Kung Ano ang Kailangang Gawin Natin Upang Maligtas
BAKIT kailangang maligtas tayo? Dahil sa lahat tayo’y dumaranas ng pinsalang dulot ng kasalanan: di-kasakdalan, kirot, sakit, dalamhati, at sa katapus-tapusan ay kamatayan. Ipinaliwanag ni apostol Pablo na gayon nga dahilan sa ang ating ninunong si Adan ay naghimagsik laban sa kautusan ng Diyos. Si Pablo ay sumulat: “Kung papaanong sa pamamagitan ng isang tao [si Adan] ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa ganoon lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Bakit ang kasalanan ni Adan ang naging dahilan upang lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao? Ang totoo, ito’y dahilan sa likas na katuparan ng mga bagay-bagay.
Nang magkasala si Adan, siya’y hinatulan ng kamatayan kasuwato ng kautusan ng Diyos. Ito’y kapuwa makatarungan at kinakailangan. Makatarungan ito, sapagkat ang buhay ay hindi isang karapatan kundi isang kaloob na nagbubuhat sa Diyos. Sa kusang paggawa ng kasalanan, iniwala ni Adan ang lahat ng pribilehiyong makamit ang kaloob na iyon. (Roma 6:23) Ang pagkahatol kay Adan ng kamatayan ay kinakailangan sapagkat walang anumang di-sakdal ang maaaring pahintulutang manatiling umiiral at dumhan nang walang-hanggan ang sansinukob. Sa gayon, nang magkasala si Adan, siya’y nagsimulang mamatay at wala na ng sakdal, at walang-kasalanang buhay na maipamamana sa kaniyang mga anak. Wala siyang maibibigay sa kanila kundi buhay na di-sakdal at makasalanan.—Roma 8:18-21.
Gayunman, hindi dapat na kalimutang dahil lamang sa di-sana nararapat na awa ng Diyos kung kaya’t taglay natin ang maikling buhay ngayon. (Job 14:1) Hindi obligado ang Diyos na payagang si Adan at si Eva ay magkaroon ng mga anak bago sila namatay. Kaniyang pinayagan sila na magkaanak upang patunayan na ang ibang di-sakdal na mga tao ay susuporta rin sa soberanya ng Diyos sa pamamagitan ng pananatiling tapat sa kaniya. Ito ay pinahintulutan din naman ng Diyos sapagkat batid niya na sa bandang huli ay kaniyang tutubusin, o ililigtas, ang nagtapat na mga inapo ng unang-unang mga rebeldeng iyon, si Adan at si Eva. Sa papaano?
Paglalaan Para sa Kaligtasan
Talagang hindi maaaring isaisang-tabi na lamang ng Diyos na Jehova ang kaniyang matuwid na kahatulan. Hindi maaaring kusang limutin niya ang orihinal na kasalanan ni Adan at lahat ng naidagdag dito ng sangkatauhan mula noon. Kung ipagwawalang-bahala ng Diyos ang kaniyang matuwid na mga batas, ito’y sisira ng paggalang sa kaniyang buong sistema ng katarungan at pagtitiwala roon. Gunigunihin ang maririnig na panunumbat kung, dahil sa sariling kapritso lamang, ang isang taong hukom ay kusang pumayag na ang isang kriminal ay hindi maparusahan. Subalit, ang isang mahabaging hukom ay angkop naman na makapagsasaayos ng isang itinakdang multa na maaaring ibayad alang-alang sa isang taong nagkasala at ang magbabayad ay isang taong nagkukusang bayaran iyon. Ito, sa isang paraan, ang ginawa ng Diyos para sa atin.
Isinaayos ni Jehova na ang kaniyang sariling Anak, si Jesu-Kristo, ay maghandog ng kaniyang sakdal na buhay-tao kapalit ng sakdal na buhay na iniwala ni Adan. Kusang dinala ni Jesus ang parusa sa ating mga kasalanan—kamatayan. (Isaias 53:4, 5; Juan 10:17, 18) Ang Bibliya’y nagsasabi: “Ang Anak ng tao ay naparito . . . upang ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos kapalit ng marami.” (Mateo 20:28; 1 Timoteo 2:6) Walang iba na makagagawa nito. Si Jesus ay naiiba sa lahat dahil sa siya’y isinilang na walang kasalanan at nanatiling isang sakdal, walang kasalanang tao hanggang sa kaniyang kamatayan. (Hebreo 7:26; 1 Pedro 2:22) Ang kaniyang katapatan hanggang kamatayan ang nagpapangyari na kaniyang mabayaran ang itinakdang parusa para sa ating mga kasalanan.
Datapuwat, tandaan na ang Diyos, ang Kataas-taasang Hukom, ay walang obligasyon na palayain ang lahat. Kaniyang itinuturing na ang isinakripisyong sakdal na buhay-tao ni Jesus ang kabayaran sa utang natin dahil sa kasalanan. Subalit hindi ito gagamitin ng Diyos na Jehova sa mga walang pagsisisi, walang pagpapahalaga, na mga taong kusang nagkakasala. Sa halip na maghandog ng isang uri ng pangkalahatang amnestiya o pangkalahatang kaligtasan, ang Bibliya ay nagbibigay ng mga kondisyon na kailangang matugunan kung nais nating maligtas sa mga epekto ng minanang kasalanan.
Mga Kahilingan Para sa Kaligtasan
Kung gayon, ano ba ang hinihiling para sa kaligtasan? Ang pangunahing kahilingan ay yaong sinabi ni apostol Pablo sa bantay-preso sa Filipos: “Manampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka.” (Gawa 16:31) Ang taus-pusong pagtanggap sa itinigis na dugo ni Jesus ay kailangan kung nais natin na maligtas. At ano ba ang nagiging kabuluhan para sa atin ng kaligtasan? Ipinakita ni Jesus ang kasagutan nang kaniyang sabihin: “Sila’y binibigyan ko ng buhay na walang-hanggan, at kailanma’y hindi sila malilipol.” (Juan 10:28) Para sa karamihan, ang kaligtasan ay mangangahulugan ng buhay na walang-hanggan sa lupa na naisauli na sa kasakdalan ng pagka-paraiso. (Awit 37:10, 11; Apocalipsis 21:3, 4) Datapuwat, kung tungkol sa isang “munting kawan,” sila’y maghaharing kasama ni Jesus sa makalangit na Kaharian.—Lucas 12:32; Apocalipsis 5:9, 10; 20:4.
Ang iba’y nagsasabi na ang pananampalataya kay Jesus ay sapat na. “May iisang bagay lamang na kailangang gawin ng isang tao upang mapapunta sa langit,” ang sabi ng isang papelito ng isang relihiyon. “Ito ay ang tanggapin si Jesu-Kristo bilang kaniyang personal na Manunubos, sumuko sa Kaniya bilang Panginoon at Maestro, at hayagang ikumpisal Siya bilang gayon sa harap ng sanlibutan.” Sa gayon, marami ang naniniwala na ang isang biglaang emosyonal na pagkakumberte ng isa ang lahat ng kailangan natin upang makatiyak ng pagkakamit ng buhay na walang-hanggan. Subalit, ang pagbubuhos ng pansin sa isa lamang mahalagang kahilingan para sa kaligtasan at hindi pagbibigay-pansin sa mga iba pa ay mistulang pagbabasa ng isang mahalagang sugnay sa isang kontrata at pagwawalang-bahala sa natitirang bahagi.
Ito’y naging lalong nahahalata pagka pinakinggan natin ang mga sinasabi ng iba na dati’y nag-aakalang ang pananampalataya kay Jesus ang tanging kinakailangan upang maligtas. Ang sabi ni Bernice: “Ako’y lumaki sa Brethren Church, ngunit ang ipinagtataka ko ay, kung kay Jesus lamang depende ang pagtatamo ng buhay na walang-hanggan, bakit siya mismo ay nagsabi: ‘Ito’y nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang pagkuha nila ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos at tungkol sa isa na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.’”—Juan 17:3.
Sa loob ng siyam na taon may paniwala si Norman na siya’y ligtas na. Subalit nangyari na kaniyang nakita na higit pa ang kailangan kaysa isang emosyonal na pagpapahayag na si Jesu-Kristo ang kaniyang Tagapagligtas. “Nakita ko buhat sa Bibliya na hindi sapat ang aminin sa Diyos na tayo’y mga makasalanan at nangangailangan ng kaligtasan,” aniya. “Tayo’y kailangan ding gumawa ng mga gawang karapat-dapat sa pagsisisi.”—Mateo 3:8; Gawa 3:19.
Oo, ang paniniwala kay Jesus ay mahalaga sa ating kaligtasan, subalit higit pa riyan ang kinakailangan. Si Jesus ay may binanggit na mga ilan na nag-aangking may pananampalataya sa kaniya at gumagawa pa man din ng “makapangyarihang mga gawa” sa kaniyang pangalan. Subalit hindi niya sila kinilala. Bakit? Sapagkat sila’y “mga manggagawa ng katampalasanan” at hindi ang kalooban ng kaniyang Ama ang ginagawa nila. (Mateo 7:15-23) Ang alagad na si Santiago ay nagpapaalaala sa atin na tayo’y kailangang “maging tagatupad ng salita, at huwag tagapakinig lamang, na dinadaya ang inyong sarili ng maling pangangatuwiran.” Sinabi rin niya: “Ikaw ay naniniwala na may iisang Diyos, di ba? Mainam ang iyong ginagawa. At ang mga demonyo man ay naniniwala at nagsisipanginig pa. . . . Ang pananampalatayang walang mga gawa ay patay.”—Santiago 1:22; 2:19, 26.
Gayunman, ang iba ay nangangatuwiran na yaong mga talagang naliligtas ay gumagawa naman ng lahat ng mga bagay na ito. Subalit sa tunay na gawain ba ay talagang gayon? Si Denis, na ‘tumanggap kay Jesus’ nang siya’y isang batang paslit, ay nagsasabi: “Ang ‘ligtas’ na mga tao na nakilala ko ay hindi gaanong naniniwala na kailangang suriin ang Kasulatan sapagkat inaakala nilang mayroon na sila ng lahat ng kinakailangan para maligtas.” Oo, ang pagpapaimbabaw at di-maka-Kristiyanong gawa ng maraming taong nag-aangking ligtas na ang nakasira sa buong paksa ng kaligtasan.
Gayunman, iginigiit ng marami ang sinasabi ng Kasulatan: “Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:36, King James Version) Samakatuwid, sila’y nagsasabi na minsang tinanggap mo ang Panginoong Jesu-Kristo bilang iyong personal na Tagapagligtas, kailanman ay hindi ka na mapapahamak. “Minsang naligtas, laging ligtas” ang kanilang kasabihan. Ngunit iyan nga ba ang talagang sinasabi ng Kasulatan? Upang masagot ito, kailangang isaalang-alang natin ang lahat ng sinasabi ng Bibliya sa paksang iyan. Hindi natin ibig na ‘dayain ang ating sarili ng maling pangangatuwiran’ sa pamamagitan ng pagbabasa ng kung ano lamang ang pinili nating mga bahagi ng Salita ng Diyos.
“Minsang Naligtas, Laging Ligtas” Ba?
Pansinin ang kinasihang babala ng alagad na si Judas. Siya’y sumulat: “Mga minamahal, bagaman buong pagsisikap akong sumulat sa inyo tungkol sa kaligtasang para sa ating lahat, nakita kong kailangang sumulat sa inyo upang pagpayuhan kayo na ipaglabang mabuti ang pananampalataya na minsan at magpakailanman ibinigay sa mga banal.” (Judas 3) Bakit nga ba isinulat ito ni Judas? Sapagkat batid niya na para sa isahang mga Kristiyano ay maaari pa rin nilang maiwala ang ‘kaligtasan para sa ating lahat.’ Siya’y nagpatuloy ng pagsasabi: “Nais kong ipaalaala sa inyo . . . na ang isang bayan [ang mga Israelita] ay nailigtas ni Jehova buhat sa lupain ng Ehipto, pagkatapos ay nilipol niya yaong mga hindi nagsisisampalataya.”—Judas 5.
Ang babala ni Judas ay magiging walang kabuluhan kung ang mga Kristiyano’y hindi nakaharap sa isang panganib na katulad niyaong sa mga Israelita. Hindi pinag-aalinlanganan ni Judas ang bisa ng hain ni Jesus. Ang haing iyon ang nagligtas sa atin sa kasalanan ni Adan, at iingatan ni Jesus yaong mga sumasampalataya sa kaniya. Walang makaaagaw sa kanila sa kaniyang kamay. Subalit maaari nating maiwala ang proteksiyong iyon. Papaano? Kung gagawin natin ang ginawa ng maraming Israelita na iniligtas sa Ehipto. Sadyang magagawa natin ang sumuway sa Diyos.—Deuteronomio 30:19, 20.
Gunigunihin na ikaw ay sinagip sa isang nasusunog na tore. Isip-isipin ang mararamdaman mong kaginhawahan samantalang ikaw ay ligtas na inilalabas sa gusaling nasusunog at sinabi sa iyo ng tagapagligtas: “Ligtas ka na ngayon.” Oo, nailigtas ka na nga ngayon sa tiyak na kamatayan. Ngunit ano ang mangyayari kung ikaw ay nagpasiya na bumalik sa gusaling iyon udyok ng isang dahilang wala namang kabuluhan? Ang iyong buhay ay mapapasa-panganib na naman.
Ang mga Kristiyano’y nasa isang ligtas na kalagayan. Sila’y may pag-asang magtamo ng buhay na walang-hanggan sapagkat sila’y nasa sinang-ayunang kalagayan sa harap ng Diyos. Bilang isang grupo, ang kanilang kaligtasan buhat sa kasalanan ni Adan at sa lahat ng ibinunga niyaon ay tiyak. Subalit bilang mga indibiduwal sila’y isahang ililigtas tungo sa buhay na walang-hanggan tanging kung sila’y magpapatuloy ng pagsunod sa lahat ng kahilingan ng Diyos. Ito’y idiniin ni Jesus nang ang kaniyang sarili ay ihambing niya sa isang baging at ang kaniyang mga alagad ay sa mga sanga ng baging na iyon. Kaniyang sinabi: “Ang bawat sanga sa akin na hindi nagbubunga ay inaalis [ng Diyos] . . . Ang hindi mananatili sa akin ay itatapon sa labas at matutuyo, gaya ng sanga; at ang gayong mga sanga ay tinitipon ng mga tao at inihahagis sa apoy at nasusunog.” (Juan 15:2, 6; Hebreo 6:4-6) Yaong nawawalan ng pananampalataya kay Jesus ay nawawalan din ng buhay na walang-hanggan.
“Ang Magtiis . . . ay Siyang Maliligtas”
Oo, sarisaring mga bagay ang kasangkot sa pagkaligtas. Tayo’y kailangang kumuha ng wastong kaalaman sa mga layunin ng Diyos at sa kaniyang paraan ng kaligtasan. Pagkatapos ay kailangang tayo’y manampalataya sa Punong Ahente ng kaligtasan, si Jesu-Kristo, at gawin ang kalooban ng Diyos sa natitira pang bahagi ng ating buhay. (Juan 3:16; Tito 2:14) Ang kaligtasan ay tiyak para sa mga sumusunod sa ganitong hakbangin. Subalit kailangan ang pagtitiyaga hanggang sa katapusan ng ating kasalukuyang buhay o ng sistemang ito ng mga bagay. Tanging ‘ang magtiis hanggang sa wakas ang maliligtas.’—Mateo 24:13.
Kasama ng mga iba pa sa kaniyang sambahayan, ang bantay-preso sa Filipos ay positibong tumugon sa mensahe ng kaligtasan na ipinangaral ni Pablo at ni Silas. “Pagdaka’y binautismuhan siya at ang buong sambahayan niya.” (Gawa 16:33) Tayo’y makagagawa rin ng ganiyang positibong pagkilos. Sa gayon, tayo’y makapapasok sa isang matalik at pinagpalang kaugnayan sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, at matatamo natin ang hustong pagtitiwala sa paglalaan ng Diyos ukol sa kaligtasan. Ang bantay-presong taga-Filipos ay “nagalak na totoo, pati ng buong sambahayan niya, ngayon na siya’y nananampalataya na sa Diyos.” (Gawa 16:34) Ang ganiyang hakbangin ay hihila rin sa atin na ‘magalak na totoo.’
[Larawan sa pahina 7]
Ano ang mangyayari kung ikaw ay babalik sa isang nasusunog na gusali pagkatapos na ikaw ay iligtas?