Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus
Pakikinabang sa mga Ilustrasyon ni Jesus
NANG ang mga alagad ay magsilapit kay Jesus pagkatapos na siya’y magpahayag sa karamihan ng mga tao sa dalampasigan, sila’y sabik na malaman ang tungkol sa kaniyang bagong paraan ng pagtuturo. Ah, kanilang napakinggan siya sa paggamit ng mga ilustrasyon noon pa man subalit hindi gayon kalawak ang kaniyang paggamit niyaon. Kaya’t ibig nilang malaman: “Bakit nga ba kinakausap mo sila sa pamamagitan ng mga ilustrasyon?”
Ang isang dahilan kung bakit gayon ay upang tuparin ang mga salita ng propeta: “Bubukhin ko ang aking bibig sa mga ilustrasyon, ihahayag ko ang mga bagay na natatago sapol nang pagkatatag.” Subalit higit pa ang ibig sabihin nito. Ang kaniyang paggamit ng mga ilustrasyon ay upang tumulong na maisiwalat ang saloobin ng puso ng mga tao.
Ang totoo, karamihan ng tao ay interesado kay Jesus dahil sa siya’y isang mahusay na magkuwento at gumawa ng himala, hindi dahil sa ibig nilang sila’y maglingkod sa kaniya bilang Panginoon at sumunod sa kaniya nang walang pag-iimbot. Ayaw nilang magambala sa kanilang pagkakilala sa mga bagay-bagay o sa kanilang paraan ng pamumuhay. Ayaw nila na ang mensahe ay makatagos sa kanila ng ganoon kalalim. Kaya’t sinabi ni Jesus:
“Kaya naman nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng paggamit ng mga ilustrasyon, sapagkat bagaman nagsisitingin ay hindi sila nakakakita, at bagaman nakikinig ay hindi sila nakakarinig, ni hindi nila nauunawaan iyon; at natutupad sa kanila ang hula ni Isaias, na nagsasabi, ‘ . . . Sapagkat ang puso ng bayang ito ay tumanggi.’”
“Subalit,” ang patuloy pa ni Jesus, “maligaya ang inyong mga mata sapagkat nakakakita, at ang inyong mga pandinig sapagkat nakakarinig. Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, maraming mga propeta at matuwid na mga tao ang nagnanasang makita ang mga bagay na inyong nakikita at hindi nila nakita, at marinig ang mga bagay na inyong naririnig at hindi nila narinig.”
Oo, ang 12 apostol at ang kanilang mga kasama ay may mga pusong handang tumanggap. Kaya naman sinabi ni Jesus: “Sa inyo ipinagkaloob na makaunawa ng banal na mga lihim ng kaharian ng langit, subalit sa mga taong iyon ay hindi ito ipinagkaloob.” Dahilan sa kanilang paghahangad na makaunawa, sa kaniyang mga alagad ay ipinaliwanag ni Jesus ang ilustrasyon ng manghahasik.
“Ang binhi ay ang salita ng Diyos,” ang sabi ni Jesus, at ang lupa ay ang puso. Tungkol sa binhing napahasik sa mabatong tabing-daan, ganito ang paliwanag niya: “Dumating ang Diyablo at inagaw ang binhi sa kanilang mga puso upang sila’y huwag magsisampalataya at maligtas.”
Sa kabilang dako naman, ang binhing napahasik sa lupa na batuhan ang ilalim ay tumutukoy sa puso ng mga tao na tumatanggap sa salita nang may kagalakan. Datapuwat, dahilan sa ang salita’y hindi makapag-ugat sa gayong mga puso, ang mga taong ito’y humihiwalay pagsapit ng panahon ng pagsubok o ng pag-uusig.
Tungkol naman sa binhi na nahulog sa mga tinik, ang patuloy ni Jesus, ito’y tumutukoy sa mga tao na nakarinig ng salita. Subalit, ang mga ito ay napahiwalay rin dahilan sa mga kabalisahan at mga kayamanan at kalayawan ng buhay na ito, kaya sila’y lubusang napigil at wala silang naibungang anuman.
Sa katapus-tapusan, tungkol sa binhing napahasik sa mabuting lupa, ang sabi ni Jesus, ito yaong mga tao na, pagkatapos makarinig ng salita na taglay ang mainam at mabuting puso, kanilang iningatan iyon at nagbunga nang may pagtitiis.
Anong laking pagpapala ang tinamo ng mga alagad na humanap kay Jesus upang makarinig ng paliwanag sa kaniyang mga turo! Nilayon ni Jesus na ang kaniyang mga ilustrasyon ay maunawaan, upang makapagturo sa iba ang katotohanan. “Ang isang ilawan ay hindi tinatakpan ng isang panukat na basket o inilalagay sa ilalim ng higaan, hindi ba?” ang tanong niya. Hindi, kundi “ito’y inilalagay sa isang lalagyan ng ilaw.” At idinagdag pa ni Jesus: “Kaya nga, ingatan ninyo kung paano kayo nakikinig.” Mateo 13:10-23, 34-36; Marcos 4:10-25, 33, 34; Lucas 8:9-18; Awit 78:2; Isaias 6:9, 10.
◆ Bakit gumamit si Jesus ng mga ilustrasyon sa kaniyang pagsasalita?
◆ Paano ipinakita ng mga alagad ni Jesus na sila’y naiiba sa karamihan ng mga tao?
◆ Anong paliwanag ang ibinigay ni Jesus tungkol sa ilustrasyon ng manghahasik?