Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 3/1 p. 30-31
  • Nagsugo si Jesus ng 70 Alagad

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nagsugo si Jesus ng 70 Alagad
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Mga Ministrong Hindi Magambala
  • Mga Aral Para sa Atin
  • “Humayo Kayo at Gumawa ng mga Alagad”
    Halika Maging Tagasunod Kita
  • Apurahang Nangangailangan—Higit Pang mga Mang-aani!
    Gumising!—1986
  • “Kailangan Munang Maipangaral ang Mabuting Balita”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1988
  • Maging Nagagalak na mga Mang-aani!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 3/1 p. 30-31

Tinupad Nila ang Kalooban ni Jehova

Nagsugo si Jesus ng 70 Alagad

TAGSIBOL noon ng 32 C.E. Anim na buwan na lamang ang natitira bago ang kamatayan ni Jesus. Kaya naman, upang mapabilis ang gawaing pangangaral at higit pang masanay ang ilan sa kaniyang mga tagasunod, nagtalaga siya ng 70 alagad at “isinugo sila nang dala-dalawa sa unahan niya sa bawat lunsod at dako na kung saan siya mismo ay paroroon.”​—Lucas 10:1.a

Sinugo ni Jesus ang kaniyang mga alagad “sa unahan niya” upang ang mga tao’y mabilis na makapagpasiya kung sila’y panig o laban sa Mesiyas kapag si Jesus mismo ay dumating sa dakong huli. Subalit bakit niya sila sinugo “nang dala-dalawa”? Maliwanag, upang sila’y magpatibayan sa isa’t isa kapag sila’y napaharap sa pagsalansang.

Sa pagdiriin sa pagkaapurahan ng kanilang gawaing pangangaral, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Ang pag-aani, tunay nga, ay malaki, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Samakatuwid magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.” (Lucas 10:2) Angkop ang pagkakatulad sa pag-aani, sapagkat anumang pag-antala sa panahon ng pag-aani ay maaaring magbunga ng pagkasayang ng mahalagang ani. Sa katulad na paraan, kung pababayaan ng mga alagad ang kanilang atas na pangangaral, maaaring maiwala ang mahahalagang buhay!​—Ezekiel 33:6.

Mga Ministrong Hindi Magambala

Tinagubilinan pa ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Huwag kayong magdala ng supot ng salapi, ni supot ng pagkain, ni mga sandalyas, at huwag yakapin sa pagbati sa daan ang sinuman.” (Lucas 10:4) Kaugalian na ng isang manlalakbay na magdala hindi lamang ng supot ng pagkain kundi ng karagdagang pares din ng sandalyas, sapagkat maaaring mapudpod ang suwelas at masira ang mga panali. Subalit ang mga alagad ni Jesus ay hindi dapat mag-alala tungkol sa mga bagay na iyon. Bagkus, dapat silang magtiwala na pangangalagaan sila ni Jehova sa pamamagitan ng mga kapuwa Israelita, na sa kanila ay isang kaugalian ang pagiging mapagpatuloy.

Subalit bakit sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na huwag yakapin sa pagbati ang sinuman? Sila ba’y dapat na maging malamig, bastos pa nga? Hindi naman! Ang salitang Griego na a·spaʹzo·mai, na nangangahulugang yakapin sa pagbati, ay maaaring mangahulugan ng higit pa sa magalang na “kumusta” o “magandang araw.” Maaaring kasali rin ang kinaugaliang mga paghalik, pagyakap, at mahahabang pag-uusap na maaaring mangyari kapag nagkita ang dalawang magkakilala. Ganito ang sabi ng isang komentarista: “Ang mga pagbati sa mga taga-Oryente ay hindi lamang bahagyang pagyuko, o pagkumusta, na gaya ng sa atin, kundi ginagawa ito sa pamamagitan ng maraming pagyapos, at pagyuko, at pagpapatirapa pa nga sa lupa. Lahat ng ito’y nangangailangan ng maraming panahon.” (Ihambing ang 2 Hari 4:29.) Sa gayo’y tinulungan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na iwasan ang di-kinakailangan, bagaman kinaugalian, na mga pang-abala.

Sa katapusan, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na kapag sila’y pumasok sa isang bahay at sila’y malugod na tinanggap, dapat silang “manatili sa bahay na iyon, na kinakain at iniinom ang mga bagay na inilalaan nila.” Subalit kung pumasok sila sa isang lunsod at hindi sila malugod na tinanggap, dapat silang “lumabas sa malalapad na mga daan nito at sabihin, ‘Maging ang alabok na dumikit sa aming mga paa mula sa inyong lunsod ay ipinupunas namin laban sa inyo.’ ” (Lucas 10:7, 10, 11) Ang pagpupunas o pagpapagpag ng alabok sa paa ay mangangahulugan na mapayapang ipinauubaya ng mga alagad ang hindi tumanggap na bahay o lunsod sa mga kahihinatnan na sa wakas ay sasapit mula sa Diyos. Subalit inihahanay niyaong mga may kabaitang tumanggap sa mga alagad ni Jesus ang kanilang mga sarili para sa mga pagpapala. Minsan naman ay sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol: “Siya na tumatanggap sa inyo ay tumatanggap din sa akin, at siya na tumatanggap sa akin ay tumatanggap din sa kaniya na nagsugo sa akin. At sinumang nagbibigay sa isa sa maliliit na ito ng isang kopa lamang ng malamig na tubig na maiinom sapagkat siya ay isang alagad, sinasabi ko sa inyo sa katotohanan, siya sa anumang paraan ay hindi mawawalan ng kaniyang gantimpala.”​—Mateo 10:40, 42.

Mga Aral Para sa Atin

Ang atas na mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos at gumawa ng mga alagad ay isinasagawa ngayon ng mahigit na 5,000,000 Saksi ni Jehova sa buong daigdig. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Batid nila na ang kanilang mensahe ay apurahan. Kaya nga, ginagamit nila sa pinakamabuti ang kanilang panahon, anupat iniiwasan ang mga pang-abala na hahadlang sa kanila sa pagbibigay ng buong pansin sa kanilang mahalagang atas.

Ang mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na maging palakaibigan sa lahat ng nakakatagpo nila. Gayunman, hindi lamang sila nakikipagdaldalan, ni nakikisangkot man sila sa mga debate tungkol sa mga usaping panlipunan o sa bigong mga pagsisikap ng daigdig na ito na ituwid ang mga kawalan ng katarungan. (Juan 17:16) Sa halip, itinutuon nila ang kanilang pakikipag-usap sa tanging pangmatagalang lunas sa mga suliranin ng tao​—ang Kaharian ng Diyos.

Karaniwan na, ang mga Saksi ni Jehova ay nakikitang gumagawa nang dala-dalawa. Hindi ba’t mas marami ang magagawa kung ang bawat isa sa kanila ay gagawang mag-isa? Marahil. Gayunpaman, kinikilala ng mga Kristiyano ngayon ang pakinabang ng paggawang kaagapay ng kapananampalataya. Isa itong proteksiyon kapag nagpapatotoo sa mapanganib na mga lugar. Ang paggawang kasama ng isang kapareha ay nagpapangyari rin sa mga baguhan na makinabang sa kasanayan ng mas makaranasang mga mamamahayag ng mabuting balita. Tunay, kapuwa sila makapagpapalitan ng pampatibay-loob.​—Kawikaan 27:17.

Walang alinlangan, ang gawaing pangangaral ang pinakaapurahang gawaing isinasagawa sa “mga huling araw” na ito. (2 Timoteo 3:1) Ang mga Saksi ni Jehova ay natutuwa sa suporta ng pambuong-daigdig na kapatiran na gumagawang “magkaagapay para sa pananampalataya sa mabuting balita.”​—Filipos 1:27.

[Talababa]

a Ang ilang Bibliya at sinaunang mga manuskritong Griego ay nagsasabi na si Jesus ay nagsugo ng “pitumpu’t dalawang” alagad. Gayunman, maraming manuskrito ang sumusuporta sa pagbasa na “pitumpu.” Ang teknikalidad na ito ay hindi dapat mag-alis sa pangunahing punto, na si Jesus ay nagsugo ng malaking grupo ng kaniyang mga alagad upang mangaral.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share