CENCREA
Iniulat ng Gawa 18:18 na nagpagupit ng buhok si Pablo sa Cencrea dahil gumawa siya ng panata, at maliwanag na pagkatapos ay naglayag siya mula sa Cencrea patungong Efeso kasama sina Priscila at Aquila (noong mga 52 C.E.). Nang sumulat siya sa Roma pagkaraan ng mga apat na taon, tinukoy ng apostol ang “kongregasyon na nasa Cencrea.” Samantala, maaaring si Febe na tagalunsod ng Cencrea ang nagdala ng liham ni Pablo sa mga taga-Roma.—Ro 16:1, 2.
Ang Cencrea ay nasa isang makitid na ismong katapat ng Gulpong Saronic at mga 11 km (7 mi) sa S ng Corinto. Pinag-uugnay ng sunud-sunod na mga kutang pangmilitar ang Cencrea at ang Corinto. Ang Cencrea ay nagsilbing daungan ng Corinto para sa mga dakong nasa S ng Gresya, samantalang ang Lechaeum naman, sa kabilang panig ng ismo, ang nagsilbing daungan ng Corinto para sa Italya at sa kanluran. Sa ngayon, matatagpuan sa lugar na ito ang mga guho ng mga gusali at mga pangharang sa alon malapit sa kasalukuyang nayon ng Kechriais.