Si Jesus—Ang Tagapamahala “na ang Pinagmulan ay Mula Noong Unang Panahon”
TUMITINDI ang iyong pananabik habang hinihintay mo ang pagdating ng isang kamag-anak na matagal mo nang hindi nakikita. Sa wakas, nakita mo rin siya at malugod mo siyang binati. Matama kang nakikinig habang sinasabi niya sa iyo kung bakit siya pinadalaw sa iyo ng kaniyang ama. Madaling lumipas ang panahon hanggang sa dumating ang oras ng kaniyang pag-uwi. Malungkot kang nagpaalam sa kaniya. Nabawasan ang pangungulilang nadama mo sa kaniyang paglisan nang mabalitaan mong ligtas siyang nakauwi.
Nang maglaon, habang nagbubuklat ka ng mga lumang sulat, nakita mo ang mga liham na sa maikli ay bumabanggit ng tungkol sa mga kabayanihan ng iyong kamag-anak noon bago siya naglakbay upang makipagkita sa iyo. Ang nilalaman ng mga sulat na iyon ay nagbibigay sa iyo ng kawili-wiling impormasyon tungkol sa kaniyang pinanggalingan at nagpapalaki ng iyong pagpapahalaga kapuwa sa kaniyang pagdalaw at sa kaniyang kasalukuyang gawain.
“Mula Noong Unang Panahon”
Kabilang sa mga sinaunang dokumento na nababasa ng mga Judio noong unang siglo ay ang mga isinulat ni Mikas na propeta ng Diyos, na isinulat mga pitong daang taon bago ng panahong iyon. Itinuturo ng mga ito ang bayang pagsisilangan sa Mesiyas. “Ikaw, O Betlehem Efrata, ang isa na napakaliit upang mapabilang sa libu-libo ng Juda, mula sa iyo ay lalabas sa akin ang isa na magiging tagapamahala sa Israel, na ang pinagmulan ay mula noong unang panahon, mula sa mga araw na walang takda.” (Mikas 5:2) Bilang katuparan ng mga salitang ito, si Jesus ay isinilang sa nayon ng Betlehem sa Judea sa tinatawag ngayon na taóng 2 B.C.E. Ngunit paanong ang kaniyang pinagmulan ay “mula noong unang panahon”?
Umiiral na si Jesus bago pa man siya naging tao. Sa kaniyang liham sa mga Kristiyano sa Colosas, inilarawan ni apostol Pablo si Jesus bilang “ang larawan ng di-nakikitang Diyos, ang panganay sa lahat ng nilalang.”—Colosas 1:15.
Si Jehova, ang Bukal ng karunungan, ang siyang lumalang sa kaniyang panganay na Anak bilang kaniyang ‘kauna-unahang ginawa,’ kung gagamitin ang kinasihang kapahayagang isinulat ni Haring Solomon sa aklat ng Kawikaan. Pagkatapos ng pansamantalang paninirahan ni Jesus sa lupa at ng kaniyang pagbabalik sa langit, pinatotohanan niya na siya talaga “ang pasimula ng paglalang ng Diyos.” Bilang kumakatawan sa karunungan, ganito ang ipinahayag ni Jesus bago siya naging tao: “Nang ihanda [ni Jehova] ang langit ay naroon ako.”—Kawikaan 8:22, 23, 27; Apocalipsis 3:14.
Sa simula, ang Anak ng Diyos ay tumanggap ng isang pambihirang atas, yaong pagiging “dalubhasang manggagawa” kasama ng kaniyang Ama. Anong laking kagalakan ang dulot nito kay Jehova! “Ako ang natatanging kinagigiliwan niya [ni Jehova] sa araw-araw,” sabi ng Kawikaan 8:30, anupat idinagdag, “na nagagalak na lagi sa harap niya.”
Nang maglaon ay inanyayahan ni Jehova ang kaniyang panganay na Anak na makibahagi sa paglalang ng sangkatauhan. “Gawin natin ang tao sa ating larawan,” ang sabi niya, “ayon sa ating wangis.” (Genesis 1:26) Bunga nito, nabuo ang isa pang pagkagiliw. “Ang mga bagay na kinagigiliwan ko,” paliwanag ni Jesus bago naging tao, “ay naroon sa mga anak ng mga tao.” (Kawikaan 8:31) Sa pasimula ng kaniyang Ebanghelyo, kinilala ni apostol Juan ang papel ni Jesus sa paglalang bago siya naging tao: “Ang lahat ng bagay ay umiral sa pamamagitan niya, at kung hiwalay sa kaniya ay walang isa mang bagay ang umiral.”—Juan 1:3.
Tagapagsalita ni Jehova
Ang mga salita ni Juan ay umaakay ng pansin sa isa pang pribilehiyo na tinamasa ng Anak ng Diyos, alalaong baga, ang pagiging isang tagapagsalita. Sa simula pa lamang, naglilingkod na siya bilang ang Salita. Kaya naman, nang magsalita si Jehova kay Adan, at pagkaraan nang kausapin niya si Adan kasama si Eva, malamang na ginawa niya iyon sa pamamagitan ng Salita. At sino pa nga ba ang higit na makapaghahatid ng tagubilin ng Diyos para sa kapakanan ng sangkatauhan kundi ang isa na may pagkagiliw sa kanila?—Juan 1:1, 2.
Tiyak na gayon na lamang ang pagdadalamhati ng Salita nang makitang sinuway ni Eva at pagkatapos ay ni Adan ang kanilang Maylalang! At tiyak na minithi niyang lunasan ang pagdurusang idinulot sa kanilang supling ng kanilang pagsuway! (Genesis 2:15-17; 3:6, 8; Roma 5:12) Nang pagsalitaan si Satanas, na humimok kay Eva na maghimagsik, sinabi ni Jehova: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi.” (Genesis 3:15) Palibhasa’y nasaksihan ang nangyari sa Eden, natanto ng Salita na bilang pangunahing bahagi ng “binhi” ng babae, siya ay magiging tudlaan ng malupit na pagkapoot. Alam niya na si Satanas ay isang mamamatay-tao.—Juan 8:44.
Nang hamunin ni Satanas ang integridad ng tapat na si Job nang maglaon, tiyak na nagalit ang Salita sa mapanirang-puring akusasyon na ipinukol sa kaniyang Ama. (Job 1:6-10; 2:1-4) Sa katunayan, sa kaniyang papel bilang arkanghel, ang Salita ay kilala bilang si Miguel, na ang pangalan ay nangangahulugang “Sino ang Kagaya ng Diyos?” at nagpapahiwatig kung paano niya ipinagtanggol si Jehova laban sa lahat na naghahangad na agawin ang soberanya ng Diyos.—Daniel 12:1; Apocalipsis 12:7-10.
Habang nagaganap ang kasaysayan ng Israel, nasaksihan ng Salita ang mga pagtatangka ni Satanas na italikod ang mga tao sa dalisay na pagsamba. Pagkatapos ng Exodo mula sa Ehipto, sinabi ng Diyos sa Israel sa pamamagitan ni Moises: “Narito ako na nagsusugo ng isang anghel sa unahan mo upang panatilihin ka sa daan at dalhin ka sa dako na aking inihanda. Bantayan mo ang iyong sarili dahil sa kaniya at sundin ang kaniyang tinig. Huwag kang gumawi nang may paghihimagsik laban sa kaniya, sapagkat hindi niya pagpapaumanhinan ang inyong pagkakasala; sapagkat ang aking pangalan ay nasa kaniya.” (Exodo 23:20, 21) Sino ang anghel na ito? Malamang, si Jesus bago siya naging tao.
Tapat na Pagpapasakop
Namatay si Moises noong 1473 B.C.E., at ang kaniyang katawan ay inilibing “sa libis sa lupain ng Moab sa harap ng Beth-peor.” (Deuteronomio 34:5, 6) Tila ibig ni Satanas na gamitin ang bangkay, malamang upang itaguyod ang idolatriya. Sinalansang ito ni Miguel ngunit buong-pagpapasakop na nagpaubaya sa awtoridad ng kaniyang Ama, si Jehova. ‘Palibhasa’y hindi nangahas na magpataw ng hatol laban kay Satanas sa mapang-abusong mga salita,’ nagbabala si Miguel kay Satanas: “Sawayin ka nawa ni Jehova.”—Judas 9.
Pagkatapos ay sinimulan ng Israel ang pagsakop nito sa Lupang Pangako na Canaan. Malapit sa lunsod ng Jerico, nakatanggap ng katiyakan si Josue tungkol sa patuloy na pangangasiwa ng Salita sa bansa. Doon ay nakasalubong niya ang isang lalaking may dalang hugót na tabak. Lumapit si Josue sa lalaki at nagtanong: “Ikaw ba ay para sa amin o para sa aming mga kalaban?” Gunigunihin ang pagkagulat ni Josue nang ipakilala ng estranghero ang kaniyang sarili, na nagsabi: “Hindi, kundi ako—bilang prinsipe ng hukbo ni Jehova ay naparito ako ngayon.” Hindi nakapagtataka na isinubsob ni Josue ang kaniyang mukha sa harap ng mataas na kinatawan na ito ni Jehova, tiyak na si Jesus bago naging tao na sa dakong huli ay magiging siyang “Mesiyas na Pinuno.”—Josue 5:13-15; Daniel 9:25.
Isa pang pakikipag-engkuwentro kay Satanas ang naganap noong mga araw ni Daniel na propeta ng Diyos. Sa pagkakataong ito ay tinulungan ni Miguel ang isang kapuwa anghel nang ang demonyong prinsipe ng Persia ay ‘sumalansang’ sa loob ng tatlong linggo. Nagpaliwanag ang anghel: “Narito! Si Miguel, isa sa mga punong prinsipe, ay dumating upang tulungan ako; at ako, sa ganang akin, ay nanatili roon sa tabi ng mga hari ng Persia.”—Daniel 10:13, 21.
Kaluwalhatian Bago Naging Tao at Bilang Isang Tao
Noong 778 B.C.E., ang taon nang mamatay si Haring Uzzias ng Judea, si Isaias na propeta ng Diyos ay nakakita ng isang pangitain ni Jehova na nasa kaniyang matayog na trono. “Sino ang aking isusugo, at sino ang sasama sa amin?” tanong ni Jehova. Nagboluntaryo si Isaias, ngunit binabalaan siya ni Jehova na hindi tutugon ang kaniyang kapuwa mga Israelita sa kaniyang mga kapahayagan. Inihambing ni apostol Juan ang di-nananampalatayang mga Judio noong unang siglo sa mga tao noong kaarawan ni Isaias, at nagsabi: “Sinabi ni Isaias ang mga bagay na ito sapagkat nakita niya ang kaniyang kaluwalhatian.” Kaninong kaluwalhatian? Kay Jehova at sa bago-naging-tao na si Jesus na kasama niya sa makalangit na looban.—Isaias 6:1, 8-10; Juan 12:37-41.
Pagkaraan ng ilang siglo ay dumating ang pinakadakilang atas ni Jesus hanggang sa panahong iyon. Inilipat ni Jehova ang puwersa ng buhay ng kaniyang sinisintang Anak mula sa langit tungo sa bahay-bata ni Maria. Pagkaraan ng siyam na buwan ay nagsilang ito ng isang sanggol na lalaki, si Jesus. (Lucas 2:1-7, 21) Sa mga salita ni apostol Pablo: “Nang dumating na ang hustong hangganan ng panahon, isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak, na umiral mula sa isang babae.” (Galacia 4:4) Gayundin naman, sinabi ni apostol Juan: “Ang Salita ay naging laman at nanirahan sa gitna natin, at ating natanaw ang kaniyang kaluwalhatian, isang kaluwalhatian na gaya ng sa isang bugtong na anak mula sa isang ama; at siya ay punô ng di-sana-nararapat na kabaitan at katotohanan.”—Juan 1:14.
Lumitaw ang Mesiyas
Hindi kukulangin sa edad na 12, naunawaan ng kabataang si Jesus na kailangan niyang maging abala sa paggawa ng gawain ng kaniyang makalangit na Ama. (Lucas 2:48, 49) Makalipas ang mga 18 taon, si Jesus ay pumunta kay Juan Bautista sa Ilog Jordan at nagpabautismo. Habang nananalangin si Jesus, nabuksan ang langit, at bumaba sa kaniya ang banal na espiritu. Gunigunihin ang pagkarami-raming alaala na sumagi sa kaniyang isip habang ginugunita niya ang di-mabilang na mga milenyo ng kaniyang paglilingkuran kasama ng kaniyang Ama bilang isang dalubhasang manggagawa, tagapagsalita, prinsipe ng hukbo ng Diyos, at bilang arkanghel, si Miguel. Pagkatapos ay nadama niya ang pananabik nang marinig ang tinig ng kaniyang Ama na nagsabi kay Juan Bautista: “Ito ang aking Anak, ang iniibig, na aking sinang-ayunan.”—Mateo 3:16, 17; Lucas 3:21, 22.
Tiyak na hindi pinag-alinlanganan ni Juan Bautista ang pag-iral ni Jesus bago naging tao. Habang papalapit sa kaniya si Jesus, ipinahayag ni Juan: “Tingnan ninyo, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan!” At sinabi pa niya: “Ito ang isa na tungkol sa kaniya ay aking sinabi, Sa likuran ko ay may dumarating na isang lalaki na nauna sa harap ko, sapagkat siya ay umiral bago pa ako.” (Juan 1:15, 29, 30) Batid din ni apostol Juan ang pag-iral ni Jesus bago naging tao. “Siya na dumarating mula sa itaas ay nasa ibabaw ng lahat ng iba pa,” isinulat niya, at: “Siya na dumarating mula sa langit ay nasa ibabaw ng lahat ng iba pa. Kung ano ang kaniyang nakita at narinig, tungkol dito ay nagpapatotoo siya.”—Juan 3:31, 32.
Noong mga taóng 61 C.E., hinimok ni apostol Pablo ang mga Hebreong Kristiyano na kilanlin ang buong kahalagahan ng pagdating ng Mesiyas sa lupa at ang kaniyang gawain bilang Mataas na Saserdote. Upang itawag ng pansin ang papel ni Jesus bilang Tagapagsalita, sumulat si Pablo: “Ang Diyos . . . ay nagsalita sa atin sa wakas ng mga araw na ito sa pamamagitan ng isang Anak . . . na sa pamamagitan niya ay kaniyang ginawa ang mga sistema ng mga bagay.” Kung ito man ay tumutukoy sa papel ni Jesus bilang “dalubhasang manggagawa” sa paglalang o sa kaniyang bahagi sa pasulong na kaayusan ng Diyos upang ipagkasundong-muli ang tao, idinagdag dito ni Pablo ang kaniyang patotoo tungkol sa pag-iral ni Jesus bago ito naging tao.—Hebreo 1:1-6; 2:9.
Pagkamatapat Mula “Noong Unang Panahon”
Sa mga Kristiyano sa Filipos noong unang siglo, ganito ang payo ni Pablo: “Panatilihin sa inyo ang pangkaisipang saloobin na ito na nasa kay Kristo Jesus din, na, bagaman siya ay umiiral sa anyong Diyos, ay hindi nagsaalang-alang sa pang-aagaw, alalaong baga, na siya ay maging kapantay ng Diyos. Hindi, kundi hinubad niya ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at napasa-wangis ng tao. Higit pa riyan, nang masumpungan niya ang kaniyang sarili sa anyo ng tao, nagpakababa siya at naging masunurin hanggang sa kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos.” (Filipos 2:5-8) Maibiging tumugon si Jehova sa matapat na landasin ni Jesus sa pamamagitan ng pagbuhay-muli sa kaniya at pagkatapos ay malugod na muli siyang tinanggap sa langit. Tunay na nag-iwan sa atin si Jesus ng isang dakilang halimbawa ng integridad sa loob ng milyun-milyong taon!—1 Pedro 2:21.
Anong laking pasasalamat natin na masulyapan ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pag-iral ni Jesus bago siya naging tao! Tiyak na pinatibay nito ang ating pasiya na tularan ang kaniyang halimbawa ng matapat na paglilingkuran, lalo na ngayong naghahari na siya bilang Hari ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos. Ating ibunyi ang “Prinsipe ng Kapayapaan,” si Kristo Jesus, ang ating Gobernador at Tagapamahala “na ang pinagmulan ay mula noong unang panahon”!—Isaias 9:6; Mikas 5:2.
[Kahon sa pahina 24]
Patotoo sa Pag-iral Bago Naging Tao
Ang sariling mga salita ni Jesus, na binabanggit sa ibaba, ay saganang nagpapatotoo sa kaniyang pag-iral bago naging tao:
◻ “Walang tao na umakyat sa langit kundi siya na bumaba mula sa langit, ang Anak ng tao.”—Juan 3:13.
◻ “Hindi ibinigay ni Moises sa inyo ang tinapay mula sa langit, ngunit ibinibigay sa inyo ng aking Ama ang tunay na tinapay mula sa langit. Sapagkat ang tinapay ng Diyos ay ang isa na bumababa mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan. . . . Ako ay bumaba mula sa langit upang gawin, hindi ang aking kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.”—Juan 6:32, 33, 38.
◻ “Ito ang tinapay na bumababa mula sa langit, upang sinuman ay makakain mula rito at hindi mamatay. Ako ang tinapay na buháy na bumaba mula sa langit; kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito siya ay mabubuhay magpakailanman.”—Juan 6:50, 51.
◻ “Ano, kung gayon, kapag inyong namasdan ang Anak ng tao na umaakyat sa dati niyang kinaroroonan?”—Juan 6:62.
◻ “Ang aking patotoo ay totoo, sapagkat alam ko kung saan ako nagmula at kung saan ako paroroon. . . . Kayo ay mula sa mga dako sa ibaba; ako ay mula sa mga dako sa itaas. Kayo ay mula sa sanlibutang ito; ako ay hindi mula sa sanlibutang ito.”—Juan 8:14, 23.
◻ “Kung ang Diyos ang inyong Ama, iibigin ninyo ako, sapagkat nanggaling ako sa Diyos at ako ay narito. Hindi rin naman ako naparito sa aking sariling pagkukusa, kundi isinugo ako ng Isang iyon.”—Juan 8:42.
◻ “Katotohanang-katotohanang sinasabi ko sa inyo, Bago pa umiral si Abraham, ako ay umiiral na.”—Juan 8:58.
◻ “Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong piling ng kaluwalhatiang tinaglay ko sa iyong piling bago pa ang sanlibutan. Ama, kung tungkol sa ibinigay mo sa akin, nais ko na, kung nasaan ako, sila rin ay makasama ko, upang makita ang aking kaluwalhatian na ibinigay mo sa akin, sapagkat inibig mo ako bago pa ang pagkakatatag ng sanlibutan.”—Juan 17:5, 24.
[Larawan sa pahina 23]
Nasalubong ni Josue ang prinsipe ng hukbo ni Jehova