Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Si Judas ba ang tinutukoy ni Jesus nang kaniyang sabihin kay Pilato: “Kaya’t ang taong nagdala sa akin sa iyo ay may lalong malaking kasalanan”?—Juan 19:11.
Wari ngang hindi ang tinutukoy ni Jesus dito ay si Judas o ang sinumang ibang partikular na tao. May masisising mga ilang tao na kasangkot sa mga pangyayaring humantong sa pagdadala kay Jesus sa harap ni Pilato at pagharap niya sa kamatayan.
Malamang, si Judas ang unang sumasaisip sapagkat ang likong apostol na iyan ay naging traidor. (Juan 6:64, 71; 12:4-6) Pinulong ni Judas ang mga pangulong saserdote, na ibig “mailigpit” si Jesus. Sila’y nagbayad kay Judas ng 30 pirasong pilak upang maipagkanulo siya. (Lucas 22:2-6) Kung gayon, di-mapag-aalinlangan na si Judas ang may malaking kasalanan sa pagkamatay ni Jesus.
Subalit hindi si Judas lamang ang naghatid kay Jesus sa kamatayan. Ang mataas na saserdoteng si Caiaphas ang nagpasimuno sa pagpapatay kay Jesus. (Juan 11:49, 50) Inilalahad ni Mateo na minsan “ang mga pangulong saserdote at ang buong Sanhedrin” ang humatol kay Jesus, sila’y kumilos bilang isang grupo. “Lahat ng mga pangulong saserdote at ang nakatatandang mga lalaki ng bayan ay nagsanggunian laban kay Jesus upang siya’y maipapatay. At, pagkatapos na igapos siya, kanilang inilabas siya at ibinigay kay Pilato na gobernador.” (Mateo 26:59-65; 27:1, 2) Isa pa, pagkatapos na masumpungan ni Pilato na si Jesus ay walang kasalanan, hiniling ng “karamihan” na si Barabas ay palayain. Kabaligtaran naman ito, tungkol kay Jesus ay kanilang ipinagsigawan: “Ibayubay siya!”—Mateo 27:20-23; Juan 18:40.
Samakatuwid ay malamang na hindi isang espisipikong indibiduwal ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya kay Pilato: “Ang taong nagdala sa akin sa iyo ay may lalong malaking kasalanan.” (Juan 19:11) Bagaman si Judas, “ang anak ng kapahamakan,” ang partikular na may mabigat na pagkakasala, maraming mga iba pa ang karamay rin sa kasalanan ng pagpatay kay Jesus. (Juan 17:12) Kaya naman noong araw ng Pentecostes ang apostol na si Pedro ay nanawagan sa mga Judio na magsisi sa kanilang malubhang pagkakasala laban sa Anak ng Diyos. (Gawa 2:36-38) Ang gayong mga Judio ay bahagi ng isang bansa na nag-alay sa Diyos ni Jesus, si Jehova. Maaari nilang tunghayan ang mga hula na nagpapakilala kay Jesus bilang ang Mesiyas. At marami sa kanila ang nakakita sa mga himala ni Jesus. Kaya tunay na sila’y may lalong malaking kasalanan kaysa isang opisyal na di-Judio na ang hatol kay Jesus ay walang sala.—Juan 18:38.
◼ Ano ba ang punto ni Jehova sa pagsasabi kay Ezekiel na ang kaniyang mukha ay patitigasin, tulad ng mga mukha ng mga Judio?
Si Ezekiel ay isang propeta ng Diyos na naglingkod sa gitna ng mga Judio na dinalang bihag sa Babilonya. Ang mga bihag na ito ay maliwanag na nag-akala na sa paano man si Jehova ay mabilis na sasaklolo sa kanila dahilan sa sila ay kaniyang piniling bayan. Hindi nila tinanggap ang bagay na ang kanilang dinanas ay sumapit sa kanila dahil sa hindi sila karapat-dapat sa kaniyang pag-iingat.
Kaya’t nang iutos ni Jehova kay Ezekiel na “salitain mo sa kanila ang aking mga salita,” hindi iyon isang madaling atas. Sa paghahanda sa propeta, nagbabala ang Diyos na “hindi nila magugustuhan na makinig sa iyo, sapagkat sa akin ay ayaw nilang makinig; dahil sa lahat ng mga nasa sambahayan ni Israel ay matitigas ang ulo at matitigas ang puso.”—Ezekiel 3:4, 7.
Sa puntong ito ay sinabi ng Diyos kay Ezekiel: “Narito! Ginawa ko ang iyong mukha ay maging kasingtigas ng kanilang mga mukha at ang iyong noo ay kasingtigas ng kanilang mga mukha at ang iyong noo ay kasintigas ng kanilang mga noo. Ginawa ko ang iyong noo na sintigas ng diamante, matigas pa kaysa batong pingkian. Huwag kang matakot sa kanila.” (Ezekiel 3:8, 9)
Ang mga tao ay napakatitigas at mapaghimagsik. (Ezekiel 2:6) Kanila kayang madadaig o mahihilang matakot ang mensahero ng Diyos? Hindi. Yamang taglay niya ang pagtangkilik sa kaniya ng Diyos, si Ezekiel ay hindi magiging malambot kaysa kanila. Ang batong pingkian ay isang napakatigas na bato, matigas pa kaysa asero. Kung ang matitigas, na walang pagtugong mga Judio ay maihahambing sa batong pingkian, maaaring magkaganoon din si Ezekiel. Mas higit pa nga, siya’y magiging katulad ng diamante, ang pinakamatigas na mineral; napakatigas nito na anupa’t maaaring gamitin ito upang gurlisan kahit ang batong pingkian.—Jeremias 17:1, 2.
Tunay na hindi ibig sabihin nito ay na ituturing ng bayan ng Diyos na kanais-nais na maging matigas, walang damdamin sa pakiramdam ng iba, o walang habag sa paggawa ng kanilang inaakala na matuwid. Pansinin ang ipinayo ni apostol Pedro tungkol sa pakikitungo sa isa’t isa: “Kayong lahat ay magkaisang-isip, na nakikiramay sa kapuwa, nag-iibigang tulad sa magkakapatid, malumanay sa kaawaan, mapagpakumbabang-isip, na huwag ninyong gantihin ng masama ang masama, o ng pag-alipusta ang pag-alipusta, kundi, bagkus, gantihin ninyo ng pagpapala.”—1 Pedro 3:8, 9.
Ang pagkahabag ay isa pa rin sa nag-uudyok na motibo sa pamamahagi natin sa iba ng mabuting balita ng Kaharian. (Mateo 9:36-38) Subalit kung tayo’y mapaharap sa mga taong nagwawalang-bahala, tumatanggi, o tuwirang sumasalansang, hindi tayo hihinto ng pagbabalita ng mensahe ng Diyos para sa panahon natin. Kasali na riyan ang paghahayag na hindi na magtatagal at siya’y “maghihiganti sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at sa mga hindi tumatalima sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong si Jesus.” (2 Tesalonica 1:6-9) Tayo’y hindi dapat mahila na matakot o umurong. Sa ganitong diwa tayo ay maaaring maging sintigas ng diamante na katulad ni Ezekiel.