Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
▪ Ang mga Judio ba ay may legal na awtoridad na ipapatay si Jesus, gaya ng ipinahihiwatig ng mga salita ni Pilato sa Juan 19:6?
Hindi natin matiyak kung noong panahong iyon ang mga Romano ay nagkaloob sa mga Judio ng awtoridad na magsagawa ng mga pagpatay.
Pagkatapos na ang mga pinunong Judio ay magsulsol na dakpin si Jesus, sila’y nagsagawa ng isang anyo ng paglilitis. Sa paglilitis sila ay “humahanap ng mga bulaang saksi laban kay Jesus upang siya’y maipapatay.” Sa wakas, kanilang ipinahayag na si Jesus ay nagkakasala ng pamumusong at kanilang sinabi na sa ganoon siya ay “karapat-dapat sa kamatayan.” (Mateo 26:59, 60, 65, 66) Subalit pagkatapos na “makipagsanggunian sila laban kay Jesus upang siya’y maipapatay,” kanilang dinala siya sa Romanong gobernador, na si Pilato.—Mateo 27:1, 2.
Ang mga pangyayaring ito’y umakay sa marami na manghinuha na ang mga Judio ay wala noon na kapahintulutan buhat sa mga Romano na patayin si Jesu-Kristo ng dahil sa relihiyosong paratang na iyon. Lumilitaw na nagpapatunay sa ganitong pananaw ang tugon ng mga Judio nang sabihin sa kanila ni Pilato na hatulan ang akusado sa ilalim ng kautusang Judio. Sila’y tumugon: “Hindi naaayon sa batas na ipapatay namin ang sinuman.” (Juan 18:31) Sa katunayan, isang tradisyon na nalalahad sa Jerusalem Talmud ang nagsasabi na sa loob ng mga 40 taon bago pinuksa ang Jerusalem noong 70 C.E., wala nang awtoridad ang mga Judio na ipapatay ang mga nagkakasala.
Nakapagtataka nga, kung gayon, na mabasa ang mga salita ni Pilato sa Juan 19:6. Sa pagtugon sa mga nagsisigawang mga pinunong relihiyoso na ibayubay si Jesus, sinabi sa kanila ni Pilato: “Kunin ninyo siya at kayo na ang magbayubay sa kaniya, sapagkat wala naman akong masumpungang pagkakasala sa kaniya.” Ang pangungusap na ito ay waring salungat sa sinabi ng mga Judio sa Juan 18:31.
Ang Judiong historyador na si Flavius Josephus ay nagbibigay ng pag-uulat ng isang mismong saksing nakakita na maaaring magsabog ng liwanag sa suliraning ito. Kaniyang iniulat na noong panahon ng paglusob ng mga Romano sa Jerusalem noong 70 C.E., ang mga rebelde ay nagsiatras sa looban ng templo. Ang iba sa duguang mga nakikipaglabang ito ay nasa mga lugar na ipinagbabawal na okupahan dahilan sa ang mga ito’y sagrado. Nasuklam sa ganitong paglapastangan sa itinuturing ng kahit na mga Romano na banal na dako, si Heneral Tito ay sumigaw:
“Kayong nakasusuklam na mga tao! Hindi ba kayo ang nagtayo ng balustradang iyan [o mababang barandilya na humahati sa isang bahagi ng looban] upang maingatan ang inyong Banal na Bahay? Hindi ba kayo sa mga pagi-pagitan nito ay naglagay ng mga tipak ng bato na kinasusulatan ng mga titik Griego at ng amin, na nagbabawal sa kaninuman na pumaroon sa dakong lampas pa sa halang? At hindi ba pinayagan namin kayo na ipapatay ang sinuman na lalampas diyan, kahit na kung siya ay isang Romano? Bakit kung gayon, kayong mga taong may kasalanan, tinatapakan ninyo ang mga bangkay sa loob niyan?”—The Jewish War, isinalin ni G. A. Williamson, pahina 312. Amin ang italiko.
Kung gayon, kahit na kung hindi pinahintulutan ng mga Romano ang mga Judio na gumamit ng parusang kamatayan sa mga pagkakasalang sibil, wari nga na sila’y nagbigay ng awtoridad na ipapatay ang mga taong nagkakasala ng ilang grabeng kasalanang relihiyoso. Ang mga Judio na nagdala kay Jesus kay Pilato ay marahil nag-iisip na mas mainam na ang mga Romano ang magpapatay sa kaniya, upang ang kaniyang kamatayan ay gawing lalong kasuklam-suklam, upang sa ganoon ang anumang pag-aalsa ng madla ay ididirekta laban sa mga banyaga. (Galacia 3:13; Deuteronomio 21:23) Datapuwat, marahil dahil sa ibig ni Pilato na maiwasan ang suliraning iyan, sinabi niya sa kanila: “Kunin ninyo siya at kayo na ang magbayubay sa kaniya.” Baka ibig din niyang ipakita na inaakala niyang kung ang isyu ay isang isyu sa relihiyon na may kalubhaan na nga, ang mga pinunong Judio ang kailangang managot sa pagpapapatay kay Jesus.
[Mga larawan sa pahina 31]
Ang nakaukit na ito sa looban ng templo (tingnan ang kalakip na larawan) ay nagbabala sa mga Gentil laban sa pagpunta nila sa lugar na lampas sa mababang pader ng templo
[Credit Line]
Modelo ng lunsod ng Jerusalem noong panahon ng ikalawang templo—naroon sa solar ng Holyland Hotel, Jerusalem
[Credit Line]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.