Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w95 2/15 p. 13-17
  • Iniligtas na Buháy sa Panahon ng Malaking Kapighatian

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Iniligtas na Buháy sa Panahon ng Malaking Kapighatian
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kung Paano ang mga Araw ni Noe
  • Unang-Siglong Parisán
  • Isang Malaking Pulutong ng mga Nakaligtas
  • Pananatiling Gising
  • Ang Ilan ay “Hindi Na Kailanman Mamamatay”
  • Isang Tiyak na Pag-asa
  • Maliligtas Ka ba Kapag Kumilos ang Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Hinahatulan Mo ba ang Sanlibutan sa Pamamagitan ng Iyong Pananampalataya?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Mas Apurahan Ngayon na Maging Mapagbantay Tayo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
  • Pinuksa ng Tubig ang Isang Sanlibutan—Mauulit Kaya Ito?
    Matuto Mula sa Dakilang Guro
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1995
w95 2/15 p. 13-17

Iniligtas na Buháy sa Panahon ng Malaking Kapighatian

“Ito ang mga lumabas mula sa malaking kapighatian, at nilabhan nila ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero.”​—APOCALIPSIS 7:14.

1. Sino ang sasalubong sa mga binuhay-muli sa makalupang pagkabuhay-muli?

KAPAG ibinangon na ang di-mabilang na milyun-milyon sa ‘pagkabuhay-muli ng mga matuwid at ng mga di-matuwid,’ sila’y hindi na ibabalik sa pamumuhay sa isang walang-pakinabang na lupa. (Gawa 24:15) Sila’y magigising sa pinagandang kapaligiran at masusumpungan nilang nakahanda na para sa kanila ang tirahan, damit, at masaganang pagkain. Sino ang maghahanda ng lahat ng ito? Maliwanag na may mga tao nang naninirahan sa bagong sanlibutan bago pa magsimula ang makalupang pagkabuhay-muli. Sino sila? Tinutukoy ng Bibliya na sila yaong makaliligtas sa dumarating na malaking kapighatian. Sa lahat ng mga turo ng Bibliya, walang-pagsalang ito ang pinakanakapagtataka​—na may ilang tapat na mga taong makaliligtas na buháy sa panahon ng malaking kapighatian at hindi na kailanman mamamatay. Ang pag-asang ito ay malinaw na pinatunayan sa Banal na Kasulatan.

Kung Paano ang mga Araw ni Noe

2, 3. (a) Anong mga pagkakatulad mayroon sa mga araw ni Noe at sa ating panahon? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng pagkakaligtas ni Noe at ng kaniyang pamilya sa panahon ng Baha?

2 Sa Mateo 24:37-39, gumawa ng paghahambing si Jesu-Kristo sa mga araw ni Noe at sa mga huling araw, na siyang kinaroroonan natin sa ngayon. Sinabi niya: “Kung paano ang mga araw ni Noe, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao. Sapagkat gaya nila noong mga araw na iyon bago ang baha, na kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong; at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.”

3 Tinangay ng pangglobong Baha ang lahat ng mga di-nagbigay-pansin sa babalang mensahe ng Diyos. Subalit, hindi nito tinangay si Noe at ang kaniyang pamilya. Sila’y “pumasok sa daong,” gaya ng sinabi ni Jesus. Dahil sa kanilang maka-Diyos na debosyon, pinaglaanan sila ni Jehova ng isang paraan ng kaligtasan. Ang 2 Pedro 2:5, 9 ay tumutukoy sa pagkakaligtas ni Noe at ng kaniyang pamilya nang sabihin nito: “Iningatang ligtas [ng Diyos] si Noe, isang mángangarál ng katuwiran, kasama ng pitong iba pa nang magpasapit siya ng delubyo sa isang sanlibutan ng mga taong di-maka-Diyos. Alam ni Jehova kung paano magligtas ng mga taong may maka-Diyos na debosyon mula sa pagsubok.” Pinaghambing ni Jesus ang mga araw ni Noe at ang mga huling araw upang ipakita na ang mga tao sa pangkalahatan ay hindi susunod sa babalang mensahe ng Diyos. Gayunpaman, sa paggawa nito ay tiniyak din niya na si Noe at ang kaniyang pamilya ay tumalima sa Diyos na Jehova, pumasok sa daong, at nakaligtas sa malaking Baha. Ang kaligtasan ni Noe at ng kaniyang pamilya ay tumutukoy sa kaligtasan ng tapat na mga lingkod ng Diyos sa pagwawakas ng sanlibutang ito.

Unang-Siglong Parisán

4. Sa katuparan ng mga salita ni Jesus, anu-anong pangyayari ang umakay sa pagkapuksa ng Jerusalem noong 70 C.E.?

4 Bumanggit din si Jesus ng mga pangyayaring magaganap sa pagwawakas ng sanlibutang ito. Sa Mateo 24:21, 22, mababasa natin: “Kung magkagayon ay magkakaroon ng malaking kapighatian gaya ng hindi pa nangyayari mula nang pasimula ng sanlibutan hanggang sa ngayon, hindi, ni mangyayari pang muli. Sa katunayan, malibang paikliin ang mga araw na iyon, walang laman ang maliligtas; subalit dahil sa mga pinili ay paiikliin ang mga araw na iyon.” Ang mga salitang ito ay may naunang katuparan noong unang siglo ng ating Karaniwang Panahon. Noong 66 C.E., ang lunsod ng Jerusalem ay nilusob ng mga hukbong Romano sa ilalim ni Cestius Gallus. Halos paguhuin na ng mga kawal Romano ang pader ng templo, at handa nang sumuko ang maraming mga Judio. Subalit di-sukat akalain ay biglang pinaurong ni Cestius Gallus ang kaniyang mga kawal nang walang kadahi-dahilan. Nang makitang umurong ang mga Romano, kumilos ang mga Kristiyano ayon sa mga salita ni Jesus, na sinabi maraming taon na ang nakalilipas: “Kapag nakita ninyo ang Jerusalem na napapaligiran ng nagkakampong mga hukbo, kung magkagayon ay alamin ninyo na ang pagtitiwangwang sa kaniya ay malapit na. Kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok, at yaong mga nasa gitna niya ay umalis, at yaong nasa mga lalawiganing dako ay huwag nang pumasok sa kaniya.” (Lucas 21:20, 21) Ang naging Kristiyanong mga Judio, ang mga pinili, ay dali-daling lumisan mula sa tiyak na kapahamakan ng lunsod ng Jerusalem at sa gayo’y naligtas mula sa kakila-kilabot na kapuksaan na sumapit dito di-nagtagal pagkatapos. Noong 70 C.E., ang hukbong Romano sa ilalim ni Heneral Tito ay bumalik. Nagkampo sila sa paligid ng Jerusalem, nilusob ang lunsod, at lubusan itong niwasak.

5. Sa anong diwa pinaikli ang kapighatian sa Jerusalem noong 70 C.E.?

5 Ang Judiong istoryador na si Josephus ay nag-uulat na 1,100,000 Judio ang namatay, samantalang 97,000 naman ang nakaligtas at dinalang bihag. Ang di-Kristiyanong mga Judio na nakaligtas ay tiyak na hindi “ang mga pinili” na binanggit sa hula ni Jesus. Habang nakikipag-usap sa mapaghimagsik na bansang Judio, sinabi ni Jesus: “Narito! Ang inyong bahay ay pinababayaan sa inyo. Sapagkat sinasabi ko sa inyo, Hindi na ninyo ako makikita sa anumang paraan magbuhat ngayon hanggang sa inyong sabihin, ‘Pinagpala siya na dumarating sa pangalan ni Jehova!’ ” (Mateo 23:38, 39) Walang ulat na ang mga Judiong iyon, na pinigil sa Jerusalem, sa huling sandali ay tumanggap kay Jesus bilang ang Mesiyas, naging mga Kristiyano, at tumanggap ng pagsang-ayon ni Jehova. Gayunman, pinaikli ang kapighatiang sumapit sa Jerusalem noong 70 C.E. Ang huling paglusob ng Romanong hukbo ay hindi nagtagal. Ito’y nagbigay-daan sa ilang Judio na makaligtas, para lamang ipadalang bihag sa iba’t ibang bahagi ng Imperyong Romano bilang mga alipin.

Isang Malaking Pulutong ng mga Nakaligtas

6, 7. (a) Anong malaking relihiyosong lunsod ang pupuksain pa, bilang bahagi ng anong walang-katulad na kapighatian? (b) Ano ang inihula ni Juan hinggil sa dumarating na malaking kapighatian sa sanlibutang ito?

6 Bagaman ang pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E. ay tunay na nagdulot ng “malaking kapighatian” para sa relihiyosong lunsod na iyon, ang pangunahing katuparan ng mga salita ni Jesus ay sa hinaharap pa matutupad. Ang isang mas malaking relihiyosong lunsod, ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ay daranas ng isang nakamamatay na malaking kapighatian na agad susundan ng walang-katulad na kapighatian para sa iba pang bahagi ng sistema ng mga bagay ni Satanas. (Mateo 24:29, 30; Apocalipsis 18:21) Mga 26 na taon pagkatapos na mapuksa ang Jerusalem, si apostol Juan, sa Apocalipsis 7:9-14, ay sumulat hinggil sa pandaigdig na malaking kapighatiang ito. Ipinakita niyang isang malaking pulutong ng mga tao ang makaliligtas mula rito.

7 Ang mga makaliligtas na ito, na tinatawag na “malaking pulutong,” ay nakilala dahil sa ilang desididong pagkilos nila. Ayon sa Apocalipsis 7:14, ang isa sa 24 na matatanda sa langit ay nagsabi kay Juan: “Ito ang mga lumabas mula sa malaking kapighatian, at nilabhan nila ang kanilang mahahabang damit at pinaputi ang mga iyon sa dugo ng Kordero.” Oo, ipinagbubunyi ng malaking pulutong si Jehova bilang siyang pinagmumulan ng kanilang kaligtasan. Sumasampalataya sila sa itinigis na dugo ni Jesus, at may isang matuwid na katayuan sa harap ng kanilang Maylalang at sa kaniyang inatasang Hari, si Jesu-Kristo.

8. Anong mainam na kaugnayan ang umiiral sa pagitan ng “malaking pulutong” at ng mga nalabi ng pinahirang mga kapatid ni Jesus?

8 Sa ngayon, halos limang milyong miyembro ng malaking pulutong ang namumuhay sa ilalim ng aktibong pamumuno ng makalangit na Haring si Jesu-Kristo. Sila’y nagpapasakop kay Kristo at matalik na nakikisama sa kaniyang pinahirang mga kapatid na naririto pa sa lupa. Kung tungkol sa pakikitungong iniuukol ng malaking pulutong sa mga pinahirang ito, sinabi ni Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung paanong ginawa ninyo iyon sa isa sa pinakamababa sa mga ito na aking mga kapatid, ay ginawa ninyo iyon sa akin.” (Mateo 25:40) Dahil sa walang-pag-iimbot na pagtulong nila sa pinahirang mga kapatid ni Kristo, yaong kabilang sa malaking pulutong ay itinuturing na nakagawa ng mabuti kay Jesus mismo. Ito’y tumutulong sa kanila na magkaroon ng matatag na kaugnayan kay Jesu-Kristo at sa Diyos na Jehova. Sila’y nagkapribilehiyo na makisama sa pinahirang nalabi sa pagiging mga Saksi ng Diyos at tagapagdala ng kaniyang pangalan.​—Isaias 43:10, 11; Joel 2:31, 32.

Pananatiling Gising

9, 10. (a) Ano ang dapat nating gawin upang mapanatili ang ating matuwid na kalagayan sa harap ng Anak ng tao? (b) Papaano tayo dapat kumilos upang “manatiling gising”?

9 Dapat panatilihin ng malaking pulutong ang kanilang matuwid na katayuan sa harap ng Anak ng tao nang patuluyan, na nangangailangan ng patuloy na pagbabantay hanggang katapusan. Niliwanag ito ni Jesus nang sabihin niya: “Bigyang-pansin ang inyong sarili na ang inyong mga puso ay hindi kailanman mapabigatan ng labis na pagkain at labis na pag-inom at mga kabalisahan sa buhay, at bigla na lang ang araw na iyon ay kagyat na mapasa-inyo gaya ng silo. Sapagkat darating ito sa lahat niyaong nananahanan sa ibabaw ng buong lupa. Manatiling gising, kung gayon, na sa lahat ng panahon ay gumagawa ng pagsusumamo na magtagumpay kayo sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na itinalagang maganap, at sa pagtayo sa harap ng Anak ng tao.”​—Lucas 21:34-36.

10 Upang magtagumpay sa pagtayo sa harap ng Anak ng tao, dapat na taglayin natin ang kaniyang pagsang-ayon, na hindi mapapasaatin kung pahihintulutan natin ang ating mga sarili na maimpluwensiyahan ng pag-iisip ng sanlibutang ito. Ang makasanlibutang pag-iisip ay nakararahuyo at maaaring makahikayat sa isa na magumon sa kaluguran ng laman o labis na mabigatan ng mga suliranin sa buhay anupat hindi na niya inuuna ang mga kapakanan ng Kaharian. (Mateo 6:33) Ang gayong landasin ay nagpapahina sa isang tao sa espirituwal at maaaring waling-bahala niya ang kaniyang pananagutan sa Diyos at sa iba. Maaaring siya’y maging di-aktibo o magpasapanganib ng kaniyang katayuan sa kongregasyon sa pamamagitan ng paggawa ng malubhang pagkakasala, anupat nagpapamalas pa nga marahil ng di-nagsisising saloobin. Bawat indibiduwal na nasa malaking pulutong ay dapat magbigay-pansin sa kaniyang sarili. Dapat siyang manatiling hiwalay sa di-maka-Diyos na sanlibutang ito at sa mga gawain nito.​—Juan 17:16.

11. Ang pagkakapit sa anong mga simulain ng Kasulatan ang tutulong sa atin upang makaligtas sa Armagedon?

11 Sa layuning iyan, naglaan si Jehova ng ating pangangailangan sa pamamagitan ng kaniyang Salita, ng kaniyang banal na espiritu, at ng kaniyang nakikitang organisasyon. Dapat natin itong lubusang samantalahin. Isa pa, dapat tayong palaging manalangin at maging masunurin sa Diyos kung nais nating makamit ang kaniyang pagsang-ayon. Una sa lahat, dapat tayong magkaroon ng matinding pagkasuklam sa masama. Sabi ng salmista: “Hindi ako nauupong kasama ng mga tao ng kawalang-katotohanan; ni pumapasok man ako na kasama ng mga mapagpakunwari. Aking kinapopootan ang kapisanan ng mga manggagawa ng kasamaan, at hindi ako nauupong kaumpok ng mga balakyot. Huwag mong isama ang aking kaluluwa sa mga makasalanan, ni ang aking buhay man sa mga taong nagbububo ng dugo.” (Awit 26:4, 5, 9) Sa loob ng Kristiyanong kongregasyon, bata man o matanda ay dapat na maglagay ng limitasyon sa pakikisama sa mga di-naaalay kay Jehova. Upang tanggapin ang pagsang-ayon ng Diyos, pagsikapan nating maging walang-kapintasan at walang batik mula sa sanlibutan. (Awit 26:1-5; Santiago 1:27; 4:4) Kung gayon, makapananalig tayo na sa Armagedon, tayo ay hindi tatangayin ni Jehova tungo sa kamatayan kasama ng masasamâ.

Ang Ilan ay “Hindi Na Kailanman Mamamatay”

12, 13. (a) Bago buhaying-muli si Lasaro, anong mga salita ang binanggit ni Jesus na hindi lubusang naunawaan ni Marta? (b) Ano ang hindi ibig ipakahulugan ng mga salita ni Jesus hinggil sa ilang “hindi na kailanman mamamatay”?

12 Totoong nakapananabik bulay-bulayin ang kaligtasan sa pagwawakas ng sistemang ito ng mga bagay at ang posibilidad na hindi na kailanman mamamatay. Ito ang pag-asang ibinibigay sa atin ni Jesus. Ilang sandali bago niya buhaying-muli ang kaniyang namatay na kaibigang si Lasaro, sinabi ni Jesus sa kapatid na babae ni Lasaro na si Marta: “Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Siya na nagsasagawa ng pananampalataya sa akin, kahit na siya ay mamatay, siya ay mabubuhay; at bawat isa na nabubuhay at nagsasagawa ng pananampalataya sa akin ay hindi na kailanman mamamatay. Pinaniniwalaan mo ba ito?” Naniwala si Marta sa pagkabuhay-muli, subalit hindi niya naunawaan ang lahat ng sinasabi ni Jesus.​—Juan 11:25, 26.

13 Hindi ibig sabihin ni Jesus na ang kaniyang tapat na mga apostol ay patuloy na mabubuhay sa laman at hindi na kailanman mamamatay. Sa kabaligtaran, nang maglaon ay tinukoy niyang mamamatay ang kaniyang mga alagad. (Juan 21:16-23) Oo, ang pagpapahid sa kanila ng banal na espiritu noong Pentecostes 33 C.E. ay nangangahulugang kailangan silang mamatay upang tanggapin ang kanilang makalangit na mana bilang mga hari at mga saserdote. (Apocalipsis 20:4, 6) Samakatuwid, sa paglakad ng panahon, lahat ng Kristiyano noong unang siglo ay namatay. Gayunman, sinabi iyon ni Jesus para sa isang layunin. Ang kaniyang mga pananalita hinggil sa pananatiling buháy anupat hindi na kailanman mamamatay ay tiyak na matutupad.

14, 15. (a) Papaano matutupad ang mga salita ni Jesus hinggil sa ilang “hindi na kailanman mamamatay”? (b) Ano ang kalagayan ng sanlibutang ito, ngunit ano naman ang pag-asang taglay ng mga matuwid?

14 Una sa lahat, ang tapat na pinahirang mga Kristiyano ay hindi kailanman daranas ng walang-hanggang kamatayan. (Apocalipsis 20:6) Gayundin, tumutukoy ang mga salita ni Jesus sa isang tiyak na panahon na ang Diyos ay makikialam sa mga pamumuhay ng tao at papawiin ang kabalakyutan sa lupa, gaya ng ginawa niya noong kaarawan ni Noe. Ang mga taong tapat na nasumpungang gumagawa ng kalooban ng Diyos sa panahong iyon ay hindi na kailangang mamatay sa pamamagitan ng mga gawang kahatulan ng Diyos. Sa halip, gaya ni Noe at ng kaniyang pamilya, sila’y magkakaroon ng pagkakataong makaligtas sa pagkawasak ng isang sanlibutan. Ang gayong pag-asa ay matatag, yamang nakasalig sa mga turo ng Bibliya at inilarawan sa pamamagitan ng mga halimbawa. (Ihambing ang Hebreo 6:19; 2 Pedro 2:4-9.) Ang katuparan ng hula ng Bibliya ay nagpapakitang sa madaling panahon ang kasalukuyang sanlibutan na binubuo ng di-matuwid na lipunan ng tao ay magwawakas sa kapuksaan. Ang kasalukuyang kalagayan ay hindi na mapabubuti pa, sapagkat ang kabalakyutan ng sanlibutan ay hindi na maitutuwid. Ang sinabi ng Diyos hinggil sa sanlibutan noong kaarawan ni Noe ay totoo rin sa sanlibutan sa ngayon. Ang mga puso ng nakararaming mga tao ay punung-punô ng kabalakyutan, at ang kanilang mga kaisipan ay pawang kasamaan na lamang palagi.​—Genesis 6:5.

15 Pinahintulutan ni Jehova ang mga tao na pamahalaan ang lupa sa loob ng mga siglo nang walang pakikialam ang Diyos, subalit may taning na ang kanilang panahon. Di-magtatagal at lilipulin na ni Jehova ang lahat ng balakyot sa lupa, tulad ng sinasabi ng Bibliya. (Awit 145:20; Kawikaan 2:21, 22) Subalit, hindi niya lilipulin ang mga matuwid kasama ng mga balakyot. Kailanma’y hindi pa ito ginawa ng Diyos! (Ihambing ang Genesis 18:22, 23, 26.) Bakit niya lilipulin yaong nagsisikap na maglingkod sa kaniya sa katapatan, na taglay ang maka-Diyos na takot? Makatuwiran lamang na ang tapat na mga mananamba ni Jehova na madaratnang buháy sa pagpapasimula ng malaking kapighatian ay makasusumpong ng pagsang-ayon sa kaniyang paningin at hindi mapupuksa, kung papaanong si Noe at ang kaniyang pamilya ay hindi pinuksa nang ang balakyot na sanlibutan noong kaniyang kaarawan ay sumapit sa kalunus-lunos na kawakasan. (Genesis 7:23) Ipagsasanggalang sila ng Diyos at makaliligtas sa kawakasan ng sanlibutang ito.

16. Anong kamangha-manghang mga bagay ang magaganap sa bagong sanlibutan, na nangangahulugan ng ano para sa mga makaliligtas?

16 Ano ngayon? Sa bagong sanlibutan, ang panlunas na mga pagpapala ay aagos sa sangkatauhan habang ang mga pakinabang ng haing pantubos ni Jesus ay lubusang isinasagawa. Bumabanggit ang Bibliya ng isang makasagisag na “ilog ng tubig ng buhay, malinaw na gaya ng kristal, na umaagos mula sa trono ng Diyos at ng Kordero sa gitna ng malapad na daan nito. At sa panig na ito ng ilog at sa panig na iyon ay may mga punungkahoy ng buhay na nagluluwal ng labindalawang ani ng bunga, nagbibigay ng kanilang mga bunga sa bawat buwan. At ang mga dahon ng mga punungkahoy ay para sa pagpapagaling sa mga bansa.” (Apocalipsis 22:1, 2) Kamangha-manghang sabihin, na sa “pagpapagaling” ay kabilang ang pagsupil sa Adanikong kamatayan mismo! “Aktuwal na sasakmalin niya ang kamatayan magpakailanman, at tunay na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha sa lahat ng mukha.” (Isaias 25:8) Samakatuwid, yaong makaliligtas sa malaking kapighatian tungo sa bagong sanlibutan ay hindi na kailanman haharap sa kamatayan!

Isang Tiyak na Pag-asa

17. Gaano katiyak ang pag-asa na ang ilan ay makaliligtas sa Armagedon at “hindi na kailanman mamamatay”?

17 Tayo kaya’y lubos na makapananalig sa kagila-gilalas na pag-asang ito? Walang pasubali! Sinabi ni Jesus kay Marta na darating ang panahon na ang mga tao ay mabubuhay at hindi na kailanman mamamatay. (Juan 11:26) Karagdagan pa, sa kabanata 7 ng Apocalipsis na ibinigay ni Jesus kay Juan, isiniwalat doon na isang malaking pulutong ang lumalabas mula sa malaking kapighatian, anupat nakaligtas mula roon. Makapaniniwala ba tayo kay Jesu-Kristo at sa ulat ng kasaysayan hinggil sa Baha noong kaarawan ni Noe? Walang-alinlangan! Isa pa, may iba pang ulat sa Bibliya hinggil sa mga pangyayari noon na iningatang buháy ng Diyos ang kaniyang mga lingkod sa mga panahon ng kahatulan at sa pagbagsak ng mga bansa. Hindi ba makatuwiran lamang na asahang gayundin ang kaniyang gagawin sa panahong ito ng kawakasan? Mayroon bang imposible sa Maylalang?​—Ihambing ang Mateo 19:26.

18. Papaano tayo makatitiyak ng buhay sa matuwid na bagong sanlibutan ni Jehova?

18 Sa tapat na paglilingkod kay Jehova sa ngayon, makatitiyak tayo ng buhay na walang-hanggan sa kaniyang bagong sanlibutan. Sa di-mabilang na milyun-milyon, ang buhay sa bagong sanlibutang iyan ay darating sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. Gayunman, sa ating kaarawan, milyun-milyon sa bayan ni Jehova​—oo, isang malaking pulutong na di-kayang bilangin o takdaan ng sinumang tao​—​ang magtatamo ng pambihirang pribilehiyo na makaligtas na buháy sa panahon ng malaking kapighatian. At sila’y hindi na kailanman mamamatay.

Pakisuyong Ipaliwanag

◻ Papaano inilarawan noong kaarawan ni Noe ang pagkaligtas sa Armagedon?

◻ Ano ang dapat nating gawin upang makapanatiling nakatayo sa pagdating ni Jesus para igawad ang mga kahatulan ni Jehova?

◻ Bakit natin masasabi na ang mga nakaligtas sa Armagedon ay “hindi na kailanman mamamatay”?

[Larawan sa pahina 15]

Nakatakas ang mga Kristiyano mula sa kapighatian ng Jerusalem

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share