Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ako Makapangangaral sa Aking mga Kaeskuwela?
“Nasa labas ako at nangangaral nang biglang makatagpo ko ang isang kakilala. Natulala ako! Kinailangang sumabad ang kasama ko at magsalita para sa akin.”—Alberto.
“Alam ko na isa sa aking mga kaklase ay nakatira sa lansangang ito, kaya ang kuya ko ang pinagsalita ko sa lahat ng bahay na mapuntahan namin. Pagkaraan ng ilang sandali ay waring napagod na siya at hiniling niyang ako naman ang magsalita sa susunod na bahay. Kumatok ako, at—naku—ang kaklase ko nga! Ninerbiyos ako nang husto!”—James.
KADALASANG nadarama ng mga kabataan na hindi “uso” na ipakipag-usap ang relihiyon. Gayunman, sa gitna ng tunay na mga Kristiyano, pinahahalagahan ng mga kabataan ang kanilang bigay-Diyos na pribilehiyo na ibahagi sa iba ang kanilang pananampalataya. Kaya naman, libu-libong kabataang Saksi ni Jehova ang nakikibahagi sa pangangaral sa bahay-bahay. Ngunit ginagawa ito ng ilan taglay ang takot na baka makatagpo nila ang isang kakilala sa paaralan. “Kinakabahan pa rin ako na makausap ang mga naging kaeskuwela ko,” ang sabi ni Jennifer, bagaman ilang taon na ang nakalipas nang magtapos siya sa haiskul (paaralang sekondarya).
Kung ikaw ay isang kabataang Kristiyano, baka gayundin kung minsan ang nadarama mo. Sabihin pa, ayaw nating lahat na tayo ay tanggihan, kaya talagang normal lamang na mabalisa nang kaunti kapag ipinakikipag-usap sa isang kaeskuwela ang tungkol sa relihiyon.a Subalit walang dahilan upang hayaang matulala ka dahil sa takot. Natatandaan mo ba ang lalaki na tinatawag sa Bibliya na “Jose na mula sa Arimatea”? Naniniwala siya sa mga bagay na natutuhan niya mula kay Jesus. Gayunman, inilalarawan ng Bibliya si Jose bilang “isang alagad ni Jesus ngunit palihim dahil sa takot niya sa mga Judio.” (Juan 19:38) Ngayon, ano kaya ang madarama mo sa isang kaibigan na nagnanais na panatilihing lihim ang inyong pagkakaibigan? (Lucas 12:8, 9) Kung gayon, hindi kataka-taka na inaasahan ng Diyos na lahat ng Kristiyano ay gumawa ng “pangmadlang pagpapahayag” ng kanilang pananampalataya. (Roma 10:10) Kasali na riyan ang pakikipag-usap sa mga kabataan sa inyong paaralan.
Napagtagumpayan ni Jose ng Arimatea ang kaniyang takot, kahit hanggang sa paghingi man lamang ng pahintulot na ilibing ang bangkay ni Jesus. Paano mo mapagtatagumpayan ang iyong takot?
Paglilinang ng Kasabikang Mangaral
Tiyak na hindi nahihiya si apostol Pablo na ibahagi sa iba ang kaniyang pananampalataya. Sa Roma 1:15, inilalarawan niya ang kaniyang sarili na sabik na magpahayag ng mensahe ng Bibliya. Ano ang sanhi ng gayong pananabik? Sinabi niya, gaya ng nakaulat sa talata 16: “Hindi ko ikinahihiya ang mabuting balita; ito, sa katunayan, ang kapangyarihan ng Diyos ukol sa pagliligtas sa bawat isa na may pananampalataya.” Kumusta ka naman? Talaga bang napatunayan mo na ang katotohanan sa iyong sarili? (Roma 12:2) Personal ka bang kumbinsido na ang mensahe ng Bibliya ay “kapangyarihan ng Diyos ukol sa pagliligtas”?
Hindi sapat ang basta pagdalo lamang sa mga Kristiyanong pagpupulong kasama ng iyong mga magulang. “Madali lamang ang basta dumalo sa mga pulong,” ang sabi ng isang kabataang nagngangalang Deborah, “sapagkat sinasabi sa iyo ng iyong mga magulang na gawin iyon. Subalit kapag ang mga tao ay nagtanong sa akin tungkol sa Bibliya, hindi ko alam kung paano ako magpapaliwanag.” Inamin din ng isang kabataang nagngangalang Mi Young: “Kailangang patunayan natin sa ating sarili na ito nga ang katotohanan.”
Ano ang mag-uudyok sa iyo na ibahagi sa iba ang iyong kaalaman tungkol sa Bibliya? Personal mo itong pag-aralan. Sinabi ng isang kabataang nagngangalang Sean: “Kapag inumpisahan mo ang iyong personal na pag-aaral ng Bibliya, sinisimulan mong dibdibin ang katotohanan. Nag-aaral ka para sa iyong sarili.” Totoo, hindi lahat ay likas na palaaral. “Ayaw kong magbasa,” ang inamin ni Shevon. “Kaya sa simula ay mahirap para sa akin na basahin Ang Bantayan at Gumising! o basahin nang araw-araw ang Bibliya. Subalit sa paglipas ng panahon, sinimulan kong gawin iyon.”
Ano ang mga resulta ng gayong masikap na pag-aaral? Sinasabi ni apostol Pablo: “Ang pananampalataya ay kasunod ng bagay na narinig.” (Roma 10:17) Habang sumusulong ang iyong pananampalataya at pananalig, tiyak na magbabago ang iyong saloobin. Ganito ang konklusyon ng isang kabataang taga-Brazil na nagngangalang Elisângela: “Isang karangalan ang maging isang Kristiyano, hindi isang bagay na dapat ikahiya.” Sa katunayan, habang lumalaki ang iyong pananampalataya, masusumpungan mo ang iyong sarili na nauudyukang makipag-usap sa iba—pati na sa iyong mga kaklase. Sinabi ni Pablo: “Kami . . . ay nananampalataya kaya naman kami ay nagsasalita.” (2 Corinto 4:13) Kung sa bagay, paano ka magiging “malinis sa dugo” ng iba kung ipinagkakait mo ang nagbibigay-buhay na kaalaman sa mga kabataang nakikita mo araw-araw?—Gawa 20:26, 27.
Gayunman, nadarama ng ilang kabataang Kristiyano na wala silang kakayahan upang ipakipag-usap sa iba ang tungkol sa Bibliya. “Kung hindi mo alam ang sasabihin mo,” ang sabi ng isang kabataang nagngangalang Joshua, “hindi lubhang kasiya-siya ang pagsisikap na mangaral.” Muli, ang pagkakaroon ng mas malalim na unawa sa Bibliya ay tutulong sa iyo upang mapangasiwaan ito nang mahusay. (2 Timoteo 2:15) Sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, maaaring lumapit ang mga kabataan sa matatanda sa kongregasyon at humiling ng personal na tulong sa paglilinang ng mga kakayahan sa pagtuturo. Sinabi ng isang kabataang Aleman na nagngangalang Matthias: “Nang simulan kong kausapin talaga ang mga tao—hindi lamang basta nag-aalok ng literatura sa Bibliya—nagsimula akong masiyahan sa pangangaral.”
Kahuli-hulihan, makapananalangin ka sa Diyos upang tulungan kang makapagsalita nang may katapangan. (Gawa 4:29) Personal na naranasan ni apostol Pablo ang tulong ng Diyos hinggil sa bagay na ito. Sa 1 Tesalonica 2:2, sinabi niya: “Nag-ipon kami ng katapangan sa pamamagitan ng ating Diyos upang salitain sa inyo ang mabuting balita ng Diyos nang may labis na pakikipagpunyagi.” Ayon sa isang akdang reperensiya, ang pananalitang ito ay maaaring isalin na, “inalis ng Diyos ang takot sa aming mga puso.” Kaya bakit hindi manalangin at hilingin sa Diyos na alisin ang takot sa iyong puso?
Pagpapakilala sa Iyong Sarili
Kasuwato ng panalanging iyon, maaari kang gumawa ng isang hakbang na nagpapamalas ng matinding katapangan. Nagpayo ang kabataang Britano na nagngangalang Chic: “Sabihin mo sa iyong mga kaeskuwela na ikaw ay isang Kristiyano.” Hindi mo nais na maging isang ‘palihim na alagad.’ Inamin ng isang kabataang nagngangalang Rebecca na dati ay natatakot siya na makatagpo sa gawaing pangangaral ang isa na kakilala niya. Subalit sinabi niya na natuklasan niya na “kung sasabihin mo sa kanila na ikaw ay isang Kristiyano at na nagbabahay-bahay ka, kung minsan ay itatanong nila, ‘Buweno, dadalaw ka kaya sa aming bahay?’”
Subalit bakit hihintayin pa ang di-inaasahang pagtatagpo? Humanap ng mga pagkakataon upang ibahagi ang iyong pananampalataya sa paaralan. Tandaan ang mga tanong na ibinangon ni apostol Pablo: “Paano . . . sila mananampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? Paano naman nila maririnig kung walang mangangaral?” (Roma 10:14) Nasa pinakamabuti kang kalagayan upang tulungan ang iyong mga kaklase na makarinig. Ganito ang sinabi ng isang kabataang nagngangalang Iraida: “Ang paaralan ay isang teritoryo sa pangangaral na tanging kami lamang ang makaaabot.” Kaya naman sinasamantala ng maraming kabataan ang kanilang situwasyon sa pamamagitan ng pangangaral sa di-pormal na paraan.
Gayunman, kung minsan ay may mga takdang-aralin sa klase na nagbibigay sa iyo ng pagkakataon upang maibahagi ang mga katotohanan sa Bibliya. Ganito ang inilahad ng isang batang babaing Britano na nagngangalang Jaimie: “Tinatalakay namin noon ang ebolusyon sa klase sa siyensiya, at sinabi ko ang aking mga paniniwala. Tinuya ako ng isa sa mga batang lalaki at sinabi na hindi matalino ang mga Saksi ni Jehova at hindi sila nararapat mapabilang sa sistema ng paaralan. Gayunman, agad-agad akong ipinagtanggol ng ibang mga bata sa klase.” Maliwanag, may mabuting epekto ang kaniyang reputasyon bilang isang huwarang Kristiyano. Sinabi pa ni Jaimie: “Bunga nito, nakapagpasakamay ako ng isang kopya ng aklat na Is There a Creator Who Cares About You? sa isang kaklase.”b
Naglahad ng nakakatulad na karanasan ang isang 14-anyos na batang babae sa Romania na nagngangalang Roxana: “Ipinatalastas ng aking guro na magkakaroon ng talakayan sa klase tungkol sa alkohol, tabako, at droga. Kaya dinala ko ang Marso 22, 2000, isyu ng Gumising! hinggil sa paksang ‘Kung Paano Mo Maihihinto ang Paninigarilyo.’ Nakita ng kaklase ko ang magasin, kinuha ito, at ayaw nang ibalik sa akin. Matapos itong basahin, sinabi niya na determinado na siyang huminto sa paninigarilyo.”
Maaaring hindi ka laging makararanas ng gayong paborableng pagtugon. Ngunit hinihimok tayo ng Eclesiastes 11:6: “Sa umaga ay ihasik mo ang iyong binhi at hanggang sa kinagabihan ay huwag mong pagpahingahin ang iyong kamay; sapagkat hindi mo nalalaman kung saan ito magtatagumpay.” Kahit walang anumang paborableng pagtugon, ang pagpapatotoo mo sa paaralan tungkol sa iyong mga paniniwala ay maglalatag ng saligan para sa mas kaayaayang pag-uusap sakali mang makatagpo mo ang isang kaklase sa ministeryo sa bahay-bahay. Ganito ang sabi ng isang kabataang Britano na nagngangalang Jessica: “Ang totoo ay mas madali ang pagpapatotoo sa mga kakilala mo sa paaralan dahil mayroon ka nang kaugnayan sa kanila.” Baka magulat ka kung gaano kausisa ang iyong mga kaklase sa iyong mga paniniwala.
Totoo, hindi lahat ay may-kabaitang tatanggap sa iyo. Ngunit ibinigay ni Jesus ang praktikal na payong ito: “Saanman na ang sinuman ay hindi tumatanggap sa inyo o nakikinig sa inyong mga salita, sa paglabas sa bahay na iyon . . . ay ipagpag ninyo ang alabok mula sa inyong mga paa.” (Mateo 10:14) Sa ibang salita, hindi mo kailangang isipin na ikaw ang tinanggihan. Basta umalis ka nang payapa at humanap ng isa na mas handang makinig. Sa malao’t madali ay makasusumpong ka ng mga taong tapat-puso na nagugutom sa katotohanan at handang makinig. Hindi ba nakalulugod kung isa ito sa mga kapuwa mo estudyante? Kung oo, malulugod ka na nadaig mo ang iyong takot na ibahagi ang iyong pananampalataya sa iyong mga kaklase.
[Mga talababa]
a Tingnan ang artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Kung Makatagpo Ako ng Isang Kaeskuwela Habang Ako’y Nangangaral?,” na lumabas sa aming isyu ng Pebrero 22, 2002.
b Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Blurb sa pahina 12]
“Kapag inumpisahan mo ang iyong personal na pag-aaral ng Bibliya, sinisimulan mong dibdibin ang katotohanan.”—Sean.
[Larawan sa pahina 10]
Huwag kang matakot na ipakilala ang iyong sarili bilang isang Kristiyano
[Larawan sa pahina 10]
Kadalasan ay nagbibigay ng mga pagkakataon ang mga takdang-aralin sa klase para maibahagi ang mga katotohanan sa Bibliya