Ang Lambong ng Turin—Telang Pamburol ni Jesus?
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ITALYA
Mula Abril 18 hanggang Hunyo 14, 1998, ang lambong, o tela, na sinasabing ibinalot sa katawan ni Jesus ng Nasaret nang siya’y mamatay ay itinanghal sa Italya sa Katedral ng San Giovanni Battista, sa Turin. Ito’y inilagay sa isang salaming kahon na di-mapapasok ng hangin at di-tinatablan ng bala na punô ng di-naaapektuhang gas. Doon ay tinitiyak na ito’y nasa isang di-nababagong lagay ng klima.
ANG mga panauhin ay lumalakad sa harap ng lubos na iniingatang lambong sa tatlong nakaangat na daanan na bahagyang magkakaiba ang taas. Dahil dito, lahat ay nakakakitang mabuti. Dalawang minuto lamang ang pagpunta roon at mahigpit na para lamang sa mga nagpareserba. Iba’t iba ang nadarama, may natutuwa, may lumuluha habang nagbubulay-bulay at may basta nag-uusyoso lamang. May mga 2.5 milyong pumupunta ayon sa ulat.
“Ano ba ang kahulugan ng lambong para sa iyo?” ang madalas na tanong. Para sa sinumang mahilig pag-usapan ang relihiyon, ang okasyon ay nagbibigay ng pagkakataong suriing mabuti ang paksa at muling basahin ang mga pahina ng Bibliya na tumutukoy sa libing ni Jesus.—Tingnan ang kahon sa susunod na pahina.
Ang lambong ay isang telang lino na 436 centimetro ang haba at 110 centimetro naman ang lapad na sa ibabaw ay kakikitaan ng bakas ng katawan ng isang lalaki na sinasabing dumanas ng isang malupit na kamatayan. Ngunit ang tanong ay, Ang Lambong [na ito ba] ng Turin ang ibinalot sa katawan ni Jesus mahigit na 19 na siglo na ang nakalilipas?
Mga Pangyayari sa Kasaysayan
“Walang katibayan ng isang lambong noong unang siglo ng panahong Kristiyano,” sabi ng New Catholic Encyclopedia. Noong 544 C.E., isang bakas na ipinalalagay na hindi gawa ng kamay ng tao ang lumitaw sa Edessa, isang lugar sa makabagong-panahong Turkey. Sinasabing ang ipinakikita ng larawan ay yaong mukha ni Jesus. Noong 944 C.E., sinasabing ang larawan ay nasa Constantinople. Gayunman, karamihan sa mga istoryador ay hindi naniniwalang ito ang kilala ngayon na Lambong ng Turin.
Sa Pransiya, noong ika-14 na siglo, nasa pag-aari ni Geoffroi de Charny ang isang lambong. Noong 1453, ang pagmamay-ari nito ay napalipat kay Louis, Duke ng Savoy, na siyang naglipat naman nito sa isang simbahan sa Chambéry, ang kapitolyo ng Savoyard. Mula roon, noong 1578, dinala ito ni Emmanuel Philibert sa Turin.
Iba’t Ibang Palagay
Noong 1988, ipinasuri ng arsobispo noon ng Turin, si Anastasio Ballestrero, ang Lambong ng Turin sa pamamagitan ng radiocarbon dating upang malaman ang edad nito. Isiniwalat ng pagsusuri, na isinagawa ng tatlong kilalang laboratoryo sa Switzerland, Inglatera, at Estados Unidos, na ito’y noong Edad Medya, samakatuwid ay noong panahong malaon nang patay si Kristo. Tinanggap ni Ballestrero ang resulta, anupat ipinahayag sa isang opisyal na pangungusap: “Bagaman ipinagkatiwala sa siyensiya ang pagsusuri sa mga resultang ito, patuloy pa rin ang simbahan sa paggalang at pagsamba sa kapita-pitagang imaheng ito ng Kristo, na nananatiling isang bagay na pinagtutuunan ng debosyon ng mga sumasampalataya.”
Ang kasalukuyang arsobispo, si Giovanni Saldarini, ay nagpahayag: “Hindi natin masasabing ang larawan ay ang larawan ng Kristo na ibinaba sa krus.” Gayunman, kasabay nito ay iginiit niya: “Walang alinlangan na nakikita ng mga mananampalataya sa bakas na iyan ang larawan ng taong inilalarawan sa Ebanghelyo.” Noong Mayo 24, 1998, habang nasa tanghalan ang lambong, tinawag ni Papa John Paul II ang larawan na “ang bakas na naiwan ng pinahirapang katawan ng Ipinakong Isa.”
Gaya ng makikita, matibay ang ebidensiya laban sa Lambong ng Turin bilang ang telang pamburol ni Jesus. Ngunit ano naman kaya kung totoo ito? Angkop ba para sa isa na gustong sumunod sa mga turo ng Bibliya na sambahin ang telang iyan?
Tingnan ang ikalawa sa Sampung Utos, na nagsasabi, ayon sa isang Romano Katolikong salin ng Bibliya: “Huwag kang gagawa para sa iyo ng isang larawang inanyuan o ng kawangis man ng anumang bagay na nasa langit sa itaas o nasa lupa sa ibaba o nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag kang yuyukod sa kanila.” (Exodo 20:4, 5, New Jerusalem Bible) Sa katunayan, isinasapuso ng mga tunay na Kristiyano ang mga salita ni apostol Pablo: “Lumalakad kami sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.”—2 Corinto 5:7; 1 Juan 5:21.
[Kahon sa pahina 24]
Ang Lambong at ang mga Ulat ng Bibliya
Sinasabi ng mga manunulat ng Ebanghelyo na ang katawan ni Jesus, matapos ibaba ni Jose ng Arimatea mula sa haligi, ay binalot “sa malinis at mainam na lino.” (Mateo 27:57-61; Marcos 15:42-47; Lucas 23:50-56) Idinagdag pa ni apostol Juan: “Si Nicodemo rin . . . ay dumating na may dalang isang rolyo ng mira at mga aloe, na humigit-kumulang isang daang libra niyaon. Kaya kinuha nila ang katawan ni Jesus at binalot ito ng mga benda na may mga espesya, ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paghahanda para sa libing.”—Juan 19:39-42.
Kinaugalian na ng mga Judio na hugasan ang patay at pagkatapos ay pahiran ng langis at espesya ang katawan. (Mateo 26:12; Gawa 9:37) Kinabukasan pagkalipas ng Sabbath, binalak ng mga babaing kaibigan ni Jesus na kumpletohin ang paghahanda sa kaniyang katawan, na nakalagay na sa libingan. Gayunman, nang sila’y pumaroon dala ang ‘espesya upang langisan siya,’ ang katawan ni Jesus ay wala na sa libingan!—Marcos 16:1-6; Lucas 24:1-3.
Ano ang nakita ni Pedro nang maya-maya’y dumating siya at pumasok sa libingan? Ganito ang ulat ng saksing si Juan: “Natanaw niya ang mga benda na nakalapag, gayundin ang tela na nasa kaniyang ulo ay hindi nakalapag kasama ng mga benda kundi hiwalay na nakalulon sa isang dako.” (Juan 20:6, 7) Pansinin na walang binanggit na mainam na lino—mga benda at telang pamandong lamang. Yamang tinukoy ni Juan ang mga benda at ang telang pamandong, hindi ba dapat sana’y ang mainam na lino, o lambong ang banggitin niya, kung ito’y naroroon?
Karagdagan pa, isaalang-alang ito: Kung nasa damit na pamburol ni Jesus ang kaniyang larawan, hindi ba dapat lamang na ito’y mapansin at maging paksa ng usapan? Gayunman, higit pa sa nakapaloob sa Ebanghelyo, walang binanggit na anuman ang Bibliya tungkol sa damit na pamburol.
Maging ang mga naturingang Kristiyanong manunulat noong ikatlo at ikaapat na siglo, na marami sa kanila’y sumulat ng tungkol sa napakaraming diumano’y mga himala may kaugnayan sa napakaraming mga relikya, ay hindi bumanggit ng pag-iral ng isang lambong na may larawan ni Jesus. Mahirap itong unawain, yamang ang mga nakakita noong ika-15 at ika-16 na siglo, ayon sa Jesuitang iskolar na si Herbert Thurston, “ay naglalarawan na ang bakas sa lambong ay napakalinaw ng detalye at kulay anupat malamang na ito’y kagagawa-gawa lamang.”
[Picture Credit Line sa pahina 23]
David Lees/©Corbis