Ang Pinakadakilang Tao na Nabuhay Kailanman
“Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy.”—MATEO 16:16.
1, 2. (a) Papaano masusukat ang kadakilaan ng isang tao? (b) Sinong mga lalaki sa kasaysayan ang tinawag na Dakila, at bakit?
SINO sa palagay mo ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman? Papaano mo susukatin ang kadakilaan ng isang tao? Sa pamamagitan ba ng kaniyang katalinuhang pangmilitar? ng kaniyang pambihirang talino? ng kaniyang pisikal na lakas?
2 Iba’t ibang pinunò ang tinawag na Dakila, tulad halimbawa ni Ciro na Dakila, Alejandrong Dakila, at Carlomagno, na tinaguriang “ang Dakila” kahit na noong siya’y nabubuhay pa. Sa pamamagitan ng kanilang kakila-kilabot na pamamahala, ang gayong mga tao ay naghawak ng malaking kapangyarihan sa kanilang mga pinamamahalaan.
3. (a) Ano ang isang pamantayan na magagamit sa pagsukat ng kadakilaan ng isang tao? (b) Sa paggamit ng gayong pamantayan, sino ba ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman?
3 Kapansin-pansin, inilarawan ng historyador na si H. G. Wells ang kaniyang pamantayan para sa pagsukat sa kadakilaan ng isang tao. Mahigit na 50 taon na ngayon, siya’y sumulat: “Ang pamantayan ng historyador sa kadakilaan ng isang tao ay ‘Ano ba ang kaniyang iniwan upang pasulungin? Kaniya bang pinasimulan na mag-isip ang mga tao ng mga bagong kaalaman na may kasigasigang kagaya niya?’ Sa pamamagitan ng ganitong pamantayan,” ang pagtatapos ni Wells, “si Jesus ang nangunguna.” Sinabi rin ni Napoléon Bonaparte: “Nahikayat at napamahalaan ni Jesu-Kristo ang Kaniyang mga sakop kahit na hindi Siya nakikita.”
4. (a) Ano ang magkakaibang mga paniwala tungkol kay Jesus? (b) Anong dako sa kasaysayan ang ibinibigay kay Jesus ng isang di-Kristiyanong historyador?
4 Gayunman, ang iba ay tumutol na si Jesus ay hindi isang makasaysayang tao kundi isang alamat. Sa kabilang sukdulan naman, marami ang gumawang idolo kay Jesus bilang Diyos na sinasabing naparito sa lupa ang Diyos bilang si Jesus. Gayunman, sa kaniyang mga konklusyon na doon lamang isinalig sa makasaysayang ebidensiya tungkol sa pag-iral ni Jesus bilang isang tao, si Wells ay sumulat: “Interesante at makahulugan na ang isang historyador, walang anumang teolohikong pagtatangi, ay makasumpong na hindi niya taimtim na mailalarawan ang pag-unlad ng sangkatuhan na hindi nagbibigay ng pangunahing dako sa isang maralitang guro na taga-Nasaret. . . . Ang isang historyador na katulad ko, na hindi man lamang itinuturing ang sarili na isang Kristiyano, ay nakasumpong na ang larawan tungkol sa binanggit na ay nakasentro at hindi matatanggihan sa palibot ng buhay at katangian ng pinakamahalagang taong ito.”
Talaga Bang Nabuhay si Jesus?
5, 6. Ano ang sinasabi ng mga historyador na si H. G. Wells at Will Durant tungkol sa pagkamakasaysayan (historicity) ni Jesus?
5 Ngunit ano kung may nagsabi sa iyo na si Jesus ay hindi naman nabuhay, na siya, sa katunayan ay isang alamat, isang imbento ng ilang tao noong unang siglo? Papaano mo sasagutin ang ganitong bintang? Samantalang kinikilala ni Wells na “wala tayong alam tungkol [kay Jesus] na kasindami ng ibig nating maalaman,” gayunman ay sinabi niya ang ganito: “Ang apat na Ebanghelyo . . . ay nagkakaisa sa pagbibigay sa atin ng isang larawan ng isang napakatiyak na personalidad; ang mga ito ay may ebidensiya ng isang matibay na paniniwala sa totoo. Ang palagay na siya’y hindi kailanman nabuhay, na ang ulat ng kaniyang buhay ay mga imbento, ay lalong mahirap at nagbabangon ng higit na mga suliranin para sa historyador kaysa kung tatanggapin ang pinakasustansiya ng mga kuwento ng Ebanghelyo bilang katotohanan.”
6 Ang respetadong historyador na si Will Durant ay nangatuwiran sa isang nahahawig na paraan, na ang paliwanag: “Na ang ilang simpleng mga tao [na mga Kristiyano ang tawag sa kanilang sarili] na sa isang salinlahi ay umimbento ng napakamakapangyarihan at kaakit-akit na personalidad, na napakadakila ang etika at totoong nagbibigay-inspirasyon sa isang pangitain ng pagkakapatiran ng tao, ay magiging isang himala na lalong higit na di-kapani-paniwala kaysa anumang nasulat sa mga Ebanghelyo.”
7, 8. Gaano katindi naapektuhan ni Jesus ang kasaysayan ng tao?
7 Kung gayon, ikaw ay makapangangatuwiran sa ganoong tao na ayaw maniwala: Ang isa bang karakter sa alamat—isang taong hindi naman nabuhay—ay makaaapekto nang buong tindi sa kasaysayan ng sangkatauhan? Ang reperensiyang aklat na The Historians’ History of the World ay may ganitong puna: “Ang makasaysayang resulta ng mga gawain ni [Jesus] ay lalong higit na mahalaga, kahit na buhat sa isang pangmalas na walang kinalaman sa relihiyon, kaysa mga nagawa ng sinumang ibang tauhan ng kasaysayan. Isang bagong panahon, na kinikilala ng pangunahing mga kabihasnan ng daigdig, ay nakasalig ang mga petsa sa kaniyang kapanganakan.” Pag-isipan iyan. Maging ang ilang kalendaryo sa ngayon ay nakasalig sa taon na ipinagpapalagay na petsa ng kapanganakan ni Jesus. “Ang mga petsa bago ng taóng iyan ay nakatala bilang B.C., o before Christ (bago kay Kristo),” ang paliwanag ng The World Book Encyclopedia. “Ang mga petsa pagkatapos ng taon na iyan ay nakatala bilang A.D., o anno Domini (sa taon ng ating Panginoon).”
8 Sa pamamagitan ng kaniyang dinamikong mga turo at sa paraan ng kaniyang pamumuhay kasuwato ng mga ito, buong tindi na naapektuhan ni Jesus ang buhay ng walang-bilang na mga tao sa loob nang halos dalawang libong taon. Gaya ng angkop na sinabi ng isang manunulat: “Lahat ng mga hukbo na nagmartsa kailanman, at lahat ng mga hukbong-dagat na naitayo kailanman, at lahat ng mga parlamento na nagpulong kailanman, lahat ng mga hari na namahala kailanman, pagsama-samahin man ay hindi nakaapekto sa buhay ng tao sa lupang ito di-gaya ng sa kaniya.” Sa kabila nito, ang mga kritiko ay nagsasabi: ‘Lahat ng talagang alam natin tungkol kay Jesus ay masusumpungan sa Bibliya. Wala nang iba pang kasabay na mga rekord tungkol sa kaniya na umiral.’ Subalit, totoo kaya ito?
9, 10. (a) Ano ang sinabi tungkol kay Jesus ng mga historyador at manunulat ng daigdig? (b) Salig sa patotoo ng sinaunang historyador, ano ang konklusyon ng isang iginagalang na ensayklopedia?
9 Bagaman ang mga reperensiya kay Jesu-Kristo ng sinaunang sekular na mga historyador ay lubhang kakaunti, mayroon ng gayong mga reperensiya. Si Cornelius Tacitus, isang iginagalang na historyador Romano noong unang siglo, ang pagkasunog ng Roma ay isinisi [ng emperador Nero ng Roma] sa mga Kristiyano,’ at saka ipinaliwanag ni Tacitus: “Ang pangalang [Kristiyano] ay kuha sa Kristo, na ipinapatay ng gobernador Poncio Pilato noong panahon ng paghahari ni Tiberio.” Sina Suetonius at Pliny na Nakababata, ang iba pang mga manunulat Romano noong panahong iyon, ay bumanggit din tungkol kay Kristo. Bukod dito, si Flavius Josephus, isang historyador na Judio noong unang siglo, ay sumulat sa Antiquities of the Jews tungkol sa kamatayan ng Kristiyanong alagad na si Santiago. Si Santiago, ang wika ni Josephus bilang paliwanag, “ang kapatid ni Jesus, na tinawag na Kristo.”
10 Sa gayo’y ganito ang konklusyon ng The New Encyclopædia Britannica: “Ang pansariling mga ulat na ito ay nagpapatotoo na noong sinaunang mga panahon maging ang mga kalaban ng Kristiyanismo ay hindi kailanman nagduda na si Jesus ay makasaysayan, na pinagtalunan sa unang pagkakataon at salig sa di-sapat na mga batayan ng katapusan ng ika-18, noong ika-19, at nang pasimula ng ika-20 na mga siglo.”
Sino Bang Talaga si Jesus?
11. (a) Sa totoo, ano ang tanging mapagkukunan ng makasaysayang impormasyon tungkol kay Jesus? (b) Ano ang katanungan ng sariling mga tagasunod ni Jesus tungkol sa kung sino nga siya?
11 Datapuwat, sa totoo, lahat ng alam sa kasalukuyan tungkol kay Jesus ay isinulat ng kaniyang mga tagasunod noong unang siglo. Ang kanilang mga ulat ay naingatan sa mga Ebanghelyo—ang mga aklat ng Bibliya na isinulat ng dalawa sa kaniyang mga apostol, si Mateo at si Juan, at ng dalawa sa kaniyang mga alagad, si Marcos at si Lucas. Ano ba ang inihahayag ng mga ulat ng mga taong ito tungkol sa kung sino nga si Jesus? Sino nga bang talaga siya? Ang tanong na iyan ay pinag-isipan ng mga nakasama ni Jesus noong unang siglo. Nang kanilang makitang pinakalma ni Jesus ang isang maunos na dagat, sila’y lubhang nanggilalas: “Sino nga bang talaga ito?” Nang dakong huli, tinanong ni Jesus ang kaniyang mga apostol: “Ano ang sabi ninyo kung sino ako?”—Marcos 4:41; Mateo 16:15.
12. Papaano natin nalalaman na hindi si Jesus ang Diyos?
12 Kung ikaw ay tatanungin ng katanungang iyan, papaano ka sasagot? Sino nga bang talaga si Jesus? Mangyari pa, marami sa Sangkakristiyanuhan ang magsasabi na siya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat na nasa anyong tao, Diyos na nagkatawang-tao. Datapuwat, ang mismong mga nakasama ni Jesus ay hindi kailanman naniwala na siya ang Diyos. Tinukoy siya ni apostol Pedro na “ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buháy.” (Mateo 16:16) At magsaliksik ka hangga’t gusto mo, hindi mo mababasa kailanman na si Jesus ay nag-angkin na siya ang Diyos. Bagkus, sinabi niya sa mga Judio na siya ang “Anak ng Diyos,” hindi ang Diyos.—Juan 10:36.
13. Papaano naiiba si Jesus sa lahat ng iba pang mga tao?
13 Nang si Jesus ay lumakad sa ibabaw ng isang maunos na dagat, ang mga alagad ay humanga sa bagay na siya’y hindi isang tao na katulad lamang ng mga iba. (Juan 6:18-21) Siya’y isang taong bukod-tangi. Ito’y dahilan sa dati na siyang nabubuhay bilang isang personang espiritu kasama ng Diyos sa langit, oo, bilang isang anghel, na ipinakikilala sa Bibliya bilang ang arkanghel. (1 Tesalonica 4:16; Judas 9) Siya’y nilalang na ng Diyos bago Niya lalangin ang lahat ng iba pang mga bagay. (Colosas 1:15) Sa gayon, sa loob ng pagkatagal-tagal nang haba ng panahon, kahit bago pa nilalang ang pisikal na sansinukob, si Jesus at ang kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova, na Dakilang Maylikha, ay matalik na magkasama na sa langit.—Kawikaan 8:22, 27-31; Eclesiastes 12:1.
14. Papaano naging isang tao si Jesus?
14 Pagkatapos, halos dalawang libong taon na ang lumipas, ang buhay ng kaniyang Anak ay inilipat ng Diyos sa bahay-bata ng isang babae. Sa ganoon siya naging isang taong anak ng Diyos, ipinanganak sa normal na paraan sa pamamagitan ng isang babae. (Galacia 4:4) Samantalang si Jesus ay lumalaki sa bahay-bata ng kaniyang ina, si Maria, at nang maglaon nang lumalaki na siya bilang isang batang lalaki, siya’y dumidepende sa mga taong pinili ng Diyos na maging kaniyang makalupang mga magulang. Sa wakas si Jesus ay sumapit sa lubos na paglaki bilang tao, at maliwanag noon na siya’y pinagkaloobang maalaala ang kaniyang dating pakikisalamuha sa Diyos sa langit. Ito’y naganap ‘nang mabuksan sa kaniya ang langit’ sa kaniyang bautismo.—Mateo 3:16; Juan 8:23; 17:5.
15. Papaano natin nalalaman na si Jesus ay isang ganap na tao nang siya’y nabubuhay sa lupa?
15 Tunay, si Jesus ay isang taong pambihira. Gayunman, siya ay isang tao, ang katumbas ni Adan, na unang-unang nilalang ng Diyos at inilagay sa halamanan ng Eden. Si apostol Pablo ay nagpaliwanag: “ ‘Ang unang tao na si Adan ay naging isang kaluluwang buháy.’ Ang huling Adan ay naging isang espiritung nagbibigay-buhay.” Si Jesus ay tinatawag na “ang huling Adan” sapagkat, tulad ng unang-unang Adan, si Jesus ay isang sakdal na tao. Subalit pagkatapos na mamatay si Jesus, siya’y binuhay-muli, at siya’y nagbalik sa kaniyang Ama sa langit bilang isang espiritung persona.—1 Corinto 15:45.
Ang Pinakamagaling na Paraan ng Pagkatuto Tungkol sa Diyos
16. (a) Ano ang dahilan kung bakit ang pakikisalamuha kay Jesus ay isang malaking pribilehiyo? (b) Bakit masasabing sa pagkakita kay Jesus ay para na ring nakita mo ang Diyos?
16 Isip-isipin sandali ang kahanga-hangang pribilehiyo na tinamasa ng iba mismong mga kasama ni Jesus nang siya’y narito sa lupa! Gunigunihin ang pakikinig at pakikipag-usap, na nagmamasid, at gumagawa pa man din kasama ng Isa na gumugol nang marahil bilyun-bilyong mga taon bilang isang matalik na kasama ng Diyos na Jehova sa langit! Bilang isang tapat na anak, tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama sa langit sa lahat ng bagay na kaniyang ginawa. Sa katunayan, lubusang tinularan ni Jesus ang kaniyang Ama kung kaya’t kaniyang nasabi sa kaniyang mga apostol mga ilang saglit lamang bago siya pinatay: “Ang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama.” (Juan 14:9, 10) Oo, sa lahat ng kalagayan na napaharap sa kaniya dito sa lupa, ginawa ni Jesus ang gaya ng gagawin din ng kaniyang Ama, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, kung sakaling Siya ay nakaparito. Sa gayon, pagka tayo’y nag-aaral ng buhay at ministeryo ni Jesu-Kristo, tayo, sa katunayan, ay natututo tungkol sa kung anong uri nga ng persona ang Diyos.
17. Ano ang napakainam na layunin na ginanap ng Bantayan sa seryeng “Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus”?
17 Samakatuwid, ang seryeng “Ang Buhay at Ministeryo ni Jesus,” na inilathala sa sunud-sunod na mga labas ng Ang Bantayan mula Oktubre 1985 hanggang Hunyo 1991, ay hindi lamang nagbibigay ng isang mainam na larawan ng taong si Jesus kundi nagtuturo rin ng maraming bagay tungkol sa kaniyang makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova. Pagkatapos ng unang dalawang bahagi, isang ministrong payunir ang sumulat sa Watch Tower Society bilang pagpapasalamat, na ang sabi: “Ano pa ang lalong mainam na paraan ng paglapit sa Ama kaysa ang makilala nang lalong mainam ang Anak!” Anong pagkatotoo nga naman iyan! Ang malumanay na pangangalaga ng Ama sa mga tao at ang kaniyang pagkamagandang-loob ay labis-labis na pinalaki sa buhay ng Anak.
18. Sino ang Autor ng mensahe ng Kaharian, at papaano ito kinilala ni Jesus?
18 Ang pag-ibig ni Jesus sa kaniyang Ama, gaya ng ipinakita sa kaniyang lubusang pagpapasakop sa kalooban ng kaniyang Ama, ay tunay ngang maganda na pagmasdan. “Wala akong ginagawa sa aking sarili,” ang sabi ni Jesus sa mga Judio na nagtangkang patayin siya, “kundi kung papaano ang itinuro sa akin ng Ama ay gayon ko sinasalita ang mga bagay na ito.” (Juan 8:28) Kung gayon, hindi si Jesus ang autor ng mensahe ng Kaharian na kaniyang ipinangaral. Iyon ay ang Diyos na Jehova! At si Jesus sa tuwina ay sa kaniyang Ama ibinibigay ang kapurihan tungkol doon. “Hindi ako nagsalita mula sa aking sarili,” aniya, “kundi ang Ama na nagsugo sa akin ang nagbigay sa akin ng isang utos tungkol sa kung ano ang dapat sabihin at kung ano ang dapat salitain. . . . Kaya ang mga bagay na sinasalita ko, ayon sa sinabi sa akin ng Ama, ganoon ko sinasalita.”—Juan 12:49, 50.
19. (a) Papaano natin nalalaman na si Jesus ay nagturo ayon sa paraan ng pagtuturo ni Jehova? (b) Bakit si Jesus ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman?
19 Gayunman, hindi basta nagsalita o nagturo si Jesus ng sinabi sa kaniya ng Ama. Higit pa ang ginawa niya. Kaniyang sinalita iyon o itinuro iyon sa paraan na sasalitain o ituturo iyon ng Ama. Bukod pa riyan, sa lahat ng kaniyang mga gawain at mga kaugnayan, siya ay gumawi at kumilos na gaya ng igagawi at ikikilos ng Ama sa ilalim ng ganoon ding mga kalagayan. “Ang Anak ay hindi makagagawa ng anuman sa kaniyang sarili,” ang paliwanag ni Jesus, “kundi ang makita niyang gawin ng Ama. Sapagkat ang lahat ng mga bagay na ginagawa ng Isang iyan, ang mga ito rin ang ginagawa ng Anak sa katulad na paraan.” (Juan 5:19) Sa lahat ng paraan, si Jesus ay isang ganap na larawan ng kaniyang Ama, ang Diyos na Jehova. Kaya hindi kataka-taka na si Jesus ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman! Tunay, kung gayon, na napakahalagang ating maingat na isaalang-alang ang pinakamahalagang taong ito!
Ang Pag-ibig ng Diyos ay Nakita kay Jesus
20. Papaano nalaman ni apostol Juan na ang “Diyos ay pag-ibig”?
20 Ano lalo na ang ating natutuhan sa paggawa ng isang lubusan, o maingat na pag-aaral tungkol sa buhay at ministeryo ni Jesus? Bueno, kinilala ni apostol Juan na “walang taong nakakita sa Diyos.” (Juan 1:18) Gayumpaman, si Juan ay sumulat na taglay ang lubus-lubusang pagtitiwala sa 1 Juan 4:8: “Ang Diyos ay pag-ibig.” Ito’y masasabi ni Juan sapagkat batid niya ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang nakita kay Jesus.
21. Anong halimbawa ang ipinakita ni Jesus na nagtatangi sa kaniya bilang ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman?
21 Tulad ng Ama, si Jesus ay maawain, mabait, mapagpakumbaba, at madaling lapitan. Ang mga mahihina at mga api ay maalwan sa piling niya, gaya rin ng lahat ng uri ng mga tao—mga lalaki, babae, bata, mayayaman, mga dukha, makapangyarihan, at pati pusakal na mga makasalanan. Tunay, ang nakahihigit na halimbawa ni Jesus ng pag-ibig, sa pagtulad sa kaniyang Ama, ang lalo nang nagtangi sa kaniya bilang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman. Maging si Napoléon Bonaparte man ay iniulat na nagsabi: “Si Alejandro, Cesar, Carlomagno, at ako ay nagtatag ng mga imperyo, ano ang saligan ng aming nagawang dakilang mga bagay? Lakas. Si Jesu-Kristo lamang ang nagtatag ng kaniyang Kaharian salig sa pag-ibig, at sa araw na ito milyun-milyong mga tao ang mamamatay alang-alang sa kaniya.”
22. Ano ang lubhang naiiba tungkol sa mga turo ni Jesus?
22 Ang mga turo ni Jesus ay lubhang naiiba. “Huwag kayong makilaban sa kaninumang masama,” ang payo ni Jesus, “kundi sa sinuman na sa iyo’y sumampal sa kanan mong pisngi, iharap mo pa sa kaniya yaong kabila.” “Patuloy na ibigin ang inyong mga kaaway at idalangin ang mga umuusig sa inyo.” ‘Gawin ninyo sa iba ang ibig ninyong sa inyo’y gawin nila.’ (Mateo 5:39, 44; 7:12) Anong laking pagkakaiba ang kalalabasan ng daigdig kung lahat ay nagkakapit ng dakilang mga turong ito!
23. Ano ang ginawa ni Jesus upang makabagbag ng mga puso ng mga tao at pakilusin sila na gumawa ng mabuti?
23 Ang mga talinghaga, o mga ilustrasyon ni Jesus, ay nakabagbag ng mga puso, pinakilos ang mga tao na gumawa ng mabuti at iwasan ang masama. Marahil ay naaalaala mo pa ang kaniyang kilalang kuwento tungkol sa isang hinahamak na Samaritano na tumulong sa isang sinaktang tao na may ibang lahi na hindi tinulungan ng relihiyosong sariling mga kababayan ng taong iyon. O ang kuwento tungkol sa isang maawain, nagpatawad na ama at sa kaniyang alibughang anak. At kumusta naman yaong kuwento tungkol sa hari na nagpatawad sa isang alipin ng pagkakautang na 60 milyon na dinaryo, ngunit ang alipin ay umalis at ang ginawa’y ipinabilanggo ang kaniyang kapuwa alipin na hindi makabayad sa kaniya ng pagkakautang na 100 dinaryo lamang? Sa pamamagitan ng simpleng mga ilustrasyon, ang mga gawang kaimbutan at kasakiman ay pinagtingin ni Jesus na kasuklam-suklam at ang mga gawa ng pag-ibig at pagkahabag ay ginawang kaakit-akit!—Mateo 18:23-35; Lucas 10:30-37; 15:11-32.
24. Bakit walang pag-aalinlangang masasabi natin na si Jesus ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman?
24 Subalit, ang higit na nakaakit sa mga tao kay Jesus at nakahikayat sa kanila na gumawa ng mabuti ay ang bagay na lubusang magkasuwato ang kaniyang sariling buhay at ang kaniyang mga turo. Kaniyang ginawa ang kaniyang itinuro. Matiyagang pinagtiisan niya ang mga kahinaan ng iba. Nang ang kaniyang mga alagad ay magtalu-talo tungkol sa kung sino ang pinakadakila, may kabaitang itinuwid niya sila imbes na may kabagsikang pagwikaan sila. Mapakumbabang naglingkod siya upang matustusan ang kanilang mga pangangailangan, hinugasan pa man din ang kanilang mga paa. (Marcos 9:30-37; 10:35-45; Lucas 22:24-27; Juan 13:5) Sa wakas, siya’y kusang dumanas ng isang masaklap na kamatayan, hindi lamang alang-alang sa kanila, kundi alang-alang sa buong sangkatauhan! Walang alinlangan, si Jesus ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ba ang patotoo na si Jesus ay talagang nabuhay na isang tao sa kasaysayan?
◻ Papaano natin nalalaman na si Jesus ay naging isang tao, gayunman ay papaano siya naiiba sa lahat ng iba pang mga tao?
◻ Bakit ang pag-aaral ng buhay ni Jesus ang pinakamagaling na paraan na matuto tungkol sa Diyos?
◻ Ano ang matututuhan natin tungkol sa pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng pag-aaral ng tungkol kay Jesus?
[Larawan sa pahina 10]
Ang mga apostol ni Jesus ay nagtanong nang may panggigilalas: “Sino nga bang talaga ito?”