SUKÀ
Ang sukà noong sinaunang panahon ay isang maasim na likidong nalilikha sa pamamagitan ng permentasyon ng alak o ng iba pang inuming de-alkohol. Ang mga Nazareo ay pinagbawalang uminom ng “sukà ng alak o ng sukà ng nakalalangong inumin,” na nagpapahiwatig na may mga pagkakataon noon na ginagamit ang sukà (malamang na binantuan) bilang isang inumin. (Bil 6:2, 3) Isinasawsaw naman ng mga mang-aani ang kanilang tinapay sa sukà, marahil ay nagiging nakarerepreskong pampalasa ito sa kainitan ng araw.—Ru 2:14.
Ang acetic acid na nasa sukà ay maasim sa panlasa at nakangingilo ng ngipin. (Kaw 10:26) Mapatutunayan ang pagkanaroroon ng asidong ito dahil, kapag ang sukà ay inihalo sa sodium carbonate na isang mahinang alkali, bumubula iyon nang husto, isang reaksiyong maliwanag na tinutukoy sa Kawikaan 25:20.
Noong nasa lupa si Jesu-Kristo, ang mga kawal na Romano ay umiinom ng isang malabnaw o maasim na alak na kung tawagin sa Latin ay acetum (sukà), o posca, kapag may halong tubig. Malamang na ito ang inuming inialok kay Jesu-Kristo noong siya’y nasa pahirapang tulos. Tinanggihan ni Jesus ang maasim na alak na hinaluan ng drogang mira (o apdo) na ibinibigay sa kaniya upang maibsan ang kaniyang pagdurusa. (Mar 15:23; Mat 27:34; ihambing ang Aw 69:21.) Gayunman, bago siya nalagutan ng hininga, tumanggap siya ng walang-halong maasim na alak mula sa isang espongha nang ilapit iyon sa kaniyang bibig.—Ju 19:28-30; Luc 23:36, 37.