-
BukalKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
Karaniwan na, isang likas na pinagmumulan ng tubig (Exo 15:27), naiiba sa mga balon at mga imbakang-tubig na kadalasan ay hinuhukay (Gen 26:15); ginamit din bilang pantukoy sa pinagmumulan ng iba pang bagay maliban sa tubig. Ang dalawang terminong Hebreo para sa “bukal” ay ʽaʹyin (sa literal, mata) at ang kaugnay na maʽ·yanʹ. Ang katumbas na terminong Griego ay pe·geʹ. Yamang kung minsan ang mga bukal (spring) ay hinahawan at pinalalalim, maaaring ito ang dahilan kung bakit may mga pagkakataon na ang “bukal” (fountain) at “balon” ay halinhinang ginagamit para sa iisang pinagmumulan ng tubig.—Gen 16:7, 14; 24:11, 13; Ju 4:6, 12; tingnan ang BALON; IMBAKANG-TUBIG.
-
-
Bukal ni JacobKaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
-
-
BUKAL NI JACOB
Ang “balon” o “bukal” kung saan si Jesu-Kristo, habang namamahinga, ay nakipag-usap sa isang babaing Samaritana. (Ju 4:5-30) Itinuturing na ito ang Bir Yaʽqub (Beʼer Yaʽaqov), mga 2.5 km (1.5 mi) sa TS ng makabagong-panahong Nablus, di-kalayuan sa Tell Balata, ang lugar ng Sikem. Ang bukal ni Jacob ay isang malalim na balon anupat ang tubig ay hindi umaabot sa pinakabunganga nito. Ipinahihiwatig ng mga pagsusukat na ginawa noong ika-19 na siglo na ang lalim ng balon ay mga 23 m (75 piye). Mga 2.5 m (8 piye) ang lapad nito, bagaman papakipot ito sa bandang itaas. Dahil kadalasang tuyo ang balon mula sa pagtatapos ng Mayo hanggang sa pag-ulan sa panahon ng taglagas, ipinapalagay ng ilan na ang tubig nito ay nanggagaling sa ulan at sa tubig na tumatagos sa ilalim ng lupa. Ngunit naniniwala naman ang iba na ang balon ay binubukalan din ng tubig at sa gayon ay matatawag na isang bukal.
Hindi tuwirang sinasabi ng Bibliya na si Jacob ang humukay ng balong ito. Gayunman, binabanggit nito na nagkaroon si Jacob ng ari-arian sa kapaligirang ito. (Gen 33:18-20; Jos 24:32; Ju 4:5) At sinabi ng babaing Samaritana kay Jesus na “si Jacob . . . [ang] nagbigay sa amin ng balon at uminom [siya] . . . mula rito kasama ng kaniyang mga anak at ng kaniyang mga baka.” (Ju 4:12) Kaya malamang na ito ay hinukay, o ipinahukay, ni Jacob, marahil upang paglaanan ng tubig ang kaniyang malaking sambahayan at mga kawan, sa gayon ay maiwasan niya ang pakikipag-alit sa kaniyang mga kapitbahay, na walang alinlangang nagmamay-ari na ng ibang mga mapagkukunan ng tubig sa pook na iyon. O, maaaring nangailangan siya ng isang mas mainam at mas permanenteng suplay ng tubig kapag natuyo ang ibang mga balon sa lugar na iyon.
-