Buhay
Kahulugan: Isang aktibong kalagayan na nagbubukod sa mga halaman, hayop, tao, at espiritung nilalang mula sa mga bagay na walang buhay. Ang pisikal na mga bagay na may buhay karaniwan na’y nagtataglay ng kakayahang lumaki, may metabolismo, tumutugon sa pampasigla mula sa iba, at nagpapakarami. Ang halaman ay may aktibong buhay nguni’t hindi bilang isang may-sentidong kaluluwa. Sa makalupang mga kaluluwa, hayop at tao, may aktibong puwersa ng buhay na nagpapakilos sa kanila at mayroon ding hininga upang ito’y panatilihin.
Ang tunay na kahulugan ng buhay, gaya ng ikinakapit sa matalinong mga persona, ay ang sakdal na pag-iral taglay ang karapatan nito. Ang kaluluwang-tao ay hindi imortal. Subali’t ang tapat na mga lingkod ng Diyos ay may pag-asa ng walang-hanggang buhay sa kasakdalan—sa lupa para sa marami, sa langit para sa isang “munting kawan” bilang tagapagmana ng Kaharian ng Diyos. Sa kanilang pagkabuhay-muli bilang mga espiritu, ang mga miyembro ng uring pang-Kaharian ay pinagkakalooban din ng imortalidad, isang uri ng buhay na hindi nangangailangan ng anomang bagay na nilikha upang ito’y pamalagiin.
Ano ang layunin ng buhay ng tao?
Upang magkaroon ng layunin sa buhay kailangan nating kilalanin ang Bukal ng buhay. Kung ang buhay ay basta nagkataon lamang at walang matalinong lumikha, ang pag-iral natin ay walang layunin, at hindi tayo makagagawa ng plano para sa isang tiyak na kinabukasan. Nguni’t ang Gawa 17:24, 25, 28 ay nagsasabi sa atin: “Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto . . . ay nagbibigay sa lahat ng tao ng buhay at ng hininga at lahat ng bagay. Sapagka’t sa kaniya tayo’y nangabubuhay at nagsisikilos at umiiral.” Ang Apocalipsis 4:11, na pinatutungkol sa Diyos, ay nagdaragdag: “Marapat ka, Jehovang Diyos namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan, sapagka’t nilikha mo ang lahat ng mga bagay at dahil sa iyong kalooban ay nangagsilitaw, at nangalikha.” (Tingnan din ang mga pahina 126-133, sa ilalim ng paksang “Diyos.”)
Ang buhay na kasalungat ng mga kahilingan ng Maylikha at ng kaniyang patnubay ukol sa kaligayahan ay mauuwi lamang sa pagkabigo. Nagbababala ang Galacia 6:7, 8: “Huwag kayong padaya: ang Diyos ay hindi mapabibiro. Sapagka’t ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya; sapagka’t ang naghahasik ng sa kaniyang laman ay sa laman mag-aani ng kasiraan.”—Gayon din ang Galacia 5:19-21. (Tingnan din ang paksang “Pagsasarili.”)
Ang kasalanang minana mula kay Adan ay humahadlang sa mga tao sa lubos na pagtatamasa ng buhay gaya ng nilayon ng Diyos sa pasimula. Sinasabi ng Roma 8:20 na, dahil sa paghatol ng Diyos matapos magkasala si Adan, “ang buong sangnilalang [ang sangkatauhan] ay nasakop ng kabiguan.” Tungkol sa kaniyang sariling kalagayan bilang taong makasalanan, sumulat si apostol Pablo: “Ako’y laman, na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan. Sapagka’t ang mabuti na aking ibig ay hindi ko ginagawa, nguni’t ang masama na hindi ko ibig ay siya kong ginagawa. Talagang ako’y nagagalak sa kautusan ng Diyos ayon sa pagkataong loob, datapuwa’t nakikita ko ang ibang kautusan sa aking mga sangkap na lumalaban sa kautusan ng aking pag-iisip at dinadala akong bihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa aking mga sangkap. Abang tao ako!”—Roma 7:14, 19, 22-24.
Tayo’y makakasumpong ng pinakamalaking kaligayahan ngayon at magkakaroon ng tunay na kahulugan ang ating buhay kung ating ikakapit ang mga simulain ng Bibliya at uunahin natin ang paggawa ng kalooban ng Diyos. Hindi ang Diyos ang nakikinabang kapag tayo’y naglilingkod sa kaniya; tinuturuan niya tayo na ‘pakinabangan ang ating mga sarili.’ (Isa. 48:17) Ipinapayo ng Bibliya: “Kayo’y magsitatag, huwag makilos, na laging sumasagana sa gawa ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon.”—1 Cor. 15:58.
Inilalagay ng Bibliya sa ating harapan ang pag-asa ng walang-hanggang buhay sa kasakdalan kung ating sasampalatayanan ang mga paglalaan ni Jehova ukol sa buhay at lalakad sa kaniyang mga daan. Ang pag-asang yaon ay may matibay na saligan; hindi tayo aakayin nito sa kabiguan; ang gawain na kasuwato ng pag-asang yaon ay magbibigay ng tunay na kahulugan sa ating buhay kahit ngayon.—Juan 3:16; Tito 1:2; 1 Ped. 2:6.
Ang mga tao ba ay ginawa upang mabuhay lamang ng ilang taon at pagkatapos ay mamatay?
Gen. 2:15-17: “Kinuha ng Diyos na Jehova ang lalake [si Adan] at inilagay sa halamanan ng Eden upang kaniyang alagaan at ingatan. At ibinigay ng Diyos na Jehova ang utos na ito sa lalake: ‘Sa lahat ng punong-kahoy sa halamanan ay makakakain ka nang may kalayaan. Datapuwa’t sa punong-kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain, sapagka’t sa araw na ikaw ay kumain mula roon ay walang pagsalang mamamatay ka.’ ” (Dito ang kamatayan ay binanggit ng Diyos, hindi bilang isang di-maiiwasang pangyayari, kundi bilang bunga ng kasalanan. Hinimok niya si Adan na iwasan ito. Ihambing ang Roma 6:23.)
Gen. 2:8, 9: “Ang Diyos na Jehova ay naglagay ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silanganan, at doon niya inilagay ang taong kaniyang nilalang. Sa gayon ay pinatubo ng Diyos na Jehova sa lupa ang lahat ng punong-kahoy na nakalulugod sa paningin at mabubuting kanin at gayon din ang punong-kahoy ng buhay sa gitna ng halamanan.” (Pagkatapos magkasala si Adan ay pinalayas ang mag-asawa sa Eden upang huwag silang makakain mula sa punong-kahoy ng buhay, ayon sa Genesis 3:22, 23. Kaya lumilitaw na kung si Adan ay nanatiling masunurin sa kaniyang Maylikha, darating ang panahon na siya’y pahihintulutan ng Diyos na kumain mula sa punong yaon bilang sagisag sa kaniyang pagiging karapatdapat na mabuhay magpakailanman. Ang bagay na may punong-kahoy ng buhay sa Eden ay nagbibigay-katiyakan sa bagay na ito.)
Awit 37:29: “Ang mga matuwid ay magmamana ng lupa at sila’y tatahan dito magpakailanman.” (Ang pangakong ito ay nagpapakita na ang orihinal na layunin ng Diyos para sa lupa at sa sangkatauhan ay hindi nagbago.)
Tingnan din ang pahina 105, sa ilalim ng paksang “Kamatayan.”
Nguni’t sa ating kalagayan ngayon, ang maaasahan ba lamang natin ay ang sandaling pag-iral, na kadalasa’y puno ng pagdurusa?
Roma 5:12: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan dahil sa kasalanan, kaya’t ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng tao sapagka’t silang lahat ay nagkasala.” (Iyan ang minana nating lahat, hindi dahil sa ito’y layunin ng Diyos, kundi dahil sa kasalanan ni Adan.) (Tingnan din ang paksang “Tadhana.”)
Job 14:1: “Ang taong ipinanganak ng babae ay sa kaunting araw at lipos ng kabagabagan.” (Sa kabuuan iyan ang uri ng buhay sa di-sakdal na sistemang ito ng mga bagay.)
Gayumpaman, kahit sa ilalim ng ganitong kalagayan ang ating buhay ay maaaring maging makabuluhan, puno ng kahulugan. Tingnan ang materyal sa mga pahina 70, 71 tungkol sa layunin ng buhay ng tao.
Ang buhay ba sa lupa ay isa lamang pagsubok upang matiyak kung sino ang pupunta sa langit?
Tingnan ang mga pahina 220-227, sa ilalim ng paksang “Langit.”
Mayroon ba tayong imortal na kaluluwa na patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawang laman?
Tingnan ang mga pahina 100-105, sa ilalim ng paksang “Kaluluwa.”
Ano ang saligan upang makaasa ang sinoman ng higit kaysa kaniyang maikling buhay ngayon bilang tao?
Mat. 20:28: “Ang Anak ng tao [si Jesu-Kristo] ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos sa marami.”
Juan 3:16: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”
Heb. 5:9: “Nang siya [si Jesu-Kristo] ay mapaging sakdal ay ipinagkatiwala sa kaniya ang walang-hanggang kaligtasan niyaong lahat na nagsisitalima sa kaniya.” (Gayon din ang Juan 3:36)
Papaano matutupad ang pag-asa ng buhay sa hinaharap?
Gawa 24:15: “May pag-asa ako sa Diyos, na siya rin namang hinihintay ng mga taong ito, na magkakaroon ng pagkabuhay-muli ng mga matuwid at di-matuwid.” (Kasama na rito ang mga taong tapat na naglingkod sa Diyos noong una pati ang malaking bilang na hindi nagkaroon ng sapat na kaalaman hinggil sa tunay na Diyos upang tanggapin o tanggihan ang kaniyang mga daan.)
Juan 11:25, 26: “Sinabi ni Jesus sa kaniya [sa kapatid ng isang lalake na kaniyang binuhay-muli]: ‘Ako ang pagkabuhay-muli at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, ay muling mabubuhay; at bawa’t nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi na mamamatay kailan pa man. Sinasampalatayanan mo ba ito?’ ” (Kaya, bukod sa pag-asa ng pagkabuhay-muli, may iba pang ipinangako si Jesus para sa mga taong nabubuhay sa panahong magwawakas ang kasalukuyang balakyot na sanlibutan. Yaong may pag-asa na maging makalupang mga sakop ng Kaharian ng Diyos ay maaaring makaligtas at hindi na mamamatay kailan pa man.)
Mayroon bang patotoo sa kayarian ng katawan ng tao na ito’y dinisenyo upang mabuhay magpakailanman?
Sa maraming dako ay kinikilala na ang kakayahan ng utak ng tao ay lubha pang nakahihigit sa maaaring magamit sa kasalukuyang lawig-ng-buhay, tayo man ay umabot sa edad na 70 o 100. Sinasabi ng Encyclopædia Britannica na ang utak ng tao ay “sinangkapan ng ibayong potensiyal kaysa maaaring matanto sa buong lawig-ng-buhay ng isang tao.” (1976, Tomo 12, p. 998) Sinasabi ng siyentistang si Carl Sagan na ang utak ng tao ay makapaglalaman ng impormasyon na “maaaring pumuno sa dalawampung milyong aklat, kasingdami niyaong nasa pinakamalalaking aklatan sa daigdig.” (Cosmos, 1980, p. 278)
Tungkol sa kakayahan ng “filing system” ng utak, ang biokemiko na si Isaac Asimov ay sumulat na ito’y “may kakayahang tumanggap ng anomang maipapasok doon ng isang tao mula sa kaniyang pinag-aralan at sa kaniyang memorya—at isang bilyong ulit na makapupung higit.”—The New York Times Magazine, Oktubre 9, 1966, p. 146. (Bakit kaya binigyan ang utak ng tao ng gayong kalaking kakayahan kung hindi ito gagamitin? Hindi ba makatuwiran na ang tao, na may kakayahan ukol sa walang-hanggang pagkatuto, ay talagang dinisenyo upang mabuhay magpakailanman?)
May buhay ba sa ibang mga planeta?
Iniuulat ng The New York Times: “Ang pagsisikap na hanapin ang matalinong buhay sa ibang bahagi ng sansinukob . . . ay nagsimula mga 25 taon ang nakalilipas . . . Ang kasindak-sindak na gawaing ito, na nangangahulugang kailangang suriin ang daan-daang bilyong mga bituin, hanggang sa ngayon ay hindi pa naglaan ng malinaw na katibayan na umiiral ang buhay sa labas ng Lupa.”—Hulyo 2, 1984, p. A1.
Sinasabi ng The Encyclopedia Americana: “Walang ibang planeta [sa labas ng ating solar system] ang nasumpungan. Subali’t sa bawa’t planeta na maaaring umiral sa labas ng solar system, may posibilidad na nagsimula ang buhay at na ito’y unti-unting sumulong hanggang sa naging isang matalinong kabihasnan.” (1977, Tomo 22, p. 176) (Gaya ng makikita sa mga salitang ito, posible kaya na isa sa pangunahing motibo ng magastos na paghanap ng buhay sa kalawakan ay ang pagnanais na makasumpong ng patotoo para sa teoriya ng ebolusyon, na ang tao ay hindi nilikha ng Diyos anupa’t hindi siya magbibigay-sulit sa Kaniya?)
Ipinakikita ng Bibliya na hindi lamang sa lupang ito umiiral ang buhay. May mga nabubuhay na espiritu—ang Diyos at ang mga anghel—na may katalinuhan at kapangyarihan na makapupung higit kaysa sa tao. Ang mga ito’y nakipagtalastasan na sa sangkatauhan, at ipinaliwanag ang pinagmulan ng buhay at kung ano ang kalutasan sa mabibigat na suliraning napapaharap sa sanlibutan. (Tingnan ang mga paksang “Bibliya” at “Diyos.”)