Ang Tanging Daan Tungo sa Buhay na Walang Hanggan
“Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay.”—JUAN 14:6.
1, 2. Sa ano inihambing ni Jesus ang daan tungo sa buhay na walang hanggan, at ano ang kahulugan ng kaniyang ilustrasyon?
SA KANIYANG tanyag na Sermon sa Bundok, inihambing ni Jesus ang daan tungo sa walang-hanggang buhay sa isang lansangan na may pintuang-daan sa pasukan. Pansinin na idiniin ni Jesus na hindi maalwan ang daang ito tungo sa buhay nang sabihin niya: “Pumasok kayo sa makipot na pintuang-daan; sapagkat malapad at maluwang ang daan na umaakay patungo sa pagkapuksa, at marami ang mga pumapasok dito; samantalang makipot ang pintuang-daan at masikip ang daan na umaakay patungo sa buhay [na walang hanggan], at kakaunti ang mga nakasusumpong nito.”—Mateo 7:13, 14.
2 Naunawaan mo ba ang kahulugan ng ilustrasyong ito? Hindi ba isinisiwalat nito na iisa lamang ang lansangan, o daan, patungo sa buhay at na kailangan ang pagsisikap sa ating bahagi upang huwag lumihis mula sa daang iyon ng buhay? Ano, kung gayon, ang tanging daan na ito tungo sa buhay na walang hanggan?
Ang Papel ni Jesu-Kristo
3, 4. (a) Paano ipinakikita ng Bibliya ang mahalagang papel na ginagampanan ni Jesus sa ating kaligtasan? (b) Kailan unang isiniwalat ng Diyos na maaaring magtamo ng buhay na walang hanggan ang sangkatauhan?
3 Maliwanag, si Jesus ay may mahalagang papel sa daang iyon, gaya ng ipinahayag ng kaniyang apostol na si Pedro: “Walang kaligtasan sa kaninumang iba, sapagkat walang ibang pangalan [bukod kay Jesus] sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na siyang dapat nating ikaligtas.” (Gawa 4:12) Sa katulad na paraan, ganito ang ipinahayag ni apostol Pablo: “Ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang-hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 6:23) Isiniwalat ni Jesus mismo na ang tanging daan tungo sa buhay na walang hanggan ay sa pamamagitan niya, sapagkat sinabi niya: “Ako ang daan at ang katotohanan at ang buhay.”—Juan 14:6.
4 Kaya napakahalaga na ating kilalanin ang papel na ginagampanan ni Jesus upang maging posible ang buhay na walang hanggan. Kung gayon, suriin pa nating mabuti ang kaniyang papel. Alam mo ba kung kailan, matapos na magkasala si Adan, ipinahayag ng Diyos na Jehova na ang sangkatauhan ay maaaring magtamasa ng buhay na walang hanggan? Ito ay karaka-raka pagkaraang magkasala si Adan. Suriin natin ngayon kung paano unang inihula ang paglalaan kay Jesu-Kristo bilang Tagapagligtas ng sangkatauhan.
Ang Ipinangakong Binhi
5. Paano natin makikilala ang serpiyente na tumukso kay Eva?
5 Sa makasagisag na pananalita, ipinakilala ng Diyos na Jehova ang ipinangakong Tagapagligtas. Ginawa niya ito nang igawad niya ang hatol sa “serpiyente” na nagsalita kay Eva at tumukso sa kaniya na suwayin ang Diyos sa pamamagitan ng pagkain sa ipinagbabawal na bunga. (Genesis 3:1-5) Sabihin pa, ang serpiyenteng iyon ay hindi isang literal na ahas. Iyon ay isang makapangyarihang espiritung nilalang na ipinakilala sa Bibliya bilang “ang orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas.” (Apocalipsis 12:9) Ginamit ni Satanas ang mababang hayop na ito bilang kaniyang tagapagsalita upang dayain si Eva. Kaya naman, nang hinahatulan si Satanas, sinabi ng Diyos sa kaniya: “Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae at sa pagitan ng iyong binhi at ng kaniyang binhi. Siya [ang binhi ng babae] ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.”—Genesis 3:15.
6, 7. (a) Sino ang babae na nagluwal ng “binhi”? (b) Sino ang ipinangakong Binhi, at ano ang isinasagawa niya?
6 Sino ang “babae” na ito na kaalit, o kinapopootan, ni Satanas? Kung paanong ang “orihinal na serpiyente” ay ipinakikilala sa Apocalipsis kabanata 12, gayon din ang babaing ito na kinapopootan ni Satanas. Pansinin sa talatang 1 na siya’y sinasabing “nagagayakan ng araw, nakatuntong sa buwan, at may labindalawang bituin sa kaniyang ulo.” Ang babaing ito ay kumakatawan sa makalangit na organisasyon ng Diyos na binubuo ng tapat na mga anghel, at ang “anak na lalaki” na isinilang niya ay kumakatawan sa Kaharian ng Diyos, na pinamamahalaan ni Jesu-Kristo bilang Hari.—Apocalipsis 12:1-5, The Jerusalem Bible.
7 Kung gayon, sino ang “binhi,” o supling ng babae, na binanggit sa Genesis 3:15, na dudurog kay Satanas “sa ulo,” upang siya’y patayin? Iyon ang isa na isinugo ng Diyos mula sa langit upang makahimalang isilang ng isang birhen, oo, ang taong si Jesus. (Mateo 1:18-23; Juan 6:38) Isinisiwalat ng Kabanata 12 ng Apocalipsis na bilang isang binuhay-muling Tagapamahala sa langit, ang Binhing ito, si Jesu-Kristo, ang mangunguna sa paglupig kay Satanas at magtatatag, gaya ng sinasabi ng Apocalipsis 12:10, ng ‘kaharian ng ating Diyos at ng awtoridad ng kaniyang Kristo.’
8. (a) Anong bagong bagay ang inilaan ng Diyos may kaugnayan sa kaniyang orihinal na layunin? (b) Sino ang bumubuo sa bagong pamahalaan ng Diyos?
8 Ang Kahariang ito sa kamay ni Jesu-Kristo kung gayon ay isang bagong bagay na inilaan ng Diyos may kaugnayan sa kaniyang orihinal na layunin na tamasahin ng tao ang buhay na walang hanggan sa lupa. Pagkatapos ng paghihimagsik ni Satanas, kaagad na kumilos si Jehova upang baligtarin ang lahat ng masamang idudulot ng kabalakyutan sa pamamagitan ng bagong pamamahala ng Kahariang ito. Nang nasa lupa, isiniwalat ni Jesus na hindi siya mag-iisa sa pamamahalang ito. (Lucas 22:28-30) May iba pang pipiliin mula sa sangkatauhan, at ang mga ito ay makakasama niya sa langit sa kaniyang pamamahala, sa gayo’y bumubuo ng pangalawahing bahagi ng binhi ng babae. (Galacia 3:16, 29) Sa Bibliya, ang bilang ng mga kasamang ito ni Jesus bilang mga tagapamahala—pawang kinuha mula sa makasalanang sangkatauhan sa lupa—ay tinukoy bilang 144,000.—Apocalipsis 14:1-3.
9. (a) Bakit kinailangang pumarito sa lupa si Jesus bilang tao? (b) Paano binaligtad ni Jesus ang mga gawa ng Diyablo?
9 Gayunman, bago magsimulang mamahala ang Kahariang iyon, kailangan munang lumitaw sa lupa ang pangunahing bahagi ng binhi, si Jesu-Kristo. Bakit? Sapagkat siya’y hinirang ng Diyos na Jehova bilang ang Isa na ‘sisira [o, magbabaligtad] sa mga gawa ng Diyablo.’ (1 Juan 3:8) Kabilang sa mga gawa ni Satanas ang paghikayat kay Adan na magkasala, na nagdulot ng hatol na kasalanan at kamatayan sa lahat ng supling ni Adan. (Roma 5:12) Binaligtad ni Jesus ang gawang ito ng Diyablo sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kaniyang buhay bilang pantubos. Sa gayo’y naglaan siya ng saligan sa pagpapalaya sa sangkatauhan mula sa hatol na kasalanan at kamatayan at nagbukas ng daan tungo sa buhay na walang hanggan.—Mateo 20:28; Roma 3:24; Efeso 1:7.
Kung Ano ang Naisagawa ng Pantubos
10. Paano nagkakatulad sina Jesus at Adan?
10 Dahil sa inilipat ang buhay ni Jesus mula sa langit tungo sa bahay-bata ng isang babae, siya’y isinilang na isang sakdal na tao, na hindi nabahiran ng kasalanan ni Adan. Maaari siyang mabuhay magpakailanman sa lupa. Kahawig nito, si Adan ay nilalang bilang isang sakdal na tao na may pag-asang magtamasa ng buhay na walang hanggan sa lupa. Nasa isip ni apostol Pablo ang pagkakatulad ng dalawang lalaking ito nang kaniyang isulat: “ ‘Ang unang taong si Adan ay naging isang kaluluwang buháy.’ Ang huling Adan [si Jesu-Kristo] ay naging isang espiritung nagbibigay-buhay. Ang unang tao ay mula sa lupa at gawa sa alabok; ang ikalawang tao ay mula sa langit.”—1 Corinto 15:45, 47.
11. (a) Anong epekto ang idinulot nina Adan at Jesus sa sangkatauhan? (b) Paano natin dapat malasin ang hain ni Jesus?
11 Ang pagkakatulad ng dalawang ito—ang tanging dalawang sakdal na taong lumakad sa lupa—ay idiniin sa kapahayagan ng Bibliya na si Jesus ay “nagbigay ng kaniyang sarili bilang katumbas na pantubos para sa lahat.” (1 Timoteo 2:6) Sino ang katumbas ni Jesus? Walang iba kundi si Adan nang siya’y sakdal na tao pa! Ang kasalanan ng unang Adan ay nagdulot ng hatol na kamatayan sa buong sangkatauhan. Ang hain ng “huling Adan” ay naglalaan ng saligan para sa kaligtasan mula sa kasalanan at kamatayan, upang tayo’y maaaring mabuhay magpakailanman! Pagkahala-halaga nga ng hain ni Jesus! Sinabi ni apostol Pedro: “Hindi sa pamamagitan ng mga bagay na nasisira, sa pamamagitan ng pilak o ginto, na kayo ay iniligtas.” Sa halip, ipinaliwanag ni Pedro: “Iyon ay sa pamamagitan ng mahalagang dugo, tulad niyaong sa walang dungis at walang batik na kordero, kay Kristo mismo.”—1 Pedro 1:18, 19.
12. Paano inilalarawan ng Bibliya ang paraan upang mabaligtad ang hatol sa atin na kamatayan?
12 Napakaganda ng paglalarawan ng Bibliya sa paraan upang mabaligtad ang hatol na kamatayan sa sangkatauhan, sa pagsasabing: “Sa pamamagitan ng isang pagkakamali [yaong kay Adan] ang resulta sa lahat ng uri ng tao ay kahatulan, sa gayunding paraan na sa pamamagitan ng isang gawa ng pagbibigay-katuwiran [ang buong landasin ng katapatan ni Jesus, na ang kasukdulan ay kamatayan] ang resulta sa lahat ng uri ng tao ay ang pagpapahayag sa kanila na matuwid para sa buhay. Sapagkat kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao [si Adan] ang marami ay ibinilang na makasalanan, sa gayunding paraan na sa pamamagitan ng pagkamasunurin ng isang tao [si Jesus] ang marami ay ibibilang na matuwid.”—Roma 5:18, 19.
Isang Maluwalhating Pag-asa
13. Bakit gayon na lamang ang nadarama ng marami tungkol sa pamumuhay magpakailanman?
13 Dapat na ikaligaya natin nang lubusan ang paglalaang ito ng Diyos! Hindi ka ba natutuwa na may inilaang Tagapagligtas? Nang itanong ang, “Kaakit-akit ba sa iyo ang pag-asang mabuhay magpakailanman?” sa isang surbey na isinagawa minsan ng isang pahayagan sa isang malaking lunsod sa Amerika, nakapagtatakang 67.4 na porsiyento ang sumagot ng, “Hindi.” Bakit nila sinabing ayaw nilang mabuhay magpakailanman? Maliwanag na dahil sa ang buhay sa lupa ngayon ay nauugnay sa napakaraming problema. Sinabi ng isang tao: “Hindi ko pinangarap na magmukhang 200 taóng gulang.”
14. Bakit magiging isang ganap na kasiyahan ang pamumuhay magpakailanman?
14 Ngunit ang binabanggit ng Bibliya ay hindi buhay na walang hanggan sa isang sanlibutang sinasalot ng sakit, katandaan, at iba pang mga kalamidad ang mga tao. Hindi, sapagkat bilang Tagapamahala ng Kaharian ng Diyos, babaligtarin ni Jesus ang lahat ng gayong mga problemang dulot ni Satanas. Ayon sa Bibliya, “dudurugin at wawakasan [ng Kaharian ng Diyos] ang lahat” ng mapaniil na pamahalaan ng sanlibutang ito. (Daniel 2:44) Sa panahong iyon, bilang sagot sa panalanging itinuro ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod, ang “kalooban” ng Diyos ay “gagawin sa lupa kung paano ito ginagawa sa langit.” (Mateo 6:9, 10, Today’s English Version) Sa bagong sanlibutan ng Diyos, matapos linisin ang lupa mula sa lahat ng kasamaan, ang mga kapakinabangan ng pantubos ni Jesus ay lubusang ikakapit. Oo, ang lahat ng magiging karapat-dapat ay isasauli sa sakdal na kalusugan!
15, 16. Anong mga kalagayan ang iiral sa bagong sanlibutan ng Diyos?
15 Sa mga taong maninirahan sa bagong sanlibutan ng Diyos, kakapit ang talatang ito sa Bibliya: “Maging sariwa pa ang kaniyang laman kaysa noong kabataan; mabalik siya sa mga araw ng kasiglahan ng kaniyang kabataan.” (Job 33:25) Matutupad din ang isa pang pangako ng Bibliya: “Madidilat ang mga mata ng mga bulag, at ang mismong mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon ay aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng pipi ay hihiyaw sa katuwaan.”—Isaias 35:5, 6.
16 Isip-isipin ito: Anuman ang ating pisikal na edad sa panahong iyon, tayo man ay 80, 800, o higit pa, ang ating mga katawan ay mananatiling may mahusay na kalusugan! Iyon ay magiging gaya ng pangako ng Bibliya: “Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ ” Matutupad din sa panahong iyon ang pangakong ito: “Papahirin [ng Diyos] ang bawat luha mula sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Isaias 33:24; Apocalipsis 21:3, 4.
17. Anong mga bagay ang maaari nating asahan na magagawa ng mga tao sa bagong sanlibutan ng Diyos?
17 Sa bagong sanlibutang iyon, magagamit natin ang ating kamangha-manghang utak sa paraang nilayon ng ating Maylalang nang ito’y kaniyang dinisenyo na may walang-limitasyong kapasidad na matuto. Aba, isipin lamang ang kamangha-manghang mga bagay na maaari nating gawin! Kahit ang mga taong di-sakdal ay nakaimbento mula sa imbakan ng mga elemento ng lupa ng lahat ng ating nakikita sa ating palibot—mga cellular phone, mikropono, relo, pager, computer, eroplano, oo, anuman ang iyong banggitin. Wala sa mga ito ang yari sa materyales na dala nila galing sa isang malayong dako sa sansinukob. Palibhasa’y nasa harap natin ang buhay na walang hanggan, ang potensiyal na makalikha ng mga bagay-bagay sa dumarating na Paraiso sa lupa ay walang limitasyon!—Isaias 65:21-25.
18. Bakit hindi kailanman magiging nakababagot ang buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos?
18 At hindi magiging nakababagot ang buhay. Kahit ngayon ay inaasam-asam natin ang ating susunod na pagkain, bagaman nakakain na tayo ng sampu-sampung libong ulit noon. Sa kasakdalan ng tao, tatamasahin natin ang marami pang masasarap na produkto ng Paraisong lupa. (Isaias 25:6) At masisiyahan tayo magpakailanman sa pangangalaga sa saganang buhay-hayop ng lupa at malulugod sa mga kagila-gilalas na paglubog ng araw, mga bundok, mga ilog, at mga libis. Tunay, hindi kailanman magiging nakababagot ang buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos!—Awit 145:16.
Pag-abot sa mga Kahilingan ng Diyos
19. Bakit makatuwirang maniwala na may mga kahilingan sa pagkakamit ng kaloob ng Diyos na buhay?
19 Inaasahan mo bang kakamtin ang dakilang kaloob ng Diyos na buhay na walang hanggan sa Paraiso nang walang anumang pagsisikap sa iyong bahagi? Hindi ba makatuwiran lamang na may hihilingin ang Diyos? Tiyak na gayon nga. Ang Diyos ay hindi, wika nga, basta na lamang naghahagis ng regalo sa atin. Iniaabot niya ito sa atin, ngunit kailangan nating abutin at kunin ito. Oo, kailangan ang pagsisikap. Maaari mong itanong ang mismong tanong kay Jesus ng mayamang kabataang tagapamahala: “Ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang-hanggan?” O maaaring ang tanong mo ay gaya niyaong sa isang tagapagbilanggo kay apostol Pablo sa Filipos: “Ano ang dapat kong gawin upang maligtas?”—Mateo 19:16; Gawa 16:30.
20. Ano ang isang mahalagang kahilingan para sa buhay na walang hanggan?
20 Noong gabi bago siya mamatay, ipinakita ni Jesus ang isang saligang kahilingan nang nananalangin sa kaniyang Ama sa langit: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang kanilang pagkuha ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging Diyos na totoo, at sa isa na iyong isinugo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Hindi ba isang makatuwirang kahilingan na tayo’y kumuha ng kaalaman hinggil kay Jehova, na nagpangyaring maging posible ang buhay na walang hanggan, at ng kaalaman sa isa na namatay para sa atin, si Jesu-Kristo? Gayunman, hindi lamang pagkuha ng gayong kaalaman ang kailangan.
21. Paano natin ipinakikita na naaabot natin ang kahilingan na pagsasagawa ng pananampalataya?
21 Sinasabi rin ng Bibliya: “Siya na nagsasagawa ng pananampalataya sa Anak ay may buhay na walang-hanggan.” Saka idinagdag pa niya: “Siya na sumusuway sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay mananatili sa kaniya.” (Juan 3:36) Maaari mong ipakita na ikaw ay nananampalataya sa Anak sa pamamagitan ng pagbabago sa iyong buhay at ginagawa itong kasuwato ng kalooban ng Diyos. Kailangan mong tanggihan ang anumang maling landasin na maaaring tinatahak mo at kumilos ka upang gawin ang nakalulugod sa Diyos. Kailangan mong gawin ang iniutos ni apostol Pedro: “Magsisi kayo, samakatuwid, at manumbalik upang mapawi ang inyong mga kasalanan, upang ang mga kapanahunan ng pagpapanariwa ay dumating mula sa persona ni Jehova.”—Gawa 3:19.
22. Anong mga pagkilos ang kasali sa pagsunod sa yapak ni Jesus?
22 Huwag nawa nating kalimutan kailanman na sa pamamagitan lamang ng pananampalataya kay Jesus matatamasa natin ang buhay na walang hanggan. (Juan 6:40; 14:6) Ipinakikita natin na sumasampalataya tayo kay Jesus sa pamamagitan ng ‘pagsunod nang maingat sa kaniyang mga yapak.’ (1 Pedro 2:21) Ano ang kalakip sa paggawa nito? Buweno, sa pananalangin sa Diyos ay ibinulalas ni Jesus: ‘Narito! Ako ay pumarito . . . upang gawin ang iyong kalooban, O Diyos.’ (Hebreo 10:7) Mahalaga na tularan si Jesus sa pagsang-ayon na gawin ang kalooban ng Diyos at ialay ang iyong buhay kay Jehova. Pagkatapos, kailangan mong sagisagan ang pag-aalay na iyon sa pamamagitan ng bautismo sa tubig; si Jesus ay nagharap din ng kaniyang sarili upang mabautismuhan. (Lucas 3:21, 22) Talagang makatuwiran ang paggawa ng gayong mga hakbang. Sinabi ni apostol Pablo na ‘ang pag-ibig na taglay ng Kristo ang nagtutulak sa atin.’ (2 Corinto 5:14, 15) Sa anong paraan? Buweno, pag-ibig ang nagpakilos kay Jesus upang ibigay ang kaniyang buhay alang-alang sa atin. Hindi ba ito ay dapat na mag-udyok sa atin na tumugon sa pamamagitan ng pananampalataya sa kaniya? Oo, ito ang dapat na magtulak sa atin na sundan ang kaniyang maibiging halimbawa sa pagbibigay ng kaniyang sarili upang tulungan ang iba. Nabuhay si Kristo para gawin ang kalooban ng Diyos; gayundin ang dapat nating gawin, anupat hindi na nabubuhay para sa ating sarili.
23. (a) Sa ano kailangang maparagdag yaong mga tumatanggap ng buhay? (b) Ano ang kahilingan sa mga kabilang sa kongregasyong Kristiyano?
23 Hindi ito ang katapusan. Sinasabi ng Bibliya na nang mabautismuhan ang 3,000 sa araw ng Pentecostes 33 C.E., sila’y “naparagdag.” Naparagdag saan? “Nagpatuloy sila sa pag-uukol ng kanilang sarili sa turo ng mga apostol at sa pagbabahagi sa isa’t isa,” ang paliwanag ni Lucas. (Gawa 2:41, 42) Oo, sila’y nagtipun-tipon para sa pag-aaral ng Bibliya at pagsasamahan at sa gayon sila’y naparagdag sa, o naging bahagi ng, kongregasyong Kristiyano. Ang mga unang Kristiyano ay regular na dumadalo sa mga pulong para sa espirituwal na pagtuturo. (Hebreo 10:25) Ganito rin ang ginagawa ng mga Saksi ni Jehova ngayon, at nais nilang pasiglahin ka na sumama sa kanila sa pagdalo sa mga pulong na ito.
24. Ano ang “tunay na buhay,” at paano at kailan ito matatamo?
24 Milyun-milyon sa ngayon ang sumusunod sa masikip na daan patungo sa buhay. Talagang kailangan ang pagsisikap upang mamalagi sa masikip na daang ito! (Mateo 7:13, 14) Ipinakita ito ni Pablo sa kaniyang nakapagpapatibay na panawagan: “Ipakipaglaban mo ang mainam na pakikipaglaban ng pananampalataya, manghawakan ka nang mahigpit sa buhay na walang-hanggan na ukol dito ay tinawag ka.” Kailangan ang pakikipagpunyaging ito ‘upang makapanghawakan nang mahigpit sa tunay na buhay.’ (1 Timoteo 6:12, 19) Ang buhay na iyan ay hindi ang buhay sa kasalukuyan na punô ng mga pasakit at kirot at pagdurusang dulot sa atin ng kasalanan ni Adan. Sa halip, ito ang buhay sa bagong sanlibutan ng Diyos, na malapit nang matupad kapag nagkabisa na ang haing pantubos ni Kristo sa kapakanan ng lahat ng mga umiibig sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak matapos alisin ang sistemang ito ng mga bagay. Harinawang piliin nating lahat ang buhay—ang “tunay na buhay”—ang walang-hanggang buhay sa maluwalhating bagong sanlibutan ng Diyos.
Paano Mo Sasagutin?
◻ Sinu-sino ang serpiyente, ang babae, at ang binhi sa Genesis 3:15?
◻ Paanong si Jesus ay katumbas ni Adan, at ano ang ginagawang posible ng pantubos?
◻ Ano ang maaari mong asam-asamin kung kaya magiging kasiya-siya para sa iyo ang bagong sanlibutan ng Diyos?
◻ Anong mga kahilingan ang kailangan nating maabot upang makapamuhay sa bagong sanlibutan ng Diyos?
[Larawan sa pahina 10]
Para sa mga bata at matatanda, si Jesus ang tanging daan tungo sa buhay na walang hanggan
[Larawan sa pahina 11]
Sa panahong itinakda ng Diyos, ang matatanda ay babalik sa kasiglahan ng kabataan