-
PanalanginKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Ang mga bagay na ito sa modelong panalanging iyon ay mahalaga para sa lahat ng taong may pananampalataya at ipinapahayag ng mga ito ang mga pangangailangan nilang lahat. Sa kabilang dako, ipinakikita ng ulat ng Kasulatan na maraming iba pang bagay na maaaring nakaaapekto sa mga indibiduwal sa iba’t ibang antas o na resulta ng partikular na mga kalagayan o mga pangyayari, anupat angkop ding ipanalangin ang mga ito. Bagaman hindi espesipikong binanggit sa modelong panalangin ni Jesus, ang mga ito ay nauugnay rin sa mga bagay na nakasaad doon. Samakatuwid, ang personal na mga panalangin ay maaaring sumaklaw sa halos lahat ng aspekto ng buhay.—Ju 16:23, 24; Fil 4:6; 1Pe 5:7.
-
-
PanalanginKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
-
-
Sa katapus-tapusan, ang kaalaman ng isang tao tungkol sa kung ano ang kalooban ng Diyos ang dapat na umugit sa nilalaman ng kaniyang mga panalangin, sapagkat dapat matanto ng nagsusumamo na upang ipagkaloob ng Diyos ang kaniyang kahilingan, dapat itong maging kalugud-lugod sa Kaniya. Palibhasa’y nalalaman na hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang mga balakyot at ang mga nagwawalang-bahala sa Kaniyang Salita, maliwanag na ang nagsusumamo ay hindi maaaring humiling ng isang bagay na salungat sa katuwiran at sa isiniwalat na kalooban ng Diyos, gayundin sa mga turo ng Anak ng Diyos at ng kaniyang kinasihang mga alagad. (Ju 15:7, 16) Kaya ang mga pananalita hinggil sa paghingi ng “anumang bagay” (Ju 16:23) ay hindi dapat unawain sa maling paraan. Maliwanag na hindi kasama sa “anumang bagay” ang mga bagay na nalalaman ng indibiduwal, o may dahilan siyang paniwalaan, na hindi kalugud-lugod sa Diyos. Sinabi ni Juan: “Ito ang pagtitiwala na taglay natin sa kaniya, na, anumang bagay ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay pinakikinggan niya.” (1Ju 5:14; ihambing ang San 4:15.) Sinabi naman ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kung ang dalawa sa inyo sa lupa ay magkasundo may kinalaman sa anumang bagay na mahalaga na kanilang hihilingin, magaganap iyon para sa kanila dahil sa aking Ama sa langit.” (Mat 18:19) Bagaman ang materyal na mga bagay, gaya ng pagkain, ay angkop na ipanalangin, hindi masasabi ang gayon may kinalaman sa materyalistikong mga pagnanasa at mga ambisyon, tulad ng ipinakikita ng mga tekstong gaya ng Mateo 6:19-34 at 1 Juan 2:15-17. Hindi rin magiging wasto na ipanalangin yaong mga hinahatulan ng Diyos.—Jer 7:16; 11:14.
-