Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 2/1 p. 4-7
  • Ang mga Bulaang Propeta sa Ngayon

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Bulaang Propeta sa Ngayon
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Katotohanan Tungkol sa Kaharian
  • Bakit Ito Mahalaga?
  • Ang Sangkatauhan sa Ilalim ng Kaharian ng Diyos
  • Kung Ano ang Itinuro ni Jesus Tungkol sa Kaharian ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Kaharian ng Diyos
    Gumising!—2013
  • Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos
    Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan
  • Ano ba ang Kaharian ng Diyos?
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 2/1 p. 4-7

Ang mga Bulaang Propeta sa Ngayon

SI Jeremias ay nagsilbing propeta ng Diyos sa Jerusalem sa panahon na laganap sa lunsod ang pagsamba sa diyus-diyusan, imoralidad, katiwalian, at pagbububo ng dugo ng mga walang-malay. (Jeremias 7:8-11) Hindi siya ang tanging propeta na nanghuhula noong panahong iyon, subalit karamihan ng mga iba ay sarili ang pinaglilingkuran at mga liko. Sa anong paraan? Si Jehova ay nagpapahayag: “Mula sa propeta hanggang sa saserdote, bawat isa’y gumagawing may kasinungalingan. At kanilang sinubok na pagalingin ang sugat ng aking bayan, na nagsasabi, ‘May kapayapaan! May kapayapaan!’ gayong wala namang kapayapaan.”​—Jeremias 6:13, 14.

Sa kabila ng lahat ng kalikuan sa lupain, pinagtitingin ng mga bulaang propeta na ang mga bagay-bagay ay mabuti, at ang mga mamamayan ay may pakikipagpayapaan sa Diyos; ngunit hindi totoo iyon. Ang paghuhukom ng Diyos ay naghihintay sa kanila, gaya ng walang-takot na ibinalita ni Jeremias. Ang tunay na propeta na si Jeremias, hindi ang mga bulaang propeta, ang naipagbangong-puri nang sunugin ng mga kawal ng Babilonya ang Jerusalem noong 607 B.C.E., winasak ang templo, at ang mga mamamayan ay pinagpapatay o dinalang bihag sa malayong Babilonya. Ang kahabag-habag na ilang mga tao na naiwan sa lupain ay tumakas sa Ehipto.​—Jeremias 39:6-9; 43:4-7.

Ano ba ang ginawa ng mga bulaang propeta? “ ‘Narito ako’y laban sa mga propeta,’ ang sabi ni Jehova, ‘yaong mga nagnanakaw ng aking mga salita bawat isa buhat sa kaniyang kasama.’ ” (Jeremias 23:30) Ang mga bulaang propeta ang nagnakaw sa puwersa at epekto ng mga salita ng Diyos sa pamamagitan ng paghimok sa mga tao na makinig sa mga kasinungalingan sa halip na sa tunay na babala buhat sa Diyos. Kanilang inihahayag, hindi “ang dakilang mga gawa ng Diyos,” kundi ang kanilang sariling mga ideya, mga bagay na nais mapakinggan ng mga tao. Ang mensahe ni Jeremias ay tunay na nanggaling sa Diyos, at kung kumilos ang mga Israelita batay sa kaniyang mga salita, disin sana’y nakaligtas sila. Ang mga bulaang propeta ang ‘numakaw sa mga salita ng Diyos’ at inakay ang mga tao tungo sa kapahamakan. Iyon ay katuparan ng sinabi ni Jesus tungkol sa sinungaling na mga lider ng relihiyon noong kaniyang kaarawan: “Sila’y bulag na mga tagaakay. Kung gayon, kung isang bulag ang umakay sa isang bulag, kapuwa sila mahuhulog sa hukay.”​—Gawa 2:11; Mateo 15:14.

Gaya rin noong kaarawan ni Jeremias, ngayon ay may mga bulaang propeta na nag-aangking kumakatawan sa Diyos ng Bibliya; ngunit sila man ay mga magnanakaw ng salita ng Diyos sa pamamagitan ng pangangaral ng mga bagay na naglalayo sa mga tao sa talagang sinasabi ng Diyos, sa pamamagitan ng Bibliya. Sa papaanong paraan? Sagutin natin ang katanungang iyan sa pamamagitan ng paggamit, bilang isang panukat, ng mga pangunahing turo ng Bibliya tungkol sa Kaharian.

Ang Katotohanan Tungkol sa Kaharian

Ang Kaharian ng Diyos ang pangunahing tema ng turo ni Kristo, at ito’y binabanggit mahigit na isandaang ulit sa mga Ebanghelyo. Sa pasimula pa lamang ng kaniyang ministeryo, sinabi ni Jesus: “Kailangang ipahayag ko ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat tungkol dito kaya ako sinugo.” Kaniyang tinuruan ang mga tagasunod niya na manalangin: “Dumating nawa ang kaharian mo.”​—Lucas 4:43; 11:2.

Kung gayon, ano ba ang Kaharian? Sang-ayon sa The New Thayer’s Greek English Lexicon, ang salitang Griego na isinaling “kaharian” sa Bibliya ay nangangahulugang una, “maharlikang kapangyarihan, pagkahari, nasasakupan, pamamahala” at pangalawa, “ang teritoryo na nasa ilalim ng pamamahala ng isang hari.” Mula rito ay makatuwirang masasabi natin na ang Kaharian ng Diyos ay isang literal na pamahalaang pinangangasiwaan ng isang Hari. Ganiyan nga ba?

Oo, ganiyan nga, at ang Hari ay walang iba kundi si Jesu-Kristo. Bago isinilang si Jesus sinabi ng anghel Gabriel kay Maria: “Ang isang ito ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan; at sa kaniya’y ibibigay ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama.” (Lucas 1:32) Ang pagtanggap ni Jesus ng isang trono ay nagpapatunay na siya ay isang Hari, isang Pinunò ng pamahalaan. Nagpapatunay rin na isang literal na pamahalaan ang Kaharian ay ang hula ni Isaias: “Sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki: at ang pamahalan ay sasakaniyang balikat . . . Ang paglago ng kaniyang pamahalaan at ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.”​—Isaias 9:6, 7, King James Version.

Saan ba naghahari si Jesus? Sa Jerusalem ba? Hindi. Ang propetang si Daniel ay nakakita ng isang pangitain ni Jesus na tumatanggap ng Kaharian, at sa pangitaing ito ay ipinakikitang nasa langit si Jesus. (Daniel 7:13, 14) Ito’y kasuwato ng paraan ng pagkabanggit ni Jesus ng Kaharian. Malimit na tinatawag niya iyon na “ang kaharian ng langit.” (Mateo 10:7; 11:11, 12) Naaayon din ito sa mga salita ni Jesus kay Pilato nang nililitis si Jesus sa harap niya: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito disin sana’y makikipagbaka ang aking mga lingkod upang ako’y huwag maibigay sa mga Judio. Ngunit, ang totoo, ang kaharian ko ay hindi rito.” (Juan 18:36) Itinuro ba sa iyo ng inyong ministro o pari na ang Kaharian ni Jesus ay isang tunay na pamahalaan, na naghahari buhat sa langit? O kaniya bang itinuro sa iyo na ang Kaharian ay isa lamang bagay na nasa puso? Kung gayon, kaniyang ninanakaw sa iyo ang mga salita ng Diyos.

Ano ba ang relasyon ng pamahalaan ng Kaharian at ng lahat ng iba’t ibang anyo ng pamahalaan ng tao? Sang-ayon sa The Encyclopedia of Religion, na isinaayos ni Mircea Eliade, ang Repormistang si Martin Luther, nang tinatalakay ang tungkol sa Kaharian, ay nagmungkahi: “Ang makasanlibutang pamahalaan . . . ay maaari ring tawaging kaharian ng Diyos.” Itinuturo ng iba na ang mga tao, sa pamamagitan ng kanilang sariling pagsisikap, ay may magagawa upang ang mga pamahalaan ng tao ay higit pang makatulad ng Kaharian ng Diyos. Noong 1983 ang World Council of Churches ay nagpatotoo: “Samantalang tayo’y nagpapatotoo sa ating tunay na hangarin ng kapayapaan na may kasabay na tiyakang mga pagkilos, ang Espiritu ng Diyos ay makatutulong sa ating kaunting pagsisikap na ang mga kaharian ng sanlibutang ito ay higit na mailapit sa kaharian ng Diyos.”

Ngayon, pansinin na sa Panalangin ng Panginoon (ang “Ama Namin”), itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na manalanging dumating nawa ang Kaharian ng Diyos at tanging noon sinabihan sila na manalangin: “Gawin nawa ang kalooban mo [ng Diyos], kung papaano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Sa ibang pananalita, hindi ang mga tao ang nagpapangyari na dumating ang Kaharian sa pamamagitan ng paggawa ng kalooban ng Diyos. Ang pagdating ng Kaharian ang nagpapangyari na ang kalooban ng Diyos ang maganap sa lupa. Papaano?

Pakinggan ang sinasabi ng hula ng Daniel kabanata 2, talatang 44: “Sa mga kaarawan ng mga haring yaon [mga pinunong tao sa panahon ng kawakasan] ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. . . . Dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng mga kahariang ito.” Hindi nga kataka-taka na sinabi ni Jesus na ang kaniyang Kaharian ay hindi bahagi ng sanlibutang ito! Bagkus, ang Kaharian ang pupuksa sa mga kaharian, mga pamahalaan, sa lupang ito at hahalili sa kanila sa pagpupunò sa sangkatauhan. Bilang ang bigay-Diyos na pamahalaan ng sangkatauhan, pangyayarihin niyaon kung magkagayon na ang kalooban ng Diyos ang mangyari rito sa lupa.

Ang dahilan para sa gayong biglaang pagkilos ng Kaharian ay nagiging lalong malinaw pagka ating isinasaalang-alang kung sino ang maykapangyarihan sa sanlibutang ito. Si apostol Juan ay sumulat: “Ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot.” (1 Juan 5:19) Ang “balakyot” ay si Satanas na Diyablo, na tinawag ni Pablo na “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (2 Corinto 4:4) Hindi maaaring sa isang sanlibutan na si Satanas na Diyablo ang diyos ang mga institusyon ay masasabing may kaugnayan sa Kaharian ng Diyos.

Ito ang isang dahilan kung bakit si Jesus ay hindi nakialam sa pulitika. Nang ang mga Judiong makabayan ay magsikap na gawin siyang isang hari, kaniyang iniwasan sila. (Juan 6:15) Gaya ng ating nakita, tuwirang sinabi niya kay Pilato: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” At kasuwato nito, sinabi niya tungkol sa kaniyang mga tagasunod: “Sila’y hindi bahagi ng sanlibutan, gaya ko na hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Samakatuwid, ang mga lider ng relihiyon na nagtuturo na pinabibilis daw ng reporma sa loob ng sistemang ito ng mga bagay ang pagdating na Kaharian ng Diyos at hinihimok ang kanilang mga kawan na gumawa ukol sa layuning iyan ay mga bulaang propeta. Kanilang ninanakaw ang puwersa at epekto ng talagang sinasabi ng Bibliya.

Bakit Ito Mahalaga?

Ang lahat ba ng ito ay isa lamang argumento na bunga ng kaisipan? Hindi. Ang mga maling turo tungkol sa Kaharian ng Diyos ay nagligaw sa marami at nakaapekto pa man din sa takbo ng kasaysayan. Halimbawa, ang publikasyong Théo, isang Romano Katolikong ensayklopedia, ay nagsasabi: “Ang bayan ng Diyos ay sumusulong tungo sa Kaharian ng Diyos na itinatag ni Kristo sa lupa . . . Ang simbahan ang binhi ng Kahariang ito.” Ang pag-uugnay ng Iglesiya Katolika sa Kaharian ng Diyos ay nagbigay sa simbahan ng malawak na sekular na kapangyarihan noong panahon ng mapamahiing Edad Medya. Kahit na ngayon, ang mga pinunò ng simbahan ay nagsisikap na makaimpluwensiya sa pamamalakad ng daigdig, gumagawa na kapanalig ng ilang pulitikal na mga sistema at laban naman sa iba.

Isang komentarista ang nagharap ng isa pang opinyon na laganap sa ngayon nang kaniyang sabihin: “Ang paraan ng rebolusyon ay ang kaharian sapagkat ang rebolusyon ay ang bayan na nagsasama-sama sa isang bagong lipunan ng tao, na pinukaw ng isang banal na simbolong ibinigay sa pamamagitan ng taong nagsasalita ng katotohanan​—si Jesus . . . si Gandhi . . . ang mga Berrigan.” Ang pagtuturo na ang Kaharian ng Diyos ay maaaring itaguyod sa pamamagitan ng pulitikal na aktibismo at ang pagwawalang-bahala sa talagang mga katotohanan tungkol sa Kaharian ay umakay sa mga pinunong relihiyoso na tumakbo sa halalan para mapaluklok sa makapulitikang tungkulin. Ito’y umakay sa iba upang mapasangkot sa mga kaguluhang-bayan at sumali pa nga sa kilusang gerilya. Walang isa man dito ang naaayon sa katotohanan na ang Kaharian ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. At ang mga pinunong relihiyoso na lubhang napapasangkot sa pulitika ay malayung-malayo sa hindi pagiging bahagi ng sanlibutan, gaya ng sinabi ni Jesus na magiging gayon nga ang kaniyang tunay na mga alagad. Yaong mga nagtuturo na ang Kaharian ng Diyos ay nakakamit sa pamamagitan ng pulitikal na kilusan ay mga bulaang propeta. Kanilang ninanakaw ang mga salita ng Diyos buhat sa mga mamamayan.

Kung ang mga pinunong relihiyoso sa Sangkakristiyanuhan ay talagang nagtuturo ng sinasabi ng Bibliya, malalaman ng kanilang mga kawan na ang Kaharian ng Diyos ang tunay na lulutas sa mga suliranin na tulad halimbawa ng karalitaan, sakit, pagtatangi-tangi ng lahi, at paniniil. Ngunit ang mga suliraning ito ay malulutas sa takdang panahon ng Diyos at sa paraan ng Diyos. Hindi ito darating sa pamamagitan ng pagrereporma sa makapulitikang mga pamamalakad, na mapaparam pagdating ng Kaharian. Kung ang mga klerigong ito ay tunay na mga propeta, disin sana’y tinuruan nila ang kanilang kawan na samantalang naghihintay sa pagkilos ng Kaharian ng Diyos, sila’y makasusumpong ng tunay, bigay-Diyos, at praktikal na tulong sa paglutas sa mga suliranin na likha ng kawalang-katarungan ng sanlibutang ito.

Sa wakas, disin sana ay tinuruan nila ang kanilang mga kawan na ang patuloy na lumulubhang kalagayan sa lupa na pinagmumulan ng napakalaking kahirapan ay inihula na sa Bibliya at isang tanda na ang pagdating ng Kaharian ay malapit na. Oo, ang Kaharian ng Diyos ay malapit nang makialam at palitan ang kasalukuyang mga kaayusang pulitikal. Ano ngang laking pagpapala iyan!​—Mateo 24:21, 22, 36-39; 2 Pedro 3:7; Apocalipsis 19:11-21.

Ang Sangkatauhan sa Ilalim ng Kaharian ng Diyos

Mangangahulugan ng ano para sa sangkatauhan ang pagdating ng Kaharian ng Diyos? Bueno, maguguniguni mo ba ang iyong sarili na gumigising tuwing umaga na puspos ng kasiglahan? Walang sinumang kakilala mo ang may sakit o namamatay. Maging ang iyong nangamatay na mga mahal sa buhay ay ibinalik na sa iyo sa pamamagitan ng pagkabuhay-muli. (Isaias 35:5, 6; Juan 5:28, 29) Wala nang mga kabalisahan sa pamumuhay na likha ng mapag-imbot na komersiyalismo o di-pantay-pantay na mga sistema ng kabuhayan. Ikaw ay may sariling maalwang tahanan at malawak na lupain na mapagtatamnan ng lahat ng pananim na kailangan upang mapakain mo ang iyong pamilya. (Isaias 65:21-23) Maaari kang maglakad saanman anumang oras sa araw o sa gabi na hindi nangangambang may mananakit sa iyo. Wala na ring mga digmaan​—walang anumang magbabanta sa iyong seguridad. Lahat doon ay palaisip sa iyong ikabubuti. Wala na ang mga balakyot. Ang naghahari ay pag-ibig at katuwiran. Maguguniguni mo kaya ang ganiyang panahon? Ganito ang uri ng daigdig na pangyayarihin ng Kaharian.​—Awit 37:10, 11; 85:10-13; Mikas 4:3, 4.

Ito ba ay isa lamang di-kapani-paniwalang panaginip? Hindi. Basahin ang mga talatang binanggit sa naunang parapo, at makikita mo na lahat ng sinabi niyaon ay kababanaagan ng tiyakang mga pangako ng Diyos. Kung ikaw hanggang ngayon ay hindi pa nabibigyan ng ganitong tunay na larawan ng magagawa at gagawin ng Kaharian ng Diyos para sa sangkatauhan, kung gayo’y may isang numakaw sa iyo ng mga salita ng Diyos.

Nakatutuwa naman, ang mga bagay-bagay ay hindi kailangang manatiling ganiyan. Sinabi ni Jesus na sa ating kaarawan “ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Ang magasin na iyong binabasa ay bahagi ng gawaing pangangaral na iyan. Ikaw ay hinihimok namin na huwag padaya sa mga bulaang propeta. Saliksikin mo nang lalong malalim ang Salita ng Diyos upang masumpungan mo ang katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos. Pagkatapos, pasakop ka sa Kahariang iyan na isang paglalaan ng Dakilang Pastol, ang Diyos na Jehova. Sa katunayan, ito ang tanging pag-asa ng tao, at ito ay hindi mabibigo.

[Larawan sa pahina 5]

Itinuro ni Luther na ang pamahalaan ng tao ay maaaring malasin bilang Kaharian ng Diyos

[Credit Line]

Sa kagandahang-loob ng Tagapag-alaga ng British Museum

[Larawan sa pahina 7]

Tulad ng isang maibiging Pastol, si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian ay magdadala ng mga kalagayan na hindi maidudulot ng tao

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share