Kung Paano Iiwasan ang AIDS
MARAMING ahensiya ng gobyerno at pribado ang nagkaroon ng edukasyonal na mga kampaniya upang tulungan ang mga tao na matuto kung paano iiwasan ang AIDS. Gayunman, karaniwan nang wala sa gayong payo ang anumang moral na konsiderasyon. Bihira ang pagsamo na iwasan ang isang gawain sapagkat ito ay moral na mali.
Tungkol dito, ang komentarista sa TV na si Ted Koppel ay nagsabi sa isang klase ng magtatapos sa pamantasan: “Nakumbinsi natin ang ating mga sarili na ang mga sawikain ay makapagliligtas sa atin. Magsaksak kayo [ng droga] kung kinakailangan, subalit gumamit kayo ng malinis na hiringgilya. Masiyahan kayo sa sekso kailanman at kaninuman ninyo ibigin, subalit gumamit kayo ng condom. Hindi! Ang sagot ay hindi. Hindi dahilan sa ito ay hindi mahinahon o matalino o sapagkat ikaw ay maaaring mauwi sa piitan o mamatay sa isang silid ng mga may AIDS, kundi sapagkat ito’y mali, sapagkat tayo’y gumugol ng 5,000 taon bilang isang lahi ng makatuwirang mga tao . . . na naghahanap ng katotohanan at di-mapag-aalinlangang moral. Sa pinakadalisay na anyo nito, ang katotohanan ay hindi isang magalang na tapik sa balikat. Isa itong sumisigaw na kahihiyan. Ang ibinaba ni Moises mula sa Bundok Sinai ay hindi Sampung Mungkahi.
Ang Paraan Upang Iwasan ang AIDS
Ang salot ng AIDS ay maaari sanang naiwasan. Gaya ng sabi ng The New York Times Magazine: “Ito ang kauna-unahang salot sa kasaysayan ng tao na ang alituntunin ay lubusang nakasalalay sa pagkilala natin sa asal.”
Upang maiwasan ang AIDS, ang mahalagang tuntunin ay: Mamuhay ng isang moral na buhay. Ito ay nangangahulugan na walang seksuwal na kaugnayan sa labas ng pag-aasawa at walang labag sa batas na paggamit ng droga. Oo, dapat magkaroon ng isang pagbabago sa mga huwarang gawi o asal, sapagkat, gaya ng iniulat ng Science News, “maliwanag na ang gawi o asal ang siyang naghahatid ng virus na nagiging sanhi ng AIDS.”
Iilan lamang sa namumuhay ng moral na buhay ang nagkakaroon ng AIDS. Totoo, ang isang kabiyak ay maaaring maging malinis ang asal, subalit ang isa naman ay maaaring imoral at nahawaan ng AIDS at sa gayo’y maaari niyang ipasa ang sakit sa walang kasalanang kabiyak. Mangyari pa, ang walang salang kabiyak na naghihinala sa kabiyak ng imoralidad o pag-abuso sa droga ay may karapatan na kumuha ng pananggol na mga hakbang. Ang walang sala ay hindi hinihiling, sa wari, na magpatiwakal.
Sinisipi ng pahayagan sa Tokyo na Asahi Shimbun ang mga opisyal sa kalusugan na nagsasabi: “Kung ikaw ay namumuhay ng ordinaryong buhay, hindi mo makukuha ang sakit. Kaya walang dahilan na lubhang mabahala tungkol sa sakit. Subalit kung nais mong ‘magloko,’ gawin mo ang gayon sa iyong kapahamakan, ang kapahamakan ng pagpapatiwakal.” Si Shoko Nagaya ng ministri ng kalusugan ay nagpayo: “Kilalanin mo ang iyong kapareha.”
Gayunman, talaga bang posibleng “kilalanin mo ang iyong kapareha” sa maluwag sa disiplinang daigdig na ito na sumasang-ayon sa imoralidad? Paano ka makatitiyak na ang iyong asawa ay naging imoral sa sekso o hindi naging sugapa sa droga at sa gayo’y nalantad sa AIDS?
Ang kailangan ay edukasyon na magpapakilos sa mga tao na mapoot sa kung ano ang moral na masama. At anuman ang palagay ng mga maluwag sa disiplina ngayon, ang sekso sa labas ng pag-aasawa ay imoral, gaya ng ipinagbabawal na paggamit ng droga. Ang mga gawaing ito ay maaaring humantong sa sakit at maagang kamatayan.
Hindi Garantiya
Sa isang bansa, 93 porsiyento ng 18- at 19-anyos na mga lalaki at mga babae na kinapanayam ay nagsagawa ng imoral na pakikipagtalik. Tanging 25 porsiyento lamang ng mga lalaki at 20 porsiyento ng mga babae ang nagsabi na sila ay gumagamit ng condom—ang medikal na gamit na inirirekomenda ng ilang opisyal sa medisina bilang isang pananggalang sa AIDS. Sa isa pang bansa, ipinakikita ng isang pag-aaral na pagkatapos marikonosi na positibo sa AIDS, binabawasan lamang ng mga bakla ang dami ng mga kinakasama sa loob ng anim na buwan mula sa 12 tungo sa 5. Ang marami sa kanila ay nakadarama ng kasiguruhan dahil sa madalas na paggamit ng condom.
Subalit, isang garantiya ba ang paggamit ng condom? Tinataya ng iba’t ibang opisyal sa kalusugan ang hindi mabisang resulta ng paggamit ng condom na mula 2 hanggang 10 porsiyento o higit pa, na ang mga condom na yari sa likas na lamad ay hindi gaanong mabisa kaysa roon sa yari sa latex. Ang The Financial Post ng Canada ay nag-uulat: “Si Jack Layton, tagapangulo ng Toronto Board of Health, ay nagsasabi na ang kontraseptibong gamit [ng mga condom] ay hanggang 30% hindi mabisa sa paghadlang sa pagdadalang-tao.”
Si Beth Aub, sumusulat sa The Daily Gleaner ng Jamaica, ay nagsasabi: “Ang condom ay hindi na gaanong mabisa ngayon kaysa kailanman. Sa katunayan, mas hindi ito ligtas, yamang ang virus ng AIDS ay mas maliit kaysa binhi ng tao at ito, samakatuwid, ay mas madaling lumusot, at yamang ang babae ay maaari lamang magbuntis ng ilang araw sa bawat buwan siya ay nalalantad sa AIDS kailanma’t siya ay makikipagtalik sa isang lalaki na may AIDS. Ang condom ay hindi ligtas.” At si Surgeon General Koop ay nagbababala na ang mga condom ay “lubhang” hindi mabisa kapag ginagamit ng mga homoseksuwal.
Samakatuwid, ang mga kagamitang ito ay hindi garantiya laban sa pagkakaroon ng AIDS. Sa halip, ang pamumuhay sa mataas na mga pamantayang moral ng Bibliya ang pinakamabuting proteksiyon.
Ligtas ba ang Suplay ng Dugo?
Hanggang sa simulan ang pagsubok sa dugo noong 1985, libu-libo (marahil ay daan-daang libo kung isasama ang Aprika) na mga tao ang nagkaroon ng AIDS mula sa nahawaang dugo. Sa ilang dako ang bilang ay hindi pa rin alam. Ang isang report sa taóng ito mula sa Aprika ay nagsasabi: “Halos isa sa 15 ng mga bata sa Gitnang Aprika na tumatanggap ng mga pagsasalin ng dugo upang sugpuin ang anemia na nauugnay-sa-malaria ang maaaring mahawaan ng virus ng AIDS bilang resulta, ayon sa nasumpungan ng isang bagong pag-aaral. Ang mga pagsasalin ng dugo ang No. 2 ngayon na dahilan ng paglilipat ng AIDS sa rehiyon.”
Sa Kanluraning mga bansa sinasabing ang suplay ng dugo ay totoong ligtas ngayon. Subalit gaano kaligtas? Sa karaniwang mga pagsubok para sa AIDS, isinisiwalat ng mga antibody ang pagkanaroroon ng virus. Subalit, gaya ng sinasabi ng The Economist, “ang mga antibody na lumalabas sa pagsubok ay matagal lumitaw.” Ang mga taong nagbibigay ng dugo ay maaaring may virus ng AIDS subalit maaaring hindi pa nakagagawa ng mga antibody. Kaya bagaman ito ay ipinahahayag na malaya sa AIDS, mayroon itong virus at maipapasa ito kapag ang kanilang dugo ay ginamit sa pagsasalin. At tinataya ng New York Blood Center na halos 90 porsiyento ng tumatanggap ng pagsasalin ng kahit na isang yunit ng dugong nahawaan ng AIDS ay mahahawaan ng virus ng AIDS.
Si Dr. Harvey Klein ng U.S. National Institutes of Health ay nagsasabi na nangangailangan ng anim na linggo hanggang tatlong buwan bago lumitaw ang mga antibody. Sa loob ng panahong iyon, ang ang dugo ng taong bagong nahawaan ng AIDS ay maaaring walang antibody, o walang sapat nito, upang lumabas sa pagsubok.
Ang The Medical Post ng Canada ay nagsasabi: “Ang mga antibody, na nakikita sa pamamagitan ng bagong mga pagsubok, ay maaaring kumuha ng kasintagal ng anim na buwan bago lumitaw.” Ipinakita ng isang pag-aaral ng U.S. National Cancer Institute na ang ilang indibiduwal ay hindi nagkakaroon ng nakikitang mga antibody hanggang 14 na buwan pagkatapos mahawa sa virus ng AIDS. Isinisiwalat ng mas bagong mga tuklas na iniulat ng The Lancet, isang Britanong medikal na babasahin, na ang mga virus ng AIDS ay maaaring dumami sa isa na mas matagal bago makita sa mga pagsubok. Gayunman may mga pagsisikap na gumawa ng mga pagsubok na makatutuklas sa virus bago pa man lumitaw ang mga antibody, ito ay sa maagang yugto lamang.
Isang medikal na report ng mga espesyalista sa Mainz University sa Pederal na Republika ng Alemanya ang nagsasabi: “Dapat tanggapin ng medisina ng pagsasalin ang katotohanan na ang dugong lubusang malaya sa HIV ay hindi na umiiral.”
Iba Pang mga Sakit na Dala ng Dugo
Nakadaragdag pa sa problema ang bagay na ang mga sakit bukod pa sa AIDS ay karaniwang naipapasa sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo. Si Dr. Klein ay nagsasabi: “Nakuha ng AIDS ang lahat ng publisidad. Subalit sa nakalipas na 25 taon, ang talagang pinakamalaking problema sa pagsasalin ng dugo ay ang hepatitis pagkatapos ng pagsasalin. At kahit na ngayon, ang pangunahing dahilan ng kamatayan na nauugnay sa pagsasalin ng dugo ay ang hepatitis pagkatapos ng pagsasalin.”
Isang anyo ng sakit na ito ay tinatawag na non-A/non-B hepatitis. Sa Estados Unidos, mahigit na 190,000 tao ang nagkaroon nito sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo taun-taon. Sa mga ito, mga 10,000 ang namatay o permanenteng napinsala. Ang virus ay hindi pa lubusang nakikilala, at walang tiyak na pagsubok para rito sa panahong ito.
Kaya, ang medikal na pahayagang Pranses na Le Quotidien du Médecin ay nagsasabi: “Marahil tama ang mga Saksi ni Jehova sa pagtanggi sa paggamit ng mga produkto ng dugo, sapagkat totoo na maraming ahente na nagdadala ng sakit ay maaaring ilipat sa pamamagitan ng isinaling dugo.”
Ikaw ay May Mapagpipilian
Ang bawat indibiduwal ay dapat pumili tungkol sa bagay na ito. Kung ang pagpili ay ang ipagpatuloy ang imoral na mga kaugnayan o ang labag sa batas na paggamit ng droga, kung gayon dapat na harapin ng isa ang mga resulta: ang pag-ani ng pinsala dahil sa paghahasik ng masamang moral.
Subalit sino ang dapat magtatag ng wastong mga pagpapahalagang moral? Bueno, sino ba ang pinakamabuting nakakaalam ng pagkakayari natin at kung ano ang mga resulta kung lalabagin natin ang gayong mga pamantayang moral? Tiyak, nalalaman ito ng Maylikha ng tao. At sa kaniyang kinasihang Salita ang Bibliya, maliwanag na sinasabi niya: “Ang Diyos ay hindi napabibiro. Sapagkat anuman ang inihahasik ng tao, ito rin ang aanihin niya; sapagkat ang naghahasik ukol sa laman ay aani ng kasiraan buhat sa kaniyang laman.”—Galacia 6:7, 8.
Walang alinlangan na tiniyak ng Maylikha ng tao na ang homoseksuwalidad, pakikiapid, at pangangalunya ay moral na mali, gaya ng ipinagbabawal na paggamit ng droga. Sinasabi sa atin ng kaniyang Salita: “Huwag kayong padaya. Kahit ang mga mapakiapid, ni ang mga mananamba sa diyus-diyosan, ni ang mga mangangalunya, ni ang mga lalaking ukol sa di-natural na layunin, ni ang mga lalaking sumisiping sa kapuwa lalaki” ay makakaasa ng pagsang-ayon ng Diyos.—1 Corinto 6:9; tingnan din ang 2 Corinto 7:1.
Ang Bibliya ay nagbababala: “Patuloy na layuan ninyo ang mga bagay na inihain sa mga idolo at ang dugo at ang mga bagay na binigti at ang pakikiapid.” (Gawa 15:29) Ang Griegong salita na ginamit dito para sa “pakikiapid” ay naglalakip sa lahat ng uri ng seksuwal na pakikipagtalik maliban sa pakikipagtalik ng lalaki sa kaniyang asawa. At napansin mo ba na kasama sa utos na ito ang pag-iwas sa paggamit ng dugo?
Ang kasunod na mga salita ng tekstong iyan ay lalong kapit sa ngayon. Sabi nito: “Kung maingat na lalayuan ninyo ang mga bagay na ito, kayo’y uunlad. Maging malusog nawa kayo!” Isaalang-alang kung gaano karami ang namatay at mamamatay pa mula sa AIDS dahil sa imoral na gawain sa sekso at mga droga, gayundin ang libu-libo (maaaring daan-daang libo pa sa Aprika) mula sa nahawaang dugo. Isaalang-alang din, ang daan-daang angaw na ang kalusugan ay pinipinsala ng iba pang mga sakit na seksuwal na naililipat, gayundin ng iba pang komplikasyon ng mga pagsasalin ng dugo at ng pag-abuso sa droga.
Kapag ito’y pinagsama-sama, ito’y bumubuo ng pagkarami-rami na namamatay dahil sa mahinang kalusugan at sa di-napapanahong kamatayan. Dahil sa mga resultang ito, nakikita natin ang karunungan ng pagbabawal ng Maylikha sa mga gawaing ito.
Si Vicente Amato Neto, dalubhasa sa nakahahawang sakit na taga-Brazil, ay nagsasabi: “Malimit kong sinasabi na ang pinakamabuting pananggalang sa AIDS ay na ang isa ay maging isa sa mga Saksi ni Jehova, sapagkat ang mga membro ng relihiyong iyan ay hindi mga homoseksuwal ni ‘silahis’ man, sila ay tapat sa kanilang pag-aasawa—iniuugnay nila ito sa pag-aanak—hindi sila gumagamit ng mga droga at, upang kompletuhin ang larawan, hindi sila tumatanggap ng mga pagsasalin ng dugo.”
Ang magasing Toronto Life ay nagsasabi: “Ang tanging maliwanag na lunas sa AIDS ay ang buhay na walang asawa tungo sa monogamya.” At si Valentin Pokrovsky, presidente ng Academy of Medical Sciences ng Unyong Sobyet, ay nagpapatotoo: “Ang pagsugpo sa AIDS ay hindi natatakdaan sa mga pagsisikap ng medisina. Ang isang malusog na paraan ng pamumuhay, malinis na kaugnayan sa pagitan ng lalaki at babae at ang katapatan ng mag-asawa ang pinakamabuting paraan ng pag-iingat laban sa AIDS.”
Oo, ang pagtanggap sa mga pamantayan ng Maylikha para sa paggawi ng tao ang pinakamabuting paraan upang iwasan ang AIDS.
[Blurb sa pahina 13]
“Ang ibinaba ni Moises mula sa Bundok Sinai ay hindi Sampung Mungkahi”
[Larawan sa pahina 13]
Ang mga pagsasalin ng dugo ay nagpalaganap ng AIDS—at nagpapalaganap pa nito
[Larawan sa pahina 15]
Maaaring iwasan ng kalinisang-asal hanggang sa pag-aasawa ang maraming sama ng loob, pati na ang AIDS