Katarungan Para sa Lahat sa Pamamagitan ng Inilagay ng Diyos na Hukom
“Sapagkat minamahal ng Ama ang Anak at . . . ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol.”—JUAN 5:20, 22.
1. Paano mo ba hinaharap ang mga tanong na nahahawig sa mga tanong na napaharap sa mga ibang tao noong unang siglo?
GAANO bang kahalaga sa iyo ang katarungan? Gaanong pagsisikap ang gagawin mo upang makatiyak na tatanggap ka ng tunay na katarungan at mabubuhay ka pagka ito’y umiral na sa buong lupa? Obligasyon mo sa iyong sarili na pag-isipan ang mga tanong na iyan, gaya ng pinag-isipan ng tanyag na mga lalaki at mga babae sa Atenas, Gresya.
2, 3. (a) Ano ang umakay kay Pablo upang manawagan sa kaniyang mga tagapakinig sa Atenas na magsisi? (b) Bakit ang pagsisisi ay isang kataka-takang ideya sa mga nakikinig na iyon?
2 Sila’y nakarinig ng isang di-malilimutang talumpati ng Kristiyanong si apostol Pablo sa bantog na hukuman ng Areopago. Una muna’y nangatuwiran siya tungkol sa pag-iral ng isang Diyos, ang Maylikha, na pinagkakautangan nating lahat ng ating buhay. Ito’y umakay tungo sa makatuwirang konklusyon na tayo’y mananagot sa Diyos na ito. Sa puntong ito’y sinabi ni Pablo: “Pinalipas na nga ng Diyos ang mga panahon ng gayong kawalang-alam [na ang mga tao’y sumasamba sa mga diyus-diyusan], gayunman ngayon ay sinasabihan niya ang sangkatauhan na magsisi silang lahat sa lahat ng dako.”—Gawa 17:30.
3 Tahasang masasabi, ang pagsisisi ay isang kataka-takang ideya para sa mga tagapakinig na iyon. Bakit nga? Ang pagkaalam ng sinaunang mga Griego tungkol sa pagsisisi ay ang pagkadama ng lungkot dahil sa nagawa o nasabi ng isa. Gayunman, gaya ng binanggit ng isang diksiyunaryo, ang salita ay “hindi kailanman [nag]pahiwatig ng isang pagbabago sa buong saloobin sa moral, isang matinding pagbabago sa tunguhin sa buhay, isang pagbabalik-loob na may epekto sa buong pag-uugali.”
4. Ang sinabi ni Pablo tungkol sa pagsisisi ay sinusuhayan ng anong pangangatuwiran?
4 Gayunman, tiyak na nakikita mo kung bakit ang gayong matinding pagsisisi ay angkop. Subaybayan ang pangangatuwiran ni Pablo. Ang buhay ng lahat ng tao ay utang nila sa Diyos, kaya lahat ay sa kaniya nananagot. Kung gayon, matuwid lamang at makatuwiran na asahan ng Diyos na siya’y hahanapin nila, upang sila’y makasumpong ng kaalaman tungkol sa kaniya. Kung ang mga taga-Atenas na iyon ay hindi nakaaalam ng kaniyang mga simulain at kalooban, kailangang alamin nila ang mga bagay na ito at pagkatapos ay magsisi upang ang kanilang buhay ay maiayon nila sa mga ito. Ito’y hindi depende sa kung gaano lamang kaginhawa na gawin iyon. Makikita natin kung bakit buhat sa mabisang sukdulan ng pahayag ni Pablo: “Sapagkat siya’y nagtakda ng isang araw na kaniyang nilalayong ipaghukom sa tinatahanang lupa sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaking kaniyang hinirang, at siya’y nagbigay ng katiyakan sa lahat ng tao nang kaniyang buhaying-muli ito buhat sa mga patay.”—Gawa 17:31.
5. Paano naapektuhan ang mga tagapakinig ng talumpati ni Pablo, at bakit?
5 Ang talatang iyan, na siksik na siksik ng kahulugan, at lubhang kapani-paniwala, ay karapat-dapat na suriin nating maingat, sapagkat tayo’y pinupukaw na umasa na darating ang lubos na katarungan sa panahon natin. Pansinin ang mga pananalitang: “nagtakda ng isang araw,” “ipaghuhukom sa tinatahanang lupa,” “sa katuwiran,” “sa pamamagitan ng isang lalaking kaniyang hinirang,” “nagbigay ng katiyakan,” “siya’y binuhay-muli.” Ang mga salitang “siya’y binuhay-muli” ay nagdulot ng matinding epekto sa mga tagapakinig ni Pablo. Gaya ng ipinakikita ng mga Gawa 17 talatang 32-34, ang iba’y nanlibak. Ang iba naman ay basta umalis na lamang sa talakayang iyon. Subalit, ang ilan ay nangagsisi at naging mga mananampalataya. Gayunman, tayo’y magpakadunong nang higit kaysa karamihan sa mga tagapakinig na taga-Atenas, sapagkat ito’y may sukdulang kahalagahan kung tayo’y naghahangad ng tunay na katarungan. Upang makamit natin ang lubos na kahulugan ng Gawa 17 talatang 31, tingnan muna natin ang pananalitang: “Kaniyang nilalayong ipaghukom sa tinatahang lupa.” Kanino ba tumutukoy ang ‘kaniya’ rito, at ano ba ang kaniyang mga pamantayan, lalo na tungkol sa katarungan?
6. Paano natin makikilala ang Isa na nagtakda ng isang araw para sa paghuhukom sa lupa?
6 Bueno, ipinakikita ng Gawa 17:30 ang tinutukoy ni Pablo—ang mismong Diyos na nagsasabi na mangagsisi ang lahat, siya ang ating Tagapagbigay-Buhay, ang Maylikha. Natural, malaki ang matututuhan natin tungkol sa Diyos buhat sa kaniyang mga gawang paglalang. Subalit ang kaniyang pamantayan ng katarungan ay lalo nang nahahayag buhat sa isa pang mapagkukunan, ang Bibliya, na nag-uulat ng kaniyang mga pakikitungo sa mga taong gaya ni Moises at ng mga batas ng Diyos sa Israel.
Anong Uri ng Paghuhukom at Katarungan?
7. Ano ang patotoo ni Moises tungkol kay Jehova at sa katarungan?
7 Marahil ay alam mo na sa loob ng kung ilang mga dekada si Moises ay nagkaroon ng matalik na pakikipag-ugnayan sa Diyos na Jehova, na pagkalapit-lapit kung kaya sinabi ng Diyos na siya’y nakipag-usap kay Moises nang “bibig sa bibig.” (Bilang 12:8) Batid ni Moises kung paano nakitungo sa kaniya si Jehova, at kung paano naman nakitungo ang Diyos sa mga ibang tao at sa buong mga bansa. Nang malapit nang matapos ang kaniyang buhay, ganito ang ibinigay ni Moises na nagbibigay-tiwalang paglalarawan: “Siya ang malaking Bato, ang kaniyang gawa ay sakdal, sapagkat lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos na tapat, at makatarungan; matuwid at banal siya.”—Deuteronomio 32:4.
8. Bakit dapat nating pag-isipan ang sinabi ni Elihu tungkol sa katarungan?
8 Isaalang-alang, din naman, ang patotoong buhat kay Elihu, isang taong kilalá sa kaniyang karunungan at pang-unawa. Matitiyak mo na siya’y hindi isang taong padalus-dalos. Bagkus, minsan ay naupo siya nang mahigit na isang linggo samantalang siya’y nakikinig sa mahahabang mga pagtatalo buhat sa magkabilang panig. Ngayon, buhat sa sariling karanasan ni Elihu at buhat sa kaniyang pag-aaral ng mga lakad ng Diyos, anong konklusyon ang nabuo niya tungkol sa Diyos? Siya’y nagpahayag: “Kaya’t, dinggin ninyo ako, kayong mga lalaking may unawa. Malayo nawa sa tunay na Diyos na siya’y gumawa ng masama, at sa Makapangyarihan-sa-lahat na siya’y gumawa nang walang katarungan! Sapagkat ayon sa gawa ng tao sa lupa ginagantimpalaan niya siya, at ayon sa lakad ng tao gagantihin niya siya. Oo, sa katotohanan, ang Diyos ay hindi gumagawa ng masama, at ang katarungan ay hindi pinipilipit ng Makapangyarihan-sa-lahat.”—Job 34:10-12.
9, 10. Bakit dapat tayong palakasing-loob ng mga pamantayan ng Diyos ukol sa mga hukom na tao? (Levitico 19:15)
9 Tanungin ang iyong sarili: Hindi ba iyan ay hustong naglalarawan sa nais natin sa isang hukom, na kaniyang hatulan ang bawat tao ayon sa kaniyang mga gawa, o mga ginawa, na walang pagtatangi o pagpilipit sa katarungan? Kung sakaling kailanganing humarap ka sa isang taong hukom, hindi baga magluluwag ang iyong kalooban kung ang hukom na iyon ay ganiyan?
10 Sa Bibliya si Jehova ay tinutukoy na “ang Hukom ng buong lupa.” (Genesis 18:25) Gayunman, paminsan-minsan ay gumamit siya ng mga taong hukom. Ano ba ang kaniyang inaasahang makikita sa mga hukom na Israelita na kumatawan sa kaniya? Sa Deuteronomio 16:19, 20 mababasa natin ang mga tagubilin ng Diyos na masasabing paglalarawan ng mga kahilingan sa mga hukom: “Huwag mong pipilipitin ang kahatulan. Huwag kang magtatangi o tatanggap ng suhol, sapagkat ang suhol ay bumubulag ng mga mata ng marurunong at pinipilipit nito ang mga salita ng mga matuwid. Katarungan—katarungan ang susundin mo, upang ikaw ay patuloy na mabuhay.” Sa ngayon, ang mga estatuwang kumakatawan sa Katarungan ay marahil may pagmimithing naglalarawan sa kaniya na napipiringan upang kumatawan sa kawalang-itinatangi, subalit makikita mo na higit pa riyan ang ginawa ng Diyos. Kaniyang aktuwal na hiniling sa mga taong hukom na kakatawan sa kaniya at magpapatupad ng kaniyang mga kautusan ang ganiyang kawalang-pagtatangi.
11. Ano ang masasabi natin pagkatapos na repasuhin itong impormasyong ito sa Bibliya tungkol sa katarungan?
11 Ang mga detalyeng ito tungkol sa pangmalas ng Diyos sa katarungan ay may tuwirang kaugnayan sa pinaka-sukdulang talumpati ni Pablo. Sa Gawa 17:31 ipinahayag ni Pablo na ang Diyos ay “nagtakda ng isang araw na kaniyang ilaláyong ipaghukom sa tinatahanang lupa sa katuwiran.” Iyang-iyan ang maaasahan natin sa Diyos—katarungan, katuwiran, kawalang-pagtatangi. Gayunman, baka isipin ng mga ibang tao na sang-ayon sa Gawa 17 talatang 31, ang Diyos ay gagamit ng “isang lalaking” hahatol sa lahat ng tao. Sino ba ang “lalaking” iyan, at anong katiyakan mayroon tayo na siya’y susunod sa mataas na pamantayan ng Diyos ng katarungan?
12, 13. Paano natin makikilala kung sinong ‘lalaki’ ang gagamitin ng Diyos upang maghukom?
12 Sa Gawa 17:18 ay sinasabi sa atin na si Pablo’y “nangangaral ng mabuting balita tungkol kay Jesus at sa pagkabuhay-muli.” Kaya naman, sa katapusan ng kaniyang talumpati, natalos ng mga tagapakinig na ang tinutukoy ni Pablo ay si Jesu-Kristo nang kaniyang sabihing ‘huhukuman [ng Diyos] ang tinatahanang lupa sa katuwiran sa pamamagitan ng isang lalaking kaniyang hinirang, at siya’y binuhay-muli ng Diyos buhat sa mga patay.’
13 Tinanggap ni Jesus na siya’y hinirang ng Diyos bilang isang hukom na nakatutugon sa banal na pamantayan. Sa Juan 5:22 sinabi niya: “Sapagkat ang Ama ay hindi humahatol sa kaninuman, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol.” Pagkatapos banggitin ang isang darating na pagbuhay-muli sa mga nasa libingang pang-alaala, isinusog ni Jesus: “Hindi ako makagagawa ng anuman kung sa ganang aking sarili; humahatol ako ayon sa aking narinig; at ang paghatol ko’y matuwid, sapagkat hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin.”—Juan 5:30; Awit 72:2-7.
14. Anong uri ng pakikitungo ang maaasahan natin kay Jesus?
14 Ang ganitong katiyakan ay tugmang-tugma sa mababasa natin sa Gawa 17:31! Doon si Pablo ay nagbigay din ng katiyakan na “huhukuman [ng Anak] ang tinatahanang lupa sa katuwiran.” Tunay na hindi nagpapahiwatig iyan ng katarungan na mahigpit, di-mababali, at walang damdamin, di ba? Bagkus, sa matuwid na paghatol ay kailangang lakipan ng awa at unawa ang katarungan. Huwag nating kaligtaan ito: Bagaman si Jesus ay nasa langit na ngayon, siya’y nakaranas na maging isang tao. Kaya naman maaari siyang makiramay sa tao. Sa Hebreo 4:15, 16 ito’y tinutukoy ni Pablo sa paglalarawan kay Jesus bilang isang mataas na saserdote.
15. Paano naiiba si Jesus sa mga hukom na tao?
15 Samantalang binabasa ang Hebreo 4:15, 16, pag-isipan ang ating madaramang ginhawa kung si Jesus ang Hukom natin: “Sapagkat ang ating mataas na saserdote [at hukom] ay hindi isang walang pagkahabag sa ating mga kahinaan, kundi isang subók na sa lahat ng paraan na gaya natin, ngunit walang kasalanan. Magsilapit nga tayo nang may kalayaan ng pagsasalita sa trono ng di-sana-nararapat na awa, upang tayo’y magtamo ng habag at makasumpong ng di-sana-nararapat na awa na tutulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.” Sa mga bulwagan ng hukuman sa ngayon, kadalasa’y nakasisindak na matawag ka sa harap ng hukuman. Subalit, sa kaso na si Kristo ang Hukom, tayo’y ‘makalalapit nang may kalayaan ng pagsasalita upang tayo’y makasumpong ng awa, di-sana-nararapat na awa, at tulong sa panahon ng pangangailangan.’ Gayunman, tungkol sa panahon, tayo ay may mabuting dahilan na magtanong, ‘Kailan huhukuman ni Jesus ang sangkatauhan sa katuwiran?’
“Isang Araw” Para sa Paghuhukom—Kailan?
16, 17. Paano natin malalaman na ang paghuhukom buhat sa langit ay nagaganap na ngayon?
16 Alalahanin na sinabi ni Pablo na ang Diyos ay “nagtakda ng isang araw” upang ipaghukom sa sanlibutan sa pamamagitan ng Kaniyang hinirang na Hukom. Samantalang hinihintay ang “araw” na iyan ng paghuhukom, si Jesus ay nagsasagawa ng isang mahalagang gawaing paghuhukom sa ngayon, oo, sa mismong sandaling ito. Bakit natin masasabi iyan? Malaon pa bago siya dinakip at walang katarungang hinatulan ng kamatayan, si Jesus ay nagbigay ng isang makasaysayang hula tungkol sa kaarawan natin. Makikita natin iyan sa Mateo kabanata 24. Inilarawan ni Jesus ang mga pangyayari sa daigdig na mangyayari sa yugto ng panahong tinatawag na “ang katapusan ng sistema ng mga bagay.” Ang mga digmaan, mga kakapusan sa pagkain, mga lindol, at iba pang mga pangyayaring naganap sa buong lupa sapol noong Digmaang Pandaigdig I ay nagpapatunay na ngayo’y natutupad na ang inihula ni Jesus at na hindi na magtatagal at “darating ang wakas.” (Mateo 24:3-14) Sa loob ng marami nang mga taon ay ipinaliliwanag ito ng mga Saksi ni Jehova buhat sa Bibliya. Kung ibig mo ng higit pang patotoo kung bakit alam namin na tayo’y nasa mga huling araw na ng walang-katarungang sistemang ito, matutulungan ka sa bagay na ito ng mga Saksi ni Jehova.
17 Ngayon, suriin mo ang huling kalahatian ng Mateo kabanata 25, na bahagi ng hula ni Jesus tungkol sa mga huling araw. Ang Mateo 25:31, 32 ay kumakapit sa panahon natin: “Pagdating ng Anak ng tao na nasa kaniyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng anghel, kung magkagayo’y luluklok siya sa kaniyang maluwalhating trono [sa langit]. At titipunin sa harap niya ang lahat ng bansa, at ang mga tao’y pagbubukdin-bukdin niya gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at mga kambing.” Ngayon tumanaw ka sa dakong sinabi ni Jesus na makikitaan ng resulta ng kaniyang ginagawang pagbubukud-bukod, o paghuhukom. Sinasabi ng Mat 25 talatang 46: “At ang mga ito [mga taong kaniyang hinahatulan na mistulang mga kambing] ay magtutungo sa walang-hanggang pagkalipol, ngunit ang mga matuwid [ang mga tupa] ay sa walang-hanggang buhay.”
18. Sa ano hahantong ang paghuhukom sa panahon natin?
18 Tayo kung gayon ay nabubuhay sa isang maselang na panahon ng paghuhukom. Yaong mga ‘humahanap sa Diyos at talagang nakasusumpong sa kaniya’ sa ngayon ay hahatulan bilang mga “tupa” na nakahanay makaligtas nang buháy sa katapusan ng kasalukuyang sistema at pumasok sa bagong sanlibutan na kasunod. Pagkatapos ay matutupad ang 2 Pedro 3:13: “Mga bagong langit at isang bagong lupa ang hinihintay natin ayon sa kaniyang pangako, at sa mga ito’y tatahan ang katuwiran.” Iyan ang “araw” na ang mga salita ni Pablo sa Gawa 17:31 ay lubusang matutupad, ang panahon na ang lupa’y hahatulan ayon sa katuwiran.
19, 20. Sino ang mga maaapektuhan ng darating na Araw ng Paghuhukom?
19 Ang Araw ng Paghuhukom na iyon ay sasakop hindi lamang sa makaliligtas na “mga tupa,” na sa panahong iyon ay nahatulan na bilang karapat-dapat na makapasok sa bagong sanlibutan. Alalahanin na pagkatapos sabihing ipinagkaloob sa kaniya ng kaniyang Ama ang paghatol, binanggit ni Jesus ang tungkol sa isang pagkabuhay-muli. At, sa Gawa 10:42, sinabi ni apostol Pedro na si Jesu-Kristo “ang Isa na itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at ng mga patay.”
20 Kung gayon, ang ‘takdang araw’ na iyon na binanggit sa Gawa 17:31 kung kailan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ay ‘huhukuman [ng Diyos] ang tinatahanang lupa sa katuwiran’ ay magiging isang panahon ng pagbuhay sa mga patay. Anong laking kagalakang makita na ang kapangyarihan buhat sa Diyos ay ginagamit upang daigin ang kamatayan, anupat ang pagdaranas nito ang kadalasa’y siyang pinakamalaking kapinsalaan na dulot ng kawalang-katarungan. May mga tao, tulad ni Jesus mismo, na walang-katuwirang pinatay ng mga pamahalaan o ng lumulusob na mga hukbo. Ang iba naman ay nawalan ng kanilang buhay dahil sa di-inaasahang mga pangyayari tulad halimbawa ng mga buhawi, lindol, di-sinasadyang mga sunog, at iba pang mga kalamidad na katulad niyan.—Eclesiastes 9:11.
Nalunasan ang Nakaraang mga Kaapihan
21. Paano lulunasan sa bagong sanlibutan ang nakaraang mga kaapihan?
21 Gunigunihin na makikita mo ang iyong mga mahal sa buhay na binuhay mag-uli! Marami sa gayon ang magkakaroon ng kanilang unang pagkakataon na ‘hanapin ang Diyos at talagang masumpungan siya’ at sa ganoo’y mapapaharap sila sa pagkakataong magkamit ng “walang-hanggang buhay” na gantimpala sa mga “tupa.” Ang ibang mga bubuhaying-muli, pati na rin ang mga makaliligtas nang buháy sa walang-katarungang sistemang ito, ay malinaw na naging biktima ng mga pang-aapi tulad baga ng mga kapansanan sapol sa pagsilang, ng pagkabulag, pagkabingi, o mga depekto sa pagsasalita. Ang ganiyan bang mga bagay ay makikita pa sa isang ‘bagong lupa na tinatahanan ng katuwiran’? Ginamit ni Jehova si Isaias upang magsalita ng iba’t ibang hula na nagkakaroon ng dakilang literal na katuparan sa darating na Araw ng Paghuhukom. Pansinin ang ating maaasahan: “Kung magkagayo’y madidilat ang mga mata ng bulag, at ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan. Kung magkagayo’y lulukso ang pilay na parang usa, at ang dila ng pipi ay aawit sa kagalakan.”—Isaias 35:5, 6.
22. Bakit ang Isaias kabanatang 65 ay lubhang nakapagpapatibay-loob tungkol sa katarungan?
22 Kumusta naman ang mga iba pang kaapihan na ngayo’y sanhi ng maraming paghihirap? Ang Isaias kabanata 65 ay mayroong ilang nakalulugod at nagpapatibay-loob na mga kasagutan. Kung ihahambing ang Isaias 65:17 sa 2 Pedro 3:13 makikita na ang kabanatang ito ay tumutukoy din sa panahon ng “bagong langit at isang bagong lupa,” isang matuwid na bagong sistema. Gayumpaman, ano ba ang hahadlang sa mga ilang balakyot sa pagsira ng kapayapaan at ng katarungan? Sa may gawi pa roon, ng Isaias 65 ay nililiwanag ang isang bagay na baka waring isang problema.
23. Para sa isa’t isa ang Araw ng Paghuhukom ay magkakaroon ng anong posibleng resulta?
23 Sa panahon ng nagpapatuloy na Araw ng Paghuhukom na ito, si Jesus ay nagpapatuloy sa kaniyang gawaing paghatol sa isa’t isa, kung baga sila’y makapagiging kuwalipikado para sa buhay na walang-hanggan. Ang iba’y hindi magiging kuwalipikado. Pagkatapos na bigyan ng sapat na panahon, baka hanggang sa “isang daang taon,” ng paghanap sa Diyos, ipakikita ng iba na sila’y tumatangging sumunod sa katuwiran. Makatuwiran naman na sila’y bawian ng buhay sa bagong sanlibutang ito, gaya ng makikita natin sa Isaias 65:20: “Ang makasalanan, bagaman isang daan taóng gulang ay susumpain.” Ang gayong mga tao na hahatulang di-karapat-dapat sa buhay ay kakaunti lamang. Tayo’y may lahat ng dahilan na umasa na tayo—at ang karamihan ng mga iba pa—ay magagalak na matuto at magkapit ng mga simulain ng katuwiran.—Isaias 26:9.
24. Paano lulunasan ang kaapihang pangkabuhayan?
24 Ibig bang sabihin niyan na doo’y wala nang magaganap na mga pang-aapi, maging mga kaapihang pangkabuhayan? Tama! Ang Isaias 65:21-23 ang nagpapatunay niyan: “Sila nga’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan; sila nga’y mag-uubasan at magsisikain ng bunga niyaon. Sila’y hindi magtatayo at iba ang tatahan; sila’y hindi magtatanim at iba ang kakain. Sapagkat kung paanong ang mga kaarawan ng punungkahoy ay magiging gayon ang mga kaarawan ng aking bayan; at ang aking pinili ay makikinabang na lubusan sa gawa ng kanilang sariling mga kamay. Sila’y hindi gagawa ng walang kabuluhan, o ipanganganak man para sa kasakunaan; sapagkat sila ang lahi ng mga pinagpala ni Jehova, at ang kanilang anak na kasama nila.” Anong laking pagkakaiba kaysa ngayon! Anong laking pagpapala!
25. Ano ba ang iyong pag-asa at determinasyon tungkol sa katarungan buhat sa inilagay ng Diyos na Hukom?
25 Kung gayon, lahat ng naghahangad ng walang-hanggang katarungan ay maaaring magpakatibay-loob. Ito’y tiyak na darating—hindi na magtatagal. Ngayon, sa loob ng maikling panahong natitira sa panahong ito ng paghuhukom, ngayon na ang panahon na dapat makisama kayo sa mga Saksi ni Jehova sa paghahanap sa Diyos at tunay na matatagpuan ninyo siya, taglay ang walang-hanggang mga kapakinabangan.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Anong patotoo mayroon tayo tungkol sa pamantayan ng Diyos ng katarungan?
◻ Paano mapapasangkot si Jesus sa darating na Araw ng Paghuhukom?
◻ Bakit ito ay isang maselang na panahon kung tungkol sa paghuhukom ng Diyos?
◻ Paano itutuwid sa bagong sanlibutan ang nakalipas na kaapihan?
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.