Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w97 6/15 p. 20-25
  • Itaguyod ang Makadiyos na Kapayapaan sa Buhay Pampamilya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Itaguyod ang Makadiyos na Kapayapaan sa Buhay Pampamilya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Nanganganib ang Buhay Pampamilya
  • Bakit May Krisis sa Pamilya?
  • Apat na Mahalagang Simulain
  • Patuloy na Itaguyod ang Makadiyos na Kapayapaan
  • Tiyakin ang Isang Namamalaging Kinabukasan Para sa Iyong Pamilya
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • May Lihim ba ang Kaligayahan sa Pamilya?
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Ang Inyo Bang Tahanan ay Isang Dako ng Kapahingahan at Kapayapaan?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Tamasahin ang Buhay Pampamilya
    Tamasahin ang Buhay Pampamilya
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
w97 6/15 p. 20-25

Itaguyod ang Makadiyos na Kapayapaan sa Buhay Pampamilya

“Ipatungkol ninyo kay Jehova, O kayong mga pamilya ng mga bayan, ipatungkol ninyo kay Jehova ang kaluwalhatian at lakas.”​—AWIT 96:7.

1. Anong uri ng pasimula ang ibinigay ni Jehova sa buhay pampamilya?

MAPAYAPA at maligayang pinasimulan ni Jehova ang buhay pampamilya nang kaniyang pinagbuklod ang unang lalaki at unang babae sa pag-aasawa. Sa katunayan, gayon na lamang ang kaligayahan ni Adan anupat ipinahayag niya ang kaniyang kagalakan sa pinakaunang nasusulat na tula: “Ito sa wakas ay buto ng aking mga buto at laman ng aking laman. Tatawagin itong Babae, sapagkat sa lalaki ito kinuha.”​—Genesis 2:23.

2. Ano ang nasa isip ng Diyos para sa pag-aasawa bukod pa sa pagdudulot ng kaligayahan sa kaniyang mga anak na tao?

2 Nang itatag ng Diyos ang pag-aasawa at ang kaayusang pampamilya, hindi lamang pagdudulot ng kaligayahan sa kaniyang mga anak na tao ang nasa kaniyang isip. Ibig niyang gawin nila ang kaniyang kalooban. Sinabi ng Diyos sa unang magkabiyak: “Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at inyong supilin, at magkaroon kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat at sa mga ibon sa himpapawid at sa bawat nabubuhay na nilikha na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 1:28) Tunay na isang kasiya-siyang atas. Kay ligaya sana nina Adan, Eva, at ng kanilang magiging mga anak kung masunuring ginawa ng unang mag-asawa ang kalooban ni Jehova!

3. Ano ang kailangan upang ang mga pamilya ay makapamuhay nang may makadiyos na debosyon?

3 Subalit kahit ngayon, pinakamaligaya ang mga pamilya kapag nagkakaisa silang gumagawa ng kalooban ng Diyos. At tunay na kamangha-manghang pag-asa ang taglay ng gayong masunuring mga pamilya! Sumulat si apostol Pablo: “Ang maka-Diyos na debosyon ay kapaki-pakinabang sa lahat ng mga bagay, yamang hawak nito ang pangako sa buhay ngayon at yaong darating.” (1 Timoteo 4:8) Ang mga pamilyang namumuhay na may tunay na makadiyos na debosyon ay sumusunod sa mga simulain ng Salita ni Jehova at gumagawa ng kaniyang kalooban. Itinataguyod nila ang makadiyos na kapayapaan at sa gayo’y nakasusumpong ng kaligayahan sa “buhay ngayon.”

Nanganganib ang Buhay Pampamilya

4, 5. Bakit masasabi na nanganganib ngayon sa buong daigdig ang buhay pampamilya?

4 Mangyari pa, hindi lahat ng pamilya ay mapayapa at maligaya. Sa pagbanggit tungkol sa isang pag-aaral ng isang organisasyon sa demograpiya na tinatawag na Population Council, ganito ang sabi ng The New York Times: “Kapuwa sa mayayaman at mahihirap na bansa, ang kayarian ng buhay pampamilya ay dumaranas ng lubusang pagbabago.” Sinipi ang sinabi ng isang awtor ng pag-aaral na ito: “Ang ideya na ang pamilya ay isang matatag at nagkakaisang grupo na dito ang ama ay nagsisilbing tagapaglaan ng ikabubuhay at ang ina ay nagsisilbing tagapagbigay ng emosyonal na pangangalaga ay isang haka-haka. Ang totoo ay na ang mga kausuhan tulad ng pagiging dalagang-ina, dumaraming diborsiyo, [at] mas maliliit na sambahayan . . . ang siyang nagaganap sa buong daigdig.” Dahil sa gayong kausuhan, milyun-milyong pamilya ang walang katatagan, kapayapaan, at kaligayahan, at marami ang nagkakawatak-watak. Ang bilang ng diborsiyo sa Espanya ay dumami mula sa 1 sa 8 pag-aasawa noong pasimula ng huling dekada ng ika-20 siglo​—isang mabilis na pagtaas mula sa 1 sa 100 noon lamang 25 taon bago nito. Ang Inglatera ay iniulat na may isa sa pinakamaraming diborsiyo sa Europa​—4 sa 10 pag-aasawa ang nabibigo. Naranasan din sa bansang ito ang mabilis na pagdami ng mga pamilyang may nagsosolong magulang.

5 Waring hindi makapaghintay ang mga tao na makakuha ng diborsiyo. Marami ang dumaragsa sa “Dambanang Pumuputol sa Tali” malapit sa Tokyo, Hapon. Ang templong Shinto na ito ay tumatanggap ng mga pakiusap para sa diborsiyo at sa paghihiwalay sa ibang di-naiibigang kaugnayan. Bawat mananamba ay sumusulat ng kaniyang pagsamo sa isang manipis na sulatang kahoy, ibinibitin ito sa mga silid ng dambana, at nananalangin para sa isang sagot. Sinasabi ng isang pahayagan sa Tokyo na mga sandaang taon na ang nakalipas nang itatag ang dambana, “ang mga asawang babae ng mayayamang lokal na mga negosyante ay sumulat ng mga panalangin na humihiling na iwan ng kani-kanilang asawa ang kanilang mga kalaguyo at magbalik sa kanila.” Subalit ngayon, karamihan ng mga pagsamo ay para sa diborsiyo, hindi para sa muling pagkakasundo. Walang alinlangan, nanganganib ang buhay pampamilya sa buong daigdig. Dapat ba itong ipagtaka ng mga Kristiyano? Hindi, sapagkat binibigyan tayo ng Bibliya ng malalim na unawa hinggil sa kasalukuyang krisis sa pamilya.

Bakit May Krisis sa Pamilya?

6. Ano ang kaugnayan ng 1 Juan 5:19 sa krisis ng pamilya ngayon?

6 Ito ang isang dahilan ng krisis sa pamilya ngayon: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Ano ang maaasahan natin sa isa na balakyot, si Satanas na Diyablo? Siya’y ubod-sama, imoral na sinungaling. (Juan 8:44) Hindi nakapagtataka na ang kaniyang sanlibutan ay nagpapakalulong sa panlilinlang at imoralidad, na totoong sumisira sa buhay pampamilya! Sa labas ng organisasyon ng Diyos, pinagbabantaang wasakin ng satanikong impluwensiya ang institusyon ni Jehova sa pag-aasawa at wakasan ang mapayapang buhay pampamilya.

7. Paanong ang mga pamilya ay maaapektuhan ng mga katangiang ipinamamalas ng maraming tao sa mga huling araw na ito?

7 Ang isa pang dahilan ng mga suliranin sa pamilya na sumasalot ngayon sa sangkatauhan ay ipinakikita sa 2 Timoteo 3:1-5. Ipinakikita ng makahulang mga salita ni Pablo na nakaulat dito na nabubuhay tayo sa “mga huling araw.” Hindi maaaring maging mapayapa at maligaya ang mga pamilya kung ang mga miyembro nito ay “mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki sa pagmamapuri, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos, na may anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito.” Hindi maaaring maging lubusang maligaya ang isang pamilya kahit na isa lamang sa mga miyembro nito ang walang likas na pagmamahal o kaya’y di-matapat. Paano magiging mapayapa ang buhay pampamilya kung ang isa sa sambahayan ay mabangis at hindi bukas sa anumang kasunduan? Masahol pa, paano magkakaroon ng kapayapaan at kaligayahan kapag ang mga miyembro ng pamilya ay mga maibigin sa kaluguran kaysa maibigin sa Diyos? Ito ang mga katangian ng mga tao sa sanlibutang ito na pinamamahalaan ni Satanas. Hindi nakapagtataka na mailap ang kaligayahan sa pamilya sa mga huling araw na ito!

8, 9. Ano ang maaaring maging epekto ng paggawi ng mga anak sa kaligayahan ng pamilya?

8 Ang masamang asal ng mga anak ang isa pang dahilan kung bakit maraming pamilya ang walang kapayapaan at kaligayahan. Nang ihula ni Pablo ang mga kalagayan sa mga huling araw, inihula niya na maraming anak ang magiging masuwayin sa mga magulang. Kung isa kang kabataan, nakatutulong ba ang iyong asal upang maging mapayapa at maligaya ang iyong pamilya?

9 Ang ilang anak ay hindi huwaran sa paggawi. Halimbawa, isang batang lalaki ang sumulat sa kaniyang ama ng ganitong nakagagalit na liham: “Kung hindi mo ako dadalhin sa Alejandria ay hindi ako susulat, o makikipag-usap, o magpapaalam sa iyo, at kung pupunta ka sa Alejandria ay hindi ako hahawak sa iyong kamay o babati pa sa iyong muli kailanman. Ito ang mangyayari kapag hindi mo ako isinama . . . Ngunit padalhan mo ako ng isang [alpa], nakikiusap ako sa iyo. Kung hindi mo ako padadalhan, hindi ako kakain at hindi ako iinom. Sige ka!” Wari bang ganito ang nangyayari sa ngayon? Buweno, ang liham na ito ng isang bata sa kaniyang ama ay isinulat sa sinaunang Ehipto mahigit na 2,000 taon na ang nakalipas.

10. Paano matutulungan ng mga kabataan ang kanilang pamilya na magtaguyod ng makadiyos na kapayapaan?

10 Hindi nagtaguyod ng kapayapaan ang saloobin ng kabataang Ehipsiyong iyon. Sabihin pa, mas malulubhang bagay ang nangyayari sa mga pamilya sa mga huling araw na ito. Gayunman, kayong mga kabataan ay makatutulong sa inyong pamilya na magtaguyod ng makadiyos na kapayapaan. Paano? Sa pamamagitan ng pagsunod sa payong ito ng Bibliya: “Kayong mga anak, maging masunurin kayo sa inyu-inyong mga magulang sa lahat ng bagay, sapagkat ito ay nakalulugod nang mainam sa Panginoon.”​—Colosas 3:20.

11. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maging tapat na mga lingkod ni Jehova?

11 Kumusta naman kayong mga magulang? Maibiging tulungan ang inyong mga anak na maging tapat na mga lingkod ni Jehova. “Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran,” sabi ng Kawikaan 22:6. “Kahit tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan iyon.” Sa pamamagitan ng mahusay na mga turo ng Kasulatan at mabuting halimbawa ng mga magulang, maraming batang lalaki at batang babae ang hindi humihiwalay sa wastong daan kapag sila’y nagkakaedad. Subalit malaking bahagi ang nakasalalay sa kalidad at lawak ng pagsasanay sa Bibliya at sa puso ng kabataan.

12. Bakit dapat na maging mapayapa ang isang Kristiyanong tahanan?

12 Kung lahat ng miyembro ng ating pamilya ay nagsisikap na gawin ang kalooban ni Jehova, dapat ay nagtatamasa tayo ng makadiyos na kapayapaan. Ang isang Kristiyanong tahanan ay dapat na puno ng ‘mga kaibigan ng kapayapaan.’ Ipinakikita ng Lucas 10:1-6 na gayong mga tao ang nasa isip ni Jesus nang suguin niya ang 70 alagad bilang mga ministro at sabihin sa kanila: “Saanman kayo pumasok sa isang bahay sabihin muna, ‘Nawa’y magkaroon ng kapayapaan ang bahay na ito.’ At kung naroon ang isang kaibigan ng kapayapaan, ang inyong kapayapaan ay mananatili sa kaniya.” Habang ang mga lingkod ni Jehova ay mapayapang nagbabahay-bahay taglay “ang mabuting balita ng kapayapaan,” hinahanap nila ang mga kaibigan ng kapayapaan. (Gawa 10:34-​36; Efeso 2:13-​18) Tiyak, dapat na maging mapayapa ang isang Kristiyanong sambahayan na binubuo ng mga kaibigan ng kapayapaan.

13, 14. (a) Ano ang hinangad ni Naomi para kina Ruth at Orpa? (b) Dapat na maging anong uri ng dakong pahingahan ang isang Kristiyanong tahanan?

13 Ang tahanan ay dapat na maging isang dako ng kapayapaan at kapahingahan. Umasa ang matandang balo na si Naomi na pagkakalooban ng Diyos ang kaniyang mga kabataang balong manugang, sina Ruth at Orpa, ng kapahingahan at kaaliwan na bunga ng pagkakaroon ng isang mabuting asawa at tahanan. Sinabi ni Naomi: “Ipagkaloob nawa ni Jehova na kayo’y makasumpong ng isang dakong pahingahan bawat isa sa inyo sa bahay ng kaniyang asawa.” (Ruth 1:9) Tungkol sa nais ni Naomi, sumulat ang isang iskolar na sa gayong tahanan sina Ruth at Orpa ay “makasusumpong ng katubusan mula sa kaligaligan at kabalisahan. Makasusumpong sila ng kapahingahan. Iyon ay isang kalagayan na doo’y makapamamalagi sila, at na doo’y makasusumpong ng kasiyahan at katahimikan ang kanilang pinakamagigiliw na damdamin at pinakamararangal na hangarin. Ang natatanging puwersa ng Hebreo . . . ay mainam na inilalarawan ng kalikasan ng kaugnay na mga pananalita sa [Isaias 32:17, 18].”

14 Pakisuyong pansinin ang pagbanggit na ito sa Isaias 32:17, 18. Doon ay mababasa natin: “Ang gawain ng tunay na katuwiran ay magiging kapayapaan; at ang bunga ng tunay na katuwiran ay katahimikan at katiwasayan hanggang sa panahong walang takda. At ang bayan ko ay tatahan sa payapang dakong tirahan at sa mga tiwasay na tahanan at sa mga tahimik na dakong pahingahan.” Ang isang Kristiyanong tahanan ay dapat na maging isang dakong pahingahan ng katuwiran, katahimikan, katiwasayan, at makadiyos na kapayapaan. Subalit paano naman kung bumangon ang mga pagsubok, di-pagkakaunawaan, o iba pang suliranin? Kung gayo’y lalo nating kailangang malaman ang lihim ng kaligayahan sa pamilya.

Apat na Mahalagang Simulain

15. Paano ninyo bibigyang-katuturan ang lihim ng kaligayahan sa pamilya?

15 Utang ng bawat pamilya sa lupa ang pangalan nito sa Diyos na Jehova, ang Maylalang ng mga pamilya. (Efeso 3:14, 15) Kaya yaong nagnanais ng kaligayahan sa pamilya ay dapat na humingi ng kaniyang patnubay at pumuri sa kaniya, gaya ng ginawa ng salmista: “Ipatungkol ninyo kay Jehova, O kayong mga pamilya ng mga bayan, ipatungkol ninyo kay Jehova ang kaluwalhatian at lakas.” (Awit 96:7) Ang lihim ng kaligayahan sa pamilya ay nasa mga pahina ng Salita ng Diyos, ang Bibliya, at sa pagkakapit ng mga simulain nito. Ang isang pamilya na nagkakapit ng mga simulaing ito ay magiging maligaya at magtatamasa ng makadiyos na kapayapaan. Kaya naman tingnan natin ang apat sa mahahalagang simulaing ito.

16. Anong papel ang dapat gampanan ng pagpipigil-sa-sarili sa buhay pampamilya?

16 Ang isa sa mga simulaing ito ay nakasentro rito: Ang pagpipigil-sa-sarili ay mahalaga sa makadiyos na kapayapaan ng buhay pampamilya. Ganito ang sabi ni Haring Solomon: “Parang isang siyudad na nasira nang lampas-lampasan, na walang pader, ganiyan ang tao na hindi nagpipigil ng kaniyang diwa.” (Kawikaan 25:28) Ang pagpipigil ng ating diwa​—pagpapamalas ng pagpipigil-sa-sarili​—ay mahalaga kung ibig nating magkaroon ng isang mapayapa at maligayang pamilya. Bagaman tayo ay di-sakdal, kailangan nating ipamalas ang pagpipigil-sa-sarili, na isang bunga ng banal na espiritu ng Diyos. (Roma 7:21, 22; Galacia 5:22, 23) Ang espiritu ay magbubunga sa atin ng pagpipigil-sa-sarili kung nananalangin tayo para sa katangiang ito, ikakapit ang payo ng Bibliya tungkol dito, at makikisama sa iba na nagtataglay nito. Tutulungan tayo ng landasing ito na ‘tumakas mula sa pakikiapid.’ (1 Corinto 6:18) Makatutulong din sa atin ang pagpipigil-sa-sarili na tanggihan ang karahasan, iwasan o daigin ang alkoholismo, at harapin nang mas mahinahon ang mahihirap na situwasyon.

17, 18. (a) Paano kumakapit ang 1 Corinto 11:3 sa Kristiyanong buhay pampamilya? (b) Paano nagtataguyod ng makadiyos na kapayapaan sa isang pamilya ang pagkilala sa pagkaulo?

17 Ang isa pang mahalagang simulain ay masasabi ng ganito: Ang pagkilala sa pagkaulo ay tutulong sa atin na magtaguyod ng makadiyos na kapayapaan sa ating pamilya. Sumulat si Pablo: “Nais kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.” (1 Corinto 11:3) Nangangahulugan ito na mangunguna ang lalaki sa pamilya, na magiging matapat na katulong ang kaniyang asawa, at na magiging masunurin ang mga anak. (Efeso 5:22-​25, 28-​33; 6:1-4) Magtataguyod ng makadiyos na kapayapaan sa buhay pampamilya ang gayong paggawi.

18 Kailangang tandaan ng isang Kristiyanong asawang lalaki na ang maka-Kasulatang pagkaulo ay hindi ang pagiging diktador. Dapat niyang tularan si Jesus, ang kaniyang Ulo. Bagaman siya ay magiging “ulo sa ibabaw ng lahat ng mga bagay,” si Jesus ay “dumating, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod.” (Efeso 1:22; Mateo 20:28) Sa kahawig na paraan, ginagampanan ng isang Kristiyanong lalaki ang pagkaulo sa isang maibiging paraan na magpapangyaring maasikaso niyang mabuti ang kapakanan ng kaniyang pamilya. At tiyak na ibig ng isang Kristiyanong asawang babae na makipagtulungan sa kaniyang asawa. Bilang kaniyang “katulong” at “isang kapupunan,” ipinakikita niya ang mga katangian na wala sa kaniyang asawa at sa gayo’y binibigyan siya ng kinakailangang suporta. (Genesis 2:20; Kawikaan 31:10-​31) Ang wastong pagganap ng pagkaulo ay tumutulong sa mga mag-asawa na pakitunguhan ang isa’t isa nang may paggalang at nagpapakilos sa mga anak na maging masunurin. Oo, nagtataguyod ng makadiyos na kapayapaan sa buhay pampamilya ang pagkilala sa pagkaulo.

19. Bakit mahalaga ang mabuting komunikasyon sa kapayapaan at kaligayahan ng pamilya?

19 Ang ikatlong mahalagang simulain ay maipahahayag sa mga salitang ito: Mahalaga ang mabuting komunikasyon para sa kapayapaan at kaligayahan ng pamilya. Sinasabi sa atin ng Santiago 1:19: “Ang bawat tao ay dapat na maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” Ang mga miyembro ng pamilya ay kailangang makinig at makipag-usap sa isa’t isa sapagkat ang komunikasyon sa pamilya ay isang daan na may dalawang patunguhan. Gayunman, kahit na kapag totoo ang sinasabi natin, malamang na higit itong makapinsala kaysa makabuti kung sasabihin sa isang mabagsik, mapagmataas, o walang-konsiderasyong paraan. Ang ating pananalita ay dapat na magiliw, anupat “tinimplahan ng asin.” (Colosas 4:6) Nagtataguyod ng makadiyos na kapayapaan ang mga pamilya na sumusunod sa maka-Kasulatang mga simulain at may mabuting komunikasyon.

20. Bakit ninyo masasabi na mahalaga ang pag-ibig sa kapayapaan ng pamilya?

20 Ito ang ikaapat na simulain: Ang pag-ibig ay mahalaga sa kapayapaan at kaligayahan ng pamilya. Maaaring gumanap ng mahalagang papel sa pag-aasawa ang romantikong pag-ibig, at maaaring tumubo sa mga miyembro ng isang pamilya ang matinding pagmamahalan. Subalit higit na mahalaga ang pag-ibig na ipinahihiwatig ng Griegong salitang a·gaʹpe. Ito ang pag-ibig na nililinang natin para kay Jehova, kay Jesus, at sa ating kapuwa. (Mateo 22:37-​39) Ipinakita ng Diyos ang pag-ibig na ito sa sangkatauhan sa pagbibigay ng “kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Totoong kay inam na maipamalas natin ang gayunding uri ng pag-ibig sa ating mga kapamilya! Ang matayog na pag-ibig na ito ay “isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.” (Colosas 3:14) Pinagbubuklod nito ang mag-asawa at ginaganyak sila na gawin ang pinakamabuti para sa isa’t isa at para sa kanilang mga anak. Kapag bumangon ang mga suliranin, tumutulong sa kanila ang pag-ibig upang may pagkakaisang harapin ang mga bagay-bagay. Matitiyak natin ito sapagkat “ang pag-ibig ay . . . hindi naghahanap ng sariling mga kapakanan nito . . . Tinitiis nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, binabata ang lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay hindi kailanman nabibigo.” (1 Corinto 13:4-8) Tunay na maligaya ang mga pamilya na ang pag-ibig sa isa’t isa ay pinatatatag ng pag-ibig kay Jehova!

Patuloy na Itaguyod ang Makadiyos na Kapayapaan

21. Ano ang malamang na magpasagana ng kapayapaan at kaligayahan sa inyong pamilya?

21 Ang nabanggit na mga simulain at ang iba pa na matatagpuan sa Bibliya ay binabalangkas sa mga publikasyon na may kabaitang inilaan ni Jehova sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45) Halimbawa, ang gayong impormasyon ay masusumpungan sa 192-pahinang aklat na Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, na inilabas sa “Mga Mensahero ng Makadiyos na Kapayapaan” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova na ginanap sa buong daigdig nitong 1996/97. Magbubunga ng maraming kapakinabangan ang personal at pampamilyang pag-aaral ng Kasulatan sa tulong ng gayong publikasyon. (Isaias 48:17, 18) Oo, malamang na managana ang kapayapaan at kaligayahan ng inyong pamilya dahil sa pagkakapit ng maka-Kasulatang payo.

22. Sa ano dapat nakasentro ang ating buhay pampamilya?

22 Kamangha-manghang mga bagay ang inihahanda ni Jehova para sa mga pamilyang gumagawa ng kaniyang kalooban, at karapat-dapat natin siyang purihin at paglingkuran. (Apocalipsis 21:1-4) Kaya maging sentro nawa ng inyong buhay pampamilya ang pagsamba sa tunay na Diyos. At harinawang pagpalain kayo ng ating maibiging Ama sa langit, si Jehova, ng kaligayahan habang nagtataguyod kayo ng makadiyos na kapayapaan sa inyong buhay pampamilya!

Paano Mo Sasagutin?

◻ Ano ang kailangan upang makapamuhay nang may makadiyos na debosyon ang mga pamilya?

◻ Bakit may krisis sa pamilya ngayon?

◻ Ano ang lihim ng kaligayahan sa pamilya?

◻ Ano ang ilang simulain na tutulong sa atin na magtaguyod ng kapayapaan at kaligayahan sa buhay pampamilya?

[Larawan sa pahina 24]

Ang mabuting komunikasyon ay tumutulong sa atin na magtaguyod ng makadiyos na kapayapaan sa buhay pampamilya

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share