Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 4/15 p. 20-23
  • Bernabe—Ang “Anak ng Kaaliwan”

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Bernabe—Ang “Anak ng Kaaliwan”
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Bukas-Palad na Tagatulong
  • Sa Antioquia
  • Isang Pantanging Atas Bilang Misyonero
  • Ang Isyu sa Pagtutuli
  • “Isang Matinding Pagsiklab ng Galit”
  • Bernabe
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • “Masayang-masaya at . . . Napuspos ng Banal na Espiritu”
    ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
  • “Lakas-Loob na Nagsalita Dahil sa Awtoridad na Ibinigay ni Jehova”
    ‘Lubusang Magpatotoo Tungkol sa Kaharian ng Diyos’
  • Ang Bayan ni Jehova Pinatibay sa Pananampalataya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 4/15 p. 20-23

Bernabe​—Ang “Anak ng Kaaliwan”

KAILAN ka huling nakatanggap ng kaaliwan mula sa isang kaibigan? Natatandaan mo ba kung kailan mo huling nagawa ito sa iba? Paminsan-minsan, lahat tayo’y nangangailangan ng pampatibay-loob, at tunay na pinahahalagahan natin yaong maibiging nagpapakita nito sa atin! Ang pag-aliw ay nangangahulugan ng paglalaan ng panahong makinig, umunawa, at tumulong. Handa ka bang gawin iyan?

Ang isang taong nagpamalas ng gayong pagnanais sa isang huwarang paraan ay si Bernabe, “isang mabuting tao at puspos ng banal na espiritu at ng pananampalataya.” (Gawa 11:24) Bakit ganiyan ang masasabi kay Bernabe? Ano ang ginawa niya upang maging karapat-dapat sa paglalarawang iyan?

Isang Bukas-Palad na Tagatulong

Ang tunay niyang pangalan ay Jose, subalit ibinigay ng mga apostol sa kaniya ang isang naglalarawang apelyido na tamang-tama sa kaniyang karakter​—Bernabe, na nangangahulugang “Anak ng Kaaliwan.”a (Gawa 4:36) Katatatag lamang ng Kristiyanong kongregasyon. Ipinalagay ng ilan na si Bernabe ay naging isa sa mga alagad ni Jesus noon. (Lucas 10:1, 2) Kung totoo man ito o hindi, ang taong ito’y kinakitaan ng mabuting paggawi.

Di-nagtagal pagkatapos ng Pentecostes 33 C.E., nagkusa si Bernabe, isang Levita mula sa Ciprus, na ipagbili ang ilang lupain at ibinigay ang pinagbilhan sa mga apostol. Bakit niya ginawa ito? Sinasabi sa atin ng ulat sa mga Gawa na sa mga Kristiyanong nasa Jerusalem noon, “ginagawa ang pamamahagi sa bawat isa, ayon sa kaniyang pangangailangan.” Maliwanag na nakita ni Bernabe na may pangangailangan, at buong-pagkaawang gumawa siya ng paraan. (Gawa 4:34-​37) Marahil ay isa siyang lalaking nakaririwasa, subalit hindi siya nag-atubiling ihandog kapuwa ang kaniyang materyal na tinatangkilik at ang kaniyang sarili para sa ikasusulong ng kapakanan ng Kaharian.b “Saanman masumpungan ni Bernabe ang mga tao o ang mga kalagayang nangangailangan ng pampatibay-loob, ibinibigay niya ang lahat ng pampatibay-loob na kaya niyang ibigay,” sabi ng iskolar na si F. F. Bruce. Ito’y kitang-kita sa ikalawang pangyayari na doo’y naroroon siya.

Noong mga 36 C.E., si Saulo ng Tarso (ang naging apostol Pablo), na ngayo’y isa nang Kristiyano, ay nagsisikap na makipag-alam sa kongregasyon sa Jerusalem, “ngunit silang lahat ay natatakot sa kaniya, sapagkat hindi sila naniwalang siya ay isang alagad.” Paano kaya niya makukumbinsi ang kongregasyon na ang pagkakumberte sa kaniya ay tunay at hindi isang pakana lamang upang lalo pang wasakin ito? “Tinulungan siya ni Bernabe at dinala siya sa mga apostol.”​—Gawa 9:26, 27; Galacia 1:13, 18, 19.

Hindi binabanggit kung bakit nagtiwala si Bernabe kay Saulo. Anuman ang pangyayari, tinupad ng “Anak ng Kaaliwan” ang kahulugan ng kaniyang apelyido sa pamamagitan ng pakikinig kay Saulo at pagtulong dito mula sa isang kalagayang wari’y wala nang pag-asa. Bagaman pagkaraan ay nagbalik si Saulo sa kaniyang tinubuang Tarso, nabuo ang pagkakaibigan sa pagitan ng dalawang lalaki. Sa paglipas ng mga taon, iyan ay nagkaroon ng mahalagang resulta.​—Gawa 9:30.

Sa Antioquia

Noong mga 45 C.E., umabot sa Jerusalem ang balita hinggil sa di-karaniwang pangyayari sa Antioquia ng Siria​—maraming naninirahan sa lunsod na iyon na nagsasalita ng Griego ang nagiging mga mananampalataya. Ipinadala ng kongregasyon si Bernabe upang magsiyasat at mag-organisa ng gawain doon. Ito ang pinakamagaling na pasiyang ginawa nila. Sabi ni Lucas: “Nang siya ay dumating at makita ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos, siya ay nagsaya at nagpasimulang patibaying-loob silang lahat na magpatuloy sa Panginoon na may taos-pusong layunin; sapagkat siya ay isang mabuting tao at puspos ng banal na espiritu at ng pananampalataya. At isang malaking pulutong ang nadagdag sa Panginoon.”​—Gawa 11:22-24.

Hindi lamang iyan ang kaniyang ginawa. Ayon sa iskolar na si Giuseppe Ricciotti, “si Bernabe ay isang praktikal na tao, at agad niyang napag-unawa ang pangangailangang kumilos upang matiyak na ang pamumulaklak na iyon ay masundan ng saganang ani. Kung gayon, ang pangunahing pangangailangan ay ang mga mang-aani.” Palibhasa’y taga-Ciprus, malamang na nasanay si Bernabe sa pakikitungo sa mga Gentil. Maaaring nadama niyang mas lalo siyang kuwalipikado na mangaral sa mga pagano. Subalit handa niyang isama ang iba sa nakasasabik at nakapagpapatibay-loob na gawaing ito.

Naalaala ni Bernabe si Saulo. Malamang na malamang, alam ni Bernabe ang makahulang kapahayagan kay Ananias noong panahon ng pagkakumberte kay Saulo, na ang dating tagausig ay ‘isang piniling sisidlan, upang dalhin ang pangalan ni Jesus sa mga bansa.’ (Gawa 9:15) Kaya pumunta si Bernabe sa Tarso​—isang paglalakbay na may layong mahigit na mga 200 kilometro papunta lamang doon​—upang hanapin si Saulo. Gumawang magkasama ang dalawa sa loob ng isang buong taon, at “sa Antioquia” sa panahong ito “unang tinawag na mga Kristiyano ang mga alagad sa pamamagitan ng mula-sa-Diyos na patnubay.”​—Gawa 11:25, 26.

Noong naghahari si Claudio, nagkaroon ng matinding taggutom sa iba’t ibang bahagi ng Imperyong Romano. Ayon sa istoryador na Judiong si Josephus, sa Jerusalem ay “maraming tao ang namatay dahil sa kakulangan ng kinakailangan upang makakuha ng pagkain.” Kaya naman, ang mga alagad sa Antioquia “ay nagpasiya, bawat isa sa kanila alinsunod sa makakayanan ng sinuman, na magpadala ng tulong na paglilingkod sa mga kapatid na nakatira sa Judea; at ginawa nila ito, na ipinadadala ito sa mga nakatatandang lalaki sa pamamagitan ng kamay nina Bernabe at Saulo.” Pagkatapos na maisakatuparan nang lubusan ang atas na iyon, ang dalawa ay bumalik na kasama ni Juan Marcos sa Antioquia, kung saan sila’y ibinilang sa mga propeta at mga guro ng kongregasyon.​—Gawa 11:29, 30; 12:25; 13:1.

Isang Pantanging Atas Bilang Misyonero

Nang magkagayo’y naganap ang isang pambihirang pangyayari. “Samantalang sila ay hayagang naglilingkod kay Jehova at nag-aayuno, ang banal na espiritu ay nagsabi: ‘Sa lahat ng mga tao ay ibukod ninyo sina Bernabe at Saulo para sa akin ukol sa gawaing itinawag ko sa kanila.’ ” Isip-isipin ito! Ang espiritu ni Jehova ay nag-utos na ang dalawa’y bigyan ng pantanging atas. “Alinsunod dito ang mga lalaking ito, isinugo ng banal na espiritu, ay bumaba sa Seleucia, at mula roon ay naglayag sila patungong Ciprus.” Si Bernabe ay wasto ring matatawag na apostol, o isa na isinugo.​—Gawa 13:2, 4; 14:14.

Matapos na makapaglakbay sa Ciprus at makumberte si Sergio Paulo, ang Romanong gobernador ng lalawigan sa isla, nagtungo sila sa Perga, sa timugang baybayin ng Asia Minor, kung saan si Juan Marcos ay humiwalay at bumalik sa Jerusalem. (Gawa 13:13) Waring hanggang noon ay may pangunahing papel si Bernabe, marahil bilang mas makaranasang kasama. Mula noon, si Saulo (ngayo’y tinatawag na Pablo) na ang nangunguna. (Ihambing ang Gawa 13:7, 13, 16; 15:2.) Nagdamdam ba si Bernabe sa pangyayaring ito? Hindi, isa siyang may-gulang na Kristiyano na mapagpakumbabang kumilala na ginagamit din ni Jehova ang kaniyang kasama sa isang mabisang paraan. Sa pamamagitan nila, ibig pa rin ni Jehova na makarinig ng mabuting balita ang ibang mga teritoryo.

Sa katunayan, bago palayasin ang dalawa mula sa Antioquia sa Pisidia, ang buong lugar na iyon ay nakarinig ng salita ng Diyos mula kina Pablo at Bernabe, at marami ang tumanggap ng mensahe. (Gawa 13:43, 48-​52) Sa Iconio, “isang malaking karamihan ng kapuwa mga Judio at Griego ang naging mga mananampalataya.” Ito ang nagpakilos kina Pablo at Bernabe upang gumugol ng mahabang panahon doon, ‘na nagsasalita nang may katapangan sa pamamagitan ng awtoridad ni Jehova, na nagkaloob na maganap ang mga tanda at mga palatandaan sa pamamagitan ng kanilang mga kamay.’ Nang marinig na isang pakana ang binuo upang pagbabatuhin sila, buong-katalinuhang tumakas ang dalawa at nagpatuloy sa kanilang gawain sa Licaonia, Listra, at Derbe. Sa kabila ng mga karanasan sa Listra na nagsasapanganib ng buhay, nagpatuloy sina Bernabe at Pablo “na pinalalakas ang mga kaluluwa ng mga alagad, na pinatitibay-loob sila na manatili sa pananampalataya at sinabi: ‘Kailangang pumasok tayo sa kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng maraming kapighatian.’ ”​—Gawa 14:1-7, 19-22.

Hindi hinayaan ng dalawang masigasig na mangangaral na ito na sila ay matakot. Sa kabaligtaran, nagbalik sila upang patibayin ang mga bagong Kristiyano sa mga lugar na doo’y dumanas na sila ng mahigpit na pagsalansang, malamang na tinulungan ang kuwalipikadong mga lalaki na manguna sa bagong mga kongregasyon.

Ang Isyu sa Pagtutuli

Mga 16 na taon pagkaraan ng Pentecostes 33 C.E., nakibahagi si Bernabe sa isang makasaysayang pangyayari hinggil sa isyu ng pagtutuli. “May ilang lalaking bumaba [sa Antioquia ng Sirya] mula sa Judea at nagpasimulang magturo sa mga kapatid: ‘Malibang tuliin kayo ayon sa kaugalian ni Moises, ay hindi kayo maliligtas.’ ” Batay sa karanasan ay batid nina Bernabe at Pablo na hindi gayon, at sinalungat nila ang turo. Sa halip na igiit ang kanilang awtoridad, kinilala nila na ito ay isang suliranin na dapat lutasin sa ikabubuti ng buong samahan ng magkakapatid. Kaya idinulog nila ang suliranin sa lupong tagapamahala sa Jerusalem, kung saan ang kanilang mga ulat ay nakatulong upang malutas ang usapin. Pagkatapos noon, sina Pablo at Bernabe, na inilarawan bilang “mga iniibig . . . [na] nagbigay ng kanilang mga kaluluwa para sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Kristo,” ay napabilang sa mga naatasan na maghatid ng desisyon sa mga kapatid sa Antioquia. Nang ang sulat mula sa lupong tagapamahala ay basahin at ipahayag ang mga diskurso, ang kongregasyon ay “nagsaya sa pampatibay-loob” at ‘napalakas.’​—Gawa 15:1, 2, 4, 25-32.

“Isang Matinding Pagsiklab ng Galit”

Pagkatapos ng maraming positibong ulat tungkol sa kaniya, baka madama natin na hindi tayo kailanman makatutulad sa halimbawa ni Bernabe. Gayunman, ang “Anak ng Kaaliwan” ay di-sakdal gaya rin natin. Habang sila ni Pablo ay nagpaplano ng pangalawang paglalakbay bilang misyonero upang dalawin ang mga kongregasyon, naganap ang isang pagtatalo. Determinado si Bernabe na isama ang kaniyang pinsang si Juan Marcos, ngunit inakala ni Pablo na hindi ito nararapat, yamang humiwalay sa kanila si Juan Marcos sa unang paglalakbay bilang misyonero. Nagkaroon ng “isang matinding pagsiklab ng galit, anupat humiwalay sila sa isa’t isa; at isinama ni Bernabe si Marcos at naglayag patungong Ciprus,” samantalang “pinili ni Pablo si Silas at umalis” patungo sa ibang direksiyon.​—Gawa 15:36-40.

Nakalulungkot! Magkagayunman, ang pangyayari ay may sinasabi pa sa atin tungkol sa personalidad ni Bernabe. “Isang kapurihan para kay Bernabe na siya’y handang makipagsapalaran at magtiwala kay Marcos sa ikalawang pagkakataon,” sabi ng isang iskolar. Gaya ng ipinahihiwatig ng manunulat na ito, maaaring “ang tiwala na ibinigay ni Bernabe sa kaniya ang nakatulong upang bumalik ang sarili nitong pagtitiwala at nagsilbing isang pangganyak upang tumanggap muli ng pananagutan.” Gaya ng nangyari, lubusang nabigyang matuwid ang pagtitiwalang iyan, sapagkat dumating ang araw na maging si Pablo ay kumilala sa pagiging kapaki-pakinabang ni Marcos sa paglilingkurang Kristiyano.​—2 Timoteo 4:11; ihambing ang Colosas 4:10.

Mapasisigla tayo ng halimbawa ni Bernabe na gumugol ng panahon upang makinig, umunawa, at magpasigla sa mga nasisiraan ng loob at maglaan ng praktikal na tulong kailanma’t nakikita nating kailangan. Ang ulat ng kaniyang pagiging handang maglingkod sa kaniyang mga kapatid taglay ang kahinahunan at tibay ng loob, gayundin ang mahuhusay na resulta nito, ay isa nang pampatibay-loob sa ganang sarili. Tunay na isang pagpapala na magkaroon ng mga taong gaya ni Bernabe sa ating mga kongregasyon sa ngayon!

[Mga talababa]

a Kapag tinawag ang isa na “anak ng” isang uri ng kalidad, nagpapakita ito ng isang pambihirang katangian. (Tingnan ang Deuteronomio 3:18, talababa sa Ingles.) Noong unang siglo, karaniwan nang ginagamit ang mga apelyido upang itawag-pansin ang mga katangian ng isang tao. (Ihambing ang Marcos 3:17.) Ito’y isang uri ng pagpapakilala sa madla.

b Sa pagsasaalang-alang ng itinakda sa Batas Mosaiko, ang ilan ay nagtanong kung paanong si Bernabe, na isang Levita, ay nagkaroon ng pag-aaring lupain. (Bilang 18:20) Gayunman, mapapansin na hindi naging maliwanag kung ang pag-aari ay nasa Palestina o nasa Ciprus. Isa pa, posible na ito’y isa lamang lugar na pinaglilibingan na nabili ni Bernabe sa dako ng Jerusalem. Anuman ang pangyayari, ibinigay ni Bernabe ang kaniyang pag-aari upang makatulong sa iba.

[Larawan sa pahina 23]

Si Bernabe ay “isang mabuting tao at puspos ng banal na espiritu at ng pananampalataya”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share