Magalak sa Pag-asa sa Kaharian!
“Magalak sa pag-asa. Magmatiisin sa kapighatian.”—ROMA 12:12.
1. Bakit tayo makasusumpong ng kagalakan sa ating pakikiugnay kay Jehova, at ano ang ipinayo ni apostol Pablo na gawin ng mga Kristiyano?
“ANG maligayang Diyos.” (1 Timoteo 1:11) Anong inam na paglalarawan ito kay Jehova! Bakit? Sapagkat lahat ng kaniyang gawa ay nagdadala ng malaking kaligayahan sa kaniya. Yamang si Jehova ang Bukal ng lahat ng mabuti at nakapagpapaligayang mga bagay, lahat ng kaniyang matalinong mga nilalang ay makasusumpong ng kaligayahan sa kanilang pakikiugnay sa kaniya. Angkop, na ipinayo ni apostol Pablo sa mga Kristiyano na pahalagahan ang kanilang nakagagalak na pribilehiyong makilala ang Diyos na Jehova, magpasalamat sa lahat ng Kaniyang kahanga-hangang mga kaloob na paglalang, at magalak sa mga kagandahang-loob na Kaniyang ipinakikita sa kanila. Si Pablo ay sumulat: “Mangagalak kayong lagi sa Panginoon. Muli kong sasabihin, Mangagalak kayo!”—Filipos 4:4; Awit 104:31.
2. Anong pag-asa ang nagdadala ng malaking kagalakan, at ano ang ipinapayo na gawin ng mga Kristiyano kaugnay ng pag-asang ito?
2 Ang mga Kristiyano ba ay nakikinig sa payong ito na ibinigay ni Pablo? Oo, sila’y nakikinig! Ang espirituwal na mga kapatid ni Jesu-Kristo ay nagagalak sa maluwalhating pag-asa na ginawang posible ng Diyos para sa kanila. (Roma 8:19-21; Filipos 3:20, 21) Oo, batid nila na sila’y makikibahagi sa pagtupad sa dakilang pag-asa ukol sa hinaharap ng sangkatauhan, kapuwa ang mga buháy at ang mga patay, sa pamamagitan ng paglilingkod na kasama ni Kristo sa kaniyang makalangit na pamahalaan sa Kaharian. Gunigunihin ang magiging kagalakan nila sa kanilang mga pribilehiyo bilang mga kasamang-tagapagmana, na naglilingkod bilang mga hari at saserdote! (Apocalipsis 20:6) Anong laki ng kanilang magiging kaligayahan samantalang kanilang tinutulungan ang tapat na mga taong makasapit sa kasakdalan at tumutulong sa pag-akay upang maisauli ang Paraiso sa ating mundo! Tunay, lahat ng mga lingkod ng Diyos ay may “saligan ng pag-asa sa buhay na walang-hanggan na ipinangako na ng Diyos, na hindi nagsisinungaling, buhat pa ng mga panahong walang-hanggan.” (Tito 1:2) Dahilan sa dakilang pag-asang ito, si apostol Pablo ay nagpapayo sa lahat ng Kristiyano: “Magalak sa pag-asa.”—Roma 12:12.a
Ang Tunay na Kagalakan—Isang Katangian ng Puso
3, 4. (a) Ano ang ibig sabihin ng pananalitang “magalak,” at gaano kadalas dapat magalak ang mga Kristiyano? (b) Ano ang tunay na kagalakan, at ito’y depende sa ano?
3 Ang ibig sabihin ng “magalak” ay makadama at magpahayag ng kagalakan; ito’y hindi nangangahulugan na ang isa’y palaging nasa kalagayan ng pagkatuwa, o pagsasaya. Ang mga pandiwa na katumbas ng Hebreo at Griego na mga salitang ginamit sa Bibliya para sa “kagalakan,” “kasayahan,” at “pagkakagalakan” ay nagpapahayag kapuwa ng panloob na damdamin at ng panlabas na pagpapakita ng kagalakan. Ang mga Kristiyano ay hinihimok na “patuloy na magalak,” “laging magalak.”—2 Corinto 13:11; 1 Tesalonica 5:16.
4 Ngunit papaanong ang isa’y laging magagalak? Ito ay posible sapagkat ang tunay na kagalakan ay isang katangian ng puso, isang malalim na panloob na katangian, isang katangiang espirituwal. (Deuteronomio 28:47; Kawikaan 15:13; 17:22) Ito ay isang bunga ng espiritu ng Diyos, na kasunod ng pag-ibig na itinala ni Pablo. (Galacia 5:22) Bilang isang panloob na katangian, ito ay hindi depende sa mga bagay sa labas, ni maging sa ating mga kapatid man. Kundi ito’y depende sa banal na espiritu ng Diyos. At ito’y nanggagaling sa matinding panloob na kasiyahan ng pagkaalam na taglay mo ang katotohanan, ang pag-asa sa Kaharian, at na ginagawa mo ang nakalulugod kay Jehova. Kung gayon, ang kagalakan ay hindi lamang isang kalidad ng pagkatao na taglay natin sa ating pagsilang; ito ay bahagi ng “bagong pagkatao,” ang inipong mga katangian na nagpakilala kay Jesu-Kristo bilang naiiba.—Efeso 4:24; Colosas 3:10.
5. Kailan at papaano mayroong panlabas na paraan ng pagpapakita ng kagalakan?
5 Bagaman ang kagalakan ay isang panloob na damdamin na kaugnay ng makasagisag na puso, gayumpaman ay maaari itong ipakita sa panlabas na paraan paminsan-minsan. Ano ba itong paminsan-minsan, panlabas na paraan ng pagpapakita ng kagalakan? Maaaring ito’y ang ibinabadya ng isang mukhang maaliwalas hanggang sa aktuwal na paglundag dahil sa kagalakan. (1 Hari 1:40; Lucas 1:44; Gawa 3:8; 6:15) Kung gayon, ibig bang sabihin nito ay na walang kagalakan yaong mga tao na hindi masalita o hindi laging nakangiti? Hindi! Ang tunay na kagalakan ay hindi nahahayag sa walang-patid na kadadaldal, katatawa, kangingiti, o kangingisi. Sa mga kalagayan depende ang makikitang kagalakan sa sari-saring paraan. Hindi lamang ang kagalakan ang gumagawa sa atin na kawili-wiling kasama sa Kingdom Hall kundi, bagkus, ang ating pagmamahal at pag-ibig sa mga kapatid.
6. Bakit ang mga Kristiyano ay maaaring laging magalak kahit na sila’y nakaharap sa mga kalagayang di-kanais-nais?
6 Ang di-nagbabagong bahagi ng kagalakan ay ang panloob na pamamalagi nito bilang isang taus-pusong katangian ng bagong pagkatao ng Kristiyano. Ito ang gumagawang posible na laging magkaroon ng kagalakan. Mangyari pa, kung minsan baka tayo’y naliligalig tungkol sa isang bagay, o tayo’y napapaharap sa mga kalagayang di-kanais-nais. Ngunit tayo’y maaari pa ring magkaroon ng kagalakan sa ating puso. Ang ibang sinaunang mga Kristiyano ay mga alipin, may mga panginoon na mahirap palugdan. Ang gayon bang mga Kristiyano ay maaaring laging magalak? Oo, dahilan sa kanilang pag-asa sa Kaharian at sa kagalakan na nasa kanilang puso.—Juan 15:11; 16:24; 17:13.
7. (a) Ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa kagalakan sa kapighatian? (b) Ano ang tutulong sa atin na magtiis sa kapighatian, at sino ang nagbigay ng pinakamainam na halimbawa sa bagay na ito?
7 Pagkatapos sabihin ni apostol Pablo: “Magalak sa pag-asa,” kaniyang isinusog: “Magmatiisin sa kapighatian.” (Roma 12:12) Si Jesus ay bumanggit din ng kagalakan sa kapighatian nang kaniyang sabihin sa Mateo 5:11, 12: “Maligaya kayo pagka kayo’y inaalimura ng mga tao at kayo’y pinag-uusig . . . Magalak kayo at lumundag sa kagalakan, sapagkat malaki ang ganti sa inyo sa langit.” Ang pagkakagalak at paglundag sa kagalakan dito ay maaaring hindi isang literal na panlabas na pagpapakita niyaon; ito pangunahin ay yaong matinding panloob na kasiyahan na taglay ng isa sa pagbibigay-lugod kay Jehova at kay Jesu-Kristo pagka siya’y naninindigang matatag sa ilalim ng pagsubok. (Gawa 5:41) Sa aktuwal, kagalakan ang tumutulong sa atin na magtiis samantalang nasa kapighatian. (1 Tesalonica 1:6) Dito, si Jesus ang nagpakita ng pinakamainam na halimbawa. Ang Kasulatan ay nagsasabi sa atin: “Dahil sa kagalakang inilagay sa harap niya siya’y nagtiis sa pahirapang tulos.”—Hebreo 12:2.
Ang Kagalakan sa Pag-asa sa Kabila ng mga Suliranin
8. Anong mga suliranin ang maaaring mapaharap sa mga Kristiyano, ngunit bakit hindi inaalis ng mga suliranin ang kagalakan ng isang Kristiyano?
8 Ang pagiging isang lingkod ni Jehova ay hindi naglilibre sa kaniya sa mga suliranin. Nariyan marahil ang mga suliranin sa pamilya, mga kahirapan sa kabuhayan, di-mabuting kalusugan, o kamatayan ng mga mahal sa buhay. Bagaman ang ganiyang mga bagay ay maaaring magdulot ng kalungkutan, hindi naman inaalis niyan ang ating saligan ng kagalakan sa pag-asa sa Kaharian, ang panloob na kagalakan na taglay natin sa ating puso.—1 Tesalonica 4:13.
9. Anong mga suliranin ang naranasan ni Abraham, at papaano natin nalalaman na siya’y may kagalakan sa kaniyang puso?
9 Halimbawa, isaalang-alang si Abraham. Ang buhay ay hindi naging laging kaaya-aya para sa kaniya. Siya’y nagkaroon ng mga suliranin sa pamilya. Ang kaniyang babae, si Hagar, at ang kaniyang asawa, si Sara, ay hindi magkásundô. Nagkaroon ng mga pag-aaway. (Genesis 16:4, 5) Si Isaac ay tinuya ni Ismael, at pinag-usig siya. (Genesis 21:8, 9; Galacia 4:29) Sa wakas, ang mahal na asawa ni Abraham, si Sara, ay namatay. (Genesis 23:2) Sa kabila ng mga suliraning ito, siya ay nagalak sa pag-asa sa Binhi ng Kaharian, ang Binhi ni Abraham, na sa pamamagitan niya lahat ng mga angkan sa lupa ay magdadala ng pagpapala sa kanilang sarili. (Genesis 22:15-18) Taglay ang kagalakan sa kaniyang puso, siya’y nagtiis sa paglilingkod kay Jehova sa loob ng isandaang taon pagkatapos na lisanin ang kaniyang sariling lunsod ng Ur. Kaya nasusulat tungkol sa kaniya: “Siya’y naghintay ng lunsod na may mga tunay na pundasyon, na ang nagtayo at gumawa ng lunsod na iyon ay ang Diyos.” Dahilan sa pananampalataya ni Abraham sa darating na Mesiyanikong Kaharian, ang Panginoong Jesus, nang siya’y atasan na ng Diyos na maging Hari, ay nagsabi: “Si Abraham . . . ay nagalak na mainam sa pag-asang makita ang aking araw, at nakita niya at nagalak.”—Hebreo 11:10; Juan 8:56.
10, 11. (a) Sa ano tayo nakikipagpunyagi bilang mga Kristiyano, at papaano tayo inililigtas? (b) Ano ang nagtatakip sa ating kawalang-kaya na lubusang makipaglaban sa ating makasalanang laman?
10 Bilang mga taong di-sakdal, taglay din natin ang ating makasalanang laman na kailangang paglabanan, at ang pakikipagpunyaging ito na gawin ang tama ay maaaring napakahirap. Subalit, ang ating pagbaka sa ating mga kahinaan ay hindi nangangahulugan na tayo’y walang pag-asa. Si Pablo’y nakadama ng kaabahan sa kaniyang pakikipagbakang ito at sinabi niya: “Sino ang magliligtas sa akin sa katawan na dumaraan sa ganitong kamatayan? Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na Panginoon natin!” (Roma 7:24, 25) Sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at ng pantubos na kaniyang inilaan, tayo ay inililigtas.—Roma 5:19-21.
11 Ang haing pantubos ni Kristo ang nagtatakip sa ating kawalang-kaya na lubusang makipaglaban. Maikagagalak natin itong pantubos na ito sapagkat ginagawang posible ang isang malinis na budhi at ang pagpapatawad sa ating mga kasalanan. Sa Hebreo 9:14, tinutukoy ni Pablo “ang dugo ng Kristo” na may kapangyarihang “luminis sa ating mga budhi buhat sa mga gawang patay.” Sa gayon, ang mga budhi ng mga Kristiyano ay hindi kailangang mapabigatan dahilan sa sumpa at pagkadama ng kasalanan. Ito, lakip na ang pag-asang taglay natin, ay malakas na puwersa para sa may kagalakang kaligayahan. (Awit 103:8-14; Roma 8:1, 2, 32) Sa pagbubulay-bulay ng ating pag-asa, lahat tayo ay mapatitibay-loob na makipagbaka hanggang sa magtagumpay.
Ang Laging Pagsasaisip ng Ating Pag-asa
12. Anong pag-asa ang maaaring bulay-bulayin ng pinahirang mga Kristiyano?
12 Mahalaga para sa kapuwa pinahiran ng espiritung nalabi at ibang tupa na laging isaisip ang kanilang “pag-asa sa kaligtasan,” bilang isang turbante na nagsasanggalang. (1 Tesalonica 5:8) Ang pinahirang mga Kristiyano ay makapagbubulay-bulay ng kahanga-hangang pribilehiyo na pagtatamo ng pagkawalang-kamatayan sa langit, na nakalalapit sa Diyos na Jehova, at nagtatamasa ng personal na pakikisalamuha sa niluwalhating si Jesu-Kristo at sa mga apostol at sa lahat ng iba pa ng 144,000, na nanatili sa kanilang katapatan sa loob ng daan-daang taon. Anong dakilang kayamanan na di-mailarawang pagsasamahan!
13. Ano ang nadarama ng mga pinahirang naririto pa sa lupa kung tungkol sa kanilang pag-asa?
13 Ano ang nadarama ng iilan na lamang mga pinahiran na narito pa sa lupa kung tungkol sa kanilang pag-asa sa Kaharian? Ito’y mabubuo sa mga pananalita ni F. W. Franz, pangulo ng Watch Tower Society, na nabautismuhan noong 1913: “Ang ating pag-asa ay isang katiyakan, at iyon ay lubusang matutupad hanggang sa kahuli-hulihang miyembro ng 144,000 na bumubuo ng munting kawan hanggang sa antas na hindi man lamang natin naguniguni. Tayo na mga nalabi na naririto na noong taóng 1914, nang inaasahan natin noon na lahat tayo’y pupunta sa langit, ay hindi nawawalan ng ating pagpapahalaga sa pag-asang iyan. Ngunit matindi ang ating paniniwala riyan higit kailanman, at ating pinahahalagahan iyan nang lalo pang higit at higit mientras tumatagal ang ating paghihintay riyan. Iyan ay isang bagay na karapat-dapat hintayin, kahit na kailanganin ang isang milyong taon. Aking higit na pinahahalagahan ang ating pag-asa nang higit kailanman, at hindi ko nais kailanman na mawala ang aking pagpapahalaga riyan. Ang pag-asa ng munting kawan ay nagbibigay rin ng katiyakan na ang inaasahan ng malaking pulutong ng mga ibang tupa, na walang anumang posibilidad na mabigo, ay matutupad nang higit pa sa ating pinakamaningning na guniguni. Kaya naman tayo ay nananatiling matatag hanggang sa mismong oras na ito, at tayo’y mananatiling matatag hanggang sa aktuwal na patunayan ng Diyos na siya’y tapat sa kaniyang ‘mahalaga at pagkadaki-dakilang mga pangako.’ ”—2 Pedro 1:4; Bilang 23:19; Roma 5:5.
Kagalakan Ngayon sa Pag-asa sa Paraiso
14. Anong pag-asa ang kailangang laging isaisip ng malaking pulutong?
14 Ang ganiyang pagpapahayag ng napakasayang pananampalataya ay nakahahawa sa mga taong kabilang sa malaking pulutong ng mga ibang tupa upang magkaroon ng matitinding dahilan para magalak. (Apocalipsis 7:15, 16) Ang gayong mga tao ay kailangang laging isaisip ang pag-asa na makaligtas nang buháy sa Armagedon. Oo, asam-asamin na makita ang Kaharian ng Diyos na magbangong-puri sa pansansinukob na soberanya ng Diyos na Jehova at magpapabanal sa kaniyang maluwalhating pangalan sa pamamagitan ng pagpapasapit ng malaking kapighatian, na mag-aalis sa lupa sa mga taong balakyot na ang diyos ay ang Diyablo. Anong laking kagalakan ang makaligtas nang buháy sa malaking kapighatiang iyan!—Daniel 2:44; Apocalipsis 7:14.
15. (a) Anong pagpapagaling ang ginawa ni Jesus nang siya’y narito sa lupa, at bakit? (b) Ano ang pangkalusugang mga pangangailangan ng mga makaliligtas sa Armagedon, at bakit sila naiiba sa mga bubuhaying-muli?
15 Tungkol sa malaking pulutong, ang Apocalipsis 7:17 ay nagsasabi: “Ang Kordero . . . ang magiging pastol nila, at sila’y papatnubayan sa mga bukal ng tubig ng buhay. At papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.” Bagaman ang hulang ito ay may espirituwal na katuparan ngayon, ang mga makaliligtas nang buháy sa Armagedon ay makasasaksi sa literal na katuparan nito. Sa papaano? Bueno, ano ba ang ginawa ni Jesus nang siya’y narito sa lupa? Kaniyang pinagaling ang mga may kapansanan, pinangyaring makalakad ang lumpo, isinauli ang pandinig ng bingi at ang paningin ng mga bulag, at kaniyang pinagaling ang mga may ketong, ang mga paralitiko, at “lahat ng uri ng sakit at lahat ng uri ng karamdaman.” (Mateo 9:35; 15:30, 31) Hindi ba iyan ang kailangan ngayon ng mga Kristiyano? Dala pa ng malaking pulutong ang matandang-sanlibutang mga kapansanan at karamdaman pagdating ng bagong sanlibutan. Ano ba ang inaasahan nating gagawin ng Kordero tungkol diyan? Ang mga pangangailangan ng mga makaliligtas sa Armagedon ay magiging ibang-iba sa mga pangangailangan ng mga taong bubuhaying-muli. Ang mga bubuhaying-muli ay malamang na muling lalalangin na taglay ang buo, magaling, malusog na mga katawan, bagaman hindi pa sakdal bilang mga tao. Dahilan sa himala ng pagkabuhay-muli, maliwanag na pagkatapos sila’y hindi na mangangailangan na pagalingin buhat sa anumang dating mga kapansanan sa pamamagitan ng himala ng pagpapagaling. Sa kabilang banda, dahilan sa kanilang pambihirang karanasan ng pagkaligtas sa Armagedon, kahima-himalang pagpapagaling sa mga kapansanan ang kakailanganin ng marami na kabilang sa malaking pulutong at kanilang tatanggapin iyon. Maliwanag, ang pangunahing layunin ng mga pagpapagaling ni Jesus ay upang ilarawan para sa ikasisigla ng malaking pulutong ang masayang pag-asa na sila’y hindi lamang makaliligtas nang buháy kundi pagagalingin din naman sila pagkatapos.
16. (a) Kailan maaaring maganap ang kahima-himalang pagpapagaling sa mga nakaligtas sa Armagedon, at ano ang resulta? (b) Sa anong pag-asa patuloy na magagalak tayo sa panahon ng Milenyo?
16 Ang gayong kahima-himalang pagpapagaling ay may katuwirang magaganap sa gitna ng mga nakaligtas sa Armagedon maaga pagkatapos ng Armagedon at matagal-tagal na rin bago magsimula ang pagkabuhay-muli. (Isaias 33:24; 35:5, 6; Apocalipsis 21:4; ihambing ang Marcos 5:25-29.) Kung magkagayon ay itatapon na ng mga tao ang mga salamin sa mata, baston, saklay, mga silyang de gulong, pustiso, mga tulong sa mahinang pandinig, at iba pa. Anong laking dahilan para magalak! Ang gayong maagang pagpapagaling na ginawa ni Jesus ay angkop na angkop sa bahaging gagampanan ng mga makaliligtas sa Armagedon bilang ang pundasyon ng bagong lupa! Ang mga kapansanan ay tuluyang aalisin upang ang mga nakaligtas na ito ay makakilos nang may sigla, anupa’t nasasabik sa kagila-gilalas na gawain sa Milenyo na nakaharap sa kanila, hindi na kala-kaladkad pa ang mga kapinsalaang naidulot sa kanila ng matandang sanlibutan. At sa buong panahon ng Milenyo, sila’y magagalak sa pag-asang marating ang mismong kalubusan ng sakdal na buhay bilang mga tao sa katapusan ng sanlibong mga taon na iyon.
17. Anong mga kagalakan ang tatamasahin samantalang nagpapatuloy ang gawaing pagsasauli sa Paraiso?
17 Kung iyan ang iyong pag-asa, bulay-bulayin mo rin ang kagalakan ng pakikibahagi sa pagsasauli ng Paraiso sa lupa. (Lucas 23:42, 43) Walang alinlangan na ang mga makaliligtas sa Armagedon ay makikipagtulungan upang malinis ang lupa at sa gayo’y mapaglaanan ang mga namatay na bubuhayin ng kaaya-ayang mga tirahan. Marahil sa halip na mga paglilibing, ang hahalili ay mga kaayusan sa pagtanggap sa mga bubuhayin, kasali na ang ating mga mahal sa buhay na natulog sa kamatayan. At isip-isipin ang nakapagpapatibay na pakikisalamuha sa tapat na mga lalaki at mga babae noong nakalipas na daan-daang taon. Sino ba ang higit sa lahat ay nais mong makausap? Sina Abel ba, Enoc, Noe, Job, Abraham, Sara, Isaac, Jacob, Jose, Moises, Josue, Rahab, Debora, Samson, David, Elias, Eliseo, Jeremias, Ezekiel, Daniel, o Juan Bautista? Bueno, kung gayon, ang nakalulugod na posibilidad nito ay bahagi rin ng iyong pag-asa. Sila’y makakausap mo, may matututuhan ka sa kanila, at magiging mga kamanggagawa mo sa pagsasauli sa buong lupa sa pagka-paraiso.
18. Ano pang mga kagalakan ang maguguniguni natin?
18 Gunigunihin, din naman, ang pampalusog na pagkain, ang dalisay na tubig, at ang malinis na hangin, pagkatapos na ang ating lupang ito ay maisauli sa ganap na pagkabalanse ng buong kapaligiran na gaya ng pinanukala ni Jehova nang lalangin niya ito. Sa panahong iyon ang buhay ay hindi lamang isang di-aktibong pagtatamasa ng kasakdalan, kundi isang aktibo at makabuluhang pakikibahagi sa nakagagalak na mga gawain. Gunigunihin ang isang pambuong-daigdig na lipunan ng mga taong doo’y walang krimen, pag-iimbot, pananaghili, pag-aaway—isang kapatiran na kung saan ang bunga ng espiritu ay pinauunlad at isinisibol ng lahat. Totoong nakapananabik nga!—Galacia 5:22, 23.
Ang Pag-asa na Nagbibigay-Halaga sa Buhay
19. (a) Kailan kailangang maranasan ang kagalakang binanggit sa Roma 12:12? (b) Bakit tayo dapat maging determinado na huwag payagang ang ating pag-asa ay biguin ng mga pasanin sa buhay?
19 Ang natupad na inaasahan ay hindi na pag-asa, kaya ang kagalakan na ipinayo ni Pablong taglayin sa Roma 12:12 ay ngayon kailangang maranasan. (Roma 8:24) Kahit na lamang ang pag-isipan ang hinaharap na mga pagpapalang pangyayarihin ng Kaharian ng Diyos ay isang dahilan upang tayo’y magalak sa pag-asang iyan ngayon. Kaya maging determinado na huwag payagang ang iyong maningning na pag-asa ay biguin ng mga pasanin sa buhay sa isang balakyot na sanlibutan. Huwag manghinawa at huminto, na tuluyang iniwawala ang natatanaw na pag-asa. (Hebreo 12:3) Ang paghinto sa takbuhing Kristiyano ay hindi lulutas ng iyong mga suliranin. Tandaan, kung ang sinuman ay huminto ng paglilingkod sa Diyos dahilan sa lahat ng mga pasanin sa buhay ngayon, pasan-pasan pa rin niya ang mga pasaning iyon, ngunit iniwawala niya ang pag-asa at sa gayo’y nawawala ang posibilidad ng kagalakan sa kagila-gilalas na mga maaasahan na nasa unahan.
20. Ano ang epekto ng pag-asa sa Kaharian sa mga taong tumatanggap dito, at bakit?
20 Ang bayan ni Jehova ay may lahat ng dahilan na mamuhay nang maligaya. Ang kanilang maningning, nagbibigay-inspirasyong pag-asa ay nagbibigay-halaga sa buhay. At ang nakagagalak na pag-asang ito ay hindi nila sinasarili. Hindi, sila’y sabik na ibahagi ito sa iba. (2 Corinto 3:12) Kaya naman ang mga taong tumatanggap sa pag-asang pang-Kaharian ay isang bayan na may tiwala, at hinahangad nila na ang mga iba’y patibaying-loob sa pamamagitan ng paghahayag sa kanila ng mabuting balita buhat sa Diyos. Ang buhay ng mga taong tumatanggap sa pabalita ay napupunô ng pinakakahanga-hangang pag-asa na kailanma’y naibigay sa sangkatauhan sa pangkalahatan—ang pag-asa sa Kaharian na magsasauli sa lupa ng Paraiso. Kung ayaw ng mga tao na tanggapin ito, tayo ay patuloy na magagalak pa rin sapagkat taglay natin ang pag-asa. Ang lugi ay ang mga taong ayaw tumanggap; hindi tayo.—2 Corinto 4:3, 4.
21. Ano ang kaylapit-lapit na, at papaano natin tatayahin ang halaga ng ating pag-asa?
21 Ang pangako ng Diyos ay: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay.” (Apocalipsis 21:5) Ang bagong sanlibutan taglay ang lahat ng mga pagpapalang kabigha-bighani at walang-katapusan ay kaylapit-lapit na. Ang ating pag-asa—na buhay sa langit o sa isang lupang paraiso—ay lubhang mahalaga; huwag ninyong bibitiwan ito. Sa maseselang na mga huling araw na ito, higit kailanman, malasin ito na “isang sinipete ng kaluluwa, na kapuwa matibay at matatag.” Yamang ang ating pag-asa ay isang sinipeteng nakakabit kay Jehova, na “isang walang-hanggang bato—ang Batong walang-hanggan,” tiyak na mayroon tayong matibay at masayang dahilan sa mismong sandaling ito na “magalak sa pag-asa” na inilagay sa harap natin.—Hebreo 6:19; Isaias 26:4, The Amplified Bible.
[Talababa]
a Sa 1992, ang mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay may taunang teksto: “Magalak sa pag-asa. . . . Magmatiyaga ng pananalangin.”—Roma 12:12.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Ano ang dakilang pag-asa ng sangkatauhan?
◻ Ano ba ang tunay na kagalakan?
◻ Kailan malamang na magaganap ang kahima-himalang pagpapagaling sa mga nakaligtas sa Armagedon?
◻ Bakit hindi natin dapat payagan na biguin ang ating pag-asa ng mga pasanin sa buhay?
◻ Ano bang mga kagalakan ang inaasahan mong tatamasahin sa bagong sanlibutan?
[Larawan sa pahina 9]
Hindi ba mapupunô ng kagalakan ang iyong puso na masaksihan ang uri ng mga pagpapagaling na ginawa ni Jesus?
[Larawan sa pahina 10]
Yaong mga nagagalak sa Kaharian ay nagpapatibay-loob sa iba sa pamamagitan ng pamamahagi ng kanilang pag-asa