Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-1 “Bayan (Mga Tao) ng Lupain, Tao sa Lupa”
  • Bayan (Mga Tao) ng Lupain, Tao sa Lupa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bayan (Mga Tao) ng Lupain, Tao sa Lupa
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Kaparehong Materyal
  • Amhaarets
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Alam Mo Ba?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • “Hindi Bahagi ng Sanlibutan”—Ano ang Kahulugan Nito?
    Gumising!—1997
  • Mga Study Note sa Juan—Kabanata 7
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
it-1 “Bayan (Mga Tao) ng Lupain, Tao sa Lupa”

BAYAN (MGA TAO) NG LUPAIN, TAO SA LUPA

Ang pananalitang ito (sa Heb., ʽam ha·ʼaʹrets, kasama ang mga anyong pangmaramihan nito) ay lumilitaw nang 75 ulit sa tekstong Hebreo. Noong mga araw ni Jesus, ginagamit ito ng relihiyosong mga lider bilang isang termino ng paghamak, ngunit sa pasimula ay hindi ito ginagamit sa gayong diwa.

Ipinaliliwanag ng Hebreo at Aramaikong leksikon nina Koehler at Baumgartner na ang pananalitang Hebreong ito ay nangangahulugang “ang mga mamamayang nagtatamasa ng lahat ng karapatan.” (Lexicon in Veteris Testamenti Libros, Leiden, 1958, p. 711) Sinasabi naman ng The Interpreter’s Dictionary of the Bible na ang terminong ito “sa eksaktong diwa ay tumutukoy lamang sa responsableng mga mamamayang lalaki, ang mga lalaking may asawa na nakatira sa sarili nilang lupain at nagtatamasa ng lahat ng mga karapatan at mga pananagutan, kabilang na rito ang tungkuling maglingkod sa hukbo at makibahagi sa mga hudisyal na paglilitis at . . . mga kapistahan.” (Inedit ni G. A. Buttrick, 1962, Tomo 1, p. 106) (Ihambing ang Lev 20:2-5; 2Ha 15:5; 16:15; Eze 45:16, 22; 46:3, 9.) Samakatuwid, sa pasimula ay kagalang-galang ang pananalitang ito. Hindi ito partikular na tumutukoy sa isang mababang uri ng mga tao o sa mga taong dukha.

Noong binibili ni Abraham ang karapatang ariin ang yungib ng Macpela, nakipag-usap siya sa Hiteong “bayan ng lupain.” (Gen 23:7, 13, RS) Sa mga talatang ito, kapuwa isinasalin ng An American Translation at ng Bagong Sanlibutang Salin ang Hebreong ʽam ha·ʼaʹrets bilang “mga katutubo.” Noong nakikipag-usap siya kina Moises at Aaron, tinukoy ni Paraon ang mga Israelitang nananahanan sa Gosen bilang “ang mga tao sa lupain.” (Exo 5:5) Ang pananalitang ito ay ginamit sa anyong pang-isahan upang sumaklaw sa lahat ng taong-bayan ng Canaan (Bil 14:9), at kung kalakip ang anyong pangmaramihan ng ʽam (ʽam·mehʹ, “mga bayan”), upang ilarawan naman sila bilang bumubuo sa hiwa-hiwalay na mga tribo o mga bayan sa loob ng lupaing iyon. (Ne 9:24, 30) Ginagamit ito sa katulad na paraan upang tumukoy sa mga sakop na bayan sa loob ng Imperyo ng Persia noong panahon ni Reyna Esther. (Es 8:17) Ginamit naman ni Senakerib ang hustong anyong pangmaramihan (ʽam·mehʹ ha·ʼara·tsohthʹ, ‘mga bayan ng mga lupain’) upang tukuyin ang maraming bayan o bansa na nilupig ng mga hukbong Asiryano.​—2Cr 32:13.

Sa loob ng bansang Israel, kadalasang ipinakikita ng pariralang ʽam ha·ʼaʹrets ang kaibahan ng pangkaraniwang mga mamamayan at ng mga opisyal ng pamahalaan o ng pagkasaserdote. (2Ha 11:14, 18-20; Jer 1:18; 34:19; 37:2; 44:21; Eze 7:27; Dan 9:6; Zac 7:5) Gayunman, maliwanag na sumasaklaw ito hindi lamang sa dukhang uring-manggagawa kundi kabilang din dito ang mga taong maykaya sa buhay, yamang matapos tuligsain ni Ezekiel ang kawalang-katarungan ng sakim na mga propeta, mga saserdote, at mga prinsipe, binatikos naman niya ang “bayan ng lupain” na “nagsasagawa ng pakanang pandaraya at nang-aagaw upang magnakaw, at ang napipighati at ang dukha ay pinagmamalupitan nila, at ang naninirahang dayuhan ay dinadaya nila nang walang katarungan.” (Eze 22:25-29) Upang mabayaran ni Haring Jehoiakim ang mabibigat na impuwestong ipinataw ni Paraon Necoh, “hiningi niya bilang pataw ang pilak at ang ginto mula sa bayan ng lupain” sa pamamagitan ng pagbubuwis. Kaya naman, ang ʽam ha·ʼaʹrets na pumatay sa mga nagsabuwatan laban kay Haring Amon at gumawang hari kay Josias o yaong mga gumawang hari kay Jehoahaz nang maglaon ay hindi yaong pinakamabababang uri ng tao sa lipunan. (2Ha 23:30, 35; 21:24) Nang lupigin ni Nabucodonosor ang Juda, 60 lalaki sa “bayan ng lupain” ang kasama ng matataas na opisyal ng korte na dinala sa Ribla at pinatay, anupat walang alinlangan na ang 60 na ito ay kabilang sa mas prominente o pangunahing mga mamamayan. (2Ha 25:19-21) Sabihin pa, talagang saklaw ng pariralang ʽam ha·ʼaʹrets ang dukha at maralitang mamamayan, at itinalaga ng hari ng Babilonya na manatili sa Juda ang ilan sa mga ito, gaya ng ginawa niya sa Jerusalem mas maaga rito.​—2Ha 24:14; 25:12; Jer 40:7; 52:15, 16.

Noong mga panahon pagkaraan ng pagkatapon, hinatulan nina Ezra at Nehemias ang maling gawain ng pinabalik na mga tapon dahil sa pakikihalo nila sa “mga tao ng (mga) lupain,” anupat nag-aasawa sila sa kababaihan ng mga ito, pinahihintulutan nilang makipagkalakalan ang mga ito sa loob ng lunsod kapag Sabbath, at tinutularan nila ang karima-rimarim na mga gawain ng mga ito. (Ezr 9:11; 10:2, 11; Ne 10:28, 31) Ang pananalitang ginamit dito ay tumutukoy sa nakapalibot na mga taong di-Israelita na espesipikong binanggit sa Ezra 9:1, 2, at ang dahilan kung bakit dapat humiwalay sa kanila ay hindi dahil mababa ang posisyon nila sa lipunan o sa ekonomiya kundi dahil sa kautusan ng Diyos na humihiling ng dalisay na pagsamba.​—Ne 10:28-30.

Bilang Isang Termino ng Paghamak. Gayunman, sa paglipas ng panahon, ang terminong ito ay sinimulang gamitin ng relihiyosong mga lider ng Juda upang tumukoy sa mga tao, Judio o di-Judio, na hindi nakapag-aral ng Kautusan at partikular na doon sa mga walang-alam sa malaking kalipunan ng mga tradisyong rabiniko noong panahong iyon o doon sa mga hindi tumutupad dito nang detalyado. (Mat 15:1, 2) Ipinahahayag ng terminong ito ang mapanghamak na saloobing makikita sa pananalita ng mga Pariseo sa Juan 7:49: “Ang pulutong na ito na hindi nakaaalam ng Kautusan ay mga taong isinumpa.” Sinabi ni Rabbi Joshua na ang isang ʽam ha·ʼaʹrets ay: “Sinumang hindi naglalagay ng tefillin [mga pilakterya] sa kaniyang sarili.” Ang iba pang mga pananalitang rabiniko na kumakapit sa gayong mga tao na hindi tumutupad sa mga tradisyong Judio ay: “Matutuhan man ng isa ang Kasulatan at ang Mishnah, kung hindi pa siya nakapaglilingkod sa mga alagad niyaong marunong, isa siyang ʽam ha-arez.” (Babilonyong Talmud, Berakhot 47b, isinalin ni M. Simon) “Ang isang taong walang-alam [ʽam ha·ʼaʹrets] ay hindi rin naman makadiyos.” (Babilonyong Talmud, Avot 2:5, isinalin ni J. Israelstam) “Ang mangmang ay hindi bubuhaying-muli.” (Babilonyong Talmud, Ketubbot 111b, isinalin ni I. Slotki) (Ihambing ang Mat 9:11; Luc 15:2; 18:11.) Gayunman, sinabi ni Jesus na siya ay “pumarito upang tawagin . . . ang mga makasalanan,” at pinagpakitaan niya ng pagmamahal ang mga taong “naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.”​—Mat 9:13, 36.

Samakatuwid, nagbago ang diwa ng ʽam ha·ʼaʹrets mula sa pagiging kagalang-galang tungo sa relihiyosong pandurusta, gaya rin ng terminong Latin na paganus, na pinanggalingan ng salitang Tagalog na “pagano.” Ang salitang pagano ay orihinal na nangangahulugan lamang na isa na nakatira sa kabukiran, ngunit yamang ang mga tagabukid na iyon ang kadalasang huling nakukumberte, nang maglaon ay ginamit na ito ng mga nakatira sa lunsod bilang pantukoy sa lahat ng hindi tumatanggap sa inaangkin nilang mga paniniwalang Kristiyano.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share