahan na maging aktibong mga tagasunod niya sa ministeryo, pagkatapos ay inanyayahan din niya sina Santiago at Juan. (Mar 1:16-21) Kasunod nito, nangaral si Jesus sa sinagoga ng Capernaum, anupat pinagaling niya ang isang lalaking naroroon na inaalihan ng demonyo, at mula sa lunsod na ito, “patuloy na lumaganap sa bawat sulok ng lupain sa paligid” ang ulat tungkol sa kaniyang pangangaral at mga himala. (Luc 4:31-37; Mar 1:21-28; tingnan ang SINAGOGA.) Nasa Capernaum ang tahanan ng mga mangingisdang sina Pedro at Andres, at dito pinagaling ni Jesus ang biyenang babae ni Pedro. Pagkatapos nito, dinumog ng mga tao ang bahay na iyon, dala ang mga taong may karamdaman at inaalihan ng demonyo upang mapagaling niya.​—Mar 1:29-34; Luc 4:38-41.

Pagkatapos niyang maglakbay sa Galilea upang mangaral kasama ang apat na alagad na tinawag mula sa Capernaum, bumalik si Jesus sa Capernaum, na noo’y maaari nang tawaging “kaniyang sariling lunsod,” at masasabing “tahanan” niya. (Mat 9:1; Mar 2:1) Muli, dumagsa ang mga pulutong sa palibot ng bahay, at sa pagkakataong iyon ay pinagaling ni Jesus ang isang paralitikong ibinaba mula sa isang butas sa bubong. (Mar 2:2-12) Nang maglaon, nang makita ni Jesus si Mateo sa tanggapan ng buwis, inanyayahan din siya ni Jesus, at si Mateo ang naging ikalimang alagad na sumama kay Jesus sa aktibong ministeryo. Sa bahay ni Mateo sa Capernaum, dumalo si Jesus sa isang malaking piging kung saan maraming maniningil ng buwis, isang pangkat na hinahamak ng mga Pariseo.​—Mat 9:9-11; Luc 5:27-30.

Matapos pumasok sa Judea at Jerusalem at dumalo sa Paskuwa ng 31 C.E., bumalik si Jesus sa Galilea, at malamang na siya’y nasa isang bundok sa kapaligiran ng Capernaum nang piliin niya ang 12 upang maging kaniyang mga apostol at nang bigkasin niya ang bantog na Sermon sa Bundok. (Luc 6:12-49) Pagpasok niya sa Capernaum, sinalubong siya ng matatandang lalaki ng mga Judio na nakikiusap para sa isang opisyal ng hukbo na nagpamalas ng pag-ibig sa bansang Judio, anupat ipinagtayo pa nga sila nito ng isang sinagoga sa lunsod. Gayon na lamang ang pananampalataya ng Gentil na opisyal na ito sa kapangyarihan ni Jesus na magpagaling ng isang may-sakit na alipin kahit nasa malayo (yamang bago pa nito ay nagpagaling si Jesus ng isang anak ng tagapaglingkod ng hari). Ikinamangha ni Jesus ang pananampalataya ng opisyal na ito anupat inihula niya na ang mga tao “mula sa mga silanganing bahagi at mga kanluraning bahagi” ay hihilig sa mesa na kasama nina Abraham, Isaac, at Jacob sa Kaharian ng langit.​—Mat 8:5-13; Luc 7:1-10.

Sa pagtatapos ng kaniyang ikalawang paglalakbay upang mangaral sa Galilea at matapos siyang gumawa sa lupain ng mga Geraseno (o mga Gadareno) sa TS ng Dagat ng Galilea, ‘muling tumawid si Jesus patungo sa katapat na baybayin,’ malamang ay sa kapaligiran ng Capernaum. (Mat 8:28; Mar 5:1, 21; Luc 8:26, 40) Sa gitna ng pulutong na naghihintay sa baybayin, isang babae ang napagaling nang hipuin niya ang kasuutan ni Jesus. Pagkatapos nito ay nagsagawa si Jesus ng isang mas malaking himala nang buhayin niya ang namatay na anak na babae ni Jairo, isang punong opisyal ng sinagoga. Muli, bagaman iniutos ni Jesus na huwag ipagsabi ang tungkol sa pagkabuhay-muling ito, “ang usapan tungkol dito ay lumaganap sa buong pook na iyon.” (Mat 9:18-26; Mar 5:22-43; Luc 8:40-56) Posible ring sa Capernaum o sa kapaligiran nito pinagaling ni Jesus ang dalawang lalaking bulag gayundin ang isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo.​—Mat 9:27-34.

Sa pagtatapos ng kaniyang ikatlong paglalakbay sa Galilea upang mangaral at nang malapit na ang Paskuwa ng 32 C.E. (Ju 6:4), naglakad si Jesus sa ibabaw ng tubig ng Dagat ng Galilea nang tumawid sila patungo sa baybayin ng Genesaret malapit sa Capernaum. Pagkapasok sa Capernaum, natagpuan siya ng mga pulutong na sumunod sa kaniya mula sa kabilang ibayo ng dagat. Nang magbigay si Jesus ng isang diskurso upang ituwid ang materyalistikong interes sa kaniya ng karamihan, marami sa kaniyang mga alagad ang umalis sa pangkat ng kaniyang mga tagasunod. Dahil dito, isang mas maliit na bilang ng mga tapat ang natira. (Mat 14:23-34; Mar 6:53; Ju 6:17-71) Pagkatapos niyang daluhan ang Paskuwa ng 32 C.E. sa Jerusalem, malamang na nasa Capernaum si Jesus nang sawayin niya ang mga tradisyonalistang Pariseo dahil pinupuna nila ang mga alagad ni Jesus habang pinawawalang-saysay naman nila ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang mga tradisyon.​—Mat 15:1-20; Mar 7:1-23; Ju 7:1.

Bilang panghuli, ilang panahon bago ang Kapistahan ng mga Kubol ng 32 C.E., noong malapit nang matapos ang kaniyang gawain sa Galilea at sa hilagaang bahagi ng lupain, sa Capernaum makahimalang inilaan ni Jesus ang salaping pambayad ng buwis sa templo at doon niya inilahad ang mga ilustrasyon hinggil sa pagiging dakila sa Kaharian ng langit, sa tupang naligaw, at sa paglutas ng mga di-pagkakasundo.​—Mat 17:24–18:35; Mar 9:33-50; Luc 9:46-50.

Ang Capernaum, kasama ng kalapit na mga lunsod ng Corazin at Betsaida, ay isa sa mga lugar kung saan isinagawa ni Jesus ang karamihan sa kaniyang makapangyarihang mga gawa. (Mat 11:20-24; Luc 10:13-15) Sa espirituwal na paraan, ang Capernaum ay dinakila nang abot-langit dahil sa pangangaral at mga himalang ginawa roon ni Jesus, ngunit ngayon ay ibababa ito, wika nga, sa Hades, na lumalarawan sa lalim ng magiging pagkakababa nito. Gamit ang isang hyperbole, sinabi ni Jesus na kahit ang Sodoma ay hindi malilipol kung pinagpakitaan ito ng pabor gaya ng Capernaum. Sa ngayon, ang lunsod ng Capernaum, tulad ng Sodoma, ay naglaho na, anupat ang mga guho nito sa Tell Hum (Kefar Nahum) ay may lawak na mga 1.5 km (1 mi) sa kahabaan ng baybaying dagat.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share