Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 9/1 p. 13-18
  • Manatiling Malapit sa Teokrasya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Manatiling Malapit sa Teokrasya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ano ba ang Tunay na Teokrasya?
  • Isang Teokratikong Organisasyon
  • Ang Teokratikong Pangmalas sa Sekular na Pamamahala
  • Unahin ang Kaluwalhatian ng Diyos
  • “Maging mga Tagatulad Kayo sa Diyos”
  • Naghahari na si Jehova—Sa Pamamagitan ng Teokrasya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Mga Pastol at mga Tupa sa Isang Teokrasya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • Bahagi 10—Sakdal na Gobyerno sa Wakas!
    Gumising!—1990
  • Pagpapastol Kasama ng Ating Dakilang Manlalalang
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 9/1 p. 13-18

Manatiling Malapit sa Teokrasya

“Si Jehova ang ating Hukom, si Jehova ang ating Tagapagbigay-batas, si Jehova ang ating Hari.”​—ISAIAS 33:22.

1. Bakit ikinababahala ng karamihan ng mga tao ang tungkol sa pamahalaan?

LUBHANG ikinababahala ng lahat ang paksa tungkol sa pamahalaan. Ang mabuting pamahalaan ay nagdudulot ng kapayapaan at kaunlaran. Sinasabi ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng katarungan ay pinatatatag ng hari ang lupain.” (Kawikaan 29:4) Sa kabilang panig, ang masamang pamahalaan ay nagbubunga ng kawalang-katarungan, katiwalian, at pang-aapi. “Kapag namamahala ang sinumang balakyot, nagbubuntong-hininga ang bayan.” (Kawikaan 29:2) Sa buong kasaysayan, sinubukan na ng mga tao ang maraming uri ng pamahalaan, at nakalulungkot, madalas silang ‘magbuntung-hininga’ dahil sa pang-aapi ng kanilang mga tagapamahala. (Eclesiastes 8:9) Magtatagumpay kaya ang anumang uri ng pamahalaan sa pagdudulot ng namamalaging kasiyahan sa mga sakop nito?

2. Bakit ang “teokrasya” ay isang angkop na paglalarawan sa pamahalaan ng sinaunang Israel?

2 Binanggit ng mananalaysay na si Josephus ang isang pambihirang uri ng pamahalaan nang sumulat siya: “Ipinagkatiwala ng ilang bayan ang kataas-taasang pulitikal na kapangyarihan sa mga monarkiya, ang iba naman ay sa mga oligarkiya, subalit ang iba ay sa masa. Gayunman, ang ating tagapagbigay-batas [na si Moises], ay hindi naakit sa anumang anyo ng mga pulitikal na organisasyong ito, kundi ibinigay sa kaniyang konstitusyon ang anyo na​—kung pahihintulutan ang di-natural na pananalita​—maaaring tawaging isang ‘teokrasya,’ na inilalagay ang buong soberanya at awtoridad sa mga kamay ng Diyos.” (Against Apion, II, 164-5) Ayon sa Concise Oxford Dictionary, ang teokrasya ay nangangahulugan ng “isang uri ng pamamahala ng Diyos.” Ang salitang ito ay hindi lumilitaw sa Bibliya, ngunit angkop na inilalarawan nito ang pamahalaan ng sinaunang Israel. Bagaman ang mga Israelita ay nagkaroon ng isang nakikitang hari, si Jehova ang tunay nilang tagapamahala. Sinabi ng Israelitang propeta na si Isaias: “Si Jehova ang ating Hukom, si Jehova ang ating Tagapagbigay-batas, si Jehova ang ating Hari.”​—Isaias 33:22.

Ano ba ang Tunay na Teokrasya?

3, 4. (a) Ano ba ang isang tunay na teokrasya? (b) Hindi na magtatagal, anong mga pagpapala ang idudulot ng teokrasya sa buong sangkatauhan?

3 Mula nang likhain ni Josephus ang salitang ito, marami nang lipunan ang inilarawan bilang mga teokrasya. Ang ilan sa mga ito ay lumitaw na di-mapagparaya, panatiko, at mapang-api nang buong-lupit. Tunay bang mga teokrasya ang mga ito? Hindi sa diwa ng paggamit ni Josephus ng salita. Ang suliranin ay nasa pagpapalawak ng kahulugan ng “teokrasya.” Binibigyang-kahulugan ito ng World Book Encyclopedia bilang “isang uri ng pamahalaan na ang estado ay pinamamahalaan ng isang saserdote o ng mga saserdote, at ang mga miyembro ng pagkasaserdote ay may awtoridad sa sibil at relihiyosong mga bagay.” Subalit ang tunay na teokrasya ay hindi isang pamahalaan ng mga saserdote. Ito ay talagang pamamahala ng Diyos, ang pamahalaan ng Maylalang ng sansinukob, ang Diyos na Jehova.

4 Hindi na magtatagal, ang buong lupa ay mapasasailalim ng teokrasya, at anong laking pagpapala iyon! “Ang Diyos mismo ay [makakasama ng sangkatauhan]. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:3, 4) Walang makasaserdoteng pamamahala ng di-sakdal na mga tao ang makapagdudulot ng gayong kaligayahan. Ang pamamahala lamang ng Diyos ang makagagawa nito. Kaya naman, hindi sinusubukan ng mga tunay na Kristiyano na ipakilala ang teokrasya sa pamamagitan ng pulitikal na mga gawa. Sila’y matiyagang naghihintay na itatag ng Diyos ang isang pambuong-daigdig na teokrasya sa kaniyang takdang panahon at sa kaniyang sariling paraan.​—Daniel 2:44.

5. Saan namamahala sa ngayon ang tunay na teokrasya, at anong mga tanong ang ibinangon tungkol dito?

5 Subalit, pansamantala, talagang namamahala ang isang tunay na teokrasya. Saan? Sa gitna niyaong mga kusang-loob na nagpapasakop sa pamamahala ng Diyos at magkakasamang nagtutulungan upang gawin ang kaniyang kalooban. Tinipon ang gayong mga tapat na tao bilang isang pambuong-daigdig na espirituwal na “bansa” sa sarili nitong espirituwal na “lupain.” Sila ang mga nalalabi ng “Israel ng Diyos” at ang kanilang Kristiyanong mga kasama na mahigit sa lima at kalahating milyon. (Isaias 66:8; Galacia 6:16) Ang mga ito ay nagpapasakop kay Jesu-Kristo, ang makalangit na Hari na iniluklok ng Diyos na Jehova, ang “Haring walang-hanggan.” (1 Timoteo 1:17; Apocalipsis 11:15) Sa anong paraan teokratiko ang organisasyong ito? Paano minamalas ng mga miyembro nito ang awtoridad ng sekular na mga pamahalaan? At paanong ang simulain ng teokrasya ay pinaiiral ng mga taong may awtoridad sa kanilang espirituwal na pamayanan?

Isang Teokratikong Organisasyon

6. Paano mapamamahalaan ng Diyos ang isang nakikitang organisasyon ng mga tao?

6 Paano mapamamahalaan ni Jehova, na nananahan sa di-nakikitang kalangitan, ang isang organisasyon ng mga tao? (Awit 103:19) Sa bagay na yaong mga kaugnay rito ay sumusunod sa kinasihang payo: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo at huwag kang umasa sa iyong sariling unawa.” (Kawikaan 2:6; 3:5) Hinahayaan nila na mamahala ang Diyos sa kanila habang tinutupad nila ang “batas ng Kristo” at ikinakapit ang kinasihang mga simulain ng Bibliya sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. (Galacia 6:2; 1 Corinto 9:21; 2 Timoteo 3:16; tingnan ang Mateo 5:22, 28, 39; 6:24, 33; 7:12, 21.) Upang magawa ito, kailangang sila’y maging mga estudyante ng Bibliya. (Awit 1:1-3) Tulad ng mga taga-Berea noon na “mararangal ang pag-iisip,” hindi nila sinusunod ang mga tao kundi palagiang tinitiyak mula sa Bibliya ang mga bagay na kanilang natututuhan. (Gawa 17:10, 11; Awit 119:33-36) Nananalangin sila kagaya ng salmista: “Turuan mo ako ng kabutihan, ng pagiging makatuwiran at ng kaalaman, sapagkat sumasampalataya ako sa iyong mga utos.”​—Awit 119:66.

7. Ano ang kaayusan ng pangangasiwa sa teokrasya?

7 Sa bawat organisasyon, kailangang may ilan na hahawak ng awtoridad o mangunguna. Hindi naiiba ang mga Saksi ni Jehova, at kanilang sinusunod ang kaayusan ng awtoridad na binalangkas ni apostol Pablo: “Ang ulo ng bawat lalaki ay ang Kristo; ang ulo naman ng babae ay ang lalaki; ang ulo naman ng Kristo ay ang Diyos.” (1 Corinto 11:3) Kasuwato nito, mga kuwalipikadong lalaki lamang ang naglilingkod bilang matatanda sa mga kongregasyon. At bagaman si Jesus​—“ang ulo ng bawat lalaki”​—ay nasa langit, mayroon pa ring “mga nalalabi” sa lupa ng kaniyang pinahirang mga kapatid, na may pag-asang mamahalang kasama niya sa langit. (Apocalipsis 12:17; 20:6) Ang mga ito ang kabilang sa kabuuang “tapat at maingat na alipin.” Ipinapakita ng mga Kristiyano ang kanilang pagpapasakop kay Jesus, at samakatuwid ay sa ulo ni Jesus, si Jehova, sa pamamagitan ng pagtanggap sa pangangasiwa ng “alipin” na iyan. (Mateo 24:45-​47; 25:40) Sa ganitong paraan, ang teokrasya ay maayos. “Ang Diyos ay isang Diyos, hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.”​—1 Corinto 14:33.

8. Paano tinatangkilik ng Kristiyanong matatanda ang simulain ng teokrasya?

8 Tinatangkilik ng Kristiyanong matatanda ang simulain ng teokrasya sapagkat kinikilala nila na may pananagutan sila kay Jehova sa paraan ng paggamit nila ng kanilang limitadong awtoridad. (Hebreo 13:17) At sa pagpapasiya, nananalig sila sa karunungan ng Diyos, hindi sa kanilang sarili. Sa ganito, tinutularan nila ang halimbawa ni Jesus. Siya ang pinakamarunong na tao na nabuhay kailanman. (Mateo 12:42) Gayunpaman, sinabi niya sa mga Judio: “Ang Anak ay hindi makagagawa ng kahit isang bagay sa sarili niyang pagkukusa, kundi kung ano lamang ang nakikita niyang ginagawa ng Ama.” (Juan 5:19) Taglay rin ng matatanda ang saloobing katulad ng kay Haring David. Humawak siya ng malaking awtoridad sa isang teokrasya. Gayunman, ibig niyang sundin ang paraan ni Jehova, hindi ang sa kaniya. Nanalangin siya: “Turuan mo ako, O Jehova, ng iyong daan, at akayin mo ako sa landas ng katuwiran.”​—Awit 27:11.

9. Hinggil sa iba’t ibang pag-asa at iba’t ibang pribilehiyo ng paglilingkuran sa teokrasya, anong timbang na pangmalas ang taglay ng mga nakaalay na Kristiyano?

9 Ang ilan ay nag-aalinlangan kung makatuwiran kaya na ang awtoridad sa kongregasyon ay hawak lamang ng kuwalipikadong mga lalaki o na ang ilan ay may makalangit na pag-asa samantalang ang iba naman ay may makalupang pag-asa. (Awit 37:29; Filipos 3:20) Gayunman, nauunawaan ng mga nakaalay na Kristiyano na ang mga kaayusang ito ay binalangkas sa Salita ng Diyos. Ang mga ito ay teokratiko. Kung pinag-aalinlanganan man ang mga ito, kadalasan ay ng mga taong hindi kumikilala sa mga simulain ng Bibliya. Bukod dito, batid ng mga Kristiyano na ang mga lalaki at babae ay pantay-pantay sa paningin ni Jehova kung kaligtasan ang pag-uusapan. (Galacia 3:28) Para sa tunay na mga Kristiyano, ang pagiging mga mananamba ng Soberano ng sansinukob ang siyang pinakamataas na pribilehiyong maaaring taglayin, at sila’y nalulugod na gampanan ang anumang papel na iniatas ni Jehova sa kanila. (Awit 31:23; 84:10; 1 Corinto 12:12, 13, 18) Bukod dito, ang buhay na walang hanggan, sa langit man o sa paraisong lupa, ay isang tunay na kahanga-hangang pag-asa.

10. (a) Anong mainam na saloobin ang ipinakita ni Jonathan? (b) Paanong ang mga Kristiyano sa ngayon ay nagpapakita ng saloobing katulad niyaong kay Jonathan?

10 Sa gayon, ang mga Saksi ni Jehova ay kahawig ni Jonathan, ang may-takot-sa-Diyos na anak ni Haring Saul. Malamang na magiging isang mahusay na hari si Jonathan. Subalit dahil sa kawalang-katapatan ni Saul, pinili ni Jehova si David upang maging pangalawang hari ng Israel. Ito ba’y ikinasama ng loob ni Jonathan? Hindi. Siya’y naging isang mabuting kaibigan ni David at ipinagsanggalang pa nga ito mula kay Saul. (1 Samuel 18:1; 20:1-​42) Sa katulad na paraan, yaong may makalupang pag-asa ay hindi naiinggit sa mga may makalangit na pag-asa. At ang mga tunay na Kristiyano ay hindi naiinggit sa mga humahawak ng teokratikong awtoridad sa kongregasyon. Sa halip, sila’y ‘nagbibigay sa kanila ng higit kaysa pambihirang konsiderasyon sa pag-ibig,’ anupat kinikilala ang kanilang pagpapagal alang-alang sa kanilang espirituwal na mga kapatid na lalaki at babae.​—1 Tesalonica 5:12, 13.

Ang Teokratikong Pangmalas sa Sekular na Pamamahala

11. Paano minamalas ng mga Kristiyanong nagpapasakop sa teokratikong pamamahala ang sekular na mga awtoridad?

11 Kung ang mga Saksi ni Jehova ay nasa ilalim ng teokrasya, ang pamamahala ng Diyos, paano nila minamalas ang mga tagapamahala ng bansa? Sinabi ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Gayunman, kinikilala ng mga Kristiyano ang kanilang pagkakautang kay “Cesar,” ang sekular na mga pamahalaan. Sinabi ni Jesus na dapat nilang “ibayad . . . kay Cesar ang mga bagay na kay Cesar, ngunit sa Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Mateo 22:21) Ayon sa Bibliya, ang mga pamahalaan ng tao ay “inilagay ng Diyos sa kanilang relatibong mga posisyon.” Pinahihintulutan ni Jehova, ang Pinagmumulan ng lahat ng awtoridad, ang pag-iral ng mga pamahalaan, at inaasahan niyang gagawa sila ng mabuti sa mga nasasakupan nila. Kapag ginagawa nila ang gayon, sila ay ‘ministro ng Diyos.’ Nagpapasakop ang mga Kristiyano sa pamahalaan ng lupaing kanilang tinitirahan “dahil sa [kanilang] budhi.” (Roma 13:1-7) Mangyari pa, kung humiling ang estado ng isang bagay na salungat sa batas ng Diyos, ang isang Kristiyano ay ‘susunod sa Diyos bilang tagapamahala sa halip na sa mga tao.’​—Gawa 5:29.

12. Kapag ang mga Kristiyano ay pinag-uusig ng mga awtoridad, kaninong halimbawa ang sinusunod nila?

12 Paano kung pag-usigin ng mga awtoridad ng pamahalaan ang mga tunay na Kristiyano? Sinusunod nila ang halimbawa ng mga naunang Kristiyano, na nagtiis ng mga panahon ng matinding pag-uusig. (Gawa 8:1; 13:50) Inaasahan ang ganitong mga pagsubok sa pananampalataya, yamang nagbabala si Jesus na darating ang mga ito. (Mateo 5:10-12; Marcos 4:17) Gayunman, ang mga naunang Kristiyanong iyon ay hindi gumanti sa mga umuusig sa kanila; ni nanghina man ang kanilang pananampalataya sa ilalim ng panggigipit. Sa halip, sinunod nila ang halimbawa ni Jesus: “Nang siya ay laitin, hindi siya nanlait bilang ganti. Nang siya ay magdusa, hindi siya nagbanta, kundi ipinagkatiwala ang sarili sa isa na humahatol nang matuwid.” (1 Pedro 2:21-23) Nanaig ang mga simulaing Kristiyano laban sa mga panunudyo ni Satanas.​—Roma 12:21.

13. Paano hinaharap ng mga Saksi ni Jehova ang pag-uusig at mga kampanya ng paninirang-puri laban sa kanila?

13 Totoo rin ito sa ngayon. Sa siglong ito, ang mga Saksi ni Jehova ay nagdusa nang matindi sa kamay ng malulupit na tagapamahala​—gaya ng inihula ni Jesus. (Mateo 24:9, 13) Sa ilang lupain, ang mga kasinungalingan at maling impormasyon ay ikinakalat niyaong nagsisikap na gipitin ang mga awtoridad na kumilos laban sa taimtim na mga Kristiyanong ito. Gayunpaman, sa kabila ng gayong “masamang ulat,” ang mga Saksi, sa pamamagitan ng kanilang mainam na paggawi ay nagrerekomenda sa kanilang sarili bilang mga ministro ng Diyos. (2 Corinto 6:4, 8) Kapag posible, idinudulog nila ang kanilang usapin sa mga opisyal at sa mga hukuman ng lupain upang patunayan na sila’y walang kasalanan. Ginagamit nila ang anumang paraan na nakalaan sa kanila upang gumawa ng hayagang pagtatanggol sa mabuting balita. (Filipos 1:7) Ngunit matapos na magawa nila ang lahat ng makakaya nila alinsunod sa batas, ipinauubaya nila ang mga bagay-bagay sa kamay ni Jehova. (Awit 5:8-12; Kawikaan 20:22) Kung kailangan, hindi sila natatakot na magdusa alang-alang sa katuwiran, kagaya ng mga naunang Kristiyano.​—1 Pedro 3:14-17; 4:12-14, 16.

Unahin ang Kaluwalhatian ng Diyos

14, 15. (a) Ano ang pangunahing bagay para sa mga tumatangkilik sa simulain ng teokrasya? (b) Sa anong okasyon nagpakita si Solomon ng mainam na halimbawa ng pagpapakumbaba sa kaniyang pangangasiwa?

14 Nang turuan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin, ang una niyang binanggit ay ang pagpapabanal ng pangalan ni Jehova. (Mateo 6:9) Kasuwato nito, hinahanap niyaong mga namumuhay sa ilalim ng teokrasya ang kaluwalhatian ng Diyos, hindi ang sa kanilang sarili. (Awit 29:1, 2) Iniulat ng Bibliya na noong unang siglo, ito ay isang batong katitisuran para sa ilan na tumatangging sumunod kay Jesus sapagkat “inibig nila ang kaluwalhatian ng tao,” anupat ibig nilang luwalhatiin sila ng mga tao. (Juan 12:42, 43) Oo, kailangan ng pagpapakumbaba para unahin ng isa si Jehova kaysa pahalagahan ang sarili.

15 Nagpakita si Solomon ng isang mainam na saloobin sa bagay na ito. Ihambing ang kaniyang mga sinabi nang iniaalay ang maluwalhating templo na kaniyang itinayo sa sinabi naman ni Nabucodonosor hinggil sa kaniyang mga ipinatayo. Taglay ang labis na kapalaluan, naghambog si Nabucodonosor: “Hindi ba ito ang Babilonyang Dakila, na akin mismong itinayo para sa maharlikang sambahayan sa pamamagitan ng lakas ng aking kapangyarihan at ukol sa dignidad ng aking karingalan?” (Daniel 4:30) Sa kabaligtaran, may kababaang-loob na isinaisantabi ni Solomon ang kaniyang nagawa, sa pagsasabi: “Totoo bang ang Diyos ay mananahanang kasama ng sangkatauhan sa lupa? Narito! Sa langit, oo, sa langit ng mga langit, ay hindi ka magkasiya; gaano pa kaya sa bahay na ito na aking itinayo?” (2 Cronica 6:14, 15, 18; Awit 127:1) Hindi dinakila ni Solomon ang kaniyang sarili. Batid niya na kinatawan lamang siya ni Jehova anupat siya’y sumulat: “Dumating baga ang kapalaluan? Darating din ang kahihiyan; ngunit ang karunungan ay nasa mapagpakumbaba.”​—Kawikaan 11:2.

16. Paano napatutunayang isang tunay na pagpapala ang matatanda sa pamamagitan ng hindi pagluwalhati sa kanilang sarili?

16 Dinadakila rin naman ng Kristiyanong matatanda si Jehova, hindi ang kanilang sarili. Sinusunod nila ang payo ni Pedro: “Kung ang sinuman ay naglilingkod, maglingkod siya na umaasa sa lakas na inilalaan ng Diyos; upang sa lahat ng mga bagay ay maluwalhati ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.” (1 Pedro 4:11) Inilarawan ni apostol Pablo ang “katungkulan ng tagapangasiwa,” hindi bilang isang mahalagang posisyon ng katanyagan, kundi bilang “isang mainam na gawain.” (1 Timoteo 3:1) Ang matatanda ay hinirang upang maglingkod, hindi upang mamahala. Sila’y mga guro at pastol ng kawan ng Diyos. (Gawa 20:28; Santiago 3:1) Ang matatanda na mapagpakumbaba at mapagsakripisyo sa sarili ay tunay na pagpapala sa isang kongregasyon. (1 Pedro 5:2, 3) “Patuloy ninyong ituring ang gayong uri ng mga tao na mahalaga,” at pasalamatan si Jehova sa paglalaan niya ng napakaraming kuwalipikadong matatanda upang itaguyod ang teokrasya sa “mga huling araw” na ito.​—Filipos 2:29; 2 Timoteo 3:1.

“Maging mga Tagatulad Kayo sa Diyos”

17. Sa anu-anong paraan tinutularan niyaong mga nasa ilalim ng teokrasya ang Diyos?

17 Nagpayo si apostol Pablo: “Maging mga tagatulad kayo sa Diyos, gaya ng mga anak na iniibig.” (Efeso 5:1) Yaong nagpapasakop ng kanilang sarili sa teokrasya ay nagsisikap na maging katulad ng Diyos hangga’t maaari para sa di-sakdal na mga tao. Halimbawa, ganito ang sabi ng Bibliya tungkol kay Jehova: “Ang Bato, sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos na tapat, na sa kaniya’y wala ang kawalan ng katarungan; matuwid at banal siya.” (Deuteronomio 32:3, 4) Upang matularan ang Diyos sa bagay na ito, itinataguyod ng mga Kristiyano ang katapatan, katuwiran, at timbang na diwa ng katarungan. (Mikas 6:8; 1 Tesalonica 3:6; 1 Juan 3:7) Iniiwasan nila ang maraming bagay na tinatanggap na sa sanlibutang ito, gaya ng imoralidad, kaimbutan, at kasakiman. (Efeso 5:5) Dahil sinusunod ng mga lingkod ni Jehova ang banal na mga pamantayan at hindi yaong sa mga tao, ang kaniyang organisasyon ay teokratiko, malinis, at kaayaaya.

18. Ano ang pangunahing katangian ng Diyos, at paano masasalamin sa mga Kristiyano ang katangiang ito?

18 Ang pangunahing katangian ng Diyos na Jehova ay pag-ibig. “Ang Diyos ay pag-ibig,” sabi ni apostol Juan. (1 Juan 4:8) Yamang ang teokrasya ay nangangahulugang pamamahala ng Diyos, katumbas ito ng pamamahala sa pamamagitan ng pag-ibig. Sinabi ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Ang teokratikong organisasyon ay nagpakita ng pambihirang pag-ibig sa mahirap na mga huling araw na ito. Noong nililipol ang mga lahi sa Aprika, ang mga Saksi ni Jehova ay nagpakita ng pag-ibig sa lahat, anuman ang lahi na kinabibilangan nila. Sa panahon ng digmaan sa dating Yugoslavia, ang mga Saksi ni Jehova sa lahat ng lugar ay nagtulungan sa isa’t isa, samantalang ang ibang grupong relihiyoso ay nakibahagi sa diumano’y paglilinis ng lahi. Bawat isa sa mga Saksi ni Jehova ay nagsisikap na sundin ang payo ni Pablo: “Ang lahat ng mapaminsalang kapaitan at galit at poot at hiyawan at mapang-abusong pananalita ay alisin mula sa inyo kasama ng lahat ng kasamaan. Kundi maging mabait kayo sa isa’t isa, madamayin sa magiliw na paraan, malayang nagpapatawaran sa isa’t isa kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay malayang nagpatawad din sa inyo.”​—Efeso 4:31, 32.

19. Anong mga pagpapala ang darating ngayon at sa hinaharap para sa mga nagpapasakop ng kanilang sarili sa teokrasya?

19 Yaong mga nagpapasakop sa teokrasya ay nagtatamasa ng maraming pagpapala. Sila’y may pakikipagpayapaan sa Diyos at sa mga kapuwa Kristiyano. (Hebreo 12:14; Santiago 3:17) May layunin ang kanilang buhay. (Eclesiastes 12:13) Mayroon silang espirituwal na katiwasayan at isang tiyak na pag-asa sa kinabukasan. (Awit 59:9) Sa katunayan, patiuna nilang natatamasa ang magiging kalagayan kapag ang buong sangkatauhan ay nasa ilalim ng teokratikong pamamahala. Kung magkagayon, sabi ng Bibliya, “hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman ni Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.” (Isaias 11:9) Kay luwalhating panahon iyon! Sana’y tiyakin natin ang ating dako sa Paraisong iyon sa hinaharap sa pamamagitan ng pananatiling malapit ngayon sa teokrasya.

Maipaliliwanag ba Ninyo?

◻ Ano ang tunay na teokrasya at saan ito masusumpungan ngayon?

◻ Paano nagpapasakop ang mga tao sa teokratikong pamamahala sa kanilang buhay?

◻ Sa anu-anong paraan inuuna ng lahat niyaong nasa ilalim ng teokrasya ang kaluwalhatian ng Diyos kaysa sa kanilang sariling kaluwalhatian?

◻ Ano ang ilan sa makadiyos na mga katangian na tinutularan niyaong mga tumatangkilik sa teokrasya?

[Larawan sa pahina 17]

Inuna ni Solomon ang kaluwalhatian ng Diyos kaysa sa kaniyang sariling kaluwalhatian

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share