Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Ang mga taong maysakit at lumpo ay aktuwal na nagsigaling ba sa kinalawkaw na tubig ng Betesda, gaya ng iminumungkahi sa Juan 5:2-7? At kung gayon nga, sa pamamagitan ng anong kapangyarihan nangyari ang mga himalang iyon?
Sa aktuwal, ang ulat sa Juan 5:2-9 ay hindi tumitiyak na nangyari ang ilang mga makahimalang pagpapagaling sa isang tangke sa sinaunang Jerusalem. Ang tanging himala na masisiguro nating naganap doon ay yaong ginawa ni Jesu-Kristo nang siya’y magpagaling ng isang taong may 38 taon nang maysakit. Mapaniniwalaan natin ang himalang ito, sapagkat ang ulat tungkol dito ay nasa kinasihang Kasulatan. (2 Timoteo 3:16) Subalit marami sa Jerusalem noong sinaunang panahong iyon ang naniwala na may mga ibang himalang naganap sa lugar na iyon, tulad ngayon na marami ang naniniwala na may makahimalang pagpapagaling na nagaganap sa mga dakong-sambahan.
Pansinin ang sinasabi ng Bibliya, at ang talagang hindi naman sinasabi nito: “Sa Jerusalem ngayo’y may isang tangke sa tabi ng pintuan ng mga tupa, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Betesda, at may limang portiko. Sa mga ito ay naghandusay ang maraming maysakit, bulag, pilay at yaong mga may natutuyong bahagi ng katawan.——At naroon ang isang lalaki na may tatlumpu’t walong taon nang maysakit. Nang makita ni Jesus na siya’y nakahandusay, at mapagkilalang siya’y malaon nang panahong maysakit, sinabi sa kaniya ni Jesus: ‘Ibig mo bang gumaling?’ Sumagot sa kaniya ang lalaking maysakit: ‘Ginoo, wala pong taong maglusong sa akin sa tangke pagka maunos ang tubig; anupa’t pagka ako’y paroroon ay nauunahan ako ng iba.’ Sinabi sa kaniya ni Jesus: ‘Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.’ At pagdaka’y gumaling ang lalaki, at binuhat ang kaniyang higaan at lumakad.”—Juan 5:2-9.
Ang tangkeng tinutukoy ay malapit sa “pintuan ng mga tupa,” na malamang ay nasa gawing hilagang-silangan ng Jerusalem malapit sa paakyat sa templo. (Nehemias 3:1; 12:39) Sa paghuhukay kamakailan ay nakahukay ng katibayan na mayroon doong dalawang sinaunang mga tangke, anupa’t ang mga labi ng mga malalaking haligi at pundasyon na nagpapakitang isang gusaling may mga portiko ang nakatayo roon noong panahon ni Herodes, gaya ng sinasabi ng Juan 5:2. Subalit ano ang palagay ng mga tao noon na maaaring nangyari doon?
Pansinin ang gatlang sa sinipi sa itaas na Juan 5:2-9. Sa mga ilang Bibliya ay makikita ang isang ekstrang talata na may bilang na Juan 5:4. Ang karagdagang iyan ay ganito ang sinasabi: “Sapagkat isang anghel ng Panginoon ang bumababa sa tangke pana-panahon at kinakalawkaw ang tubig; at ang mauuna roon na lumusong pagkatapos na kalawkawin ang tubig ay gumagaling buhat sa anumang sakit na mayroon siya.”
Gayunman, ang ilang modernong mga Bibliya, kasali na ang New World Translation of the Holy Scriptures, ay wala ng talatang ito. Bakit? Sapagkat malamang na wala ito sa Ebanghelyo ni Juan. Isang talababa sa The Jerusalem Bible ang bumabanggit na hindi isinasali ng “pinakamagagaling na saksi” ang talatang ito. Ang “pinakamagagaling na saksi” na tinutukoy ay ang sinaunang mga manuskritong Griego, tulad baga ng Codex Sinaiticus at ang Vatican 1209 (kapuwa noong ika-4 na siglo C.E.), at mga sinaunang bersiyon sa Syriac at Latin. Pagkatapos banggitin na ‘wala ang talatang 4 sa pinakamaiinam na mga teksto sa manuskrito,’ isinusog ng The Expositor’s Bible Commentary: “Karaniwan nang itinuturing ito na isang pagtatakip na ipinasok upang ipaliwanag ang paulit-ulit na pagkalawkaw ng tubig, na itinuturing ng mga tao roon na isang potensiyal na pinagmumulan ng paggaling.”
Samakatuwid ay hindi talagang sinasabi ng Bibliya na isang anghel na galing sa Diyos ang gumawa ng mga himala sa tangke ng Betesda. Bueno, nagkaroon ba ng kahima-himalang paggaling nang kalawkawin ang tubig? Walang sinumang tiyak na makapagsasabi nito. Marahil isang tradisyon ang nabuo tungkol sa mga taong maysakit o pilay na gumaling doon. Minsang lumaganap ang mga kuwento ng ipinagpapalagay na mga paggaling, ang mga taong desperado na umaasang sila’y gagaling ay baka nagsimulang nagtipun-tipon doon. Batid natin na ganito ang nangyari sa iba’t ibang lugar sa panahon natin, kahit na walang dokumentadong patotoo tungkol sa banal na pagpapagaling.
Subalit, hindi tayo dapat mag-alinlangan tungkol sa pagpapagaling na ginawa ng Anak ng Diyos sa tangke ng Betesda. Oo, hindi man lamang siya lumusong sa tubig, ngunit ang tao ay napagaling sa isang kisap-mata ng Dakilang Manggagamot. Ang kaniyang dokumentadong abilidad na gawin ito ay dapat magbigay sa atin ng dahilan na asam-asamin ang pagpapagaling na kaniyang isasagawa sa panahon ng napipintong Milenyo. Siya’y magpapagaling at tutulong sa tapat na mga tao upang mapabalik sa kasakdalan.—Apocalipsis 21:4, 5; 22:1, 2.
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.