Taglay Mo ba ang Pag-iisip ni Kristo?
“Ngayon ang Diyos na nagkakaloob ng pagtitiis at kaaliwan ay magbigay nawa sa inyo ng ganoon ding kaisipan na gaya ng kay Kristo Jesus.”—ROMA 15:5.
1. Kung ang isang tao’y nag-aangkin na isang Kristiyano, anong mga tanong ang nangangailangan ng sagot?
MAHIGIT na isang bilyong katao sa buong daigdig ang nag-aangkin na Kristiyano. Ano ba ang ipinahihiwatig nito? Na, kahit man lang sa pangalan, sila’y naniniwala kay Jesu-Kristo at nag-aangkin na sila’y kaniyang mga tagasunod, o mga alagad. (Mateo 10:24, 25) Subalit ano ba ang kailangan upang makasunod sa halimbawa ni Kristo, o sa kaniyang naging pamumuhay? Maliwanag, kailangang makilala mo siya. Ikaw ba ay isa na talagang nakakakilala kay Jesus ng Nazaret? Mayroon ka bang malinaw na ideya kung anong uri siya ng tao nang siya’y narito sa lupa? O kung paano siya nakitungo sa mga tao sa iba’t ibang mga kalagayan? Taglay mo ba ang “pag-iisip ni Kristo”?—1 Corinto 2:16; Efeso 4:13.
2, 3. Paano natin makikilala ang pag-iisip ni Kristo?
2 Paano natin makikilala ang isa na nabuhay halos may dalawang libong taon na ngayon ang lumipas at ang pangmadlang buhay ay mayroon lamang mga tatlo at kalahating taon? Sa kaso ni Jesus ay mayroong apat na mapanghahawakang mga talambuhay na tumutulong upang makabuo ng isang larawan sa kaisipan na kung anong uring tao nga siya noon. Sa pamamagitan ng maingat na pagbabasa sa apat na ulat ng mga Ebanghelyong iyon, atin ding mahihiwatigan kung ano ang takbo ng pag-iisip na nagpakilos sa kaniya. Kaya, upang maging isang tunay na Kristiyano imbis na isang Kristiyano sa pangalan lamang, ano ba ang kinakailangan? Ganito ang pagkasabi ni Jesus: “Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.”—Juan 17:3; 2 Pedro 3:18.
3 Samakatuwid, bawat Kristiyano ay dapat magkaroon ng malawak na kaalaman at kaunawaan sa Ama, si Jehova, at sa buhay at mga turo ng Anak, si Kristo Jesus. Hindi sapat ang tawagin ng isa ang kaniyang sarili na isang Kristiyanong saksi ni Jehova. Upang magkaroon ng pag-iisip ni Kristo, kailangang regular na punuin natin ang ating mga pag-iisip ng kaunawaan sa buhay at halimbawa ni Jesus. Iyan ay nangangahulugan na kailangang tayo’y may regular at totohanang pag-aaral sa Kasulatan sa tulong ng mga aralan sa Bibliya na nagpapaliwanag ng kahulugan at konteksto. Kailangan din ang isang wastong balangkas ng isip upang ating maunawaan at tanggapin ang papel na ginagampanan ni Kristo sa mga layunin ng Diyos.—Juan 5:39-47; Mateo 24:45-47.
Isang Taong May Damdamin
4. Anong uri ng tao si Jesus?
4 Si Jesus, isang malusog na aktibong lalaki, ay gumanap ng kaniyang ministeryo nang may pasimula ng kaniyang edad na 30’s. (Lucas 3:23) Subalit ano bang uri ng tao si Jesus? Siya ba’y isang salat sa damdamin at malayo ang loob sa kapuwa? Bagkus pa nga, yamang siya’y isang Judiong taga-Gitnang Silangan, siya’y mapaghayag ng kaniyang damdamin. Hindi niya pinipigil ni sinusugpo man ang kaniyang nadarama. Sa madla ay nagpakita siya ng maraming iba’t ibang emosyon ng tao buhat sa kalungkutan at pagkahabag hanggang sa matuwid na pagkapoot at pagkagalit.—Marcos 6:34; Mateo 23:13-36.
5. Paano naapektuhan si Jesus nang mabalitaan niya ang kamatayan ni Lazaro?
5 Halimbawa, paano naapektuhan si Jesus nang kaniyang datnan sina Marta at Maria na tumatangis dahil sa pagkamatay ng kanilang kapatid na si Lazaro? Si Juan ay nag-uulat sa atin: “Siya’y lubhang nagulumihanan, at nalagim sa espiritu,” at siya’y “humagulgol ng panangis.” (Juan 11:33-36, The New Testament, ni William Barclay) Siya’y nakiramay sa mga matatalik na kaibigang ito. Siya’y hindi nahihiya na tumangis kasama nila. Bagama’t siya’y “ang Anak ng Diyos,” nakita sa kaniya ang bawat emosyon ng tao. (Juan 1:34) Tiyak na nabagbag ding lubha ang damdamin ni Marta at ni Maria!—Ihambing ang Lucas 19:41-44.
6. Bakit hindi totoo na si Jesus ay parang hindi tunay na lalaki dahilan sa siya’y tumangis?
6 Gayunman, mayroong mga iba sa ngayon na baka mag-isip na si Jesus ay isang mahina ang loob dahilan sa siya’y tumangis sa madla kasama ng mga babaing iyon. Sa katunayan, isang awtor Katoliko na si Hilaire Belloc ang nagbigay kay Jesus ng taguri na isang “milksop” (di-tunay na lalaki). Totoo kaya iyan? Si Jesus ba ay yaong tipong di-tunay na lalaki na kadalasa’y inilalarawan sa mga gawang-sining ng Sangkakristiyanuhan? Hindi, ang pagluha ay hindi laging isang tanda ng kahinaan. Gaya ng pagkasabi ng isang lathalaing medikal: “Ang pagbabawal ng angkop na kapahayagan ng malumanay na emosyon ay kapuwa di-makatuwiran at nakapipinsala . . . Ang kapahayagan ng malumanay na emosyon, lalo na ang pag-iyak, ay isang katangian na makikita sa tao lamang.”—Ihambing ang 2 Samuel 13:36-38; Juan 11:35.
7. Sa paanong mga paraan matutulungan tayo sa ngayon ng makataong halimbawa ni Jesus?
7 Ang mga reaksiyon ni Jesus sa pagdurusa ay tunay na makatao at mahabagin. Ang mga ito’y tumutulong sa atin na makiisa sa kaniya at sa kaniyang pag-iisip. Hindi ang sinumang impersonal na karakter ng isang kuwento ang tinutularan natin kundi ang sakdal na halimbawa ng tao na sinugo ng Diyos, “ang Anak ng Diyos na buháy.” (Mateo 16:16; Juan 3:16, 17; 6:68, 69) Anong inam na modelo para sa lahat ng Kristiyano ngayon, lalo na ang Kristiyanong mga hinirang na matatanda, na kailangang malimit na magbigay ng kaaliwan at magpakita ng empatiya kung mga panahon ng pangungulila at kagipitan! Oo, ang pagkakaroon ng pag-iisip at ng puso na katulad ng kay Kristo kung gayong mga okasyon ay nagdudulot ng malaking pagkakaiba.—1 Tesalonica 2:7, 8.
Isang Matapang na Lalaking May Gawa
8. Paano nagpakita si Jesus ng lakas ng loob at ng may katapangang pagkilos?
8 Si Jesus ay nagpakita rin naman na siya’y isang taong may matatag na mga kombiksiyon at mapusok sa pagkilos. Halimbawa, sa dalawang pagkakataon ay mapusok na tinaboy niya ang mga nagtitinda ng mga hayop at namamalit ng salapi upang sila’y lumabas sa templo. (Marcos 11:15-17; Juan 2:13-17) Siya’y hindi rin nag-atubili ng hayagang pagbubunyag sa pagpapaimbabaw ng mapagmatuwid-sa-sarili na mga escriba at Fariseo. Sa kaniyang matapang na panunuligsa ay nagbabala siya: “Sa aba ninyo, mga escriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat tulad kayo ng mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwat sa loob ay punô ng mga buto ng mga patay na tao at ng lahat ng karumal-dumal.” Tunay, walang kahinaan diyan!—Mateo 23:27, 28; Lucas 13:14-17.
9, 10. (a) Bakit si Jesus ay hindi nagkasala sa pamamagitan ng pagpapakita ng pagkapoot? (b) Paanong ang halimbawa ni Kristo ay dapat makaapekto sa isang Kristiyanong hinirang na matanda?
9 Ang pagkapoot ba ni Jesus ay tanda ng kawalan ng pagpipigil-sa-sarili? Si Pedro, isang matalik na kasama ni Jesus sa kaniyang ministeryo, ay nagsasabi: “Siya’y hindi nagkasala.” (1 Pedro 2:22) Si apostol Pablo ay sumulat: “Sapagkat ang ating mataas na saserdote ay hindi isang walang pagkahabag sa ating mga kahinaan, kundi isang subok na sa lahat ng paraan na gaya natin, ngunit walang kasalanan.” (Hebreo 4:15) May pagkakaiba ang may pagpipigil at matuwid na pagkapoot at ang walang pagpipigil na pagkagalit.—Ihambing ang Kawikaan 14:17; Efeso 4:26.
10 Samakatuwid, samantalang ang isang Kristiyanong hinirang na matanda, halimbawa, ay hindi “magagalitin,” tunay na dapat siyang magkaroon ng lakas na kaniyang “masaway ang mga sumasalungat,” anupa’t nang “may kahigpitan” kung iyon ang kinakailangan. Siya’y kinakailangang maging kuwalipikado na ‘sumaway, magbigay ng pangaral, at magpayo.’ (Tito 1:7-13; 2 Timoteo 4:1, 2) May mga kalagayan na baka pumukaw ng kaniyang matuwid na pagkapoot, lalo na kung makita niya ang isang panganib na maliwanag na nagbabanta sa pagkakaisa, espirituwalidad, o kalinisang-asal sa kongregasyon. Gaya ng sinabi ni Pablo, kung minsan “kailangang sarhan ang bibig” ng “walang kawawaang mga madadaldal . . . at mga magdaraya ng pag-iisip” na ‘sumisira sa mga buong sambahayan sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga bagay na hindi nila dapat ituro para lamang sila magtamo ng sakim na pakinabang.’ Sa ganiyang mga kaso, ang pagkakaroon ng pag-iisip ni Kristo ay tutulong sa matatanda na magkaroon ng lakas ng loob, maging timbang, at disidido.—Tingnan ang 1 Corinto 5:1-5; Apocalipsis 2:20-23; 3:19.
11. Anong mga tanong ang may kaugnayan sa kung paano tayo dapat tumulad kay Kristo?
11 Sa kaniyang paglalakbay sa lugar ng Galilea, Samaria, at Judea, si Jesus ay nakitungo sa lahat ng uri ng tao—mga lalaki, mga babae, mga bata, maysakit, at yaong mga ang turing sa kaniya ay kanilang mahigpit na kaaway. Paano ba siya nakitungo sa kanila? Siya ba’y naging marangya at mahirap lapitan, o madaling lapitan? Siya ba’y nakikiisang-damdamin sa mga problema ng mga tao at sa mga tukso na napapaharap sa kanila? Siya ba’y hindi marunong magpatawad o siya’y mahabagin? Ang mga sagot sa mga tanong na ito ay may kaugnayan sa kung paano natin dapat tularan si Kristo sa ating araw-araw na pagkilos at mga reaksiyon.—Roma 15:5; Filipos 2:5.
Paano Nakitungo si Jesus sa mga Bata?
12. Papaano noong minsan nakitungo sa mga bata ang mga alagad at si Jesus?
12 Mayroon tayong isang napakagandang pag-uulat ng kung paano naapektuhan si Jesus ng mga bata sa Marcos kabanata 10, talatang 13-16. Doo’y mababasa: “At dinadala nila sa kaniya ang maliliit na bata upang sila’y kaniyang hipuin; subalit sinaway sila ng mga alagad.” Kung bakit ganoon ang ikinilos ng mga alagad ay hindi sinasabi ng ulat. Noon ay taóng 33 C.E., at si Jesus ay galing sa Galilea at patungo sa Perea na magsisilbing huling ministeryo niyang pangmadla sa Jerusalem at sa palibot nito. Marahil kanilang inakala na si Jesus ay totoong importante o totoong abala upang mabahala sa mga bata sa puntong iyan. Subalit, kaniya bang ipinakita na siya nga’y totoong abala? “Nang ito’y makita ni Jesus ay nagalit siya at sinabihan sila [ang mga alagad]: ‘Pabayaan ninyong magsilapit sa akin ang maliliit na bata; huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos.’ . . . At kinalong niya ang mga bata ay sila’y pinagpala, na pinapatong sa kanila ang kaniyang mga kamay.”
13. Paano nakitungo kay Jesus ang mga tao?
13 Ngayon ano pa ba ang itinuturo niyan sa atin tungkol sa pag-iisip ni Kristo? Ipinakikita niyan ang kaniyang katatagan sa pakikitungo sa kaniyang nagkakasalang mga alagad at ang kaniyang maawaing pakikitungo sa mga nakabababa. Kaniyang naunawaan kung ano ang motibo ng mga magulang sa pagdadala sa kaniya ng kanilang mga anak. Ibig nilang hipuin at pagpalain niya ang kanilang mga anak. At ano ba ang ipinahihiwatig niyan sa atin tungkol kay Jesus? Na ang mga tao ay hindi natatakot sa kaniya o naaalangan man sila sa kaniya. Siya’y parang isa sa kanila, at ang mga tao ay naghahangad na makasama siya. Kahit ang mga bata ay hindi naaalangan pagka kasama siya—at siya naman ay hindi naaalangan pagka kasama ng mga bata. Ang mga tao ba, kasali na ang mga bata, ay hindi naaalangan pagka kasama mo?—Marcos 1:40-42; Mateo 20:29-34.
14. Sa pagiging madaling lapitan, sino lalo na ang dapat sumunod sa halimbawa ni Jesus?
14 Si Jesus ay nakitaan ng mainit na pagmamahal at ng kabaitan. (Marcos 9:36, 37) Siya’y nalalapitan at madaling lapitan. Bilang isang tagasunod ni Kristo, ikaw ba ay mayroon ng kaniyang pag-iisip sa ganiyang paraan? Ang Kristiyanong mga tagapangasiwa sa mga distrito, sirkito, kongregasyon, at mga tanggapang sanggay ng Watch Tower Society sa buong daigdig ay makabubuting tanungin ang kanilang sarili: Ako ba ay dogmatiko at hindi nababali ang kagustuhan? O ang mga iba pa, maging ang mga bata man, ay hindi naaalangan sa akin? Ako ba’y talagang madaling lapitan?—Kawikaan 12:18; Eclesiastes 7:8.
Ang Pakikitungo ni Jesus sa mga Babae
15, 16. Paanong si Jesus ay naiiba sa mga ibang Judio sa kaniyang pakikitungo sa mga babae?
15 Bilang hinirang na matatanda, mga lingkod, at magkakapatid sa kongregasyong Kristiyano, taglay ba natin ang pag-iisip ni Kristo sa pakikitungo sa ating Kristiyanong mga sister at sa mga babae sa pangkalahatan? Paano si Kristo, na isang binata, nakitungo sa ilalim ng iba’t ibang kalagayan pagka siya’y napapaharap sa mga babae noong kaniyang kaarawan?
16 Sa dominado ng mga lalaking lipunang iyon ng mga Judio, si Jesus ay isang pambihirang tagapagturo dahil sa siya’y handang makipag-usap sa mga babae, kahit na sa mga babaing di-Judio. (Juan 4:7-30) Halimbawa, nang siya’y dumadalaw sa isang tahanan sa teritoryong Gentil ng Tiro at Sidon, isang babaing taga-Gresya ang nakiusap sa kaniya na tulungan ang kaniyang anak na babaing inaalihan ng demonyo. Pangkaraniwan, basta ang isang Judio ay hindi nakikitungo sa babaing ito. Subalit si Jesus ay nakinig at sinubok ang kaniyang pananampalataya, na ang sabi: “Pabayaan mo munang mangabusog ang mga anak [ng Judio], sapagkat hindi marapat na kunin ang tinapay ng mga anak at itapon iyon sa mga mumunting aso [Gentil].” Ang tono ba ni Jesus ay nasa anyo na tatapos sa bagay na iyon? Kaniya bang sinugpo ang pag-uusap na iyon? Maliwanag na hindi, sapagkat ang babae ay may taktikang tumugon: “Opo, ginoo, kahit ang mga maliliit na aso sa ilalim ng lamesa ay kumakain ng mga mumo ng maliliit na anak.” Si Jesus ay humanga, at kaniyang pinagaling ang anak ng babae.—Marcos 7:24-30.
17. Ano ang maaari nating matutuhan buhat sa paraan ng pakikitungo ni Jesus sa isang babae na isang makasalanan?
17 Si Jesus ay nagkaroon ng bukas na pag-iisip kung tungkol sa mga babae at hindi siya humatol na batay sa panlabas na hitsura. (Mateo 22:16) Sa isa namang okasyon, nang kumakain siya sa bahay ng isang Fariseo, kaniyang pinayagan na ang isang kilalang makasalanan, marahil isang patutot, ay maghugas ng kaniyang paa at buhusan iyon ng pabango. Sa pamamagitan ng kilos ay ipinakita ng babae na siya’y nagsisisi sa kaniyang mga kasalanan. (Lucas 7:36-50) Siya’y hindi tinabig ni Jesus at pinaalis dahil sa kagyat na paghatol sa kaniya na siya’y imoral. (Tingnan din ang Juan 4:7-30.) Kaniyang pinatawad ang babae “sapagkat ito’y may malaking pag-ibig.” Ano ang ipinahihiwatig niyan tungkol sa pag-iisip ni Kristo? Siya’y mahabagin at maunawain sa babaing iyon. Hindi baga natin siya matutularan sa kongregasyon at sa ating ministeryo?—Lucas 19:1-10; Roma 14:10-13; 1 Corinto 6:9-11.
Ang Pakikitungo ni Jesus sa Kaniyang mga Alagad
18. (a) Paano nakikitungo ang iba sa mga gumagawa na nasa ilalim ng kanilang kapamahalaan? (b) Paano tinrato ni Jesus ang kaniyang mga alagad at ang mga iba pa? (Marcos 6:54-56)
18 Kung minsan ang mga taong may awtoridad ay nag-iisip na pinagbabantaan sila ng kanilang mga nasasakupan. Kanilang sinusupil ang sa di-sinasadya’y inaakala nila na kompetisyon. Napapasangkot na ang pride o kataasan. Sila’y mabilis na mamintas ngunit mabagal na pumuri sa mga taong sakop nila. Dahilan sa kanilang hamak na pagkakilalang iyon ay hindi nila iginagalang ang personal na dignidad ng iba. Subalit kumusta naman si Jesus—paano niya tinrato yaong nasa ilalim ng kaniyang kapamahalaan, ang kaniyang mga alagad? Kaniya bang ipinadama sa kanila na sila’y mababa, hindi mahusay gumawa, o tanga? O, bagkus, sila ba’y hindi naalangan sa paggawang kasama ni Jesus?—Ihambing ang Mateo 11:28-30; 25:14-23.
19. Ano ang itinuturo sa atin ng Juan 13:1-17 tungkol kay Jesus?
19 Sa bagay na ito, isa sa litaw na aral na itinuro ni Jesus sa kaniyang mga alagad ay masusumpungan sa Juan kabanata 13. Aming iminumungkahi na basahin mo ang Juan 13 talatang 1 hanggang 17. Noong mga araw na iyon ang mga daan ay maalikabok, at kaugalian na hugasan ng isang utusan ang mga paa ng mga bisita. Si Jesus ay gumawa ng mababang gawaing iyan. Ano ba ang katangian na kaniyang itinampok sa pamamagitan ng paghuhugas ng mga paa ng kaniyang mga alagad? Kaniyang binigyan sila ng praktikal na aral sa pagpapakumbaba. Ano ba ang matututuhan natin dito tungkol sa pag-iisip ni Kristo? Ang mga salita ni Jesus ang nagbibigay ng sagot: “Ang alipin ay hindi dakila kaysa kaniyang panginoon, ni ang sinugo man ay dakila kaysa nagsugo sa kaniya. Kung alam ninyo ang mga bagay na ito, maliligaya kayo kung gagawin ninyo.”—Juan 13:16, 17.
20. Anong pagsusuri sa sarili ang magagawa natin upang makita kung taglay natin ang pag-iisip ni Kristo?
20 Taglay ba natin ang pag-iisip ni Kristo sa bagay na ito? Tayo ba’y handang gumawa ng mapagpakumbaba, hamak na mga trabaho sa tahanan at sa kongregasyon? O ang ibig ba natin na gawin ay yaon lamang mga bagay na waring “importante” o na doo’y magtitingin tayo na “espesyal”? O tayo ba ay handa na makibahagi sa kung minsa’y hamak na gawain na pangangaral ng mabuting balita sa bahay-bahay? O ang ibig ba lamang natin ay mga atas sa plataporma sa Kingdom Hall? Oo, ang pagkakaroon ng pag-iisip ni Kristo ay magpapanatili sa atin na mapagpakumbaba at madaling lapitan, gaya ni Jesus.—Roma 12:3.
21. Paano ipinakita ni Jesus na siya’y nakikibagay sa kaniyang mga apostol? Sa karamihan?
21 Noong minsan, pagkaraan ng isang pantanging kampaniya sa pangangaral, si Jesus ay nagpakita ng malaking konsiderasyon sa mga apostol. Bagaman siya’y sakdal, ang iba’y hindi hinanapan ni Jesus ng kasakdalan. Sa katapusan ng isang kampaniya sa pangangaral, hindi niya iginiit na ang mga apostol ay kaagad bumalik sa kanilang pangangaral at higit pang mangaral. Siya’y makonsiderasyon sa kanilang pangangailangan ng pahinga at kaniyang dinala sila sa isang tahimik na lugar na para sa kanila lamang. Subalit nang sila’y sundan ng karamihan ng mga tao, si Jesus ba ay nayamot at nawalan ng tiyaga? Hindi, sapagkat “sa kaniyang puso siya’y nahabag sa kanila,” ang sabi sa atin ng ulat.—Marcos 6:30-34, The New English Bible.
22. Ano ang higit pang tutulong sa atin upang maunawaan ang pag-iisip ni Kristo?
22 Taglay ang ganiyan kainam na halimbawa, pagtatakhan ba kung ang karamihan ng mga apostol ay tapat na mga tagasunod ni Kristo? Si Pedro ay tunay na humanga sa mga bagay na kaniyang natutuhan nang siya’y matalik na kasa-kasama ni Jesus. Marahil ay siya ang nagbigay kay Marcos ng karamihan ng impormasyon para sa pagsulat ng kaniyang Ebanghelyo. At unti-unti ngunit segurado na ibinagay ni Pedro ang kaniyang sarili sa pag-iisip ni Kristo. Ang pagsusuri sa kaniyang unang liham ay tutulong sa atin na sundin nang lalong maingat ang halimbawa ni Kristo.—Mateo 16:15-17, 21-23.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Paano tayo makapagkakaroon ng pag-iisip ni Kristo?
◻ Anong uri ng tao si Jesus?
◻ Paano nakitungo si Jesus sa mga bata? Sa mga babae?
◻ Ano ang matututuhan natin buhat sa paraan ng pakikitungo ni Jesus sa kaniyang mga alagad?
[Larawan sa pahina 10]
Si Jesus ay mahabagin at hindi niya ikinubli ang kaniyang damdamin
[Larawan sa pahina 12]
Si Jesus ay isang taong may lakas ng loob na kumilos
[Larawan sa pahina 15]
Si Jesus ay nagpakita ng litaw na halimbawa sa pagpapakumbaba