Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-2 “Pastol”
  • Pastol

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pastol
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Pastol at ang Kaniyang mga Tupa
    Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
  • Ang Buhay Noong Panahon ng Bibliya—Ang Pastol
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Maibiging mga Pastol, Nagtitiwalang mga Tupa
    Gumising!—1988
  • Sila’y Maawaing Nagpapastol sa Maliliit na Tupa
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1993
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
it-2 “Pastol”

PASTOL

Isang tao na nag-aalaga, nagpapakain, at nagbabantay sa mga tupa o mga kawan na binubuo kapuwa ng mga tupa at mga kambing. (Gen 30:35, 36; Mat 25:32; tingnan ang TUPA.) Ang hanapbuhay ng mga pastol ay mula pa noong panahon ng anak ni Adan na si Abel. (Gen 4:2) Bagaman sa ibang lugar ay itinuturing silang mararangal, sa Ehipto, kung saan pagsasaka ang pangunahing hanapbuhay, ay hinahamak ang mga pastol.​—Gen 46:34.

Kadalasan, ang may-ari, ang kaniyang mga anak (kapuwa ang mga lalaki at mga babae), o iba pang kamag-anak ang nag-aalaga sa kawan. (Gen 29:9; 30:31; 1Sa 16:11) Sa mga mayayaman na gaya ni Nabal, ang mga lingkod nila ang nagtatrabaho bilang mga pastol, at maaaring may isang punong pastol o pangunahing pastol na nangangasiwa sa iba pang mga pastol. (1Sa 21:7; 25:7, 14-17) Kapag ang may-ari o ang mga miyembro ng kaniyang pamilya ang nagpapastol sa mga hayop, kadalasa’y napapabuti ang kawan. Ngunit ang taong upahan ay hindi laging may gayong personal na interes para sa kawan, kaya naman kung minsa’y napapahamak ang kawan.​—Ju 10:12, 13.

Maaaring kabilang sa mga kagamitan ng pastol ang isang tolda (Isa 38:12), isang kasuutang maipambabalot niya sa kaniyang sarili (Jer 43:12), isang tungkod at isang panghilagpos na pandepensa, isang supot na pinaglalagyan niya ng kaniyang mga panustos na pagkain (1Sa 17:40; Aw 23:4), at isang mahaba at nakakurbang baston o tungkod na ginagamit upang akayin ang kawan (Lev 27:32; Mik 7:14).

Ang pagala-galang mga pastol, gaya ni Abraham, ay tumahan sa mga tolda at nagpalipat-lipat ng lokasyon dahil sa paghahanap ng pastulan para sa kanilang mga kawan. (Gen 13:2, 3, 18) Gayunman, sa ilang kaso, ang may-ari ng mga hayop ay nananatili sa isang partikular na lokasyon, na kaniyang tahanan o pinakakampo, samantalang ang mga lingkod niya o ang ilang miyembro ng kaniyang pamilya ay naglalakbay kasama ng kawan.​—Gen 37:12-17; 1Sa 25:2, 3, 7, 15, 16.

Talaga bang kilala ng mga tupa ang tinig ng kanilang pastol?

Kung minsan, ang mga kawan ng iba’t ibang pastol ay magkakasamang ikinukulong sa iisang kulungan ng tupa kapag gabi, anupat may isang bantay-pinto na nagbabantay sa mga ito. Kinaumagahan, pagdating ng mga pastol, tinatawag nila ang kanilang kawan, at ang mga tupa ay tumutugon sa kanilang pastol at tanging sa kaniya lamang. Pagkatapos, naglalakad ang pastol sa unahan ng kawan upang akayin ito tungo sa pastulan. (Ju 10:1-5) Batay sa kaniyang personal na obserbasyon sa Sirya at Palestina noong ikalabinsiyam na siglo, ganito ang isinulat ni W. M. Thomson: “[Ang mga tupa] ay napakaaamo at napakahusay ng pagkakasanay anupat sumusunod sila sa kanilang tagapag-alaga taglay ang lubusang pagpapasakop. Inaakay niya sila papalabas ng kulungan, o mula sa kanilang mga bahay sa mga nayon, patungo kung saanman niya naisin. Yamang marami ang mga kawan sa lugar na gaya nito, ang bawat kawan ay nagkakani-kaniyang landas; at tungkulin ng pastol na ihanap sila ng pastulan. Kaya naman, mahalaga na maturuan silang sumunod, at huwag lumihis patungo sa walang-bakod at nakatutuksong mga bukid ng mais na nasa magkabilang gilid ng daan. Tiyak na mapapahamak ang alinman sa mga tupa na lilihis patungo roon. Paminsan-minsan, tumatawag ang pastol nang malakas at matinis upang ipaalaala na siya’y naroroong kasama nila. Kilala nila ang kaniyang tinig, at sumusunod sila sa kaniya; ngunit kung ibang tao ang tatawag, hihinto sila, itataas ang kanilang ulo dahil sa pangamba, at, kung uulitin iyon, uurong sila at tatakas, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng ibang tao. Hindi ito kathang-isip ng isang talinghaga; ito ang payak na katotohanan. Paulit-ulit kong ginawa ang pag-eeksperimentong ito. Ang pastol ay nauuna, hindi lamang para ituro ang daan kundi upang tingnan din kung ito ay praktikal at ligtas.”​—The Land and the Book, nirebisa ni J. Grande, 1910, p. 179.

Kahawig nito, ganito ang komento ni J. L. Porter sa The Giant Cities of Bashan and Syria’s Holy Places: “Inakay ng mga pastol ang kanilang mga kawan papalabas sa mga pintuang-daan ng lunsod. Tanaw na tanaw namin sila, at pinanood namin sila at wiling-wiling pinakinggan sila. Libu-libong mga tupa at mga kambing ang naroroon, pangkat-pangkat sa makakapal at halu-halong karamihan. Nakatayong sama-sama ang mga pastol hanggang sa ang lahat [ng tupa] ay makalabas. Pagkatapos ay naghiwa-hiwalay sila, anupat bawat pastol ay nagkani-kaniyang landas, at samantalang humahayo ay bumibigkas siya ng isang matinis at kakaibang panawagan. Naririnig sila ng mga tupa. Sa pasimula ay parang hinahalukay ang karamihang ito; pagkatapos ay nagsimula silang maghiwa-hiwalay patungo sa mga direksiyong pinuntahan ng mga pastol; humaba nang humaba ang gumagalaw na mga linyang ito hanggang sa ang halu-halong karamihang iyon ay maging animo’y pagkahaba-habang batis na buháy na humuhugos kasunod ng kani-kanilang lider.”​—1868, p. 45.

Sa kinagabihan, ang mga hayop ay dinadala ng pastol pabalik sa kulungan, kung saan tumatayo siya sa may pinto at binibilang niya ang mga tupa habang dumaraan ang mga ito sa ilalim ng kaniyang tungkod o ng kaniyang mga kamay.​—Lev 27:32; Jer 33:13; tingnan ang KULUNGAN NG TUPA.

Isang Napakahigpit na Uri ng Pamumuhay. Hindi madali ang buhay ng isang pastol. Nakalantad siya kapuwa sa init at lamig, at nakararanas din siya ng mga gabing walang tulog. (Gen 31:40; Luc 2:8) Sa kabila ng panganib sa kaniyang sarili, ipinagsasanggalang niya ang kawan laban sa mga maninila, gaya ng mga leon, mga lobo, at mga oso, pati na sa mga magnanakaw. (Gen 31:39; 1Sa 17:34-36; Isa 31:4; Am 3:12; Ju 10:10-12) Ang pastol ay kailangang magbantay upang huwag mangalat ang kawan (1Ha 22:17), maghanap kapag may mga tupang nawawala (Luc 15:4), magbuhat sa kaniyang dibdib ng mga korderong mahihina o pagód (Isa 40:11), at mag-alaga ng mga tupang may sakit at sugatán​—anupat binebendahan ang mga baling buto at pinapahiran ng langis ng olibo ang mga sugat. (Aw 23:5; Eze 34:3, 4; Zac 11:16) Kailangan siyang magpakaingat kapag nagpapastol ng mga tupang babae na nagpapasuso. (Gen 33:13) Araw-araw, karaniwa’y sa katanghalian, pinaiinom ng pastol ang kawan. (Gen 29:3, 7, 8) Kapag ang mga hayop ay pinaiinom malapit sa mga balon, kailangang punuin ng tubig ang mga inumang nakalapag sa lupa o mga labangan. (Exo 2:16-19; ihambing ang Gen 24:20.) Paminsan-minsan, hindi nagiging kaayaaya ang pagtatagpo ng mga pastol doon sa mga balon.​—Gen 26:20, 21.

Ang pastol ay may karapatan sa isang bahagi ng pakinabang mula sa kawan (1Co 9:7), at madalas, mga hayop ang ibinibigay sa kaniya bilang kabayaran (Gen 30:28, 31-33; 31:41), bagaman kung minsan ay salapi. (Zac 11:7, 12) Baka kailangan niyang magbayad para sa mga nawala (Gen 31:39), ngunit sa ilalim ng tipang Kautusan, walang hinihinging kabayaran para sa isang hayop na nilapa ng mabangis na hayop.​—Exo 22:13.

Sa pangkalahatan, ang mga bagay na nasabi tungkol sa isang pastol ay maikakapit din sa tagapag-alaga ng kawan [sa Ingles, herdsman]. Gayunman, hindi lamang mga tupa at mga kambing ang inaalagaan ng isang tagapag-alaga ng kawan. Mayroon ding mga tagapagpastol ng mga baka, mga asno, mga kamelyo, at mga baboy.​—Gen 12:16; 13:7, 8; Mat 8:32, 33.

Makasagisag at Makatalinghaga. Si Jehova ay isang Pastol na maibiging nangangalaga sa kaniyang mga tupa, samakatuwid nga, sa kaniyang bayan. (Aw 23:1-6; 80:1; Jer 31:10; Eze 34:11-16; 1Pe 2:25) Ang kaniyang Anak na si Jesu-Kristo ang “dakilang pastol” (Heb 13:20) at ang “punong pastol,” at sa ilalim ng pangangasiwa nito, ang mga tagapangasiwa sa mga kongregasyong Kristiyano ay nagpapastol sa kawan ng Diyos nang maluwag sa kanilang kalooban, walang pag-iimbot, at may pananabik. (1Pe 5:2-4) Tinukoy ni Jesus ang kaniyang sarili bilang “ang mabuting pastol,” isang pastol na tunay na nahahabag sa “mga tupa,” at ipinakita niya ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaniyang kaluluwa alang-alang sa kanila. (Ju 10:11; tingnan ang Mat 9:36.) Ngunit gaya ng inihula, nangalat ang kawan nang saktan “ang mabuting pastol.”​—Zac 13:7; Mat 26:31.

Sa Bibliya, ang terminong “mga pastol” ay tumutukoy kung minsan sa mga tagapamahala at mga lider ng mga Israelita, kapuwa sa tapat at sa di-tapat. (Isa 63:11; Jer 23:1-4; 50:6; Eze 34:2-10; ihambing ang Bil 27:16-18; Aw 78:70-72.) Sa katulad na paraan, ang terminong “mga pastol” ay kumakapit sa mga lider ng ibang mga bansa. (Jer 25:34-36; 49:19; Na 3:18; ihambing ang Isa 44:28.) Sa Jeremias 6:3, waring ang “mga pastol” ay kumakatawan sa mga kumandante ng mga hukbong sumasalakay. Sa isang larawan ng pagsasauli, binabanggit na doo’y magkakaroon ng mga pastol kasama ang kanilang mga kawan (Jer 33:12), samantalang inihula naman na magiging lubus-lubusan ang pagkatiwangwang ng Babilonya anupat ‘wala man lamang pastol na magpapahiga roon ng kaniyang kawan.’​—Isa 13:20.

Sa Apocalipsis 12:5, ang ‘pagpapastol’ sa mga bansa taglay ang isang tungkod na bakal ay nangangahulugan ng kanilang pagkapuksa.​—Ihambing ang Aw 2:9.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share