-
Matuto ng Aral Mula kay NicodemoAng Bantayan—2002 | Pebrero 1
-
-
Mga anim na buwan lamang pagkatapos na pasimulan ni Jesus ang kaniyang makalupang ministeryo, kinilala ni Nicodemo si Jesus ‘bilang isang guro na nagmula sa Diyos.’ Palibhasa’y namangha sa mga himalang ginawa ni Jesus hindi pa natatagalan sa Jerusalem noong Paskuwa ng 30 C.E., si Nicodemo ay dumating nang gabi, upang ipagtapat ang kaniyang paniniwala kay Jesus at upang matuto nang higit pa tungkol sa gurong ito. Sa pagkakataong iyon, sinabi ni Jesus kay Nicodemo ang isang malalim na katotohanan tungkol sa pangangailangan na “ipinanganak muli” upang makapasok sa Kaharian ng Diyos. Sa okasyong ito, sinabi rin ni Jesus ang mga salitang: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:1-16.
Ano ngang kamangha-manghang pag-asa ang nasa harapan ni Nicodemo! Maaari siyang maging isang matalik na kasamahan ni Jesus, na mismong makasasaksi sa iba’t ibang aspekto ng buhay ni Jesus sa lupa. Bilang isang tagapamahala ng mga Judio at isang guro sa Israel, taglay ni Nicodemo ang saganang kaalaman sa Salita ng Diyos. May malalim din siyang unawa, tulad ng makikita sa kaniyang pagkilala kay Jesus bilang isang guro na isinugo ng Diyos. Si Nicodemo ay interesado sa espirituwal na mga bagay, at siya’y may di-karaniwang kapakumbabaan. Napakahirap para sa isang miyembro ng kataas-taasang hukuman ng mga Judio na kilalanin ang isang anak ng hamak na karpintero bilang isang tao na isinugo mula sa Diyos! Ang lahat ng gayong mga katangian ay napakahalaga sa isang tao upang maging isang alagad ni Jesus.
-
-
Matuto ng Aral Mula kay NicodemoAng Bantayan—2002 | Pebrero 1
-
-
Una sa lahat, binanggit ni Juan na ang tagapamahalang Judio ay ‘pumaroon kay [Jesus] nang gabi.’ (Juan 3:2) Isang iskolar ng Bibliya ang nagpaliwanag: “Si Nicodemo ay pumaroon nang gabi, hindi dahil sa takot, kundi upang iwasan ang maraming tao na makaaabala sa kaniyang pakikipanayam kay Jesus.” Gayunpaman, tinukoy ni Juan si Nicodemo bilang ‘ang taong pumaroon kay [Jesus] nang gabi noong unang pagkakataon’ sa konteksto ring iyon kung saan tinukoy niya si Jose na taga-Arimatea bilang “isang alagad ni Jesus ngunit palihim dahil sa takot niya sa mga Judio.” (Juan 19:38, 39) Kung gayon, malamang na ang pagbisita ni Nicodemo kay Jesus nang gabi “dahil sa takot niya sa mga Judio,” ay katulad din ng iba noong kaniyang kaarawan na takót na magkaroon ng anumang kaugnayan kay Jesus.—Juan 7:13.
-