Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w93 2/1 p. 5-7
  • Madaraig Bang Talaga ng Mabuti ang Masama?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Madaraig Bang Talaga ng Mabuti ang Masama?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pakikibaka sa Masama sa Dachau
  • Pananaig sa Ating Masasamang Hilig
  • Pagpapawalang-Kabuluhan sa Diyablo
  • “Sila’y Hindi Gagawa ng Masama”
  • Paano Tayo Nagiging Mabuti o Masama?
    Gumising!—2010
  • Ang Mabuti Laban sa Masama—Isang Napakatagal Nang Labanan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
  • Kung Paano Madaraig ng Mabuti ang Masama
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Kasamaan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
w93 2/1 p. 5-7

Madaraig Bang Talaga ng Mabuti ang Masama?

HALOS dalawang libong taon na ngayon ang lumipas, si Jesu-Kristo, isang taong walang anumang kasalanan, ay nililitis alang-alang sa kaniyang buhay. Mga taong balakyot ang nagpapakana upang siya’y mapatay sapagkat katotohanan ang kaniyang sinalita. Siya’y maling pinaratangan ng sedisyon, at hiniling ng karamihan na siya’y patayin. Isang gobernador Romano, na minahalaga pa ang kaniyang sariling prestihiyo pulitika kaysa buhay ng isang mapakumbabang anluwagi, ang humatol kay Jesus ng isang malupit na kamatayan. Kung sa panlabas titingnan, waring nagtagumpay ang kasamaan.

Gayunman, nang gabi bago siya mamatay, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:33) Ano ba ang ibig niyang sabihin? Sa isang bahagi, na ang kasamaan sa sanlibutan ay hindi nagdulot sa kaniya ng sama ng loob ni nagtulak man sa kaniya na gumanti sa katulad na paraan. Hindi siya napiga ng sanlibutan upang mahubog sa kasamaan. (Ihambing ang Roma 12:2, Phillips.) Kahit na noong siya’y mamamatay na, kaniya pa ring ipinanalangin ang mga magsisipatay sa kaniya: “Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”​—Lucas 23:34.

Ipinakita ni Jesus​—hanggang sa mga sandali ng kamatayan​—​na ang kasamaan ay maaaring daigin. Kaniyang ipinayo sa kaniyang mga tagasunod na kanilang labanan ang masama. Papaano nila magagawa iyon? Sa pamamagitan ng pagsunod sa payo ng Kasulatan na “huwag gantihin ninuman ng masama ang masama” at “patuloy na daigin ng mabuti ang masama,” gaya ng ginawa ni Jesus. (Roma 12:17, 21) Subalit ang ganiyan bang hakbangin ay gumagana?

Pakikibaka sa Masama sa Dachau

Si Else ay isang babaing Alemang nabilanggo sa Dachau na nagbigay ng isang mahalagang regalo sa isang 14-taóng-gulang na dalagitang Ruso, ang regalong pananampalataya at pag-asa.

Ang Dachau ay isang bantog na kampong piitan na kung saan ang libu-libo ay pinatay sa gas na nakalalason at daan-daan, kasali na ang dalagitang Rusong ito, ang ginamit sa kakilakilabot na pag-eeksperimento sa medisina. Waring ang Dachau ang sukdulan ng kasamaan. Gayumpaman, kahit na sa gayong waring baog na lupa, may mabuti rin na tumubo at dumami pa.

Lubhang nalungkot si Else sa dinanas ng dalagitang ito na pinilit din na magmasid sa mga guwardiyang SS sa kanilang walang-awa na panghahalay sa kaniyang ina. Kahit na nanganganib ang kaniyang sariling buhay ay humanap si Else ng pagkakataon na makausap ang dalagita tungkol sa mabuti at masama at sa pag-asang ibinibigay ng Kasulatan tungkol sa pagkabuhay-muli. Ang itinuro niya sa kaniyang kabataang kaibigan ay ang umibig imbes na mapoot. At ang dalagitang Ruso ay nakaligtas sa kakilabutan ng Dachau, at nagpasalamat sa tulong ni Else.

Ginawa ni Else ang kaniyang magagawa sapagkat nais niyang tularan ang halimbawa ni Kristo na hindi alintana ang sarili. Bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, siya’y natutong ang masama ay huwag gantihin ng masama, at ang kaniyang pananampalataya ang nagtulak sa kaniya na tulungan ang iba na gayundin ang gawin. Bagaman siya’y nagdusa sa Dachau, siya’y nagkamit ng isang moral na tagumpay laban sa isang masamang rehimen. At hindi siya nag-iisa.

Binanggit ni Paul Johnson sa kaniyang aklat na A History of Christianity na ang “[mga Saksi ni Jehova] ay tumangging makipagtulungan sa estadong Nazi na kanilang isinumpa na lubusang masama. . . . Siyamnapu’t pitong porsiyento ang dumanas ng pag-uusig sa iba’t ibang anyo.” Iyon ba ay isang pakikipagpunyaging walang pag-asa? Sa aklat na Values and Violence in Auschwitz, ganito ang sabi ng sosyologong si Anna Pawelczynska tungkol sa mga Saksi: “Ang munting grupong ito ng mga bilanggo ay isang matatag na ideolohikong lakas at kanilang naipanagumpay ang kanilang pakikipagbaka laban sa Nazismo.”

Subalit, para sa karamihan sa atin ang pangunahing binabaka ay ang kasamaan laban sa sariling hilig ng isa imbes na laban sa masasamang impluwensiya sa labas. Ito ay isang pakikipagpunyagi sa ating sariling kalooban.

Pananaig sa Ating Masasamang Hilig

Ganito ang pagkalarawan ni apostol Pablo sa pakikipagbakang ito: “Hindi ang mabuti na ibig kong gawin ang aktuwal na ginagawa ko; iyon ay ang masama na hindi ko ibig gawin ang patuloy na nagagawa ko.” (Roma 7:19, The New Testament, ni William Barclay) Gaya ng alam na alam ni Pablo, ang paggawa ng mabuti ay hindi kinukusa.

Si Eugenioa ay isang Kastilang kabataang lalaki na, sa loob ng dalawang taong singkad, ay nakipagbaka sa kaniyang masasamang hilig. “Hinigpitan ko nang husto ang aking sarili,” aniya. “Bata pa ako, may hilig na ako sa imoralidad. Nang ako’y isang tin-edyer ako ay sumasali sa mga gawain ng mga bakla, at prangkahang masasabi ko, nasiyahan ako sa ganoong uri ng pamumuhay.” Ano ba sa wakas ang nagtulak sa kaniya na magnasang magbago?

“Ibig kong palugdan ang Diyos, at napag-alaman ko buhat sa Bibliya na hindi niya sinasang-ayunan ang paraan ng aking pamumuhay,” ani Eugenio. “Kaya ipinasiya kong maging isang naiibang uri ng tao, upang makasunod sa mga alituntunin ng Diyos. Araw-araw, ako’y nakikipagbaka sa negatibo, maruruming kaisipan na dumaragsa pa rin sa aking isipan. Ako’y desididong magtagumpay sa labanang ito, at walang lubay na nanalangin ako sa paghingi ng tulong sa Diyos. Makalipas ang dalawang taon ay tapos na ang kasama-samaan, bagaman ako’y istrikto pa rin sa aking sarili. Subalit sulit naman ang pagpupunyagi. Ngayon ako ay may paggalang sa aking sarili, mabuti ang pagkapag-asawa, at, higit sa lahat, isang mabuting kaugnayan sa Diyos. Batid ko buhat sa personal na karanasan na ang masasamang pag-iisip ay maaaring buwagin bago makapagbunga​—kung talagang sisikapin mo.”

Nadaraig ng mabuti ang masama tuwing tatanggihan ang isang masamang pag-iisip, tuwing umaayaw tayo na gantihin ng masama ang masama. Subalit, ang ganiyang mga tagumpay, bagaman mahalaga, ay hindi nag-aalis sa dalawang pangunahing pinagmumulan ng masama. Gaano man kalaki ang ating pagnanasang gawin ito, hindi natin lubusang madaraig ang ating minanang mga kahinaan, at si Satanas ay nagpapatuloy pa rin na may masamang impluwensiya sa sangkatauhan. Kaya ang ganito bang kalagayan ay magbabago pa?

Pagpapawalang-Kabuluhan sa Diyablo

Ang katapatan ni Jesus hanggang kamatayan ay isang malaking pagkatalo para kay Satanas. Ang Diyablo ay nabigo sa kaniyang pagtatangkang sirain ang katapatan ni Jesus, at ang kabiguang iyon ang pasimula ng wakas para kay Satanas. Gaya ng ipinaliliwanag ng Bibliya, si Jesus ay dumanas ng kamatayan upang “sa pamamagitan ng kamatayan niya ay kaniyang mapawalang-kabuluhan . . . ang Diyablo.” (Hebreo 2:14) Pagkatapos na siya’y buhaying-muli sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Lahat ng kapamahalaan ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.” (Mateo 28:18) At ang kapamahalaang ito ay gagamitin upang pawalang-kabuluhan ang mga gawa ni Satanas.

Sa aklat ng Apocalipsis ay inilalarawan ang araw na palalayasin ni Jesus si Satanas sa langit. Ang Pangunahing Manggagawa ng kasamaan na ito, kasama ang kaniyang mga demonyo, ay dito na lamang papayagan sa kapaligiran ng lupa. Kaya naman, ang Bibliya ay nagbibigay-babala na, darami ang masama: “Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagkat ang Diyablo ay bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.”​—Apocalipsis 12:7-9, 12.

Ipinakikita ng hula ng Bibliya na ang makasaysayang pangyayaring ito ay naganap na​—humigit-kumulang noong panahon ng Unang Digmaang Pandaigdig.b Iyan ang nagpapaliwanag sa kapuna-punang pagdami ng masama na ating nasasaksihan sa panahon natin. Subalit malapit nang lubusang sugpuin si Satanas upang hindi na siya makaimpluwensiya pa kaninuman.​—Tingnan ang Apocalipsis 20:1-3.

Ano ang magiging kahulugan ng lahat na ito para sa sangkatauhan?

“Sila’y Hindi Gagawa ng Masama”

Bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, malapit nang gamitin ni Jesus ang kaniyang ‘awtoridad sa lupa’ upang mag-organisa ng isang programa ng espirituwal na panibagong pagtuturo. “Nangatututo ng katuwiran ang mga nananahan sa mabungang lupain.” (Isaias 26:9) Ang mga kapakinabangan ay makikita ng lahat. Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Sila’y hindi gagawa ng anumang kapinsalaan [“sila’y hindi gagawa ng masama,” Interlinear Hebrew/Greek English Bible ni Green] o pagmumulan ng anumang kapahamakan . . . sapagkat ang lupa ay tunay na mapupunô ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”​—Isaias 11:9.

Kahit na ngayon, marami sa ating masasamang hilig ay maaaring daigin. Pagka wala na ang impluwensiya ng mga demonyo, tiyak na higit, at higit na madaling “tumalikod sa masama at gumawa ng mabuti.”​—1 Pedro 3:11.

Mayrooon tayo ng lahat ng dahilan na magtiwala na daraigin ng mabuti ang masama sapagkat ang Diyos ay mabuti, at sa kaniyang tulong yaong mga nagnanais gumawa ng mabuti ay maaaring dumaig sa masama, gaya ng pinatunayan ni Jesus sa pamamagitan ng kaniyang sariling halimbawa. (Awit 119:68) Yaong mga handa ngayon na bakahin ang masama ay makaaasang mabubuhay sa isang nilinis na lupa na nasa ilalim ng paghahari ng Kaharian ng Diyos, isang pamahalaan na nakatalaga sa pag-aalis ng masama sa lahat ng panahon. Inilalarawan ng salmista ang resulta: “Kaawaan at katotohanan ay nagsalubong; katuwiran at kapayapaan​—ay naghalikan. Ang katotohanan ay bumubukal sa lupa at ang katuwiran ay dudungaw mula sa langit.”​—Awit 85:10, 11.

[Mga talababa]

a Hindi ito ang kaniyang tunay na pangalan.

b Para sa higit pang mga detalye, tingnan ang pahina 20-2 ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share