Silas—Isang Pinagmumulan ng Pampatibay-Loob
MULA pa sa pagsisimula ng kasaysayan ng mga Kristiyano, ang gawain ng tapat na mga naglalakbay na tagapangasiwa ay napakahalaga kapuwa sa pagpapatibay-loob sa mga kongregasyon ng bayan ng Diyos at sa pagpapalaganap ng mabuting balita sa pinakamalalayong bahagi ng lupa. Isa sa pinakaunang nahirang na mga tagapangasiwa ay si Silas, isang propeta at isang nangungunang miyembro ng kongregasyon sa Jerusalem. Gumanap siya ng importanteng papel sa mahahalagang pagsulong ng gawaing pangangaral at isa siya sa mga misyonero na unang nag-ebanghelyo sa teritoryo sa Europa. Ano ang nagpangyari partikular na kay Silas na maging lubusang kuwalipikado para gawin ang lahat ng ito? At ano ang mga katangian ng kaniyang personalidad na makabubuting tularan natin?
Ang Usapin Tungkol sa Pagtutuli
Nang bumangon ang suliranin tungkol sa pagtutuli na posibleng lumikha ng pagkakabaha-bahagi noong 49 C.E., ang lupong tagapamahala sa Jerusalem ay kinailangang magpalibot ng malinaw na direktiba sa mga Kristiyano upang lutasin ang usapin. Ganito ang mga kalagayan nang lumitaw sa rekord ng Bibliya si Silas, na tinatawag ding Silvano. Maaaring isa rin siya sa mga tagapagpasiya na pinili noon bilang sugo ng “mga apostol at ng mga nakatatandang lalaki,” upang ipaabot ang kanilang desisyon sa “mga kapatid sa Antioquia at Siria at Cilicia.” Sa Antioquia, inihatid nina Silas at Judas (Barsabas), kasama nina Bernabe at Pablo, ang mensahe na dala nila, anupat lumilitaw na pasalitang inilahad ang mga pangyayari sa pulong sa Jerusalem, ang naipasiya, at ang nilalaman ng liham. Sila rin ay “nagpatibay-loob sa mga kapatid sa pamamagitan ng maraming diskurso at pinalakas sila.” Ang magandang kinalabasan ay na “nagsaya” ang mga Kristiyano sa Antioquia.—Gawa 15:1-32.
Kaya si Silas ay gumanap ng importanteng bahagi sa paglutas sa mahalagang usaping ito. Subalit hindi naging madali ang kaniyang atas. Walang paraan upang malaman kung ano ang magiging reaksiyon ng kongregasyon sa Antioquia hinggil sa naging pasiya. Kaya naman, “kinailangan ang isa na marunong at mataktika upang ipaliwanag kung ano ang isinulat ng mga apostol sa kanilang liham,” ang sabi ng isang komentarista. Ang pagpili kay Silas sa maselan na atas na ito ay nagsasabi sa atin tungkol sa uri ng kaniyang pagkatao. Maaaring maaasahan siya na maiharap nang buong-katapatan ang mga direktiba ng lupong tagapamahala. Tiyak na isa rin siyang matalinong tagapangasiwa na may-kakayahang papagkasunduin ang kongregasyon kapag ito ay pinagbabantaan ng kontrobersiya.
Naglakbay na Kasama ni Pablo
Hindi matiyak kung si Silas ay bumalik o hindi na bumalik sa Jerusalem matapos ang misyong iyon. Sa paano man, matapos ang di-pagkakaunawaan nina Bernabe at Pablo hinggil kay Juan Marcos, pinili ni Pablo si Silas, na nasa Antioquia ng panahong iyon, para sa isang bagong paglalakbay na nilayon pangunahin na upang muling dalawin ang mga lunsod na pinangaralan ni Pablo sa panahon ng kaniyang unang paglalakbay bilang misyonero.—Gawa 15:36-41.
Maaaring dahil sa maitutulong ng kaniyang positibong saloobin hinggil sa misyon sa mga Gentil at ng kaniyang awtoridad bilang isang propeta at isang tagapagsalita ng lupong tagapamahala kung kaya pinili si Silas upang ihatid ang kanilang mga pasiya sa mga mananampalataya sa Siria at Cilicia. Napakaganda ng naging resulta. Ang aklat ng Mga Gawa ay naglalahad: “Ngayon habang sila ay naglalakbay sa mga lunsod ay dinadala nila sa mga naroon ang mga dekreto na napagpasiyahan ng mga apostol at ng mga nakatatandang lalaki na nasa Jerusalem upang tuparin. Dahil nga rito, ang mga kongregasyon ay nagpatuloy na maging matatag sa pananampalataya at dumami ang bilang sa araw-araw.”—Gawa 16:4, 5.
Habang naglalakbay ang mga misyonero, dalawang beses silang inilihis ng banal na espiritu mula sa kanilang nilayon na ruta. (Gawa 16:6, 7) Si Timoteo ay napabilang sa grupo nang ito’y dumaan sa Listra, matapos ang di-isinaad na “mga prediksiyon” hinggil sa kaniya. (1 Timoteo 1:18; 4:14) Sa pamamagitan ng isang pangitain kay Pablo, na mayroon ding kaloob na panghuhula, ang magkakasamang naglalakbay ay inakay na maglayag patungong Macedonia, sa Europa.—Gawa 16:9, 10.
Pinaghahampas at Ibinilanggo
Sa Filipos, ang “pangunahing lunsod ng distrito,” si Silas ay nakaranas ng di-malilimutang pagpapahirap. Matapos palabasin ni Pablo sa isang aliping batang babae ang isang espiritu ng panghuhula, sina Silas at Pablo ay kinaladkad ng mga panginoon ng babae sa harapan ng mga mahistrado ng lunsod, palibhasa’y nakita na nawalan na sila ng pagkakakitaan. Bilang resulta, ang dalawa ay dumanas ng pang-iinsulto sa pamamagitan ng paghaharap sa kanila sa publiko bilang mga manggagawa ng masama, anupat hinapak ang kanilang panlabas na kasuutan, at pinaghahampas ng mga pamalo sa pamilihang-dako.—Gawa 16:12, 16-22.
Hindi lamang nakapanghihilakbot na parusa ang gayong pamamalo, anupat sinasagad ang pagtitiis ng isang tao kundi, sa kaso nina Pablo at Silas, labag din iyon sa batas. Bakit? Isinasaad sa mga batas ng mga Romano na walang mamamayang Romano ang maaaring hampasin. Si Pablo ay may pagkamamamayang Romano, at malamang na gayundin si Silas. Pagkatapos na “mahampas sila ng marami,” sina Pablo at Silas ay itinapon sa bilangguan kung saan ipiniit ang kanilang mga paa sa mga pangawan. Ang mga ito ay “nakapanghihilakbot na instrumento,” ang paliwanag ni Gustav Stählin, “na doo’y maaaring ibikaka nang husto ang mga paa ng mga bilanggo, anupat hindi na makatulog ang mga ito.” Gayunman, sa kalagitnaan ng gabi, bagaman ang kanilang likod ay tiyak na tadtad ng makikirot na sugat, “sina Pablo at Silas ay nananalangin at pinupuri ang Diyos sa pamamagitan ng awit.”—Gawa 16:23-25.
Ito ay nagsasabi sa atin ng isa pang bagay tungkol sa personalidad ni Silas. Siya ay nagagalak dahil nagdurusa sila alang-alang sa pangalan ni Kristo. (Mateo 5:11, 12; 24:9) Maliwanag na iyon din ang espiritu na nagpangyari kay Silas at sa kaniyang mga kasamahan na maging mabisa sa pagpapatibay-loob at pagpapalakas sa kongregasyon noong una nilang misyon sa Antioquia, anupat napagalak ang kanilang kapuwa mga Kristiyano. Tiyak na lalong nagalak sina Pablo at Silas nang isang lindol ang makahimalang nagpalaya sa kanila sa pagkakabilanggo at natulungan nila ang magpapakamatay na sanang tagapagbilanggo at ang kaniyang pamilya na manampalataya sa Diyos.—Gawa 16:26-34.
Hindi natakot sina Pablo at Silas sa pamamalo at pagkabilanggo. Nang iutos na sila ay palayain, sila’y tumangging palihim na umalis sa Filipos na waring nahihiya, gaya ng inaasahan ng mga mahistrado. Ipinakipaglaban nila ang kanilang karapatan at binalingan ang mga arogante at di-makatarungang opisyal. “Hinampas nila kami nang hayagan na hindi nahatulan, mga taong Romano, at itinapon kami sa bilangguan; at ngayon ba ay pinalalayas nila kami nang palihim?” ang tanong ni Pablo. “Tunay ngang hindi! kundi sila mismo ang kumuha sa amin at ilabas kami.” Palibhasa’y takot sa masamang kahihinatnan, napilitan ang mga mahistrado na mamanhik sa dalawa upang lisanin ang lunsod.—Gawa 16:35-39.
Kaya matapos maikintal sa isipan ng mga awtoridad ang kanilang karapatan bilang mga Romano, pinagbigyan nina Pablo at Silas ang kahilingan ng mga mahistrado—subalit nagpaalam muna sila sa kanilang mga kaibigan. Kasuwato ng naging katangian na noon ng kabuuan ng lumilibot na pangangaral, muli na namang “pinatibay-loob” ni Silas at ng kaniyang kasama ang mga kapatid at pagkatapos ay lumisan na.—Gawa 16:40.
Mula sa Macedonia Tungo sa Babilonya
Palibhasa’y hindi nasiraan ng loob sa isang di-sana magandang karanasan, sina Pablo, Silas, at ang kanilang mga kasamahan ay nagpatuloy sa kanilang bagong mga larangan sa pagmimisyonero. Muli na naman silang nagdanas ng hirap sa Tesalonica. Dahilan sa tagumpay ni Pablo sa kaniyang ministeryo sa loob ng tatlong Sabbath, sinulsulan ng mga naiinggit na mananalansang ang mga mang-uumog, anupat naging isang katalinuhan para sa mga misyonero na lisanin ang lunsod sa gabi. Nagtungo sila sa Berea. Nang mabalitaan ang mga nagawa ni Pablo at ng kaniyang mga kasamahan sa lunsod na iyon, nagtungo roon ang mga mananalansang mula sa Tesalonica. Si Pablo ay nagpatuloy nang nag-iisa, samantalang sina Silas at Timoteo ay nanatili sa Berea upang alagaan ang grupo ng mga bagong interesado. (Gawa 17:1-15) Sina Silas at Timoteo ay muling nakisama kay Pablo sa Corinto, na dala ang mabuting balita at marahil ang isang kaloob mula sa tapat na mga kaibigan sa Macedonia. Tiyak na pinangyari nitong huminto sa sekular na pagtatrabaho ang nagdarahop na apostol, na pansamantala niyang ginawa, at may-kasiglahang nagbalik sa buong-panahong pangangaral. (Gawa 18:1-5; 2 Corinto 11:9) Sa Corinto, sina Silas at Timoteo ay itinuring din bilang mga ebanghelisador at mga kasamahan ni Pablo. Kaya maliwanag na hindi rin sila nagmabagal sa kanilang gawain sa lunsod na iyon.—2 Corinto 1:19.
Ang paggamit sa panghalip na “namin [amin o kami]” sa buong liham sa mga taga-Tesalonica—na kapuwa isinulat mula sa Corinto noong panahong iyon—ay ipinalalagay na nangangahulugang kasama sa pagliham sina Silas at Timoteo. Gayunman, ang ideya na si Silas ay nakibahagi sa gawaing pagsulat ay pangunahin nang nakasalig sa sinabi ni Pedro sa isa sa kaniyang sariling liham. Sinabi ni Pedro na isinulat niya ang kaniyang unang liham “sa pamamagitan ni Silvano, isang tapat na kapatid.” (1 Pedro 5:12) Bagaman maaaring mangahulugan lamang ito na si Silvano ang siyang nagdala, ang pagkakaiba ng istilo sa pagitan ng dalawang liham ni Pedro ay nagpapakita na ginamit niya si Silas bilang tagasulat upang isulat ang unang liham ngunit hindi na ang pangalawa. Kung gayon, marahil ang isa pa sa sari-saring kakayahan at mga teokratikong pribilehiyo ni Silas ay ang pagiging isang kalihim.
Isang Halimbawa na Dapat Tularan
Kapag ating binabalikang-tanaw at sinusuri ang mga bagay na alam nating ginawa ni Silas, kahanga-hanga ang kaniyang rekord. Siya ay isang mahusay na halimbawa para sa mga misyonero at naglalakbay na tagapangasiwa sa modernong panahon. Walang pag-iimbot niyang nilakbay ang malalayong lugar anupat nagsakripisyo siya nang malaki, hindi para magtamo ng materyal na kapakinabangan o ng katanyagan, kundi upang tulungan ang iba. Ang tunguhin niya ay ang mapatibay-loob sila sa pamamagitan ng may-katalinuhan at mataktikang payo, ng inihandang-mabuti at masiglang mga pahayag, at ng kaniyang sigasig sa ministeryo sa larangan. Anuman ang iyong papel sa gitna ng organisadong bayan ni Jehova, kung pagsisikapan mo rin na maging positibo—sa harap man ng kahirapan—malamang na ikaw ay pagmumulan din ng pampatibay-loob ng iyong mga kapananampalataya.
[Mapa sa pahina 29]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ikalawang Pangmisyonerong Paglalakbay ni Pablo
Ang Malaking Dagat
Antioquia
Derbe
Listra
Iconio
Troas
Filipos
Amfipolis
Tesalonica
Berea
Atenas
Corinto
Efeso
Jerusalem
Cesarea
[Credit Line]
Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.