NAIN
Isang lunsod ng Galilea kung saan binuhay muli ni Jesu-Kristo ang kaisa-isang anak na lalaki ng isang babaing balo. (Luc 7:11-17) Ang Nain ay iniuugnay sa nayon ng Nein (Naʽim) sa HK panig ng Jebel Dahi (Givʽat Ha-More; ang burol ng More), mga 10 km (6 na mi) sa TTS ng Nazaret. Ito ay nasa kalakhang lugar na binanggit nina Jerome at Eusebius para sa sinaunang lugar na ito. Ang Nein, na nakatunghay sa Kapatagan ng Jezreel (Esdraelon), ay nasa isang kaakit-akit at likas na kapaligiran. Gayundin, tinutustusan ng tubig mula sa isang bukal doon ang maiinam na taniman ng mga puno ng olibo at igos. Sa ngayon ay napakaliit ng nayong ito, ngunit ipinakikita ng mga guho sa lugar na iyon na mas malaki ito noong mas maagang mga siglo.—LARAWAN, Tomo 2, p. 738.
Noong 31 C.E., sa panahon ng kaniyang unang paglalakbay sa Galilea ukol sa pangangaral, pumaroon si Kristo Jesus sa Nain mula sa kapaligiran ng Capernaum. (Luc 7:1-11) Isang distansiya na mga 35 km (22 mi) ang naghihiwalay sa dalawang lokasyong ito. Maaaring ang “pintuang-daan” ay isa lamang pasukan sa pagitan ng mga bahay kung saan may daang papasók sa Nain, yamang wala namang katibayan na napalibutan ng pader ang lunsod. Malamang na sa silanganing pasukan ng Nain nasalubong ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ang prusisyon ng libing, na marahil ay patungo sa mga libingan sa gilid ng burol na nasa TS ng makabagong Nein. Palibhasa’y nahabag sa balo na nawalan pa ng anak, lumapit si Jesus sa langkayan at binuhay muli ang anak ng balo. Ang balita tungkol sa himalang ito ay lumaganap sa buong rehiyon at nakarating pa nga sa Judea. Maaaring ang pangyayaring ito ang tinutukoy rin ng mga salitang “ang mga patay ay ibinabangon,” na bahagi ng tugon ni Jesus sa mga mensahero na nang maglaon ay isinugo ng nakabilanggong si Juan na Tagapagbautismo.—Luc 7:11-22.