Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w96 2/1 p. 9-14
  • Edukasyon—Gamitin Ito sa Pagpuri kay Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Edukasyon—Gamitin Ito sa Pagpuri kay Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Matutong Bumasa Nang Mahusay
  • Matutong Sumulat Nang Malinaw
  • Mahutok sa Mental, Moral, at Espirituwal na Paraan
  • Praktikal na Pagsasanay Para sa Pamumuhay sa Araw-Araw
  • Ano ang Pananaw ng mga Saksi ni Jehova sa Edukasyon?
    Karaniwang mga Tanong Tungkol sa mga Saksi ni Jehova
  • Hindi ba Inirerekomenda ng Bibliya ang Edukasyon?
    Gumising!—1998
  • Kung Papaano Minamalas ng mga Saksi ni Jehova ang Edukasyon
    Ang mga Saksi ni Jehova at ang Edukasyon
  • Ang Edukasyon Noong mga Panahon ng Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1996
w96 2/1 p. 9-14

Edukasyon​—Gamitin Ito sa Pagpuri kay Jehova

“Siya na nagsasalita nang mula sa kaniyang sarili ay nagnanasa ng kaniyang sariling kaluwalhatian; subalit siya na nagnanasa ng kaluwalhatian niya na nagsugo sa kaniya, ang isang ito ay totoo.”​—JUAN 7:18.

1. Kailan at papaano nagsimula ang sistema ng edukasyon?

NAPAKALAON nang panahon nang magsimula ang edukasyon. Iyon ay noong matapos lalangin ng Diyos na Jehova, ang Dakilang Edukador at Instruktor, ang kaniyang panganay na Anak nang magsimula ang sistema ng edukasyon. (Isaias 30:20; Colosas 1:15) Narito ang Isa na maaaring matuto buhat sa Dakilang Edukador mismo! Sa loob ng di-mabilang na mga milenyo ng matalik na pakikisama sa Ama, ang Anak na iyan​—na nakilala bilang si Jesu-Kristo​—​ay tumanggap ng walang-katumbas na edukasyon hinggil sa mga katangian, gawa, at mga layunin ng Diyos na Jehova. Nang maglaon, bilang isang tao sa lupa, masasabi nga ni Jesus: “Wala akong ginagawang anuman sa aking sariling pagkukusa; kundi kung paanong itinuro sa akin ng Ama aking sinasalita ang mga bagay na ito.”​—Juan 8:28.

2-4. (a) Ayon sa Juan kabanata 7, anu-ano ang mga kalagayan may kaugnayan sa pagdalo ni Jesus sa Kapistahan ng mga Tabernakulo noong 32 C.E.? (b) Bakit nagtaka ang mga Judio hinggil sa kakayahang magturo ni Jesus?

2 Papaano ginamit ni Jesus ang edukasyon na natamo niya? Sa loob ng tatlo at kalahating taon ng ministeryo niya sa lupa, walang-sawang ibinahagi niya sa iba ang kaniyang natutuhan. Gayunman, nasa isip niya ang isang pangunahing layunin. At ano iyon? Suriin natin ang mga salita ni Jesus sa Juan kabanata 7, kung saan ipinaliwanag niya kapuwa ang pinagmulan at layunin ng kaniyang pagtuturo.

3 Isaalang-alang ang tagpo. Noon ay taglagas ng 32 C.E., halos tatlong taon pagkatapos ng bautismo ni Jesus. Nagkakatipon ang mga Judio sa Jerusalem para sa Kapistahan ng mga Tabernakulo. Sa loob ng unang ilang araw ng kapistahan, maraming usap-usapan tungkol kay Jesus. Sa kalagitnaan ng kapistahan, si Jesus ay naparoon sa templo at nagsimulang magturo. (Juan 7:2, 10-14) Gaya ng dati, pinatunayan niya ang kaniyang sarili bilang isang dakilang Guro.​—Mateo 13:54; Lucas 4:22.

4 Ganito ang sabi ng talata 15 ng Juan kabanata 7: “Sa gayon ang mga Judio ay nagtaka, na sinasabi: ‘Paanong ang taong ito ay may kaalaman sa mga titik, samantalang hindi siya nakapag-aral sa mga paaralan?’ ” Nauunawaan mo ba kung bakit sila nagtataka? Si Jesus ay hindi nag-aral sa alinmang rabinikong mga paaralan, kaya siya ay isang walang pinag-aralan​—ayon sa kanilang akala! Gayunman, napakadaling masumpungan at mabasa ni Jesus ang mga bahagi ng Sagradong Kasulatan. (Lucas 4:16-21) Aba, tinuruan pa man din sila ng karpinterong ito na taga-Galilea tungkol sa Batas ni Moises! (Juan 7:19-23) Papaano nangyari ito?

5, 6. (a) Papaano ipinaliwanag ni Jesus ang pinagmulan ng kaniyang turo? (b) Papaano ginamit ni Jesus ang kaniyang edukasyon?

5 Ipinaliwanag ni Jesus, gaya ng mababasa natin sa Ju 7 talata 16 at 17: “Ang aking itinuturo ay hindi sa akin, kundi sa kaniya na nagsugo sa akin. Kung ang sinuman ay nagnanasang gawin ang Kaniyang kalooban, malalaman niya may kinalaman sa turo kung ito ay mula sa Diyos o ako ay nagsasalita nang mula sa aking sarili.” Ibig nilang malaman kung kanino natuto si Jesus, at malinaw na sinabi niya sa kanila na ang kaniyang edukasyon ay galing sa Diyos!​—Juan 12:49; 14:10.

6 Papaano ginamit ni Jesus ang kaniyang edukasyon? Gaya ng nakaulat sa Juan 7:18, sinabi ni Jesus: “Siya na nagsasalita nang mula sa kaniyang sarili ay nagnanasa ng kaniyang sariling kaluwalhatian; subalit siya na nagnanasa ng kaluwalhatian niya na nagsugo sa kaniya, ang isang ito ay totoo, at walang kalikuan sa kaniya.” Pagkaangkop-angkop nga na ginamit ni Jesus ang kaniyang edukasyon upang luwalhatiin si Jehova, “ang Isa na sakdal sa kaalaman”!​—Job 37:16.

7, 8. (a) Papaano dapat gamitin ang edukasyon? (b) Ano ang apat na pangunahing layunin ng isang timbang na edukasyon?

7 Sa gayo’y natututuhan natin ang isang mahalagang aral mula kay Jesus​—ang edukasyon ay dapat gamitin, hindi upang luwalhatiin ang ating sarili, kundi upang magdulot ng kapurihan kay Jehova. Wala nang hihigit pa sa ganitong paggamit ng edukasyon. Kung gayon, papaano ninyo magagamit ang edukasyon upang magdulot ng kapurihan kay Jehova?

8 Ang edukasyon ay nangangahulugang “pagsasanay sa pamamagitan ng pormal na pagtuturo at ng pinangasiwaang pagsasagawa lalo na sa isang kakayahan, trabaho, o propesyon.” Ngayon ay isaalang-alang natin ang apat na pangunahing layunin ng isang timbang na edukasyon at kung papaano magagamit ang bawat isa sa mga ito sa pagpuri kay Jehova. Ang timbang na edukasyon ay dapat na tumulong sa atin na (1) bumasa nang mahusay, (2) sumulat nang malinaw, (3) mahutok sa mental at moral na paraan, at (4) matamo ang praktikal na pagsasanay na kailangan para sa pamumuhay sa araw-araw.

Matutong Bumasa Nang Mahusay

9. Bakit mahalaga na maging isang mahusay na tagabasa?

9 Una sa talaan ang matutong bumasa nang mahusay. Bakit napakahalaga na maging isang mahusay na tagabasa? Ganito ang paliwanag ng The World Book Encyclopedia: “Ang pagbabasa . . . ay kailangang-kailangan sa pagkatuto at isa sa pinakamahahalagang kasanayan sa pang-araw-araw na buhay. . . . Ang mga bihasang tagabasa ay tumutulong sa pagkakaroon ng maunlad at mabungang lipunan. Kasabay nito, sila mismo ay nagtatamasa ng lubos at higit na kasiya-siyang buhay.”

10. Papaanong ang pagbabasa ng Salita ng Diyos ay makatutulong sa atin na magtamasa ng lubos at higit na kasiya-siyang buhay?

10 Kung ang pagbabasa sa pangkalahatan ay nakatutulong sa atin na magtamasa ng “lubos at higit na kasiya-siyang buhay,” gaano pa ngang higit na totoo ito sa pagbabasa ng Salita ng Diyos! Ang pagbabasa nito ay nagbubukas ng ating isip at puso sa mga kaisipan at layunin ni Jehova, at ang maliwanag na pagkaunawa sa mga ito ay nagbibigay ng kahulugan sa ating buhay. Bukod dito, “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas,” sabi ng Hebreo 4:12. Habang binabasa natin ang Salita ng Diyos at binubulay-bulay ito, napapalapit tayo sa May-akda nito, at napakikilos tayong gumawa ng mga pagbabago sa ating buhay upang maging lalong kalugud-lugod sa kaniya. (Galacia 5:22, 23; Efeso 4:22-24) Nauudyukan din tayo na ibahagi sa iba ang napakahalagang katotohanan na nababasa natin. Lahat ng ito ay nagdudulot ng kapurihan sa Dakilang Edukador, ang Diyos na Jehova. Tunay na wala nang hihigit pa sa ganitong paggamit ng ating kakayahang bumasa!

11. Ano ang dapat na kalakip sa isang timbang na programa ng personal na pag-aaral?

11 Maging bata man o matanda, pinasisigla tayong matutong bumasa nang mahusay, sapagkat ang pagbabasa ay gumaganap ng mahalagang papel sa ating Kristiyanong pamumuhay. Bukod sa regular na pagbabasa ng Salita ng Diyos, kasali sa isang timbang na programa ng personal na pag-aaral ang pagsasaalang-alang ng teksto sa Bibliya buhat sa Pagsusuri ng Kasulatan sa Araw-Araw, pagbabasa ng Ang Bantayan at Gumising!, at paghahanda para sa mga pulong Kristiyano. At kumusta naman ang Kristiyanong ministeryo? Maliwanag, ang pangmadlang pangangaral, pagdalaw-muli sa mga interesadong tao, at pagdaraos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya ay pawang humihiling ng kakayahang bumasa nang mahusay.

Matutong Sumulat Nang Malinaw

12. (a) Bakit mahalaga na matutong sumulat nang malinaw? (b) Ano ang pinakadakilang sulat na nagawa kailanman?

12 Ang ikalawang layunin ng timbang na edukasyon ay na dapat na tulungan tayo na matutong sumulat nang malinaw. Ang pagsulat ay hindi lamang nagpapahayag sa iba ng ating mga salita at idea kundi iniingatan din ang mga ito. Marami-raming siglo na ang nakaraan, mga 40 lalaking Judio ang sumulat sa mga papiro o pergamino ng mga salitang bumuo ng kinasihang Kasulatan. (2 Timoteo 3:16) Tiyak na ito ang pinakadakilang sulat na nagawa kailanman! Walang-pagsalang pinatnubayan ni Jehova ang pagkopya at muling pagkopya ng mga sagradong salitang iyon sa loob ng daan-daang taon, kung kaya nakarating sa atin ang mga ito na mapanghahawakan pa rin. Hindi ba tayo nagpapasalamat na ipinasulat ni Jehova ang kaniyang mga salita, sa halip na umasa na lamang sa pagpapahatid sa pamamagitan ng bibig?​—Ihambing ang Exodo 34:27, 28.

13. Ano ang nagpapakita na ang mga Israelita ay marunong sumulat?

13 Noong sinaunang panahon, tanging ang mga pilíng tao, tulad ng mga eskriba sa Mesopotamia at Ehipto, ang marunong bumasa at sumulat. Ibang-iba naman sa mga bansa, ang lahat sa Israel ay pinasigla na bumasa at sumulat. Ang utos sa Deuteronomio 6:8, 9 na susulat ang mga Israelita sa mga haligi ng pintuan ng kanilang bahay, bagaman waring makasagisag, ay nagpapakita na marunong silang sumulat. Sa murang edad, ang mga anak ay tinuturuang sumulat. Ang Kalendaryong Gezer, isa sa pinakalumang halimbawa ng sinaunang kasulatang Hebreo, ay inaakala ng mga iskolar na isang pagsasanay sa pagsasaulo ng isang batang nag-aaral.

14, 15. Ano ang ilang positibo at kapaki-pakinabang na paraan upang gamitin ang kakayahang sumulat?

14 Subalit papaano natin magagamit ang kakayahang sumulat sa isang positibo at kapaki-pakinabang na paraan? Tiyak na sa pamamagitan ng pagkuha ng mga nota sa mga pulong Kristiyano, asamblea, at mga kombensiyon. Ang isang liham, bagaman isinulat sa “kaunting salita,” ay makapagpapatibay-loob sa isa na may karamdaman o makapagpapasalamat sa isang espirituwal na kapatid na naging mabait o mapagpatuloy sa atin. (1 Pedro 5:12) Kung may isa sa kongregasyon na namatayan ng minamahal, ang isang maikling liham o kard sa taong iyon ay ‘makapagsasalita nang may pang-aliw’ para sa atin. (1 Tesalonica 5:14) Ganito ang paliwanag ng isang sister na namatayan ng ina dahil sa kanser: “Isang kaibigan ang sumulat sa akin ng isang magandang liham. Talagang nakatulong iyon dahil paulit-ulit kong mababasa iyon.”

15 Ang isang mahusay na paraan sa paggamit ng kakayahang sumulat ay ang pagdudulot ng kapurihan kay Jehova sa pamamagitan ng pagliham upang magpatotoo sa Kaharian. Kung minsan ay kailangang makipag-ugnayan sa mga bagong interesado na naninirahan sa liblib na lugar. Dahil sa karamdaman ay maaaring pansamantalang hindi kayo makapagbahay-bahay. Marahil ay masasabi ng isang liham ang ibig mo sanang sabihin nang personal.

16, 17. (a) Anong karanasan ang naglalarawan sa kahalagahan ng pagliham upang makapagpatotoo tungkol sa Kaharian? (b) Makapagsasalaysay ba kayo ng nakakatulad na karanasan?

16 Tingnan natin ang isang karanasan. Maraming taon na ang nakararaan isang Saksi ang lumiham upang magbigay-patotoo sa Kaharian sa isang biyuda ng lalaki na ang pagkamatay ay ipinatalastas sa lokal na pahayagan. Walang naging tugon. Pagkatapos, noong Nobyembre 1994, pagkalipas ng 21 taon, ang Saksi ay tumanggap ng liham buhat sa anak na babae ng biyuda. Ganito ang isinulat ng anak:

17 “Noong Abril 1973, sumulat po kayo sa aking ina upang aliwin siya sa pagkamatay ng aking ama. Siyam na taóng gulang ako noon. Nag-aral ng Bibliya ang aking ina, pero hanggang ngayon ay hindi pa siya nagiging isang lingkod ni Jehova. Gayunman, ang kaniyang pag-aaral ang umakay sa akin nang dakong huli sa katotohanan. Noong 1988, nagsimula akong mag-aral ng Bibliya​—15 taon pagkatanggap ng inyong liham. Noong Marso 9, 1990, ako po ay nabautismuhan. Ako’y nagpapasalamat nang lubusan sa inyong liham maraming taon na ang nakararaan at ako’y galak na galak na ibalita sa inyo na ang mga binhing iyon na itinanim ninyo ay lumago, sa tulong ni Jehova. Ibinigay ni Inay sa akin ang inyong liham upang ingatan, at ibig kong makilala kayo. Umaasa ako na makararating sa inyo ang liham na ito.” Ang liham ng anak na babae, na may direksiyon at numero ng kaniyang telepono, ay nakarating nga sa Saksi na lumiham maraming taon na ang nakalipas. Gunigunihin ang pagkagulat ng dalaga nang makatanggap siya ng tawag sa telepono buhat sa Saksi​—na patuloy pa ring sumusulat upang ibahagi sa iba ang pag-asa ng Kaharian!

Mahutok sa Mental, Moral, at Espirituwal na Paraan

18. Noong panahon ng Bibliya, papaano inasikaso ng mga magulang ang mental at moral na edukasyon ng kanilang mga anak?

18 Ang ikatlong layunin ng timbang na edukasyon ay na dapat tayong matulungan na mahutok sa mental at moral na paraan. Noong panahon ng Bibliya ang mental at moral na pagtuturo sa mga anak ay itinuturing na isa sa mga pangunahing tungkulin ng mga magulang. Tinuruan ang mga anak hindi lamang ng pagbasa at pagsulat kundi, higit sa lahat, sila’y tinuruan sa Batas ng Diyos, na nagsasangkot sa lahat ng kanilang gawain sa buhay. Sa gayon, kasali sa edukasyon ang pagtuturo tungkol sa kanilang mga obligasyong panrelihiyon at ang mga simulain na umuugit sa pag-aasawa, ugnayan ng pamilya, at kalinisang-asal sa sekso, gayundin ang kanilang mga obligasyon sa kanilang kapuwa. Ang gayong edukasyon ay tumulong sa kanila na mahutok hindi lamang sa mental at moral na paraan kundi gayundin sa espirituwal.​—Deuteronomio 6:4-9, 20, 21; 11:18-21.

19. Saan natin masusumpungan ang edukasyon na nagpapakita sa atin ng pinakamatataas na pamantayang moral na dapat sundin at na tumutulong sa atin na mahutok sa espirituwal?

19 Kumusta naman sa ngayon? Mahalaga ang isang mabuting sekular na edukasyon. Ito’y tumutulong sa atin na mahutok sa mental na paraan. Subalit saan tayo babaling para sa edukasyong magpapakita sa atin ng pinakamatataas na pamantayang moral na dapat sundin at na tutulong sa atin na mahutok sa espirituwal? Sa loob ng Kristiyanong kongregasyon, mayroon tayong isang programa ng teokratikong edukasyon na hindi masusumpungan saanmang dako sa lupa. Sa pamamagitan ng ating personal na pag-aaral ng Bibliya at ng salig-sa-Bibliyang mga publikasyon gayundin ang pagtuturo na inilalaan sa mga pulong ng kongregasyon, asamblea, at mga kombensiyon, matatanggap natin ang walang-katumbas at nagpapatuloy na edukasyong ito​—ang banal na edukasyon​—na walang bayad! Ano ang itinuturo nito sa atin?

20. Ano ang itinuturo sa atin ng banal na edukasyon, at ano ang ibinubunga niyaon?

20 Nang magsimula tayong mag-aral ng Bibliya, natutuhan natin ang mga panimulang turo ng Kasulatan, ‘mga pang-unang doktrina.’ (Hebreo 6:1) Habang tayo’y nagpapatuloy, tumatanggap tayo ng “matigas na pagkain”​—alalaong baga, mas malalalim na katotohanan. (Hebreo 5:14) Subalit higit pa rito, natututuhan natin ang maka-Diyos na mga simulain na nagtuturo sa atin kung papaano mamumuhay sa paraang nais ng Diyos. Halimbawa, natutuhan nating iwasan ang mga ugali at gawain na ‘nagpaparungis sa laman’ at magkaroon ng paggalang sa awtoridad at sa pagkatao at pag-aari ng iba. (2 Corinto 7:1; Tito 3:1, 2; Hebreo 13:4) Bukod dito, naunawaan natin ang kahalagahan ng pagiging matapat at masipag sa ating gawain at ang kahalagahan ng pamumuhay ayon sa mga kautusan ng Bibliya hinggil sa kalinisang-asal sa sekso. (1 Corinto 6:9, 10; Efeso 4:28) Habang sumusulong tayo sa pagkakapit ng mga simulaing ito sa ating buhay, tayo’y lumalaki sa espirituwal, at lumalalim ang ating kaugnayan sa Diyos. Isa pa, ginagawa tayong mabubuting mamamayan ng ating maka-Diyos na paggawi, saanman tayo naninirahan. At ito ay maaaring magpakilos sa iba na luwalhatiin ang Pinagmumulan ng banal na edukasyon​—ang Diyos na Jehova.​—1 Pedro 2:12.

Praktikal na Pagsasanay Para sa Pamumuhay sa Araw-Araw

21. Anong praktikal na pagsasanay ang natamo ng mga anak noong panahon ng Bibliya?

21 Ang ikaapat na layunin ng timbang na edukasyon ay ang maglaan sa isang tao ng praktikal na pagsasanay na kailangan sa pamumuhay sa araw-araw. Kasali ang praktikal na pagsasanay sa pagtuturo ng mga magulang noong panahon ng Bibliya. Ang mga batang babae ay tinuruan ng mga gawaing-bahay. Ipinakikita ng huling kabanata ng Kawikaan 31:10-31 na ang mga ito ay marami at sari-sari. Sa gayon, ang mga kababaihan ay natutong magkidkid ng sinulid, maghabi, at magluto at mag-asikaso ng pangkalahatang pamamanihala sa sambahayan, mangalakal, at humawak ng transaksiyon hinggil sa lupa at bahay. Ang mga batang lalaki naman ay karaniwang tinuruan ng hanapbuhay ng kanilang ama, iyon man ay agrikultura o isang uri ng trabaho o sining. Natuto si Jesus ng pagkakarpintero mula sa kaniyang ama-amahang si Jose; dahil dito, siya’y tinawag hindi lamang bilang “ang anak ng karpintero” kundi gayundin bilang “ang karpintero.”​—Mateo 13:55; Marcos 6:3.

22, 23. (a) Para sa ano dapat ihanda ng edukasyon ang mga anak? (b) Ano ang dapat na motibo natin sa pagpili ng karagdagang edukasyon kung talagang nakikitang ito’y kailangan?

22 Sa ngayon ay kasali rin sa matatag na edukasyon ang paghahanda upang asikasuhin ang mga pangangailangan ng isang pamilya balang araw. Ang mga salita ni apostol Pablo na masusumpungan sa 1 Timoteo 5:8 ay nagpapakita na ang paglalaan para sa pamilya ay isang sagradong obligasyon. Sumulat siya: “Kung ang sinuman nga ay hindi naglalaan para doon sa mga sariling kaniya, at lalo na para doon sa mga miyembro ng kaniyang sambahayan, ay itinatwa na niya ang pananampalataya at lalong malala kaysa sa taong walang pananampalataya.” Samakatuwid, dapat maihanda ng edukasyon ang mga anak para sa mga pananagutan na kanilang babalikatin sa buhay at masangkapan sila upang maging masisipag na miyembro ng pamayanan.

23 Gaanong sekular na edukasyon ang kailangan nating kunin? Ito’y hindi pare-pareho sa iba’t ibang bansa. Ngunit kung para makahanap ng trabaho ay nangangailangan ng pagsasanay na bukod pa sa pinakamababang hinihiling ng batas, ang mga magulang ang magpapasiya kung tutulungan nila ang kanilang anak sa paggawa ng desisyon tungkol sa karagdagang edukasyon o pagsasanay, anupat tinitimbang kapuwa ang mga inaasahang kapakinabangan at ang disbentaha ng gayong karagdagang pag-aaral. Subalit ano ang dapat na motibo ng isa sa pagpili ng karagdagang edukasyon kung talagang nakikitang ito’y kailangan? Tunay na hindi ang kayamanan, kaluwalhatian-sa-sarili, o papuri. (Kawikaan 15:25; 1 Timoteo 6:17) Tandaan ang aral na natutuhan natin sa halimbawa ni Jesus​—ang edukasyon ay dapat gamitin upang magdulot ng kapurihan kay Jehova. Kung pinipili natin ang karagdagang edukasyon, ang motibo natin ay dapat na ang hangaring matustusan nang sapat ang ating sarili upang tayo ay lubusang makapaglingkod kay Jehova sa Kristiyanong ministeryo.​—Colosas 3:23, 24.

24. Anong aral na natutuhan buhat kay Jesus ang hindi natin dapat kalimutan?

24 Samakatuwid, maging masikap tayo na matamo ang isang timbang na sekular na edukasyon. Harinawang samantalahin natin ang nagpapatuloy na programa ng banal na edukasyon na inilalaan sa loob ng organisasyon ni Jehova. At huwag sana nating kalimutan ang mahalagang aral na natutuhan natin kay Jesu-Kristo, ang pinakaedukadong tao na lumakad kailanman sa lupang ito​—ang edukasyon ay dapat gamitin, hindi upang luwalhatiin ang ating sarili, kundi upang magdulot ng kapurihan sa pinakadakilang Edukador sa lahat, ang Diyos ng Jehova!

Ano ang Iyong Sagot?

◻ Papaano ginamit ni Jesus ang kaniyang edukasyon?

◻ Bakit mahalaga na matutong bumasa nang mahusay?

◻ Papaano natin magagamit ang kakayahang sumulat upang magdulot ng kapurihan kay Jehova?

◻ Papaano tayo tinutulungan ng banal na edukasyon upang mahutok kapuwa sa moral at espirituwal na paraan?

◻ Anong praktikal na pagsasanay ang dapat kalakip sa isang timbang na edukasyon?

[Kahon sa pahina 13]

Praktikal na Tulong Para sa mga Edukador

Sa “Maliligayang Tagapuri” na Pandistritong Kombensiyon noong 1995/96, inilabas ng Samahang Watch Tower ang bagong brosyur na pinamagatang Ang mga Saksi ni Jehova at ang Edukasyon. Ang 32-pahina at makulay na brosyur na ito ay pantanging inilathala para sa mga edukador. Kaya naman ito ay naisalin na sa 58 wika.

Bakit kailangan ang isang brosyur para sa mga edukador? Upang tulungan silang higit na maunawaan ang paniniwala ng mga estudyanteng anak ng mga Saksi ni Jehova. Ano ang nilalaman ng brosyur? Sa isang malinaw at positibong paraan, ipinaliliwanag nito ang ating pangmalas hinggil sa mga isyu tulad ng karagdagang edukasyon, mga kapanganakan at Pasko, at ng pagsaludo sa bandila. Tinitiyak din ng brosyur sa mga edukador na ibig nating makinabang nang lubusan ang ating mga anak mula sa kanilang pag-aaral at na tayo ay talagang nagnanais na makipagtulungan sa mga edukador, anupat may aktibong interes sa edukasyon ng ating mga anak.

Papaano maaaring magamit ang brosyur na Edukasyon? Yamang ito’y inihanda para sa mga edukador, ibahagi natin ito sa mga guro, prinsipal, at iba pang opisyal ng paaralan. Makatulong sana ang bagong brosyur na ito sa gayong mga edukador upang maunawaan ang ating mga pangmalas at paniniwala at kung bakit inaangkin natin kung minsan ang karapatan na mapaiba. Pinasisigla ang mga magulang na gamitin ang brosyur bilang saligan sa personal na pakikipag-usap sa mga edukador ng kanilang mga anak.

[Larawan sa pahina 10]

Ang edukasyon ay lubhang pinahahalagahan sa sinaunang Israel

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share