Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-2 “Traidor”
  • Traidor

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Traidor
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kaparehong Materyal
  • Ahitopel
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Hudas
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Pagtataksil—Palatandaan ng Ating Panahon!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Mga Study Note sa Juan—Kabanata 13
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
it-2 “Traidor”

TRAIDOR

Isa na nagkakanulo sa pagtitiwala ng iba, nagkukunwari sa isang tungkulin, o nagtataksil sa kaniyang bayan o tagapamahala. Ang pinakakilalang traidor sa Bibliya ay “si Hudas Iscariote, na naging traidor.” (Luc 6:16) Ang pangngalang Griego na pro·doʹtes (“tagapagkanulo o mapagkanulo; traidor,” mula sa isang pandiwa na nangangahulugang “ibigay; ipagkanulo”) ay angkop na lumalarawan kay Hudas, sapagkat pagkatapos siyang piliin bilang isang apostol, siya’y naging sakim na magnanakaw (Ju 12:6) at noong bandang huli ay ipinagkanulo niya si Jesus sa mga awtoridad kapalit ng isang maliit na halaga. (Mat 26:14-16, 25, 48, 49) Ang ginawa niya ay hindi isang pansamantalang pag-iwan lamang kay Kristo dahil sa pagtakas sa isang waring mapanganib na situwasyon (Mar 14:50) kundi sinadya niyang ipagkanulo si Jesus sa mga gustong pumatay rito.

Ang mga Judiong lider ng relihiyon ay wasto lamang na tawaging “mga tagapagkanulo at mga mamamaslang” dahil ginamit nila ang traidor na si Hudas, personal na ibinigay ang kanilang kababayang si Kristo sa mga Romano, at pagkatapos ay binaluktot ang katarungan nang salansangin nila ang pagpapahayag kay Jesus bilang walang-sala at hilingin nilang patayin siya.​—Ju 18:28–19:16; Gaw 3:13-15; 7:52.

Ang isa pang namumukod-tanging halimbawa ng isang traidor na itinala sa Bibliya ay si Ahitopel. Bagaman isa siyang pinagkakatiwalaang tagapayo ni Haring David, sumama siya sa paghihimagsik ni Absalom. (2Sa 15:12, 31; 16:20-23; ihambing ang Aw 55:20, 21.) Binigo ng Diyos ang payo ng traidor na tagapayong ito, na humantong sa kaniyang kamatayan nang siya’y magpatiwakal. (2Sa 17:23) Maliwanag na may iba pang naging mga karanasan si David sa mga taong nagtraidor sa kaniya. Sa Awit 59:5, isinasalin ng maraming makabagong salin ng Bibliya ang pangmaramihang Hebreong pandiwaring anyo ng ba·ghadhʹ (nangangahulugang “makitungo nang may kataksilan”) bilang “mga traidor”: “Huwag kang magpakita ng lingap sa sinumang mapanakit na mga traidor.” (JB, NE, NW, Mo) Ipinahihiwatig ng superskripsiyon ng awit na ang tinutukoy ay ang naganap noong magsugo si Saul ng mga tao para magbantay sa bahay ni David upang patayin siya. (1Sa 19:11-18) Kaya, maaaring ang “mga traidor” na binabanggit sa Awit 59:5 ay mga kasamahan ni David na tumalikod sa kaniya o na handang magkanulo sa kaniya noong mga oras na iyon ng pagsubok. O, yamang ang naunang mga salita ay nananawagan sa Diyos na ibaling niya ang kaniyang pansin sa “lahat ng mga bansa,” maaaring ang terminong “mga traidor” ay tumutukoy sa lahat ng sumasalansang sa kalooban ng Diyos, sa loob o sa labas ng Israel.

Ipinahihiwatig ng hula sa 2 Timoteo 3:1-5 hinggil sa mga kalagayang iiral sa “mga huling araw” na sa panahong iyon ay magkakaroon ng maraming mapagkanulo, o mga traidor (sa Gr., pro·doʹtai). Pinayuhan ang mga Kristiyano na “layuan” nila ang mga ito, gaya ng naaangkop sa mga taong nagsisikap na maging matapat sa lahat ng bagay.​—1Te 2:10; Heb 13:18.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share