Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g86 11/22 p. 12-16
  • Ang “Statue of Liberty”—Isang Natupad na Pangako?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang “Statue of Liberty”—Isang Natupad na Pangako?
  • Gumising!—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Hapunan na Gumawa ng Pagkakaiba
  • Isang Iskultor na May Malaking mga Ideya
  • Ipinanganak sa Pransiya, Pinalaki sa Estados Unidos
  • Binago at Pinaganda
  • 1986 Sandaang Taóng Pagdiriwang
  • Ang Mensahe ng Liberty at ang Katotohanan
  • Pandarayuhan sa Pamamagitan ng Subasta
  • Ang Pinagmumulan ng Tunay na Kalayaan
  • Ihayag ang Kalayaan!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Paglaya
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • “Isang Monumento Para sa Diyablo Mismo”
    Gumising!—2002
  • Pinalaya Ka ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2019
Iba Pa
Gumising!—1986
g86 11/22 p. 12-16

Ang “Statue of Liberty”​—Isang Natupad na Pangako?

“Ibigay mo sa akin ang iyong mga pagod, ang iyong mahihirap,

Ang iyong nagsisikang tao na naghahangad makaluwag,

Ang mga sawing-palad ng iyong dalampasigan.

Ipadala mo sa akin, silang mga walang tirahan, mga sinisiklut-siklot ng bagyo,

Aking itinataas ang aking tanglaw sa tabi ng ginintuang pintuan!”

(The New Colossus, soneto ni Emma Lazarus, inialay sa Statue of Liberty)

SIYA ay ipinaglihi at ipinanganak sa Pransiya, subalit sa edad na dalawang taon siya ay nanirahan sa Estados Unidos. Ngayon siya ay mahigit nang isang daang taong gulang at inayos at pinaganda na nagkahalaga ng multimilyong dolyar. Sino siya? Ang “Statue of Liberty,” isa sa pinakabantog na istatuwa sa daigdig.

Sa taas na 151 piye (46 m), siya rin ang isa sa pinakamalaking istatuwa sa daigdig. Kung isasama ang pedestal, siya ay umaabot ng 305 piye (93 m), na walang paninging nakatitig sa ibayo ng New York Bay. Siya ay naging isang simbolo na tumatanggap sa angaw-angaw na mga dayuhan sa nakalipas na mahigit isang daang taon. Subalit bakit dapat makainteres sa iyo ang Statue of Liberty? Dahilan sa kung ano ang isinasagisag nito​—kalayaan, o kasarinlan​—ay nakakaapekto sa bawat isa sa ngayon. Ayon sa pinakahuling kasaysayan nitong 1986, ang kalayaan ay hindi umiiral sa bawat bansa, at sa maraming iba pang bansa ito ay naaagnas.

Subalit ano ba ang orihinal na motibo sa paglikha ng istatuwa? At bakit ang 1986 ay isang pantanging taon para sa kaniya? Ang kaniya bang “ginintuang pintuan” ng pagkakataon ay bukás at ginintuan pa rin na gaya ng dati?

Isang Hapunan na Gumawa ng Pagkakaiba

Noong 1865 isang pangkat ng mga iskolar at estadistikang Pranses ang naghahapunan sa Glatigny, Pransiya, sa paanyaya ni Propesor Édouard de Laboulaye, presidente ng samahang Pranses na laban sa pang-aalipin. Sila ay mga tagahanga ng Konstitusyon ng Estados Unidos at ng pulitikal na pag-unlad nito. Iminungkahi ng maybisita ang pagpapadala ng isang regalo sa bayang Amerikano bilang isang paraan ng pagpaparangal sa Estados Unidos at sa isang daang taon ng kasarinlan nito mula sa Britaniya, na natamo noong 1776.

Ang mga motibo ng liberal na mga lalaking Pranses na iyon na namumuhay sa ilalim ng isang emperador ay hindi ganap na walang pag-iimbot. Gaya ng binabanggit ni Charles Mercer sa kaniyang aklat na Statue of Liberty: “Kinakatawan ng kanilang ideya ang propaganda na matamo ang pagtangkilik kapuwa ng mga Pranses at mga Amerikano sa kanilang sariling pulitikal na tunguhin: ang pagtatatag ng Ikatlong Republika [sa Pransiya].”

Isang Iskultor na May Malaking mga Ideya

Isa sa mga tagapagtaguyod ng ideyang iyon ang iskultor na si Auguste Bartholdi. Sang-ayon sa magasing France, siya “ay mayroon nang pagkahilig sa pagkalalaking mga bagay noong panahon ng kaniyang paglalakbay sa Gitnang Silangan, kung saan siya ay lubhang namangha sa mga piramide.” Naisip niya ang tungkol sa isang babae na nakabata, tangan-tangan ang isang nagniningas na sulo sa kaniyang kanang kamay.

Ang proyekto ay natigil dahilan sa mga pag-antala sapagkat nang panahong iyon hindi pulitikal na kumbinyente sa imperyo ng Pransiya na gunitain ang mga kagalingan ng bumabangong republika ng Hilagang Amerika. Gayunman, sa pagbagsak ni Emperador Napoleon III noong 1871, ang ideya ng isang regalo sa Estados Unidos ay muling pinasigla. Noong Hulyo nang taóng iyon, si Bartholdi ay nagtungo sa Estados Unidos at natuklasan niya kung ano ang ipinalalagay niya na ideyal na lugar para sa istatuwa sa hinaharap​—isang maliit na isla sa New York Bay na tinatawag na Bedloe’s Island (kilala bilang Liberty Island sapol noong 1956).

Subalit ang pangarap ni Bartholdi na lupain ng kalayaan ay hindi katugma ng katotohanan. Si Charles Mercer ay nagkukomento: “Bagaman ang lahat ng mga Amerikanong itim ay ipinahayag na malaya kamakailan, halos lahat ay alipin ng karalitaan, na may kaunti o walang hanapbuhay, at halos walang edukasyon. Ang mga babae [sa pangkalahatan] ay wala pa ngang karapatang bumoto.”

Punô ng kasiglahan, ipinagpatuloy ni Bartholdi ang kaniyang mga plano para sa isang kahanga-hangang istatuwa. Nang ito ay mabuo, naging maliwanag na isinama niya ang mga sagisag ng Masoneria o pagka-Masón sa kaniyang disenyo​—ang tanglaw, ang aklat sa kaniyang kaliwang kamay, at ang pitong matutulis na diadema sa kaniyang ulo ay ilan lamang halimbawa. Ito marahil ay hindi kataka-taka yamang siya ay isang Masón.a

Ipinanganak sa Pransiya, Pinalaki sa Estados Unidos

Upang isakatuparan ang mga plano ni Bartholdi, isa pang natatanging Pranses ang isinama sa pangkat​—si Gustave Eiffel, na nang malaunan ay naging bantog sa kaniyang Eiffel Tower sa Paris. Idinisenyo niya ang balangkas na bakal na magsisilbing pinakasuporta sa daan-daang tonelada ng tansong balat at mga bata ni Lady Liberty.

Noong 1884 ang istatuwa ng Liberty Enlightening the World, gaya ng dating tawag dito, ay umabot sa sukdulang taas nito sa mga talyer sa Paris kung saan ito itinayo. Noong Hulyo 4 nang taóng iyon, ito ay opisyal na iniharap sa embahador na Amerikano sa Paris.

Subalit ngayon kailangan itong ilipat sa bago nitong tirahan​—gaya ng angaw-angaw pang iba, si Lady Liberty ay magiging isang dayuhan. Ang istatuwa ay kinalas at inilulan sa 200 malalaking kahon at isinakay ng bapor patungo sa New York. Noong Oktubre 28, 1886, ang Statue of Liberty ay pinasinayanan sa Bedloe’s Island.

Binago at Pinaganda

Noong 1984 halos isang daang taon ng paghampas ng hangin, ulan, at bagyo ay nag-iwan ng marka nito sa istatuwa. Bunga nito, ito ay isinara sa publiko upang maisagawa ang pagkumpuni na nasa panahon para sa muling pagbubukas nito na kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan noong Hulyo 4, 1986.

Sa loob ng dalawang taon ang sumasalubong na babae ng New York ay natatakpan ng mga andamyo samantalang ang mga ekspertong manggagawa mula sa Pransiya at Estados Unidos ay inaayos at pinagaganda ito. Ang lahat ng panloob na bakal na sumusuporta ay hinalinhan ng 1,700 stainless na mga bara ng bakal. Napakaingat na inilagay ng mga artesanong Pranses ang 15 onsa (425 g) ng 24-kilatis na ginto sa bagong sulô. Ito ay nangangahulugan ng pagtatakip sa isang lugar na mga 20 yarda kuwadrado (17 sq m), na ginagamit ang mga tiyane at inilalagay ang gintong dahon na dalawang pulgada kuwadrado (13 sq cm) sa isang panahon!

Iba pang mga pagbabago ay isinagawa rin upang bigyan ng mas mabuting daanan ang dalawang milyong mga bisita na dumadalaw mula sa lahat ng panig ng daigdig taun-taon. Ang istatuwa ngayon ang may pinakamataas na hidrolikong elebeytor sa Hilagang Amerika, umaabot sa taas na 100 piye (30 m) upang isakay ang mga bisita sa isang elebeytor na salamin ang paligid tungo sa itaas ng pedestal. Mula roon aakyat sila sa isang paikid na hagdan patungo sa ulo ng istatuwa.

Ang pitong mga tulis (spikes) ng korona, na kumakatawan sa pitong mga karagatan at mga kontinente, ay ibinalik sa dating kalagayan at pinagtibay. Sang-ayon sa The New York Times, isa sa siyam-piye na haba (2.7 m) na tulis na ito ay kinailangang muling iposisyon sapagkat binutas ng tulis ang balat ng nakataas na kanang kamay nang ang istatuwa ay gumalaw dahil sa hangin!

1986 Sandaang Taóng Pagdiriwang

Bakit ba interesante sa daigdig ang ika-100 anibersaryo ng Lady Liberty? Ganito ang sabi ni Lee A. Iacocca, tagapamanihala ng The Statue of Liberty-Ellis Island Foundation, Inc.: “Ang mga mithiin ng kalayaan na kinakatawan ng istatuwa ay mayroong pansansinukob na kahalagahan at ito ay isang pangyayari na narinig at nakita sa buong daigdig.” Ipinaliwanag niya na ang mga plano para sa “Liberty Weekend ’86” (Hulyo 3-6) ay kinapalooban ng isang serye ng mga pagdiriwang na nagdala sa mga pinuno ng estado sa New York.

Kabilang sa selebrasyon ang isang pagkalaki-laking internasyonal na plotilyang pandagat na nilahukan ng maraming naglalayag na mga bapor. Ang mga navy ng hindi kukulangin sa 117 mga bansa ay inanyayahan upang lumahok sa panoorin ng isang International Naval Review. Karagdagan pa, 141 mga bansa ang inanyayahan upang ipadala ang kanilang matataas-palo na naglalayag na mga barko.

Ang pagdiriwang ng sentenaryo ay kinapalooban din ng musika at mga kuwitis at paputok. Ang pagtatanghal ng mga kuwitis, na mula sa 30 mga lantsa de deskarga (barges) sa mga daungan ng barko, ay pumuno sa kalangitan ng gabing iyon.

Bilang isang paalaala ng mensahe ng pagsalubong ng Lady Liberty sa daigdig, 5,000 bagong mga mamamayan ng E.U. ang itinalaga sa pagiging mamamayan sa kalapit na Ellis Island ng Punong Mahistrado ng Estados Unidos. Kasabay nito, isa pang 20,000 ang nanumpa sa iba pang malalaking lunsod sa ibayo ng bansa, na ang lahat ng mga pangyayari ay ikinawing ng satelayt.

Gayunman, ang mga seremonyang ito mismo ay nagbangon ng ilang interesanteng mga katanungan. Hanggang kailan pa maaaring panatilihin ng Lady Liberty ang kaniyang “ginintuang pintuan” na bukás sa mga mandarayuhan? Kaya pa niya kayang anyayahan ang ‘mahihirap, sisikang mga tao’ ng daigdig?

Ang Mensahe ng Liberty at ang Katotohanan

Sapol noong 1886, sang-ayon sa U.S.News & World Report, “halos 40 milyong mga dayuhan ang dumaan sa ‘ginintuang pintuan’ at sa wakas ay naging mga Amerikano.” Ang karamihan ay naging matagumpay sa pagtatayo ng kanilang mga sarili sa dinamikong bansang ito. Mula sa materyalistikong punto de vista, waring natamo ng ilan ang lahat ng bagay sa pagiging mga milyonaryo. Subalit mayroon pang isang panig ang larawan.

Kasama ng legal na mga dayuhan, mayroon ngayong milyun-milyong ilegal na mga dayuhan. Bakit humuhugos ang mga taong ito sa Estados Unidos? Gaya ng isinulat ni John Crewdson sa kaniyang aklat na The Tarnished Door: “Sa naiibigan man o hindi ang gayong bahagi, ang Estados Unidos, taglay ang malakas na demokratikong mga tradisyon nito at hindi mapapantayang kasaganaan, ay laan na maging isang lubhang kaakit-akit na kanlungan para sa mga tumatakas sa pulitikal o pangkabuhayan na pang-aapi.”

Karamihan sa mga dayuhang ito ay galing sa Mexico at mula sa Sentral at Timog Amerika. Subalit sa maraming kaso sila ay lumilipat mula sa isang anyo ng karalitaan tungo sa isa pa. Marami ang nakatira sa mga pabahay na pinamumugaran ng mga ipis at mga insekto na hindi titirhan ng karamihang katutubong mga Amerikano. Tinatanggap nila ang mga trabahong pinakamababa ang suweldo at pinakamababang uri. Kung gayon bakit sila patuloy na nagkukulumpon sa mga hangganan ng E.U. at nananatili sa ilalim ng gayong mga kalagayan?

Sa kaniyang aklat na Immigration, sinasagot ng manunulat na si Lydia Anderson ang katanungang iyan: “Ang mga ilegal​—gaya ng ibang mga mandarayuhan​—ay pumaparito sapagkat . . . mas mabuti pa sa Amerika kaysa sa daigdig na nilisan nila. May malaking agwat sa kabuhayan sa pagitan ng Estados Unidos at ng mga bansa sa Third World, sa Mexico, at Timog Amerika. . . . Ang kikitain ng mga dayuhan dito sa isang araw ay kikitain nila sa isang linggo o mahigit pa sa kanilang bayan​—kung mayroon mang makukuhang trabaho.”

Tahasang sinabi ng isang opisyal ng U.S. Border Patrol: “Sila’y namamatay sa gutom doon. Mayroon sila ng lahat ng pakinabang [sa pagpunta sa Estados Unidos] at walang mawawala sa kanila. Mayroong isang mayamang bansa sa tabi ng isang mahirap na bansa, magkakaroon ka nga ng isang problema tungkol sa ilegal na mga dayuhan.” (The Tarnished Door) Sa ibang pananalita, sa kabila ng karalitaan sa Estados Unidos, ang mga kalagayan ay mas mabuti kaysa sa kanilang pinanggalingan.

Pandarayuhan sa Pamamagitan ng Subasta

Noong 1986 isang inayos at pinagandang Lady Liberty ang nagniningning, inaanyayahan pa rin ang pagod, ang mahihirap, ang mga walang tirahan na makasumpong ng kanlungan sa kaniyang mga baybaying-dagat​—subalit may kaibahan. Sa ngayon maraming pagtutol ang maririnig laban sa patakaran sa pandarayuhan ng E.U. Para sa ilan ang patakaran ay napakaluwag, at para sa iba ito naman ay napakahigpit. Bagaman ang ilang klerong Katoliko at Protestante ay nag-aalok ng kanlungan sa ilegal na mga dayuhan, ang iba ay humihiling ng mas mahigpit na mga pamamaraan. Sa gayon ang mensahe ng pagtanggap ni Liberty ay tila man din nagiging di-malinaw at malabo.

Halimbawa, si Julian L. Simon, ng Heritage Foundation (isang konserbatibong pangkat ng mga mananaliksik sa Washington, D.C.), ay nagbigay ng isang radikal na mungkahi kamakailan sa isang artikulo sa New York Times: “Isubasta ang Karapatan na Maging Isang Dayuhan.” Iminungkahi niya na ang pandarayuhan ay dapat na bukás sa pinakamataas na mga bider o tumatawad sa loob ng pandaigdig na gugulin sa isang taon. Ang mga mamimili, sabi ni Simon, ay pahihintulutan din na “pumasok ngayon at saka na magbayad kasama ng buwis sa kita. Ang hindi pagbayad ay maaaring magbunga ng deportasyon.” Sinasabi niya na ang sistemang ito ay lubhang kapaki-pakinabang sa Estados Unidos yamang “makikilala nito ang mga tao na mayroong totoong malaking kakayahan na gumawa ng mga produkto na may mataas na pangkabuhayang halaga.”

Anong uri ng mga tao ang aakitin ng ideyang ito? Ganito ang sulat ni Julian Simon: “Ang ambisyoso, kung saan ang Amerika ay isang malaki, mayaman na pamilihan na pagkakakitaan.” Ang kaniyang plano ay mangangailangan ng higit na mga pahintulot laban sa sinumang ilegal. Ang patakarang ito ay hindi kasuwato ng mga pananalita ni Emma Lazarus na: “Ibigay mo sa akin ang iyong mga pagod, ang iyong mga mahihirap, . . . ang mga sawing-palad ng iyong dalampasigan.” Sa kabaligtaran, ang mensahe roon ay, ‘Ibigay mo sa akin ang iyong mga ambisyoso at mga may kasanayan, at ingatan mo ang iyong mga mahihirap at api.’

Ang Pinagmumulan ng Tunay na Kalayaan

Ano ang ugat na sanhi ng malaking suliraning ito ng pandarayuhan? Si John Crewdson ay sumasagot: “Ang panggigipit ng karalitaan at populasyon sa buong daigdig o ang ganap na pagka di-maiiwasan ng gutom, pulitikal na pang-aapi, at giyera sibil.” Ang mga problemang ito ay umiiral na sa loob ng mga dantaon, at walang pulitikal na sistema ang nakasumpong ng isang permanenteng kalutasan. Kaya ang tanong ay, Mula saan tayo maaaring umasa ng tunay na kalayaan​—kalayaan mula sa kahirapan, pang-aapi, sakit at kamatayan?

Walang bansa o pulitikal na pilosopya ang may ganap na kasagutan sa mga pangangailangan ng tao. Bakit wala? Sapagkat kapit din sa kanila ang simulain na ikinapit ni Pedro sa apostatang mga Kristiyano: “Samantalang kanilang pinangangakuan sila ng kalayaan, sila naman ay mga alipin ng kabulukan.” (2 Pedro 2:19) Ang kasalukuyang sistema ng daigdig ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng “ama ng kasinungalingan,” si Satanas. Ang pulitikal na pamamahala, sa ilalim ng di-nakikitang pamamahala ni Satanas, ay punô ng kabulukan. Ang kalayaan, etika, at moralidad ay isinasakripisyo sa dambana ng pulitikal na kapakanan at mapag-imbot na pakinabang.​—Juan 8:44; 1 Juan 5:19.

Sa kabaligtaran, binanggit ni Jesu-Kristo mga 1,900 taon na ang nakalipas: “Inyong makikilala ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” Ang mga salitang ito ay kapit din sa ngayon. Subalit anong katotohanan ang tinutukoy ni Jesus? Ang sagot niya kay Poncio Pilato ay nagbibigay sa atin ng isang himaton, yaon ay: “Ikaw na rin ang nagsasabi na ako’y isang hari. Dahil dito kaya ako inianak, at dahil dito kung kaya ako naparito sa sanlibutan, upang ako’y magpatotoo sa katotohanan. Ang bawat isa na nasa panig ng katotohanan ay nakikinig sa aking tinig.”​—Juan 8:32; 18:37.

Ang katotohanang iyan ay nauugnay sa ipinangakong pamahalaan ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo. Sa isang pangitain, nakita ni propeta Daniel ang Mesiyas, ang “anak ng tao,” na dinala sa harap ng Diyos. At ang Bibliya ay nagsasabi: “At binigyan siya [ang Mesiyas] ng kapangyarihang magpuno at ng kaluwalhatian at ng kaharian, upang ang mga bayan, mga grupo ng mga bansa at mga wika ay maglingkod na lahat sa kaniya. Ang kaniyang pagpupuno ay walang hanggang pagpupuno na hindi lilipas.”​—Daniel 7:13, 14.

Doon masusumpungan ang tunay na kalayaan at kasarinlan​—kay Jesu-Kristo at sa kaniyang hinirang-Diyos na pamamahala ng Kaharian! Hindi na magtatagal ang kaniyang matuwid na pamamahala ay magwawakas sa lahat ng pang-aapi, sakit, at kamatayan dito sa lupa. Tiyak, ang ganiyang uri ng kalayaan at kasarinlan ay sulit na alamin.​—Mateo 6:9, 10; Apocalipsis 21:3, 4.

[Talababa]

a Masón: Isang membro ng “isang internasyonal na lihim na kapatiran.”​—The American Heritage Dictionary.

[Larawan sa pahina 15]

Ang “Statue of Liberty” at ang matataas na gusali ng Manhattan

[Pinagmulan]

New York Convention & Visitors Bureau

[Pinagmulan ng Larawan sa pahina 12]

New York Convention & Visitors Bureau

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share